Mga Anghel—Noong Nakaraan at Ngayon
“Kung Pasko sila’y ipinakikitang nasa anyong mga dekorasyon na ating ibinibitin sa mga [Christmas] tree, o nakikita sa mga Christmas card—mga ginintuang manyika na may magagandang mukha, tumutugtog ng alpa o ng organo sa simbahan o may dalang mga kandila. Sila’y may punggok na mga pakpak na tulad sa maliliit na mga ibon. Sa ibang pananalita, sila’y magaganda.”—The Sunday Denver Post.
“ANG mga anghel ay karaniwan nang hindi pinapansin sa mga paaralan ng teolohiya, hindi binibigyan ng halaga sa Sunday school at hindi man lamang binabanggit sa indise ng National Catechetical Directory, ang giyang aklat para sa Katolikong edukasyong relihiyoso sa Amerika.”
Ganiyan ang pahayag ni Charles W. Bell, editor ng relihiyon. Napansin niya na ang mga ilang teologo, lalo na yaong buhat sa mga pangunahing relihiyong Protestante, ay “asiwa at walang kasiguruhan kung tungkol sa mga anghel.” Sang-ayon sa obserbasyon ng New Catholic Encyclopedia sinasabi ng mga ilang modernong pantas na “dapat itakwil ang lahat ng paniniwala na mayroon ngang mga anghel.”
Hindi laging ganito ang pangyayari. Halimbawa, noong ika-13 siglo, ang mga iskolar na nag-aral ng angelology, isang sangay ng teolohiya na may kinalaman sa mga anghel, ay sinasabing naintriga dahilan sa mga kuru-kuro tungkol sa “kalikasan, katalinuhan, at kalooban” ng mga anghel. Sa loob ng maraming siglo, sa “mga anghel de la guardia” pa mandin ipinahahatid ang panalangin. Subalit, gaya ng binanggit na nga, nagbago na sapol noon ang mga pagkakilala.
Sang-ayon sa New Catholic Encyclopedia, “sa modernong kaisipan ang mga anghel . . . ay higit at higit na pinabababa hanggang sa ito’y mapabilang na lamang sa alamat, kuwentong engkantada, at guniguning pambata.” Oo, nang may kalagitnaan na ng ika-19 na siglo, sa kaisipan ng maraming tao ang mga anghel ay hindi na gaanong kaugnay ng relihiyon at iniugnay na lamang sa mga kaisipang romantiko na makasanlibutan. Sa ngayon, ang turing sa kanila ng higit na maraming tao ay guniguni; sa gayon, itinatatatuwa ng gayong mga tao ang pag-iral ng mga anghel.
Ang mga Anghel sa mga Ibang Relihiyon
Gayumpaman, mayroon pa ring dako ang mga anghel sa mga ibang relihiyon. Halimbawa, ang Iglesya Katolika Romana ay “nanghihimok sa mga may pananampalataya na umibig, gumalang, at manalangin sa mga anghel.” Sa katunayan, ang tatlo sa kanila na itinuturing ng Katolisismo na mga anghel—si Miguel, si Gabriel, at si Rafael—ay itinaas nito upang maging mga santo. Si Rafael ay doon lamang makikita sa Apokripang mga aklat at wala ito sa canon ng Bibliya.
Sa mga iglesyang Eastern Orthodox, ang mga anghel ay mahalaga sa litanya, isang anyo ng dasal na kung saan humihingi ng tulong o nakikiusap, at may hali-haliling pagtugon ang kongregasyon. Ang mga anghel ay may dako rin sa Islam, yamang ang paniwala sa mga anghel ay isa sa mga tuntunin ng pananampalataya sa teolohiya ng mga Muslim.
Gayumpaman, walang alinlangan na sa panahon natin ay umuurong ang paniniwala na may mga anghel nga.
Ikaw ba ay Naniniwala sa mga Anghel?
Tungkol sa paniniwala sa mga anghel, sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Unti-unti . . . sa panahon ng isang matagal na pag-unlad at pagdadalisay . . . sa pamamagitan ng haka-hakang pagpapaliwanag ng mga kaisipan na nasa Banal na Kasulatan, nabuo ang isang angelology na, taglay ang iba’t ibang antas ng katiyakan, ay naging doktrina ng Simbahan.” [Amin ang italiko.] Gaano katibay ang magiging paniniwala mo sa mga anghel kung batid mo na ang iyong pananampalataya ay nakasalig sa “haka-hakang pagpapaliwanag”?
Kapuna-puna, may mga pagkakaiba-iba ng kaisipan sa bagay na ito kahit na sa loob ng Iglesya Katolika. Tungkol sa kung kailan nilalang ang mga anghel, ang Enciclopedia de la Religión Católica ay nagsasabi: “Sa opinyon ng mga amang Griego, ang mga anghel ay nilalang bago nagkaroon ng nakikitang daigdigan, subalit ang pangkalahatang opinyon ng mga amang Latin ay na nilalang ang mga ito pagkatapos. Subalit, ang opinyon na tinatangkilik ng karamihan ay na ang mga ito’y nilalang na kasabay ng daigdig.” Ang ganiyang kawalang kasiguruhan ay lumilikha ng kalituhan sa isip ng mga tao at naiimpluwensiyahan sa nauusong kawalang paniniwala sa ngayon.
Isang pilosopong Judio, si Philo, ang nagsabi na ang mga anghel ay wala kundi “katunayan at kapangyarihan ng uniberso.” Sa loob ng maraming taon, ang mga teologo ay apektado tungkol sa walang saysay na mga isyu may kaugnayan sa kalikasan at mga katangian ng mga anghel, tulad baga ng walang kawawaang tanong na, Ilang mga anghel ang makatatayo sa dulo ng isang karayom? Kataka-taka ba kung maraming mga tao sa ating modernong panahon ang hindi maniwala sa mga anghel?
Dahilan sa lahat ng nagkakasalungatang mga paniniwalang ito, bakit hindi mo suriin kung ano ang sinasabi ng Bibliya mismo tungkol sa mga anghel? Ito’y tutulong sa atin na matamo ang matatag na mga kasagutan tungkol sa mga tanong na: Tunay ba ang mga anghel? Kung ganoon nga, sila ba’y nakialam na sa pamumuhay ng mga tao? At lalong mahalaga, apektado ba ng mga anghel ang buhay mo?