Kung Bakit ang Iba ay Nagbago ng Kanilang Relihiyon
PARA ang isang tao’y gumawa ng gayong dagliang hakbang na gaya ng pagbabago ng kaniyang relihiyon, tiyak na mayroon siyang mabubuting dahilan. Kailangang mas malaki ang kaniyang mapapakinabang kaysa magiging kalugihan.
Ang pagkakilala ba sa iyong Maylikha at pagpapaunlad ng relasyon sa kaniya ay ituturing mo na isang mabuting dahilan? Para sa marami ay ganoon nga. Upang mapaunlad ang isang relasyon sa sinuman, kailangang makilala nating mabuti ang isa. Halimbawa, ang isang munting bata ay natatakot na humawak sa kamay ng isang di niya kilala hangga’t hindi niya nakikilala ito. Tayo man ay ganoon din, kailangang makilala natin ang Diyos bago tayo makapagsimulang magtiwala sa kaniya. Totoo, karamihan ng relihiyon ay may pangunahing karakter na kanilang sinasamba bilang Diyos. Subalit hindi baga totoo na para sa karamihan ng tao ang Diyos ay may kalabuan at malayo at walang malinaw na nakikitang personalidad? Kaya papaano natin siya makikilala?
Kung tayo’y magmamasid sa mga bagay-bagay sa paligid natin, tayo’y nanggigilalas sa ating nakikita. Ating nakikita ang kagandahan, ang talino, at ang kapangyarihan. Ang pinagmumulan ng lahat ng ito ay nakalilito ng isip ng marami, subalit may aklat na nagpapaliwanag nito nang buong linaw. Iyon ay ang Bibliya. Sa mga pahina nito, napag-aalaman natin na ang mga kababalaghang ito ay ginawa ng isang Maylikha na may pangalan at personalidad. Samantalang maingat na pinag-aaralan natin ang Bibliya, lalong nagiging napakaliwanag sa atin ang personalidad ng Diyos. Ating nakikita na siya’y isang Diyos ng pag-ibig at nangangalaga sa atin. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi ng Bibliya. (1 Juan 4:8) Tayo’y naaakit sa kahanga-hangang personalidad na ito, na may sakdal ang pagkakatimbang-timbang sa pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan. Ang resulta’y isang matalik na relasyon.
Si Misae ay dumaan sa ganoong karanasan na pagkalapit kay Jehova. Ganito ang kaniyang paglalahad: ‘Nang ako’y isang bata, itinuro sa akin na maraming diyos. Mayroong diyos para sa tubig, diyos para sa mga punungkahoy, at diyos para sa bahay. Bagama’t duda ako na mayroon ngang gayong mga diyos, ako’y naniniwala na tiyak na mayroong iisang tunay na Diyos. Dahil sa ako’y pinalaki sa mahigpit na mga turong Budista-Shinto kaya naman ang akala ko ang Diyos ay nakapangingilabot, na nagpaparusa sa mga gawang masasama. Bagama’t ibig kong magsimba at makaalam ng tungkol sa Diyos ng mga Kristiyano, ako’y napigilan dahilan sa natutuhan ko sa Budista. Nang magkagayo’y isang babae ang naparoon sa aking bahay at inalok ako na aaralan ng Bibliya. Sa pamamagitan ng pag-aaral na iyon, napag-alaman ko na ang Diyos ay may pangalan, ito’y Jehova. Ganiyan na lang ang tuwa ko nang malaman ko na siya pala’y hindi naman isang nakatatakot na Diyos kundi isang mapagmahal, laging nakabantay sa atin, hindi upang tayo’y parusahan, kundi upang tayo’y tulungan. Ibig kong mapaglingkuran ang Diyos na iyan, kaya’t binago ko ang aking relihiyon.’ Siya’y nagtatamasa ng isang kasiya-siyang relasyon sa Diyos sa loob ng mga 29 na taon na.
Relasyon na Nagbibigay ng Kalayaan at Pag-asa
Para sa marami ay may dagdag na pakinabang ang pagpapaunlad ng relasyon sa Diyos. Habang ang mga ibang relasyon ay unti-unting napapalagay sa pangalawang dako sa kanilang buhay, marami ang lumaya buhat sa umaaliping pagkatakot sa tao at sa mapaniil na mga kaugalian na wala namang tunay na kabuluhan at halaga. Sa ganoon, nakalaya sila buhat sa pabigat na mga gastusin upang sila’y kaalang-alanganan at masunod ang mga tradisyon, at ito ang nagbabaon sa maraming pamilya sa palagiang pagkakautang. “Ang pagkatakot sa tao ang nagdadala ng silo,” ang babala ng Bibliya, at isinusog pa ang katiyakan na, “Siyang tumitiwala kay Jehova ay maliligtas.”—Kawikaan 29:25.
Ang isa pang kalayaan na makakamit ay ang kalayaan buhat sa pagkatakot sa kamatayan. Ang sinipi sa itaas na si Misae ay nagsasabi: “Nang ako’y edad 22, ako ay nagkasakit ng tipos. Sa aking pagkahiga na halos wala akong malay, naririnig ko ang mga kaibigan at ang mga miyembro ng aking pamilya na nag-uusap-usap tungkol sa akin na para bagang ako’y inaasahan nilang mamamatay na. Subalit ako’y takot mamatay. Walang tanging iniisip kundi na ibig kong mabuhay, at sa kabutihang palad ako ay gumaling. Sa pamamagitan ng aking pag-aaral ng Bibliya noong bandang huli, ako ay nakalaya buhat sa pagkatakot na iyan sa kamatayan. Napag-alaman ko na ang kamatayan ay wala kundi ang hindi mo pag-iral.” Ang Bibliya ay nagsasabi: “Kung para sa mga namatay, sila ay wala nang namamalayang anuman.” (Eclesiastes 9:5, 10) Kung ang sinuman ay mamatay, nariyan ang kahanga-hangang pag-asa ng pagkabuhay-muli sapagkat ang mga namatay ay iniingatang buháy ng Diyos sa kaniyang alaala.—Juan 5:28, 29.
Nasumpungan din naman ng maraming iba pa na nag-aral ng Bibliya na ang mga bagay na kanilang natutuhan ay nagbigay sa kanilang buhay ng tunay na kabuluhan at pag-asa. Ito ang isang dahilan kung bakit isinulat ang Bibliya, samakatuwid nga, upang “tayo’y magkaroon ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ang Budismo ay hindi nagtuturo ng anuman tungkol sa isang Maylikha o Diyos. Sinasabing ang kasamaan at pagdurusa ay umiiral na sa mula’t sapol at patuloy na iiral magpakailanman sa pamamagitan ng walang katapusang siklo ng muli’t muling pagsilang. Karamihan ng relihiyon sa Kanluran ay nagtuturo na ang mabubuti’y pupunta sa langit, isang lugar na di-tiyak, subalit kung ano ang kanilang gagawin doon, hindi nila ito gaanong nasisiguro. Kabaligtaran ng mga relihiyosong pilosopyang ito na nagbibigay ng bahagyang-bahagyang pag-asa o kabuluhan sa kanilang buhay, itinuturo naman ng Bibliya na ang tao ay ginawa upang magtamasa ng buhay magpakailanman sa lupa bilang tagapangalaga nito. (Genesis 2:15-17; Isaias 45:18) Sa ganoo’y matatalos natin na ang buhay ay dapat gugulin hindi lamang upang magkamal ng mga ari-arian at maglingkod sa ating sarili kundi upang maglingkod sa Diyos at sa mga iba sa isang walang-imbot na paraan.—Eclesiastes 12:13; Mateo 22:37-39.
Pagkakamit ng Katotohanan at ng mga Tunay na Kaibigan
Ang ilan ay napipilitang magbago ng kanilang relihiyon udyok ng mga ibang dahilan. Kabilang na rito ang paghahangad na sumaliksik ng katotohanan sa relihiyon. Kung sa bagay, maraming tao ang nag-aakala na wala nang tinatawag na lubos na katotohanan at gaya ng sinasabi ng Bibliya, sila’y ‘hindi nagsasaliksik.’—Awit 10:4.
Subalit mayroong mga tao na gumagawa ng gayong pagsasaliksik. Si Sakae, na naninirahan sa kalagitnaang Hapón ay nagpalipat-lipat sa mga sektang Budista sa loob ng 25 taon upang masumpungan niya ang katotohanan. Kailanman ay hindi siya nasiyahan. Sa kaniyang pag-asenso sa responsableng mga puwesto sa bawat organisasyon, sa tuwina’y nakakita siya ng mga bagay na tumisod sa kaniya, tulad halimbawa ng komersiyalismo, imoralidad, at pagsasamantala. Siya’y naglakbay pa at naparoon sa India upang saliksikin ang mga ugat ng Budismo sa makasaysayang mga lugar na kinatirhan at pinagturuan ni Buddha. Siya’y lubhang nasiraan ng loob nang makita niya ang bahagyang-bahagyang interes sa Budismo sa bansang Hindu na iyan. At nang magkagayon sa kaniyang pakikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova, napag-alaman niya na hindi lahat ng relihiyon ay buhat sa Diyos kundi buhat sa kaniyang kaaway, si Satanas na Diyablo.—1 Corinto 10:20.
Dahil dito’y nabigla si Sakae, subalit simula noon ay nag-isip na siya at nagsuri. Kaniyang binasa ang aklat na Ano ang Nagawa ng Relihiyon ukol sa Sangkatauhan?a at ang mga iba pang lathalain sa Bibliya. Unti-unting nakita niya na samantalang ang Budismo, na sinusunod sa Hapón, ay dumaan sa maraming mga pagbabago sa paglakad ng maraming taon, ang Bibliya ay nanatiling di-nagbabago sa paglakad ng libu-libong taon. Sa wakas ay nakinabang siya sa kaniyang ginawang pagsusuri. Natuklasan niya ang katotohanan na kaniyang pinaghahanap. Ang kaniyang kagalakan ay katulad ng kagalakan ng taong sa talinghaga ni Jesus ay nakasumpong ng isang kayamanan na nakabaon sa isang bukid: “Sa kagalakan niya ay humayo siya at ipinagbili ang kaniyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.”—Mateo 13:44.
Yaong mga nakasumpong ng katotohanan sa relihiyon ay nagpapakita ng “pakikiramay” sa iba na naghahanap nito. (1 Pedro 3:8) Ang totoo, ang kanilang mainit at tunay na pag-ibig ang sa simula’y nakaaakit sa marami upang mag-aral ng Bibliya. “Malalaman ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa,” ang sabi ni Jesus. (Juan 13:35) Saan natin masusumpungan ang gayong pag-iibigan sa ngayon? Si Kazuhiko Nagoya, na isang kolumnista sa Daily Yomiuri ng Tokyo, ay nagkomento sa kaniyang tudling tungkol sa mainit na pagtanggap sa kaniya nang siya’y dumalaw sa isang dakong pulungan ng mga Saksi ni Jehova. “Ang kanilang pagngiti,” ang sabi ni Nagoya, “ay para bang kilala na nila ako mula pa sa isang nakaraang pulong at sila’y natutuwa na makitang muli ako.” Subalit hindi nga ganito. “Matamang pinagmasdan ko ang kanilang mga mukha at natuklasan ko na sila’y talagang hindi ko mga kakilala.” Nang dalawa pa katao ang kapuwa ngumiti, “tuwang-tuwa ako,” ang nagunita pa ni Nagoya. “Ganiyan ngingitian ng mga taong iyan ang isang di kakilala, pagka kanilang namataan siya sa alinman sa kanilang mga pulong.”
Ang mainit na damdamin at pag-iibigan ay hindi bunga ng pagiging lubos na magkakakilala ng mga tao dahilan sa sila’y may palagiang pagtitipon sa kani-kanilang pook. Bagkus, ito ay resulta ng regular na pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit sa kanilang buhay ng mga simulain nito. Maraming inanyayahan na dumalo sa 1985-86 na “Nag-iingat ng Katapatan” na mga Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa mga ibang bansa ang lubhang napukaw sa kanilang nasaksihang pag-ibig at kagandahang-loob na ipinakita sa kanila ng kanilang mga tinuluyan. Isang may kabataang mag-asawa na Hapones at dumalo sa kombensiyon sa Pilipinas ang nagkomento: “Nang kaming lahat ay magsama-sama para sa katapusang awit, bawat isa’y umaawit sa kaniyang sariling wika, ang aming damdamin ay lubhang naantig. Nadama namin sa kauna-unahang pagkakataon kung ano ang kahulugan ng pagiging kasapi sa isang tunay na pambuong daigdig na pagkakapatiran.”
Sa katapus-tapusan, marami ang magsasabi sa iyo ng tungkol sa malaking mga pagbabago na ginawa nila sa kanilang buhay bilang resulta ng pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit niyaon. Mga taong dati’y may naiibang personalidad na gaya ng pagkakaiba ng sa mga tupa at ng sa mga lobo ang pagkakaiba ay nagkakasundu-sundo na ngayon sa asambleang Kristiyano. (Isaias 11:6) Ang iba ay sumpungin at di-palakaibigan, mainitin ang ulo at matatakutin pa nga. Ang mga iba ay may suliranin na pagiging malungkutin. Mayroon pa ngang mapagbukod ng sarili at ang kaisipan ay nakasentro sa sarili. Marami ang may masasamang kinaugalian na kailangang daigin. Subalit sa pamamagitan ng puspusang pagsisikap, lakip na ang pagnanasa na makalugod sa Diyos, sila’y nakagawa ng dagling pagbabago.
Kumusta ka naman? Ikaw ba’y naaakit sa alinman sa binanggit na mga dahilan para sa paggawa ng mga pagbabago? Kung gayon, hinihimok ka namin na gumawa ng taimtim na pag-aaral ng Bibliya. Ipinakikita ng Bibliya na lahat ng huwad na relihiyon ay lumalakad patungo sa pakikipagbanggaan sa Diyos ng Bibliya. Tulad ng piloto na binanggit sa naunang artikulo, baka kakailanganin na gumawa ka ng dagliang pagkilos upang mailigtas mo ang iyong buhay at ang buhay ng iyong mga minamahal. “Malapad ang daang patungo sa kapahamakan,” ang sabi ni Jesus, “at marami ang nagsisipasok doon; samantalang makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay.” (Mateo 7:13, 14) Oo, kung ikaw ay lumalakad sa “maluwang at malapad” na daang iyon, may mabuting dahilan ka na magbago ng iyong relihiyon!
[Talababa]
a Lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 5]
Dahil sa ako’y pinalaki sa mahigpit na mga turong Budista-Shinto kaya naman ang akala ko ang Diyos ay nakapangingilabot
[Larawan sa pahina 7]
‘Makitid ang daang patungo sa buhay’