Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pinagpala ni Jehova ang Kanilang Matatag na Paninindigan Ukol sa Kaniyang Kautusan
SA ISANG bansa sa Gitnang Silangan, isang ama ang nag-aayos ng isang naplat na goma ng sasakyan sa tabi ng daan nang isang kotse ang bumundol sa kuwatro-anyos na anak na lalaki at pagkatapos ay nagpatakbo nang buong bilis upang makatakas. Kinandong ng ina ang batang nabundol, at nagmaneho na ang ama patungo sa pinakamalapit na ospital ngunit pagdating doon ay sinabihan sila na pumunta sa isang ospital na 25 kilometro ang layo. Ipinasiya ng doktor na ang bata ay inaagasan ng dugo at na kailangan niya ang isang operasyon at ang pagsasalin ng dugo. Walong iba pang mga doktor ang sumang-ayon. Palibhasa’y alam ang kautusan ng Diyos laban sa pagsasalin ng dugo, tumanggi ang mga magulang. “Kayo’y mayroon lamang limang minuto upang magpasiya o kung hindi ay hindi namin gagalawin ang inyong anak kahit na pumayag kayo na salinan siya ng dugo pagkatapos,” ang banta ng doktor. Samantala, ang tiyan ng bata ay patuloy na lumalaki at umuuwi sa isang mapanganib na kalagayan.
Ang likas na kapatid ng ama, na wala naman sa katotohanan, ay ginipit ang ama na pumayag sa pagsasalin ng dugo. Sinabi pa mandin niya: “Pakisuyong huwag mong ituring na iyong anak ang batang ito kundi akin. Yamang ginagambala ka ng iyong budhi, ako na ang mananagot, pati na sa gastos sa ospital, upang ang bata ay masalinan ng kinakailangang dugo. Ito ang bugtong mong anak.” Mahirap na paglabanan ang gayong panggigipit, subalit ang mga magulang ay matatag sa kanilang pasiya.
Dinala nila ang bata at sila’y lumisan, at hinanap nila ang ganoo’t ganitong ospital, subalit sila’y naligaw ng daan. Sa di-sinasadya’y natanaw nila ang karatula ng isa pang ospital, at kanilang pinuntahan iyon, bagama’t hindi iyon ang kanilang hinahanap. Pagkatapos na makita ang bata, sinabi ng doktor: “Ang paglaki ng tiyan ng bata ay baka tanda o baka hindi naman tanda na siya’y inaagasan ng dugo. Patutulugin natin ang bata, at bukas siya’y ating susuriin upang malaman ang kaniyang kalagayan.” Ipinakita ng pagsusuri na ang bata’y hindi naman inaagasan ng dugo, kundi ang paglaki ng tiyan ay dahilan sa aksidente. Hindi na pala kailangan ang isang operasyon. Ang totoo, sinabi ng doktor na ang isang operasyon ay magdudulot ng napakalaking panganib. “Salamat kay Jehova,” ang sabi ng mga magulang, “dahilan sa pagkaligtas ng aming anak at sa pag-akay sa amin upang doon kami mapunta sa tamang ospital at sa tamang doktor.”
Makalipas ang sampung taon, ano ba ang naging resulta ng ganitong kalagayan? Ganito ang sabi ng ama: “Ang aking likas na kapatid na nanggipit sa amin sa ospital ay nakaunawa ng aming paninindigan at nakita niya ang pag-akay ni Jehova sa pangyayaring ito. Siya’y napukaw na magkaroon ng interes sa katotohanan, na kaniyang tinanggap, at ngayon ay bautismado na at naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. Ang kaniyang maybahay at mga anak ay masigasig na naglilingkod kay Jehova na kasama niya. Ang aking dalawa pang kapatid ay nasa katotohanan din pati ang kani-kanilang pamilya, at isa sa kanila ang naglilingkod bilang ministeryal na lingkod. Ang aking ama at ina ay nabautismuhan kamakailan sa kabila ng kanilang katandaan. Kaya, bagaman iyon ay isang kakila-kilabot na karanasan para sa aming mag-asawa, dahilan doon ay mga 30 miyembro ng aking pamilya ang tumanggap sa katotohanan; ang iba’y nabautismuhan na at naglilingkod bilang mga matatanda at ministeryal na mga lingkod. Ang iba ay patungo pa lamang sa pagbabautismo. Ang anak ko, ngayon ay 14 anyos na, ay isang malusog, masigasig na mamamahayag, at inaasam-asam niya ang pagpapabautismo. Anong laki ng pagpapasalamat naming mag-asawa kay Jehova sa pagtulong niya sa amin na gumawa ng tamang pasiya kasuwato ng kaniyang kautusan na nasasaad sa Gawa 15:29”!
[Larawan sa pahina 27]
“Patuloy na umiwas buhat sa mga bagay na inihain sa mga idolo at buhat sa dugo”