Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Malugod na Tinanggap ng Guinea ang mga Kombensiyunista ng “Banal na Kapayapaan”
NASAKSIHAN sa unang apat na araw ng 1987 ang unang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa Republika ng Guinea, Kanlurang Aprika. Bagaman ang Guinea ay isang bansang Muslim ang kalakhang bahagi na kung saan hindi pa opisyal na kinikilala ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, ang mga Saksi roon ay nakilala bilang mga taong mabubuti, mababait, mapayapa. Dahilan sa ganitong pagkakilala sa kanila kung kaya binuksan ng pamahalaan ang pinto upang tanggapin ang mga kombensiyunista ng “Banal na Kapayapaan.”
Kabilang sa mga delegado ang siyam na misyonero na naglakbay buhat sa Freetown, Sierra Leone, sakay ng isang van at dalawang motorsiklo. Sa hangganan, sila’y tumawid sa isang ilog sakay ng tatlong canoe na nilatagan ng makakapal na tabla. Nang sila’y ligtas na makatawid kasama ang mga sasakyan, ang mga misyonero ay nagtanong: “Magkano po ba ang kailangan naming ibayad?” “Kayo’y mga Saksi ni Jehova,” ang tugon. “Walang bayad.”
Kumusta po naman ang tungkol sa adwana at sa imigrasyon? “Huwag na ninyong intindihin iyan,” ang sabi sa kanila. “Ayos na ang lahat. Basta isuot na lamang ninyo ang inyong mga tarhetang pagkakakilanlan sa inyo.” Daan-daang mga iba pang delegado ang mayroon ding ganiyang mga karanasan. Hindi lamang nagpahintulot ang gobyerno ng Guinea ng malayang paglalakbay sa pagtawid sa ilog na naghihiwalay sa Guinea buhat sa Sierra Leone at Liberia; ang mga pormalidad sa adwana at sa imigrasyon ay kanilang inalis na para sa kaninuman na nakasuot ng isang pagkakakilanlang tarheta sa “Banal na Kapayapaan”! Isang tagapangasiwa ng sirkito, na galing sa Liberia, ang nagsabi: “Ang pagkakakilanlang tarheta ay mas mainam pa kaysa isang pasaporte.”
Ang pamahalaan ng Guinea ay matulungin din sa mga ibang paraan. Sila’y naglaan ng isang behikulo na masasakyan ng mga Saksi buhat sa kabisera, ang Conakry, hanggang sa pinagkukombensiyunang siyudad ng Guéckédou, mahigit na 640 kilometro ang layo. Kanilang pinahintulutan ang pagbili ng gasolina para sa mga behikulo na galing sa Freetown. Kanilang iniutos na ireserba ang lahat ng mga kuwarto ng otel na pinakamalapit sa lugar ng kombensiyon upang matuluyan ng mga Saksi. Kanila ring pinahintulutan ang paggamit ng city hall para sa kombensiyon, nang libre.
Ang gobernador ng purok, na siyang pinakamataas na opisyal sa panig na iyon ng bansa, ay tumanggap ng 11 delegado sa kaniyang sariling tahanan. Isa rin siya sa 1,132 na nakinig sa pahayag pangmadla noong Linggo.
Hindi kalilimutan ng Diyos na Jehova ang gayong kabaitan na ipinakita sa kaniyang mga lingkod.—Mateo 10:42; 25:40.