Sulit ba na Pagpaguran ang Panalangin?
NOONG Biyernes, Mayo 31, 1985, sunud-sunod na ipuipo ang sumalanta sa timugang bahagi ng Ontario, Canada. Isang klerigo na naninirahan sa munting nayon ng Grand Valley ang nagmamasid na walang magawa habang ang nagngangalit na hangin ay binabaklas ang bubong ng kaniyang apartment. Ayon sa pag-uulat ng pahayagan, kaniyang “nasaksihan ang mga himala at mga trahedya na nagaganap nang sabay-sabay samantalang kaniyang nasasaksihan ang nagngangalit na kalikasan na walang makapigil.”
Tunay, ang mga mahal sa buhay at mga kaibigan ng dalawa kataong nasawi sa buhawi ay nag-iisip na ito’y isang kakila-kilabot na kasawian. Gayundin ang libu-libo at higit pa na natirang walang mga tahanan dahil sa mapangwasak na mga buhawi. Sa kabilang panig naman, marami sa mga taong bahagya lamang nakaligtas sa kamatayan o malubhang kapinsalaan ang nagsasabing ang kanilang pagkaligtas ay “isang himala.” Si Ron at ang kaniyang kasama sa trabaho ang dalawa sa mga ito. Sila’y nakapagkanlong sa pinakamatibay na parte ng gusali na kinaroroonan ng kanilang opisina pagkatapos na tanggapin nila ang abiso sa loob lamang ng apat na segundo. Pagkatapos na ilahad ang kanilang kagila-gilalas na pagkaligtas sa kamatayan, sinabi ni Ron: “Oo, dati na naman akong naniniwala sa Diyos at siguradong naniniwala ako sa Diyos ngayon.”
Kasabihan na sa mga sandali ng biglaan, di-inaasahang kalamidad, ‘kakaunti ang mga ateista, kung mayroon man.’ At kung mayroong sapat na panahon sa gayong mga okasyon, maraming taimtim na mga panalangin para sa paghingi ng proteksiyon at kaligtasan ang inihahandog.
Linggo noon, Hulyo 21, 1985, nang mahigit na isang daang mga lalaki, babae, at mga bata ang nagtipon para sa pagsamba sa kanilang Kingdom Hall sa Sydney, Australia. Pagkatapos ng isang awit ng papuri sa Diyos, naghandog ng panalangin alang-alang sa kongregasyon. Nang 15 minuto na ang nakalilipas sa diskurso sa Bibliya ng isang ministro noong Linggo ng umaga, isang pagsabog ng bomba ang biglang-biglang sumira sa kapayapaan, at sinugatan siya nang malubha, pumatay sa isang lalaking nakaupo sa may harapan ng bulwagan, at napaospital ang mahigit na 40 katao.
[Kahon/Larawan sa pahina 3]
May Kabuluhan ba ang Panalangin?
Ang kapuwa mga pangyayaring iyan na kalalahad lamang—ang isa’y sinasabing “ang galit ng kalikasan na hindi mapigil” at iyong isa naman ay isang gawang kriminal—ay nagbabangon ng mga tanong tungkol sa kabuluhan ng panalangin. Ano ba ang kabuluhan ng panalangin? Talaga bang may bisa ang panalangin? Sulit ba na pagpaguran ang panalangin?