Ang Paggagamot Batay sa Pananampalataya—Ano ba ang Pang-akit Nito?
Sa simbahan ay naghuhumugong ang tunog ng gitara, trumpeta, tambol, pandereta, at nagsasalpukang mga simbalo. Mga lalaki, babae, at mga bata ang nagsasayawan at nag-aawitan sa gitna ng isang di-kawasang pagkakatuwaan na may kaguluhan. Ang kapaligiran ay nasa ayos para pasimulan ang mga pagpapagaling.
Ang faith healer, na nakadamit ng mahabang puting kasuotan, ay nagsisimula ng sesyon sa pamamagitan ng pagpapatong ng kaniyang mga kamay sa isang lalaking lumpo na kung lumakad ay pagapang. Pagkatapos, isang lalaking bulag na nakasalamin ng de-kolor para matakpan ang kaniyang mga matang bulag. “Isang himala!” ang sigawan ng mga nagmamasid nang magsimula nang makalakad ang lumpo at ang bulag naman ay nagsimula nang makakita . . .
MGA tanawin na katulad nito ang karaniwan sa maraming mga simbahan sa Aprika na kung saan uso ang paggagamot batay sa pananampalataya. Oo, ang mga faith healer ay maraming mga tagasunod sa Aprika at sa mga iba pang bansa dahilan sa kanilang pag-aangkin na naaari nilang malutas ang lahat ng uri ng problema sa pamamagitan ng panalangin at pananampalataya sa Diyos. Mayroong iba na lumalapit sa mga faith healer dahil sa kanilang mga suliranin sa pananalapi. At yamang sa lipunang Aprikano ang pagkabaog ay kalimitan nang kasiraan, ang iba ay lumalapit sa mga faith healer sa pag-asang malulunasan ang kanilang pagkabaog.
Subalit, ang mga suliranin sa kalusugan ang higit sa anupaman pinakamarami sa mga inilalapit sa mga faith healer. Bagaman ang mga gamot ay mistulang bumabaha sa pamilihan sa buong daigdig at kapuri-puring mga pagsisikap ang ginagawa ng mga mediko upang malunasan ang sakit, malayo pa ang lalakbayin ng tao bago masusumpungan ang kasagutan sa problema ng sakit. Ang ibang mga biktima ng sakit ay gumugol ng maraming salapi sa paghahanap ng lunas, ngunit sila’y nabigo. Kung gayon, hindi nga kataka-taka na sa kawalang-pag-asa, marami ang kumukunsulta sa mga faith healer!
Inaakala ng iba na umubra naman para sa kanila ang paggagamot batay sa pananampalataya at hindi nila inaakalang salungat ito sa pagka-Kristiyano. Siyanga pala, yamang ang mga nagpapagaling sa pamamagitan ng ganitong paraan ay kalimitang nag-aangkin na sila’y gumagawa sa pangalan ni Jesus, karaniwan na ang kanilang mga tagasunod ay mga miyembro ng kapuwa isang usong relihiyon at ng isang simbahan na nagsasagawa ng paggagamot batay sa pananampalataya. Subalit ang isang tunay na sumasamba kaya sa Diyos ay angkop na magpagamot sa isang faith healer? (Juan 4:23) At ang mga pagpapagaling kaya na ginagawa ng isang faith healer ay talagang gawa ng Diyos?