Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 4/1 p. 4-7
  • Kung Paano Patitibayin ang Buklod ng Pamilya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Patitibayin ang Buklod ng Pamilya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-unawa sa mga Dahilan
  • Pagkasumpong sa Kinakailangang Tulong
  • Ang Pagkakapit ng mga Simulain ng Bibliya
  • Dapat Ba Akong Lumayas sa Bahay?
    Gumising!—1988
  • Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Dapat Ko Bang Lisanin ang Aming Tahanan?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Mga Magulang at Anak—Mag-usap Nang May Pag-ibig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 4/1 p. 4-7

Kung Paano Patitibayin ang Buklod ng Pamilya

Marami ang mga dahilan kung bakit ang mga kabataan ay naglalayas sa tahanan at kadalasan marami ang nasasangkot. Bagaman sa artikulong ito’y hindi tinatalakay ang lahat ng iyan, makikita naman na ang mga simulain ng Bibliya, pagka ikinapit, ay maaaring makatulong upang mapanatiling nabubuklod ang pamilya.

MAHIRAP matiyak kung ilan ang mga anak na naglalayas sa tahanan. Ayon sa nakalathalang mga ulat tinataya na mula sa 600,000 hanggang 3,000,000 ang mga nawawalang bata sa loob ng isang taon sa Estados Unidos lamang. Sa ganiyang tinayang bilang ay kasali riyan ang mga naglalayas, sapilitang pinaaalis, itinatapon, at mga anak na dinudukot ng mga magulang na diborsiyado at walang legal na karapatang mag-ari ng kanilang anak. Ang bilang na iyan ay tinaya lamang, sapagkat ang mga anak na abandonado ng kanilang mga magulang ay hindi iniuulat na nawawala, at mayroong mga bata na palagiang naglalayas. “Ang isang 16-anyos na naglayas nang limang beses sa isang taon at magdamag na wala tuwing siya’y maglalayas ang makikita sa . . . estadistika bilang limang nawawalang mga bata,” ang sabi ng The New York Times.

Ang lalong mahalaga kaysa bilang ay yaong mga dahilan kung bakit ang mga bata’y umaalis sa tahanan. “Pagka ang isang bata’y naglayas, karaniwan nang isang sintomas iyon ng hindi maayos na pag-andar ng kapaligiran ng tahanan,” ito ang sabi ng magasing Medical Aspects of Human Sexuality. Baka iyon ay dahilan sa mga problema na umiiral na, tulad baga ng pisikal na pag-abuso, kapabayaan, kawalan ng pag-ibig, diborsiyo, labis-labis na mga hinihiling, o mabagsik at di-mababagong mga utos. O baka iyon ay dahil sa pangamba sa magiging epekto, tulad halimbawa sa mga kaso ng pagbubuntis o pakikipagharap sa batas. Nang tanungin kung bakit sila umalis sa tahanan, ang karamihan ng mga naglalayas ay bumabanggit ng mga dahilan na doo’y kasangkot ang kanilang kaugnayan sa kani-kanilang mga magulang. “Ang relasyon ng magulang at anak ang sa malas ay isang lubhang maimpluwensiyang dahilan kung tungkol sa iginagawi ng naglayas,” ang sabi ng lathalaing Adolescence. Isinusog niyaon: “Iniuulat ng mga naglayas na ang hindi mabuting relasyon ng magulang at anak, ang labis na pag-aaway-away sa pamilya, ang paglayo ng loob sa mga magulang, ang tensiyon sa pagitan ng isa’t isa, at ang palsong komunikasyon sa mga magulang ang mga pangunahing dahilan ng paglalayas sa tahanan.”

Pag-unawa sa mga Dahilan

Ito’y mga panahon ng kagipitan. “Samantalang patuloy na dumarami ang mga walang hanapbuhay, at parami nang paraming pamilya ang nasa kagipitan ng pananalapi, ang tensiyon at mga problema sa sambahayan ay dumarami,” ang sabi ng magasing Ladies’ Home Journal. “Pagka ang isang ama ay naalis sa trabaho at may nakasanlang ari-arian, nadarama ng buong sambahayan ang kagipitang iyon. Ang mga kabataan, na hindi pa sanay na humarap sa gayong mga kagipitan, ay naglalayas upang makaiwas doon.” Kung minsan ang mga magulang mismo ang walang kamalay-malay na nagtataboy sa kanilang mga anak upang lumayas. Samantalang nagagalit, baka sabihin nila sa kanilang mga anak na kung hindi nila tatanggapin ang kanilang mga disisyon ay mabuti pang umalis na sila. Sa kayamutan at dahil sa hapung-hapo na nang pakikipagbaka upang maitaguyod ang kanilang araw-araw na pamumuhay, wala silang gaanong lakas upang makitungo sa kanilang mga anak.

Kasabay niyan, ang pagiging isang adolesente ay mayroong kaniyang sariling kagipitan. Ang mga tin-edyer ay nasa alanganin sa pagitan ng pangangailangan ng seguridad at pangangalaga na tinatanggap nila habang sila’y nasa kabataan at ng pagkadama na sila’y nakalaya na sa kanilang mga magulang samantalang sila’y nagpupunyagi na maging mga adulto. Ito’y sanhi ng kalituhan at kabalisahan sa kanila. Nagaganap din ang mga pagbabago ng kanilang katawan. Ang kanilang mga buhay ay biglang-biglang naging masalimuot, at inaakala nilang isang mabigat na pásanin. Inaakala nilang sila’y ginigipit ng kanilang mga magulang at ng kanilang mga kababata. Sila’y nakakaranas din ng mga panahon ng pag-aalinlangan sa sarili at ng panlulumo. “Samantalang sinisikap mo na unawain ang iyong sarili, huwag kang magtataka kung inaakala mo na ikaw ay hindi nila nauunawaan paminsan-minsan sa tahanan,” ang payo ng magasing ’Teen. “Siyempre pa, kung hindi mo maunawaan ang iyong sarili, paano malalaman ng iyong mga magulang kung ano ang iyong iniisip?” Maraming mga magulang, lalo na kung tungkol sa kanilang mga unang supling, ay hindi nakakaalam nang tiyakan kung gaanong kalayaan ang ibibigay sa kanilang mga anak. Ang labis-labis na pagsupil at kakulangan ng pag-unawa ang umakay sa maraming kabataan na maglayas.

“Pero ang paglalayas ay hindi lumulutas sa anuman,” ang sabi ng awtor na si Judy Blume sa kaniyang aklat na Letters to Judy. “Ang paglalayas ay isang sintomas, hindi isang solusyon. Sa halip, ang pami-pamilya ay kailangang umupong sama-sama at harapin ang katotohanan. Kailangang makitungo sila sa mga tunay na pangyayari. Sa ganiyan lamang makagagawa sila ng mga pagbabago na tutulong sa kanila upang mamuhay na sama-sama nang may kapayapaan. At kadalasan ay kailangang tulungan sila sa paggawa niyan.”

Pagkasumpong sa Kinakailangang Tulong

Ang pinakamagaling na pagkunan ng tulong na iyon ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Bakit nga? Sapagkat bilang Maylikha sa tao, alam ng Diyos kung ano ang pinakamagaling para sa kaniyang nilalang. At tayo’y binigyan niya ng instruksiyon taglay ang layuning iyan sa isip, “sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Gumagana ang mga prinsipyo ng Bibliya, at sumasaklaw sa bawat pitak ng buhay.

Datapuwat, gaya ng binanggit, lahat ng miyembro ng pamilya ay kailangang handang harapin ang katotohanan at gumawa ng mga pagbabago. Kung hindi kikilalanin iyan at walang gayong hangarin, hindi makagagawa ng anumang pagsulong, at ang nag-uudyok na lakas na maglayas ay naroon pa rin. Lalo nang totoo ito sa mga pami-pamilya na may mga problema sa alak, sa droga, at sa seksuwal na pag-aabuso. Ito’y kailangang mapagtagumpayan, bago makaharap ang normal na mga kagipitan sa buhay. Ang pananampalataya sa Diyos at ang isang taimtim na hangarin na makalugod sa kaniya, salig sa tumpak na kaalaman sa kaniyang Salita, ang tumulong sa maraming pamilya na mapagtagumpayan ang malungkot na kalagayan na sa mga ibang pamilya ay nagtaboy sa mga kabataan na maglayas.​—Ihambing ang 1 Corinto 6:9-11.

Ang pamumuhay sa modernong daigdig na ito na patuloy na lumalala ang kaimbutan, kawalang tiwala, at dumaraming mga krimen ay maaaring magpaigting sa buklod ng pamilya. Kaya naman “lahat ng bagay na isinulat pa noong una [sa Bibliya] ay nasulat ukol sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagtitiis at ng kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”​—Roma 15:4.

Ang Pagkakapit ng mga Simulain ng Bibliya

Kung may kaalaman na sa mga dahilan kung bakit lumalayas ang isang bata, maaari nang ikapit ang mga simulain ng Bibliya. Kasuwato ng mga dahilang ito ipinapayo ng Bibliya sa mga magulang na gumugol ng kinakailangang panahon na kapiling ng kanilang mga anak, magbigay ng hindi pabagu-bago, mapagmahal na pagsasanay. Dapat iwasan ang dalawang sukdulan na kakulangan ng interes at ng labis-labis na istriktong disiplina. Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”​—Efeso 6:4; Kawikaan 22:6.

Tulad din noong mga panahon na tinutukoy sa Bibliya, ang wastong superbisyon, atensiyon, at pagtuturo ay kailangang palagiang gawin ng mga magulang ‘pagka sila’y nakaupo sa kanilang bahay, pagka sila’y lumalakad sa daan, pagka sila’y nahihiga, pagka sila’y bumabangon.’ (Deuteronomio 11:19) Bagaman ang disiplina ay kailangan paminsan-minsan, kailangan na gawin iyon nang may pag-ibig. (Kawikaan 13:24) Malaki ang magiging kaligayahan ng pamilya kung susundin ang gayong payo!

Ang mga anak ay mayroon ding bahagi: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang na nasa Panginoon, sapagkat ito’y matuwid: ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.’” (Efeso 6:1, 2) Ang sinaunang pantas na si Solomon, na sumulat upang “magbigay ng talino sa walang karanasan, ng kaalaman at kakayahang umisip sa isang kabataan,” ay nagpayo rin: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina. . . . Kung subukin ng mga makasalanan na hikayatin ka, huwag kang padadala.”​—Kawikaan 1:1-10.

Paano dapat pakitunguhan ang mga problema ng pamilya? Taglay ang pag-ibig, sapagkat ang Bibliya ay nagpapayo: “Lahat ng inyong ginagawa’y gawin ninyo nang may pag-ibig.” (1 Corinto 16:14) Ito’y dapat na isang pag-ibig na nagkakaugat nang malalim at handang palampasin ang mga di-kasakdalan at mga kakatuwang ugali ng isa, na maaaring makayamot at makaligalig sa isang tao. “Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng matinding pag-ibig sa isa’t isa,” ang sabi ng Bibliya, “sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”​—1 Pedro 4:8.

Ang gayong pag-ibig ay interesado rin naman sa ikaliligaya at ikabubuti ng iba at lalong higit na pinaglalapit-lapit ang pamilya. Pansinin na ang tinatawag na gintong alituntunin ay positibo: “Gawin para sa iba ang ibig mong gawin nila para sa iyo.” (Mateo 7:12, Today’s English Version) Karamihan ng naglayas na mga kabataan na kinapanayam sa isang pag-aaral ay nagsabi na bago sila naglayas bahagya na lamang silang sumangkot sa gawain ng kanilang pamilya. “‘Ang pagkakawatak-watak ng pamilya’ ay isang pangunahing dahilan ng pagpapasiya na maglayas at lumayo sa tahanan,” ang sabi ng Adolescence. Subalit sa pagsunod sa payo ng Bibliya na “tingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba,” higit na panahon ang magugugol na sama-sama ng isang pamilya, at ang mga problema ng palsong mga relasyon, pagkakahiwa-hiwalay, at palsong komunikasyon ay maaaring mapagtagumpayan. (Filipos 2:4) Kung ang magkakasambahay ay may malalapit na damdamin at interes sa isa’t isa, ang impluwensiya ng barkada na baka humihila sa isa na maglayas ay hindi mananaig.

Sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, ang paglalayas sa tahanan ay hindi na lumilitaw na siyang solusyon sa mga problema sa buhay na kailangang harapin ng bawat tao. Ngayon na nagmamahalan ang bawat miyembro ng pamilya, ang pamilya ay nagiging isang kanlungan buhat sa mga kagipitan na dulot ng sanlibutang nasa labas. Ang higit na pagkaunawa sa mga simulain ng Bibliya at ang pagkakapit ng mga ito, taglay ang pag-asa na ibinibigay ng Diyos, ay lalong magpapalaki sa kaligayahang iyan. Bakit hindi ninyo tulutang talakayin iyan sa inyo ng mga Saksi ni Jehova?

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

ANG MAGAGAWA NG MGA MAGULANG

Gumugol ng panahon kapiling ng inyong mga anak; alamin ang kanilang mga problema at mga pangangailangan

Palaging magbigay ng atensiyon at superbisyon

Maglapat ng disiplina at pagsasanay nang may pag-ibig

Gawing isang maligayang dako ang tahanan

ANG MAGAGAWA NG MGA ANAK

Maging masunurin, mapagmahal, at magalang sa mga magulang

Iwasan ang pagbubukod; magkaroon ng malaking interes sa gawain ng pamilya

Pag-isipan ang pamilya bilang isang kabuuan, hindi lamang ang iyong sariling mga kagustuhan

Tanggapin mo ang mungkahi ng iyong kasambahay at makipagtalastasan ka rin sa kanila

[Mga larawan sa pahina 5]

Pinakamalahaga ang relasyon ng magulang at ng anak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share