Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 11/1 p. 4-7
  • Ang Tunay na Relihiyon ay Pumapawi ng Takot—Paano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Tunay na Relihiyon ay Pumapawi ng Takot—Paano?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ugat at mga Sanga ng Pamahiin
  • Ang Takot sa mga Patay​—Nakasalig sa Ano?
  • Ang Kaluluwa Sang-ayon sa Bibliya
  • Takot na Nakasalig sa Pandaraya
  • ‘Magpasakop Kayo sa Diyos’​—Ikaw ba’y Nagpapasakop?
  • Ang Relihiyon at ang Pamahiin—Magkaibigan ba o Magkaaway?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Kasuwato ba ng mga Turo ng Bibliya ang Pamahiin?
    Gumising!—2008
  • Mga Pamahiin—Bakit Namamalagi?
    Gumising!—1999
  • Kinokontrol ba ng mga Pamahiin ang Iyong Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 11/1 p. 4-7

Ang Tunay na Relihiyon ay Pumapawi ng Takot​—Paano?

ANG Britanong mga awtor na sina Edwin at Mona Radford ay takang-taka. Pagkatapos na makaipon ng mahigit na dalawang libong mga pamahiin, nasumpungan nila ang ganoon ding mapamahiing mga pagkatakot sa Scotland, India, at Uganda, at sa Sentral Amerika rin naman. Sila’y namamanghang nagtanong, ‘Ano kaya ang makapagpapaliwanag nito?’ Ang manunulat na si Robertson Davies ay tama sa kaniyang napuna: “Ang pamahiin ay waring may kaugnayan sa kalipunan ng mga paniwala na umiral bago pa nagkaroon ng mga relihiyon na kilala natin.” Kung gayon, anong “kalipunan ng paniwala” bago nang panahong Kristiyano ang pinaka-ugat ng pamahiin?

Ang Ugat at mga Sanga ng Pamahiin

Tinutukoy ng Bibliya ang lupain ng Shinar (ang lugar na nasa pagitan ng mga ilog Tigris at Eufrates, tinawag na Babilonya nang bandang huli) bilang lugar na sinilangan ng walang katotohanang mga kuru-kurong relihiyoso kasali na ang mga pamahiin. Doon, “isang makapangyarihang mangangaso” na nagngangalang Nimrod ang nagsimula ng pagtatayo ng buktot na Tore ng Babel. Iyon ay inilaang gamitin sa huwad na pagsamba. Gayunman, binigo ng Diyos na Jehova ang mga plano ng mga tagapagtayo nang guluhin niya ang kanilang wika. Unti-unti, napahinto ang pagtatayo, at sila ay nangalat. (Genesis 10:8-10; 11:2-9) Subalit saanman sila manirahan, dala-dala nila ang ganoon ding mga paniwala, ideya, at mga alamat. Gayunman, ang Babel ay nanatiling isang sentro ng huwad na relihiyon, sa paglakad ng panahon ay lumawak ang kaniyang ginagampanang papel bilang ina at sisiwa ng madyik, panggagaway, at mapamahiing mga paniwala, tulad baga ng astrolohiya. (Ihambing ang Isaias 47:12, 13; Daniel 2:27; 4:7.) Sa gayon, ang aklat na Great Cities of the Ancient World ay nagsasabi: “Ang astrolohiya ay salig sa dalawang Babilonikong ideya: ang zodiac, at ang pagiging dibino ng makalangit na mga paglalang. . . . Ang mga impluwensiya na maasahan ng isa tungkol sa kani-kanilang mga diyus-diyosan ay ibinigay ng mga taga-Babilonya ang kredito sa mga planeta.”

Paano tayo naapektuhan ng sinaunang mga pangyayaring ito? Sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay ipinakikita na isang pambuong-daigdig, na sistema ng huwad na relihiyon ang nabuo buhat sa mga ideya ng sinaunang Babilonya. Ito’y umiiral hanggang sa ating kaarawan at tinatawag na “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:5) Sabihin pa, ang orihinal na Babilonikong mga ideyang iyon ay naimpluwensiyahan ng lumipas na panahon at ng lokal na mga pangyayari. Ang malawak na pagkakaiba-iba ng relihiyon na nakikita sa ngayon ang resulta. Subalit kung paanong ang iba’t ibang mga punungkahoy ay kadalasang tumutubo sa iisang lupa, gayundin na ang iba’t ibang mga relihiyon at mga pamahiin sa buong daigdig ay nag-uugat sa iisang lupa​—ang Babilonya. Bilang halimbawa, tingnan natin kung paanong ang isa sa mga pamahiin ng Babilonya ay nakasingit sa halos lahat ng mga relihiyon ng daigdig sa ngayon.

Ang Takot sa mga Patay​—Nakasalig sa Ano?

Ang mga taga-Babilonya ay naniniwala na ang isang espirituwal na bahagi ng tao ay nananatiling buháy pagkamatay ng katawang laman at makababalik upang makaapekto sa mga buháy sa ikabubuti man o sa ikasasamâ. Kaya’t sila’y umimbento ng mga ritwal ng relihiyon na nilayon na payapain ang mga patay at maiwasan ang kanilang paghihiganti. Ang paniwalang ito ay buháy pa rin sa maraming lupain sa ngayon. Halimbawa, sa Aprika, ito’y “gumaganap ng mahalagang bahagi sa araw-araw na pamumuhay ng halos bawat . . . lipunan.”​—African Religions​—Symbol, Ritual, and Community.

Maging ang nag-aangking mga Kristiyano sa gayong mga lupain ay apektado. Halimbawa, si Henriette, isang babaing 63-anyos na mga Aprikano ang ninuno, ay nagsasabi: “Bagaman ako’y isang aktibong miyembro ng lokal na simbahang Protestante, natatakot ako sa ‘mga espiritu’ ng mga namatay. Ang aming bahay ay malapit sa sementeryo, at kailanma’t may daraang libing, ginigising ko ang aking anak at niyayakap nang mahigpit hanggang sa makalampas ang libing. Sapagkat kung hindi, ang ‘espiritu’ ng namatay ay papasok sa aking bahay at papasukan niya ang batang natutulog.”

Ang gayong pamahiin ay umiiral dahilan sa ang turo na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay nananaig sa Sangkakristiyanuhan. Ipinakikita ng kasaysayan na ang mga pilosopong Griego​—lalo na si Plato​—​ang nagpalawak ng Babilonikong ideya ng kawalang-kamatayan. Sa ilalim ng kanilang impluwensiya, sang-ayon sa isinulat ni John Dunnett, isang Britanong senior lektyurer sa teolohiya, “ang paniwala tungkol sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa ay nanaig sa Iglesya Kristiyana.” Dahil sa turong Babilonikong ito ay angaw-angaw ang alipin ng mapamahiing takot.

Datapuwat, ang tunay na relihiyon ang pumapawi sa gayong takot. Bakit? Sapagkat ang tunay na relihiyon ay hindi nakasalig sa mga paniwalang nag-uugat sa Babilonya kundi sa mga turo na nasa Bibliya.

Ang Kaluluwa Sang-ayon sa Bibliya

Sinasabi sa atin ng unang aklat ng Bibliya na ang tao ay naging isang kaluluwa, isang taong nabubuhay. (Genesis 2:7) Kaya pagka namatay ang isang tao, namamatay ang kaluluwa. Pinatutunayan pa ito ni propeta Ezekiel: “Ang kaluluwa na nagkakasala​—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4; Roma 3:23) Ang kaluluwa ay may kamatayan at hindi patuloy na nabubuhay pagkamatay ng isang tao. Sa halip, gaya ng sinasabi ng Awit 146:4: “Ang espiritu niya’y pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw na iyon ay napapawi ang kaniyang kaisipan.” Sa gayon, ang lektyurer na si John Dunnett ay nagsabi sa wakas, ang pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa “ay nananatiling isang paniwala na wala sa Bibliya.”

Kung walang kaluluwang walang-kamatayan, hindi maaaring magkaroon ng “mga espiritu” ng mga namatay upang manakot sa mga tao sa lupa. Sa gayo’y gumuguho ang pundasyon ng mapamahiing takot sa mga patay.

Takot na Nakasalig sa Pandaraya

Ang mapamahiing takot sa mga patay ay mahirap maalis. Bakit? Sapagkat talagang may nangyayaring mga bagay na kakila-kilabot​—tulad ng pangyayari isang gabi nang isang babaing may edad-edad na sa Suriname ang nakaulinig ng isang tinig na tumatawag sa kaniyang pangalan. Hindi niya pinansin iyon, subalit may di-nakikitang “mga kamay” ang humipo sa kaniya, at nang siya’y tumangging pahipo, halos sinakal siya ng isang di-nakikitang lakas. Marahil ay itatanong mo, ‘Kung ang “mga espiritu” ng mga patay ay hindi buháy, sino ang may kagagawan ng pangyayaring iyon?’ Muli na naman, ang kaalaman sa Bibliya ang pumapawi sa mapamahiing takot.

Ipinaliliwanag nito na may mga hukbo ng masasamang espiritu, na tinatawag na mga demonyo. Subalit, ang mga demonyong iyon ay hindi mga kaluluwa ng mga namatay. Sila’y mga anghel ng Diyos na naghimagsik at pumanig kay Satanas, “na dumadaya sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9; Santiago 2:19; Efeso 6:12; 2 Pedro 2:4) Ipinakikita ng Bibliya na natutuwa ang mga demonyo na ang mga tao’y iligaw, takutin, at ligaligin. Ang ulat sa Lucas 9:37-43 ay nagsasabi kung paanong inalihan ng isang demonyo ang isang batang lalaki “hanggang sa magbula ang bibig” at siya’y nilamog hanggang sa magkapasa-pasa ang katawan. Kahit nang dalhin kay Jesus ang bata, “siya’y ibinuwal sa lupa ng demonyo at pinapangatal na mainam. Subalit,” ang ulat ay nagpapatuloy, “pinagwikaan ni Jesus ang karumal-dumal na espiritu at pinagaling ang bata at isinauli siya sa kaniyang ama.”

Kapuna-puna, sang-ayon sa Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature ang ibig sabihin ng pamahiin ay “ang pagsamba sa mga diyus-diyosan.” Samakatuwid, kung ikaw ay gumagawa ng gayong mga pamahiin, ang “mga diyus-diyosan,” o ang mga demonyo ay iyong pinapayapa, bagaman marahil ay hindi mo namamalayan iyon! Ang gayong huwad na pagsamba ay isang malubhang pagkakasala sa Diyos na Jehova.​—Ihambing ang 1 Corinto 10:20 at Deuteronomio 18:10-12.a

‘Magpasakop Kayo sa Diyos’​—Ikaw ba’y Nagpapasakop?

Magkakalakas-loob ka kaya na talikdan ang mga demonyong iyon sa pamamagitan ng pagtanggi sa pamahiin? Totoo, ang mga demonyo ay malalakas. Subalit pagkatapos ipakita na kailangang pumili tayo kung kay Jehovang Diyos o dili kaya sa mga demonyo tayo maglilingkod, si apostol Pablo ay nagtanong: “Tayo baga’y lalong malakas kaysa [kay Jehova]?” (1 Corinto 10:21, 22) Hindi, tayo’y hindi lalong malakas​—subalit tandaan, hindi rin naman lalong malakas si Satanas at ang kaniyang mga demonyo! Sa halip, ang mga demonyong iyon ay “nagsisipanginig” dahil sa takot kay Jehova. (Santiago 2:19) Subalit ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nag-aalok sa iyo ng kaniyang proteksiyon kung hihingin mo ito. Sinasabi pa ng manunulat ng Bibliya na si Santiago: “Magpasakop kayo, kung gayon, sa Diyos; subalit sumalansang kayo sa Diyablo, at siya’y tatakas buhat sa inyo.” (Santiago 4:7) Ang iyong mapamahiing takot ay tatakas din naman.

Libu-libo sa buong globo na dati’y namumuhay na may takot at nasa pagkaalipin sa mga mapamahiing kaugalian ay makapagpapatunay ngayon sa bagay na iyan. Ang Diyablo’y tumakas buhat sa kanila! Sa paano? Tandaan, ang kaaway ng mapamahiing takot ay kaalaman. Ang sabi ni Propesor Rudolph Brasch, isang eksperto sa pinagmulan ng mga pamahiin: “Kailangan lang ang edukasyon​—mientras nagiging edukado ang mga tao, sila’y nagiging lalong di-mapamahiin.”

Sa gayon, nang si Henriette, na binanggit na, ay tumanggap ng paanyaya ng mga Saksi ni Jehova na magsimula ng isang libreng pag-aaral ng Bibliya, hindi nagtagal at nakita niya ang makademonyong panlilinlang. Naluwagan siya buhat sa pagkagapos sa mga galamay ng pamahiin. Siya, at ang libu-libo pang kagaya niya, ay nakaranas ng katotohanan ng mga salita sa Hebreo 2:15. Doon, sinasabi ni apostol Pablo na si Jesus ang “magpapalaya sa mga taong sa buong buhay nila ay alipin dahil sa kanilang takot sa kamatayan.” (New International Version) Kung paanong dahil sa pang-umagang sikat ng araw sa tropiko ay natutuyo ang makapal na hamog ng palanas na kagubatan, ang liwanag naman ng katotohanan ng Bibliya ang pumapawi sa lahat ng mapamahiing takot.

Sa ngayon, marami nang dating ‘matatakuting mga alipin’ ang nag-alis na ng mga anting-anting na nakakuwintas sa kanilang mga leeg at ng nagsasanggalang na mga pisi sa kanilang anak. Ngayon ang nadarama nila ay gaya ng nadama ni Isaac, isang 68-anyos na dating doktor-kulam sa Timog Aprika. Pagkatapos makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, siya’y nagsabi: “Ako’y maligayang-maligaya at malaya na sapagkat hindi na ako pinabibigatan ng takot sa mga espiritu.” Anong pagkatotoo nga ng mga salita ni Jesus: “Inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo”!​—Juan 8:32.

Oo, ang tunay na relihiyon ay pumapawi ng takot!

[Talababa]

a Sa mga ilang salin ng Bibliya (halimbawa, ang King James Version, Douay, The Comprehensive Bible) ay ginagamit ang salitang “pamahiin” sa Gawa 25:19 bilang salin ng salitang Griego na dei·si·dai·mo·niʹas, na ang ibig sabihin “pagkatakot sa mga demonyo.” Tingnan din ang talababa ng New World Translation Reference Bible.

[Larawan sa pahina 5]

Ang mga pamahiin ay lumaganap sa buong daigdig buhat sa bukal nito sa Babilonya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share