Graduwasyon ng Ika-83 Klase ng Gilead Tunay na Isang Masayang Okasyon
“MAGPASALAMAT kayo kay Jehova, Oh kayong mga tao, sapagkat siya’y mabuti: sapagkat ang kaniyang maibiging-awa ay hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 136:1) Iyan ang taos-pusong nadama ng lahat ng 4,391 na nagsidalo sa graduwasyon ng ika-83 klase ng Watchtower Bible School of Gilead nang taglagas na ito. Ang mga pahayag, mga karanasan, at ang drama sa Bibliya na itinanghal sa palatuntunan ay nagbigay ng malaking kagalakan sa lahat hanggang sa kanilang pag-uuwian. Ang graduwasyon ay ginanap noong Setyembre 6, 1987, sa magandang Jersey City Assembly Hall, dating kilala sa tawag na Stanley Theater.
Pagkatapos ng pambungad na awit, at panalangin ni John Booth ng Lupong Tagapamahala, ang chairman, si Albert Schroeder, isa pa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay bumati at malugod na tinanggap ang lahat sa masayang okasyong ito. Ang 24 na mga estudyante ay galing sa limang bansa, at sila ngayon ay idinidestino sa walong iba’t ibang bansa. Itinampok ni Brother Schroeder ang pagtitiwala na taglay ng bayan ni Jehova sapagkat ang kanilang pananampalataya ay nakasalig sa kalubusan. Halimbawa, batid nila na si Jehova ang Pansansinukob na Soberano at na ang kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya, ay siyang lubos na katotohanan. Ito ang malaking ipinagkakaiba sa mga pilosopya ng tao na salig sa mga bagay na walang katiyakan at mga haka-haka.
Ang unang nagpahayag ay si Martin Poetzinger, isa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala, na gumugol ng siyam na taon sa mga Nazing kampong piitan. Ang kaniyang tema ay “Kanino ba Kayo Tumitiwala?” na salig sa Kawikaan 3:5, 6. Kaniyang idiniin sa mga estudyante ang pangangailangan ng lubusang pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang nakikitang organisasyon, at gayundin ng pagpapatunay na ang isa’y mapagkakatiwalaan bilang isang indibiduwal. Ang pagsasanay sa Gilead ng mga estudyante ay isa lamang pundasyon; ngayon ay kailangang magtayo pa sila sa ibabaw niyaon sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ni Pablo sa Efeso 5:15, 16. ‘Huwag kayong basta nakatayo lamang,’ ang payo ng tagapagpahayag. ‘Sa inyong pagmimisyonero ay magkakaroon kayo ng mga problema tungkol sa wika, klima, pagkain, at iba pa; ngunit sa pagtitiwala kay Jehova, malulutas ninyo ang lahat ng mga problemang iyan. Ang pag-ibig sa mga tao ang inyong pinaka-susi para magtagumpay. Bawat pampatibay-loob ay galing sa Diyos; bawat pampahina-ng-loob ay galing naman kay Satanas.’
Ang sumunod na nagpahayag ay si Eldor Timm, isang miyembro ng Factory Committee, na ang pahayag ay ibinatay sa 2 Corinto 13:5: “Patuloy na subukin kung kayo nga ba ay nasa pananampalataya.” Ang mga estudyante ay nakatapos na ng mga nasusulat na pagsubok, aniya, subalit patuloy na mapapaharap sila sa marami pang mga ibang pagsubok sa kanilang pagmimisyonero. Ang paraan ng pagharap nila sa mga pagsubok na ito ang magiging batayan ng kanilang tagumpay bilang mga misyonero. Kailangang mag-ingat sila laban sa labis na pagtitiwala sa sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa payo: “Siyang nag-aakalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka siya mabuwal.” (1 Corinto 10:12) Sila’y patuloy na gagawa ng pagsulong kung sila’y mananatiling may mabuting saloobin ng isip.
Bilang miyembro ng Service Department Committee, si Joel Adams, ang sumunod naman. Siya’y nagpahayag sa paksang: “Mag-isip na Katulad ni Jesus, Magpakita ng Personal na Interes sa Iba.” Anong inam na halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa bagay na ito! Ang kaniyang halimbawa ng kawalang pag-iimbot at kababaang-loob ay itinatampok para sa atin sa Filipos 2:3-5. Kung ang iba’y nagsisilbing isang pagsubok sa atin dahilan sa kanilang mga kahinaan o kawalan ng taktika, tayo’y magparaya na at magpakita ng kabaitan sa kanila. Sa panahon ng pag-aaral sa Gilead School, marami ang nagpakita na sila’y interesado sa mga estudyante; ngayon ay nasa kanila na ang ganoon din ang gawin kung tungkol sa pakikitungo sa iba. Ang pinakamatagumpay na mga misyonero ay yaong nagpapakita ng interes sa mga kustumbre ng iba, sa kanilang wika, mga pangangailangan, at iba pa.
Pagkatapos, ang mga estudyante ay pinatibay-loob ng isa na naging isang misyonero ng maraming taon, si Lloyd Barry, isa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala. Siya’y nagpahayag sa temang “Umawit kay Jehova,” na batay sa Awit 96:1. Ang mga lingkod ni Jehova ay mahilig sa pag-awit. Ang pag-awit ay kalakip ng kagalakan, kaya pinatibay-loob niya ang mga estudyante na kailanma’y huwag mawalan ng kagalakan ng pagdadala sa iba ng katotohanan. ‘Kung kinakailangan na matuto kayo ng isang bagong wika,’ ang payo niya, ‘sa pasimula pa lamang ay ilagak na ninyo roon ang inyong puso. Sisikapin ng Diyablo na sirain ang loob ninyo, ipadarama sa inyo na gusto na ninyong bumalik sa inyong sariling bayan, sisirain ang inyong pagkakaisa. Kailanma’y huwag ninyong bigyan-daan siya kahit katiting!’ Tinukoy ni Brother Barry ang “dekano ng mga misyonero,” si Edwin Skinner, na nanatili sa kaniyang atas-misyonero sa India nang may 60 taon, at ngayon sa edad na 93 ay nagtatrabaho pa rin nang maghapon. Ayon kay Brother Skinner, ang lihim ng tagumpay bilang isang misyonero ay binubuo ng apat na salita: “Ang kababaang-loob ay mahalaga!”
Pagkatapos ng mga pahayag na ito, bumasa ang chairman ng mga ilang telegrama na bumabati sa mga estudyante at nagbibigay ng maligayang pagtanggap sa kanila. Tumanggap ng mga mensahe buhat sa Bolivia, Canada, Ecuador, Honduras, Espanya, Sweden, at Trinidad.
Si Jack Redford, isa sa mga instruktor ng Gilead School, ay nagpahayag sa paksang “Magpatuloy na Maging Kaibigan ni Jehova.” Pinasimulan niya ito sa pagbanggit na maraming komersiyal na mga institusyon na nag-aalok ng pagsasanay upang ang isa’y magtamo ng tagumpay sa negosyo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga kaibigan at pag-impluwensiya sa mga tao. Ang mga estudyante, bilang mga misyonero sa hinaharap, ay tinuruan din naman kung paano magkakaroon ng mga kaibigan at makakaimpluwensiya sa mga tao, hindi para sa mapag-imbot na pakinabang, kundi, upang ang gayong mga tao ay maging mga kaibigan ng Diyos. ‘Ang buhay ninyo ay isang buhay ng pagsasakripisyo-sa-sarili,’ sabi ng nagpahayag. ‘Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad. Wala nang ibang hihigit pa na kasiyahan o kagalakan kaysa ang pagtatagumpay sa pagtulong sa mga tao na maging mga kaibigan ng Diyos. Ang pakikipagkaibigan sa Diyos ang pinakadakilang karangalan na maaaring kamtin ng sinumang nilalang. Sinasabi ng Santiago 2:23 na si Abraham ay naging kaibigan ni Jehova dahilan sa kaniyang pananampalataya sa Diyos. Siya’y naparoon sa isang lupaing banyaga at hindi na lumingon sa kaniyang pinanggalingan; kayo rin naman na mga misyonero ay hindi dapat lumingon, kundi, sa halip tumanaw kayo sa unahan sa mga pagpapalang kakamtin sa bagong sanlibutan ng Diyos.’
Si Ulysses Glass, isang instruktor sa Gilead at registrar ng paaralan, ay nagsalita ngayon tungkol sa paksang “Ang Katapusang Aral.” Kaniyang binanggit na natutuhan ng mga estudyante kung gaano kalawak at kaeksakto ang mga batas ni Jehova. Bilang halimbawa, kaniyang binanggit ang maraming detalye na may kinalaman sa mga hain na inihahandog kung Araw ng Katubusan at ang maraming mga hayop na kaugnay niyaon. (Levitico, kabanata 16) Kaniyang binigyan ng komendasyon ang mga estudyante dahil sa kanilang taimtim na pagpapahalaga at sinabi niya na sa Awit 145:7 ay mainam ang pagkalarawan tungkol sa kanilang saloobin: “Kanilang buong kasiglahang sasambitin ang alaala ng tungkol sa kasaganaan ng iyong kabutihan, at dahilan sa iyong katuwiran ay aawit sila nang buong kagalakan.” Sa kaniyang konklusyon, kaniya ring sinipi ang Kawikaan 3:5-7, na idiniriin ang kanilang pangangailangan na ‘magtiwala kay Jehova nang kanilang buong puso.’
Si Brother F. W. Franz, ang 94-anyos na presidente ng Gilead School at siya ring presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, ang nagbigay ng pangkatapusang pahayag sa umaga. Doon ay inilahad niya ang kasaysayan ng Samahan mula sa panahon ng unang presidente, si C. T. Russell, hanggang sa pagkatatag ng Gilead School. Ang kaniyang matindi at masiglang pagpapahayag ay lubhang pinahalagahan ng lahat. Pagkatapos ng kaniyang pahayag, ang 24 na mga estudyante ay tumanggap ng kani-kanilang diploma kasama ang mga ilang regalo, at pagkatapos isa sa mga estudyante ay bumasa ng isang magandang liham na nagpapahayag ng pasasalamat ng mga estudyante sa lahat ng tulong na kanilang tinanggap buhat sa Lupong Tagapamahala at gayundin sa pamilyang Bethel.
Pagkatapos ng isang intermisyon na humigit-kumulang dalawang oras, si Phil Wilcox, isang miyembro ng Watchtower Farms Committee, ay nanguna sa isang pinaikling pag-aaral sa nakaiskedyul na aralin sa Watchtower at ang mga araling katanungan ay sinagot ng mga estudyante. Iyan ay sinundan ng programa ng mga estudyante na kung saan itinanghal nila ang mga karanasan nila sa pagpapatotoo kung mga Miyerkules ng hapon sa New York City. Ito’y bahagi ng kanilang pagsasanay sa Gilead. Sila’y gumawa rin ng malinaw na pagtatanghal ng sarisaring mga problema na inaasahan nilang mapapaharap sa kanila pagdating nila sa kani-kanilang mga atas sa ibang bansa.
Bilang isang angkop na pagtatapos sa buong programa, ang mga estudyante ay nagtanghal ng isang kontodo-kasuotang drama sa Bibliya na may dalawang bahagi, at nagtatampok ng kaselangan ng panahong kinabubuhayan natin. Sa dramang ito ang ating kaarawan ay inihambing sa nakaraang mga panahon ng paghuhukom. Sa ganap na ika-4:15 n.h., sa pag-awit ng “Ang Paglago ng Teokrasya” at pagkatapos ng panalangin na pinangunahan ni Milton Henschel ng Lupong Tagapamahala, ang lubhang kasiya-siyang programang ito ay natapos.
[Larawan sa pahina 23]
Ang Ika-83 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hilera ay may numero mula sa harap palikod at ang mga pangalan ay nakatala mula kaliwa pakanan sa bawat hilera. (1) Melin, D.; Goode, M.; Ramos, M.; Chan, N.; Hermanson, A.; Dagostini, D. (2) David, E.; DiPaolo, A.; Neiman, D.; Shephard, J.; Foster, M.; Ramos, R. (3) Foster, W.; Melin, D.; Fristad, D.; Fristad, R.; White, L.; Dagostini, F. (4) Neiman, D.; Ness, S.; Shephard, D.; Goode, J.; White, K.; Hermanson, L.