Ang mga Ebanghelisador ay Nag-aani sa Buong Daigdig
“Habang umiikli ang mga sandali hanggang sa Armagedon, minamadali ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang gawain upang matipon ang pinakamarami sa atin hangga’t maaari upang makaligtas sa kinatatakutang pagkalipol na iyan.”—Editoryal ni Ian Boyne sa “The Sunday Gleaner,” Marso 15, 1987, Kingston, Jamaica.
TAMA naman ang sinabi ng manunulat ng editoryal na sinipi sa itaas. Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang Armagedon, yaong panahon na lilipulin ng Diyos ang mga balakyot, ay malapit na at na ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang panahon ng paghuhukom ng Diyos. (Apocalipsis 14:6, 7) Samakatuwid kailangan na makinig ang mga tao sa mensahe ng mabuting balita. Si Jesu-Kristo, ang pinakadakilang taong ebanghelisador kailanman, ang nagsimula ng pagpapakilos sa isang organisasyon na nagsisilbing ebanghelisador “hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa” noong unang siglo. (Gawa 1:8, New English Bible; Colosas 1:23) Kaniyang inihula ang isang katulad na gawaing pag-eebanghelyo para sa ating kaarawan. (Mateo 24:14) Ang organisasyon na ngayo’y gumagawa niyan ay binubuo ng mga Saksi ni Jehova, na nangangaral nang may pagkaapurahan ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa 210 mga bansa at mga teritoryo.
Subalit, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang isang organisasyong nangangaral. Sila ay nagtuturo rin naman. Iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ibig naming ipakilala kayo sa mga ilang indibiduwal na nakinabang sa kanilang pangangaral at pagtuturo.
Mexico
Makipagkilala kayo kay Virginia. Siya’y 110 anyos at ibig niyang ipaalam sa inyo na “kailanma’y hindi pa napakahuli na matuto at maglingkod kay Jehova.” Nang siya’y nasa kabataan pa lamang, siya’y totoong masigasig sa kaniyang relihiyon kung kaya’t may apat na taon na siya’y nagsuot ng isang damit-pamamanata. “Ngunit mayroong kulang,” sabi niya. Noon ay hindi niya matagpuan ang kasiya-siyang mga sagot sa kaniyang mga katanungan sa Bibliya. Halimbawa, nang tanungin niya ang mga guro sa kaniyang relihiyon, “Ano ba ang pangalan ng Diyos?” sila’y nagsitugon, “Ang pangalan ng Diyos ay Diyos.”
Subalit ang mga bagay-bagay ay nabago noong 1983 nang ang kaniyang apong babae ay magsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ang apong ito ang nakasagot sa tanong ni Virginia nang sabihin na Jehova ang pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Ito ang gumanyak kay Virginia na siya’y aralan sa Bibliya ng mga Saksi. Makalipas ang dalawang taon, noong Hunyo 2, 1985, siya’y nabautismuhan sa edad na 108 anyos.
“Natatandaan ko ang petsang iyan nang may pagmamahal,” ang sabi niya, “sapagkat nang araw na iyan ay nagsimula akong mabuhay. Sa edad ko, ako’y nangangaral ng lima o anim na oras isang buwan at gumagamit ng tungkod para maging alalay ko sa paglalakad. Mas gusto ko ang maglakad kaysa sumakay sa kotse. Sa ganitong paraan ay nakapananatili akong may malusog na pangangatawan.”
India
“Ako’y dating isang basag-ulero sa aming lugar at isang taong bale-wala,” ang sabi ng isang lalaki na naging busabos sa maraming bisyo. “Ako’y nagpupuslit ng bawal na gamot, naglalaro ng mutka (sugal), at humihitit ng walang bayad na mga sigarilyo na nanggagaling sa aking mga kliyenteng kontrabandista. Nariyan din ang bisyo kong pag-inom ng alak—lahat ng ito ay ginagawa ko sa kabila ng aking pagiging isang aktibong miyembro ng simbahan.” Subalit nang isa sa mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa kaniyang tahanan at siya’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya at ikapit ang payo niyaon, nabago ang kaniyang buhay. (Kawikaan 2:1-22; 2 Timoteo 3:16) Ngayon siya, ang kaniyang maybahay, at ang dalawang anak na babae ay nagsisitulong sa mga iba na makaalpas sa gayong mga bisyo.
Belgium
Isang kabataang mag-asawa ang ganiyan na lamang ang galit sa Diyos. Bakit? Ang kanilang unang anak, isang babae, ay namatay sampung araw pagkatapos na ito’y isilang. Ang kanilang pangalawang anak ay isinilang na isang lumpo. At ang kanilang pangatlo, na sa tingin ay malakas at malusog, ang sa di-inaasaha’y namatay pagkaraan ng limang buwan. Ang ina ay hindi makapaniwala na ang isang maibiging Diyos ay magpapahintulot sa gayong mga kasawian na mangyari sa kanila gayong napakaraming tao na magulo ang pamumuhay ang may malulusog na mga anak.
Hindi naman nagtagal pagkatapos, isa sa mga Saksi ni Jehova ang nangangaral noon sa bahay-bahay sa kanilang lugar at dumalaw sa kaniyang tahanan. Samantalang nagsasalita ang Saksi tungkol sa mga pangako ng Diyos para sa maligayang kinabukasan ng tao, naghihimagsik naman ang kalooban ng babaing iyon laban sa ideya tungkol sa isang Diyos na isang mapagmahal na Ama sa langit. (Awit 37:10, 11) Subalit ang babaing ito ay sumang-ayon na tanggapin ang ilang mga babasahin sa Bibliya. Unti-unti, pagkatapos ng paulit-ulit na mga pagdalaw ng mga Saksi, ang mensahe ng Bibliya na mabuting balita ang nagpalambot sa kaniyang puso at pinatibay ang kaniyang pagtitiwala sa Diyos. Ngayon ang babaing ito at pati na ang kaniyang asawa ay may matibay na pag-asa hindi lamang sa bagay na pagagalingin ni Jehova ang kanilang anak na lumpo pagdating ng lupang Paraiso kundi bubuhayin din Niyang muli ang kanilang dalawa pang mga anak.—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:1-4.
Portugal
Isang Linggo ng umaga, isang babae na may dalang bag na punô ng mga groseryang pinamili ang huminto upang makipag-usap sa isang mag-asawa. Ito ang una ngunit hindi ang huling pagkakataon na sila’y magkikita. Ang mag-asawa, na mga Saksi ni Jehova, ay gumagawa noon ng pag-eebanghelyo. Kanilang pinuri ang babaing iyon dahil sa pangangalaga nito sa materyal na mga ikabubuhay ng kaniyang pamilya. Subalit sino, ang tanong nila, ang makatutustos sa mga pangangailangan ng sangkatauhan? Sila na rin ang sumagot sa tanong sa pamamagitan ng pagsasabi na ang Diyos ang makatutustos. (Awit 107:8, 9; Isaias 33:24) “Mayroon ba siyang remedyo para sa ating problema?” ang malakas na bulalas ng babae. Ang mga Saksi ay sumagot ng oo at sila’y inanyayahan ng babaing ito sa kaniyang tahanan, na kung saan pinasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ang asawa ng babaing ito, pagkatapos na mapansin niya ang mga pagbabago ukol sa ikabubuti ng saloobin ng asawang babae, ay nakisali na sa pag-aaral ng Bibliya at sa loob ng maikling panahon ay gumawa na rin ng mga pagbabago sa kaniyang istilo ng pamumuhay.
Nang maglaon, ipinagtapat ng babaing iyon sa mga Saksi na bago niya makausap sila nang umagang iyon ng Linggo, siya ay nagtangka nang dalawang beses na magpatiwakal. Ganiyan na lang ang sama ng kaniyang loob dahil sa sila’y nagpasiyang maghiwalay na mag-asawa. Subalit, ngayon, siya, ang kaniyang asawa, at ang kanilang mga anak ay nagkakaisang sumusulong sa pagkatuto ng mabuting balita.
Thailand
Sa maraming taon ng kaniyang buhay, isang babae na naninirahan sa gawing hilaga ng bansang ito ang nililigalig ng mga demonyo. Nang kaniyang makatagpo ang mga Saksi ni Jehova sa gawaing pag-eebanghelyo, siya’y kumuha ng mga ilang babasahin sa Bibliya at pumayag na aralan siya ng Bibliya sa tahanan. Pagkaraan ng dalawang buwan na pag-aaral, kaniyang naunawaan ang mga dahilang maka-Kasulatan para alisin sa kaniyang tahanan ang lahat ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa huwad na pagsamba, tulad baga ng mga idolo, at igiba ang kaniyang pinakaiingatang bahay ukol sa mga espiritu na itinayo upang maingatan ang kaniyang pamilya laban sa masasamang espiritu. (Gawa 19:19; 1 Corinto 10:21; 1 Juan 5:21) Ngayon ay hindi na siya inaatake ng mga demonyo at kaniyang naipapako ang kaniyang kaisipan sa pagtulong sa iba upang kanilang makilala ang kaisa-isang tunay na Diyos, si Jehova.
Kenya
Nang sabihin sa isang kriminal na lider ng gang na siya’y itinuturing na lubhang peligroso kung kaya’t ang pulisya ay pinag-utusan na siya’y barilin oras na mamataan siya, ang nagkibit-balikat kasabay ng pagtatawa. Gayunman, hindi nagtagal at ang isa sa ginawang pananalakay ng kaniyang gang ay hindi nagtagumpay ayon sa isinaplano. Ang nangyari’y nag-isa na lamang siya, na napalilibutan ng isang galit na galit na pulutong ng mga tao na handang umugin siya. Nang sandaling iyon, siya’y iniligtas ng pulisya, pagkatapos ay dinala siya, at ikinulong upang maghintay ng paglilitis ng hukuman.
Ang kaniyang abugado ay nagpayo sa kaniya tungkol sa iba’t ibang mga pamamaraan upang maitatuwa na siya’y may kasalanan. Subalit samantalang siya’y nakakulong, naalaala niya ang mga pagdalaw na ginawa ng isa sa mga Saksi ni Jehova marami nang taon ngayon ang nakaraan. Kaniyang pinagsisihan ang kaniyang mga katampalasanan at siya’y nanalangin sa Diyos na tulungan siya. Oo, sa kaniyang panalangin ay tinawagan niya ang pangalan ni Jehova. (Ihambing ang Gawa 10:1, 2.) Ang laki ng pagtataka ng hukom nang aminin ng kriminal na ito sa harap ng hukuman ang kaniyang pagkakasala. Kaya naman ang hukom ay naggawad ng isang medyo magaang na sentensiya; sa halip na hatulan siya ng kamatayan, ang inihatol sa kaniya ay sampung taon na pagkabilanggo bilang pinakamatagal na.
Nang siya’y nakabilanggo na, siya’y puspusang nagbasa ng mga babasahin sa Bibliya at paulit-ulit na nanalangin sa Diyos, na hinihiling niya na, kung maaari, mabawasan sana ang panahon ng kaniyang pagkabilanggo upang siya’y makapaglingkod sa Kaniya. Sa di-inaasahan, sinabi sa kaniya na ang sentensiya sa kaniya ay binawasan ng kalahati. Sa gayon, pagkatapos na mapiit nang limang taon, siya’y pinalaya at kaagad-agad na nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Hindi naman nagtagal at siya’y nabautismuhan, at ngayon ang kaniyang tunguhin ay maging isang buong-panahong mangangaral ng ebenghelyo.
Ang mga nabanggit na karanasan ay ilan lamang sa mga halimbawa ng kung paano tinutupad ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang atas at obligasyon na mag-ebanghelyo “hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.” Ang mga karanasang ito ay maaaring paramihin nang hanggang sa makalibo. Kung gayon, ikaw ba’y mag-aalinlangan pa na ang mga Saksi ni Jehova ang mga tunay na ebanghelisador sa ngayon?