Si Jesu-Kristo—Ang Sinisintang Anak ng Diyos
“At, may isang tinig na nanggaling sa langit at nagsabi: ‘Ito ang sinisinta kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.’”—MATEO 3:17.
1, 2. (a) Anong simpleng katotohanan ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat at kay Jesu-Kristo? (b) Ano ba ang itinuturo ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan?
SI Jesu-Kristo ay binautismuhan sa edad na 30 sa pamamagitan ng paglulubog sa kaniya sa tubig. Nang siya’y umahon sa tubig, isang tinig mula sa langit ang nagsabi: “Ito ang sinisinta kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.” (Mateo 3:17) Ang tinig na iyon ay tinig ng Diyos. Minsan naman, sa pananalangin sa Diyos, sinabi ni Jesus: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At nang masabi na iyan ni Jesus, ang “tinig [ng Diyos] ay nagmula sa langit: ‘Niluwalhati ko na at muli kong luluwalhatiin.’”—Juan 12:28.
2 Buhat sa mga ulat na ito, kahit na ang isang bata ay makakaunawa na ang relasyon ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat at ni Jesu-Kristo ay yaong relasyon ng isang ama at ng kaniyang sinisintang anak, dalawang nagkakaibang indibiduwal. Subalit, ang simpleng katotohanang ito ng Bibliya ay itinatatuwa ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Kanilang iginigiit na si Jesu-Kristo ang siyang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang ikalawang persona ng isang Trinidad, at ang ikatlong persona ay ang banal na espiritu.
3. Paanong makikita ang kalituhan tungkol sa doktrina ng Trinidad?
3 Ang turong iyan ay lumikha ng malaking kalituhan sa mga tao na nasa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, at iyan ang isang dahilan kung bakit ang Trinidad ay tinatawag ng New Catholic Encyclopedia na isang misteryo. Oo, kahit sa mga klerigo ay lumilikha ito ng kalituhan, sapagkat ang ensayklopedia ring iyon ay nagsasabi: “Kakaunti ang mga guro ng teolohiyang Trinitaryo sa mga seminaryong Romano Katoliko na hindi nililigalig sa anumang panahon ng katanungang, ‘Ngunit paano ba nangangaral ang isang tao ng Trinidad?’ At kung ang tanong ay sintomas ng kalituhan ng mga estudyante, marahil iyon ay sintomas din ng kalituhan ng kanilang mga propesor.”
4. Ano ang opisyal na turo ng mga relihiyon tungkol sa Trinidad?
4 Ang nakalilitong doktrinang iyan ang siyang pangunahing pinaniniwalaan ng mga relihiyong Katoliko at Protestante. Ang The Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang Trinidad ang siyang salitang ginagamit upang tukuyin ang pangunahing doktrina ng relihiyong Kristiyano . . . Samakatuwid, sa pananalita ng Kredo Athanasio: ‘ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos, gayunman ay walang tatlong Diyos kundi may iisang Diyos.’” Gayundin naman, sa isang kaso sa hukuman na kinasangkutan ng mga Saksi ni Jehova sa Gresya, ang Griegong Iglesyang Ortodokso ay nagsabi: “Ang saligang doktrina ng Kristiyanismo, na inaamin ng lahat ng Kristiyanong pinaniniwalaan nila . . . anuman ang sekta o paniwala, ay . . . ang Trinidad, na ang Diyos ay Iisa sa tatlong persona.” Sinabi rin ng Griegong Iglesyang Ortodokso: “Ang mga Kristiyano ay yaong mga tumatanggap kay Kristo bilang Diyos.” Sinabi nito na yaong mga hindi tumatanggap sa Trinidad ay hindi mga kristiyano kundi mga erehes.
5, 6. Bakit mahalaga na malaman ang katotohanan tungkol sa bagay na ito?
5 Subalit, kung ang “saligang” turong ito ng Trinidad ng Sangkakristiyanuhan ay hindi totoo, kung ito’y isang kasinungalingan, kung gayo’y ang kabaligtaran ang magiging totoo. Ito’y tatanggihan ng mga tunay na Kristiyano. Yaong mga apostatang nagsihiwalay sa Kristiyanismo ay mangungunyapit dito. Ano ba ang magiging bunga nito para sa huling binanggit na grupo? Sa huling aklat ng Bibliya, “isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya,” ating mababasa ang tungkol sa mga hindi karapat-dapat tumanggap ng buhay na walang-hanggan sa Kaharian ng Diyos: “Nasa labas ang mga aso at yaong mga nagsasagawa ng espiritismo at ang mga mapakiapid at mamamatay-tao at mga idolatroso at lahat ng umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.”—Apocalipsis 1:1; 22:15.
6 Dahilan sa kahalagahan nito, dapat nating malaman kung saan nanggaling ang ideyang ito ng Trinidad, at kung bakit nagkaroon nito. Sino bang talaga ang nasa likuran nito? Ano ba ang masasabi tungkol dito ng modernong karunungan ng mga iskolar ng Bibliya? Subalit bago talakayin ang mga bagay na ito, ipagpatuloy natin ang pagsusuri sa sinasabi ng sariling kinasihang Salita ng Diyos.—2 Timoteo 3:16, 17.
Hindi ‘Diyos Anak’ Kundi “Anak ng Diyos”
7. Sa pamamagitan ng isang walang kinikilingang pag-aaral ng Bibliya ano ang nahahayag tungkol kay Jesus?
7 Kailanman ay hindi nag-angkin si Jesus na siya ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. Ang walang kinikilingang pagbasa sa Bibliya na walang patiunang haka-haka tungkol sa Trinidad ay magpapatunay niyan. Halimbawa, sa Juan 3:16, sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak.” Sa ikalawang talata buhat dito, muli na namang sinabi ni Jesus na siya “ang bugtong na Anak ng Diyos.” (Juan 3:18) Nang si Jesus ay paratangan ng mga Judio ng pamumusong, siya’y tumugon: “Sinasabi baga ninyo sa akin na siyang pinabanal ng Ama at sinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay namumusong,’ dahilan sa sinabi ko, ako ang Anak ng Diyos?” (Juan 10:36) Hindi sinabi ni Jesus na siya ay ‘Diyos Anak’ kundi na siya ang “Anak ng Diyos.”
8. Ano ang patotoo ng isang opisyal ng hukbo at niyaong mga kasama niya?
8 Nang mamatay na si Jesus, kahit na yaong mga kawal Romano na nakatayo sa tabi ay nakababatid na si Jesus ay hindi siyang Diyos: “Ang opisyal ng hukbo at yaong mga kasama niya sa pagbabantay kay Jesus, nang makita nila ang lindol at ang mga bagay na nangyayari, ay lubhang nangatakot, at ang sabi: ‘Tunay na ito ang Anak ng Diyos.’” (Mateo 27:54) Hindi nila sinabi na, ‘ito ang Diyos’ o ‘ito ang Diyos Anak,’ sapagkat ang itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ay na si Jesus ang Anak ng Diyos, hindi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na nasa anyong tao.
9, 10. Anong matinding patotoo ang ibinibigay ng mga Ebanghelyo tungkol sa relasyon ng Diyos at ni Jesus?
9 Ang Diyos mismo ang nagpatotoo na si Jesus ay kaniyang sinisintang Anak, gaya ng binanggit ng manunulat ng Bibliya na si Mateo nang si Jesus ay bautismuhan. (Mateo 3:17) Ganiyan din ang binanggit ng mga ibang manunulat ng Bibliya. Si Marcos ay sumulat: “May isang tinig na nagmula sa langit: ‘Ikaw ang aking Anak; ako’y lubos na nalulugod na iyo.’” (Marcos 1:11) Sinabi ni Lucas: “Nanggaling sa langit ang isang tinig: ‘Ikaw ang aking Anak, na sinisinta; sa iyo ako lubos na nalulugod.’” (Lucas 3:22) At si Juan Bautista, na nagbautismo kay Jesus, ay nagpatotoo: “Pinatotohanan ko na ito nga [si Jesus] ang Anak ng Diyos.” (Juan 1:34) Samakatuwid ang Diyos mismo, ang lahat ng apat na mga manunulat ng Ebanghelyo, at si Juan Bautista ay maliwanag na nagsabi na si Jesus ang Anak ng Diyos. At makalipas ang kaunting panahon, nang si Jesus ay magbagong-anyo, ganoon din ang nangyari: “Isang tinig [ng Diyos] ang nanggaling sa alapaap, na nagsasabi: ‘Ito ang aking Anak, na siyang pinili. Makinig kayo sa kaniya.’”—Lucas 9:35.
10 Sa lahat ng mga pag-uulat na ito, ang ibig bang sabihin ng Diyos ay na siya ang kaniyang sariling anak, na kaniyang sinugo rito ang kaniyang sarili, at na kaniyang kinalugdan ang kaniyang sarili? Hindi, ang ibig sabihin ng Diyos na Ama, ang Maylikha, ay na kaniyang sinugo rito ang kaniyang Anak na si Jesus, isang bukod na indibiduwal, upang gawin ang gawain ng Diyos. Kaya naman, sa buong Kasulatang Griego ang pariralang “Anak ng Diyos” ay ginagamit upang tumukoy kay Jesus. Subalit minsan man ay hindi tayo makakakita ng pariralang ‘Diyos Anak,’ sapagkat si Jesus ay hindi siyang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. Siya ang Anak ng Diyos. Sila’y dalawang magkahiwalay na persona, at walang teolohikong “misteryo” ang makababago sa katotohanang iyan.
Ang Ama ay Mataas Kaysa Anak
11. Paano ipinakita ni Jesus na ang Diyos ay mataas kaysa kaniya?
11 Batid ni Jesus na siya’y hindi kapantay ng kaniyang Ama kundi sa lahat ng paraan ay nakabababa. Batid niya na siya ay isang minamahal na Anak na may matinding pag-ibig sa kaniyang Ama. Iyan ang dahilan kung bakit, ulit at ulit, si Jesus ay bumigkas ng mga pangungusap na gaya ng sumusunod: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa ganang sarili niya, kundi yaon lamang nakikita niyang ginagawa ng Ama.” (Juan 5:19) “Bumaba akong buhat sa langit upang gawin, hindi ang aking kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.” (Juan 6:38) “Ang itinuturo ko ay hindi akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) “Siya [ang Diyos] ay nakikilala ko, sapagkat ako’y isang kinatawan na nagmula sa kaniya, at Siya ang nagsugo sa akin.” (Juan 7:29) Ang isa na nagsusugo ang nakatataas. Ang isa na sinusugo ang nakabababa, ang inuutusan. Ang Diyos ang nagsusugo. Si Jesus naman ang sinusugo. Sila’y hindi pareho. Gaya ng pagkapahayag dito ni Jesus: “Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon, ni ang sinugo man ay dakila kaysa nagsugo sa kaniya.”—Juan 13:16.
12. Anong ilustrasyon ang nagpapakita na nakabababa si Jesus sa Ama?
12 Ito’y nililiwanag din naman sa isang ilustrasyon na ibinigay ni Jesus. Ang kaniyang Ama, si Jehovang Diyos, ay inihambing niya sa may-ari ng isang ubasan na nangibang bayan at ang ubasan ay iniwan sa pangangasiwa ng mga magsasaka—na maliwanag na lumalarawan sa klerong Judio. Nang sumapit ang panahon, ang may-ari ay nagsugo ng isang alipin upang kumuha ng mga ilang bunga ng ubasan, subalit ang alipin ay ginulpi ng mga magsasaka at siya’y pinaalis na walang dala. Pagkatapos ay nagsugo ang may-ari ng ikalawang alipin, at ganoon din ang nangyari. Siya’y nagsugo ng pangatlong alipin, na nakaranas ng ganoon ding trato. Nang magkagayo’y sinabi ng may-ari (ang Diyos): “Aking susuguin ang aking minamahal na anak [si Jesus]. Marahil naman ay igagalang nila ito.” Subalit ang masasamang magsasaka ay nagsabi: “‘Ito ang tagapagmana; patayin natin siya, upang mapasa-atin ang mana.’ At kanilang inihagis siya sa labas ng ubasan at pinatay siya.” (Lucas 20:9-16) Muli na naman, nililiwanag nito na si Jesus ay napasasakop sa Ama, sinugo ng Ama upang gawin ang kalooban ng Ama.
13. Anong malinaw na mga pangungusap ng Bibliya ang nagpapakita na ang Diyos ay nakatataas kay Jesus?
13 Si Jesus mismo ay nagsabi: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” (Juan 14:28) Tayo’y dapat maniwala kay Jesus, sapagkat tiyak na alam niya ang katotohanan tungkol sa kaniyang relasyon sa kaniyang Ama. Si apostol Pablo ay nakababatid din na ang Diyos ay nakatataas kay Jesus, at kaniyang sinabi: “Ang Anak [si Jesus] ay magpapasakop din ng kaniyang sarili sa . . . Diyos.” (1 Corinto 15:28) Ito’y makikita pa sa pangungusap ni Pablo sa 1 Corinto 11:3: “Ang ulo ng Kristo ay ang Diyos.” Inamin ni Jesus na siya’y mayroong isang Diyos na nakatataas sa kaniya nang kaniyang sabihin sa kaniyang mga alagad: “Ako’y aakyat sa aking Ama at sa inyong Ama at sa aking Diyos at sa inyong Diyos.”—Juan 20:17.
14. Ano pang mga teksto ang nagpapakita na si Jesus ay hindi siyang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat?
14 Binanggit ni Jesus ang higit na kataasan ng Diyos nang ang ina ng dalawa sa mga alagad ay humiling na ang kaniyang mga anak ay makaupo sa kanan at ang isa’y sa kaliwa ni Jesus pagdating niya sa kaniyang Kaharian. Siya’y sumagot: “Itong pag-upo sa kanan ko at sa kaliwa ko ay hindi ako ang makapagbibigay.” (Mateo 20:23) Kung si Jesus ang siyang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, disin sana’y maibibigay niya iyon. Subalit hindi niya nagawa iyon. Ang kaniyang Ama ang makapagbibigay niyaon. Gayundin, nang inilalahad ang kaniyang hula tungkol sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay, sinabi ni Jesus: “Tungkol sa araw na iyon o sa oras ay walang nakakaalam, maging ang mga anghel man sa langit maging ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Marcos 13:32) Kung si Jesus ay siyang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, disin sana’y alam niya ang araw at ang oras na iyon. Subalit hindi niya alam sapagkat hindi siya ang Diyos na Sakdal-Dunong. Siya ay Anak ng Diyos at hindi niya alam ang lahat ng bagay na alam ng kaniyang Ama.
15. Nang si Jesus ay halos mamamatay na, paano siya nagpakita ng pagpapasakop sa Diyos?
15 Nang halos mamamatay na lamang si Jesus, siya’y nagpakita ng pagpapasakop sa kaniyang Ama sa pamamagitan ng pananalangin: “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito. Gayunman, huwag mangyari ang aking kalooban kundi ang iyo.” (Lucas 22:42) Kanino ba nananalangin noon si Jesus? Sa kaniyang sarili? Hindi, siya’y nananalangin sa kaniyang Ama sa langit. Ito’y malinaw na ipinakikita nang kaniyang sabihin: “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.” At pagkatapos, nang siya’y mamamatay na, si Jesus ay sumigaw: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Marcos 15:34) Kanino ba nananawagan si Jesus? Sa kaniyang sarili? Hindi, siya’y nananawagan sa kaniyang Ama na nasa langit.
16. Paanong ang kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus ay nagpapakita na hindi maaaring siya rin yaong Diyos na makapangyarihan-sa-lahat?
16 Pagkamatay ni Jesus, siya’y nasa loob ng nitso ng humigit-kumulang tatlong araw. Sino ang bumuhay-muli sa kaniya? Yamang siya’y patay, hindi maaaring siya ang bumuhay sa kaniyang sarili. At kung siya’y hindi naman talagang namatay, kung gayon ay hindi niya maibibigay ang pantubos sa kasalanan ni Adan. Subalit siya’y namatay, at noon ay mga tatlong araw na siya’y hindi umiiral. Si apostol Pedro ang nagsasabi sa atin kung sino ang bumuhay-muli kay Jesus: “Siya’y binuhay mag-uli ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aalis sa kaniya sa mga hirap na dulot ng kamatayan.” (Gawa 2:24) Ang nakatataas, na Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang bumuhay sa isang nakabababa, ang kaniyang minamahal na Anak, si Jesus, buhat sa mga patay. Bilang paghahalimbawa: Nang buhaying-muli ni Jesus si Lazaro buhat sa mga patay, sino ang nakatataas? Si Jesus ang nakatataas, yamang kaniyang naaring buhayin si Lazaro buhat sa mga patay. (Juan 11:41-44) Ganiyan din nang buhayin ng Diyos si Jesus. Ang Diyos ang nakatataas, yamang kaniyang naibangon si Jesus buhat sa mga patay.
17. Ano ang isa pang patotoo na si Jesus ay hindi siyang Diyos?
17 Hindi maaaring si Jesus ang Diyos mismo, yamang si Jesus ay nilikha ng Diyos. Pansinin kung paanong isinalin ng Emphatic Diaglott ni Benjamin Wilson ang Apocalypse (Apocalipsis) kabanata 3, talatang 14: “Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Amen, ang saksing tapat at totoo [si Jesus], ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” Gayundin, ang Colosas 1:15, 16 ay nagsasabi tungkol kay Jesus: “Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang; sapagkat sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng iba pang mga bagay sa langit at sa lupa . . . Lahat ng iba pang mga bagay ay nangalikha sa pamamagitan niya at para sa kaniya.” Samakatuwid sa langit tuwirang nilalang ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ang kaniyang Anak at pagkatapos “sa pamamagitan niya,” o ‘siya ang ginamit na namagitan,’ ay nilalang naman ang iba pang mga bagay, gaya ng isang dalubhasang manggagawa na mayroong isang sanay na empleado na nagtatrabaho para sa kaniya. Sa mga bagay na nangalikha “sa pamamagitan niya” ay hindi kasali si Jesus mismo, sapagkat siya’y nalikha na ng Diyos. Sa gayon, siya’y tinatawag na “panganay,” ang “bugtong.” Kung ang isang anak ay siyang panganay, bugtong, hindi ibig sabihin na ang anak ay siya ring ama. Sa tuwina’y nangangahulugan ito na mayroong dalawang kasangkot na magkaibang personalidad, ang ama at ang anak.
Banal na Espiritu—Isang Persona ba o Isang Aktibong Puwersa?
18. Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa banal na espiritu?
18 Kumusta naman ang ipinagpapalagay na ikatlong persona ng Trinidad, ang banal na espiritu, na sinasabing kapantay sa kapangyarihan, pagka-Diyos, at pagkawalang-hanggan ng Ama at Anak? Saanman sa Bibliya ang banal na espiritu ay hindi binabanggit na kasama ng Diyos at ni Kristo bilang kapantay nila. Halimbawa, nang bautismuhan si Jesus, ipinakikita ng Marcos 1:10 na ang banal na espiritu ay nanggaling sa itaas at lumapag kay Jesus “gaya ng isang kalapati,” hindi nasa anyong tao. Ang banal na espiritu ay hindi isang persona na lumapag kay Jesus kundi ito ay ang aktibong puwersa ng Diyos. Dahilan sa kapangyarihang iyan na nanggaling sa Diyos si Jesus ay nakapagpagaling ng mga maysakit at nakabuhay ng mga patay. Gaya ng sinasabi ng Lucas 5:17 sa Diaglott: “Ang Malakas na Kapangyarihan ng Panginoon [Diyos] ay suma-kaniya [kay Jesus] upang magpagaling.” Nang malaunan, noong Pentecostes, ang mga apostol ay binigyan din ng kapangyarihang galing sa Diyos upang magpagaling ng maysakit at bumuhay ng mga patay. Dahilan ba diyan ay naging bahagi na sila ng isang “pagka-diyos”? Hindi, sila’y binigyan lamang ng kapangyarihan na galing sa Diyos, sa pamamagitan ni Kristo, upang gawin ang hindi karaniwang nagagawa ng mga tao.
19. Bakit hindi maaari na ang banal na espiritu ang ikatlong persona ng isang Trinidad?
19 Ang aktibong puwersa ring iyon ang binabanggit sa Efeso 5:18, na kung saan si Pablo’y nagpapayo: “Kayo’y patuloy na mapuspos ng espiritu.” Gayundin, sa Gawa 7:55 ay sinasabi na si Esteban ay “napuspos ng banal na espiritu.” At noong Pentecostes, ang mga tagasunod ni Jesus ay “pawang napuspos ng banal na espiritu.” (Gawa 2:4) Ang isa bang tao ay maaaring mapuspos ng isa pang persona? Hindi, subalit siya’y maaaring mapuspos ng kapangyarihan na nanggagaling sa Diyos. Ang banal na espiritung iyan ay siya ring puwersang ginamit ng Diyos sa paglalang sa uniberso. Gaya ng sinasabi ng Genesis 1:2: “Ang aktibong puwersa ng Diyos ay gumagalaw na paroo’t parito sa ibabaw ng tubig.”
20. Anong pangitain ang nakita ni Esteban na nagpapakita pa rin na hindi totoo ang Trinidad?
20 Pagkatapos buhaying-muli si Jesus, si Esteban ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa langit at kaniyang “nakita ang kaluwalhatian ng Diyos at ni Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos.” (Gawa 7:55) Samakatuwid, dalawang magkabukod na persona ang nakita sa langit: (1) ang Diyos at (2) ang binuhay-muling si Jesu-Kristo. Walang binabanggit na banal na espiritu sa pangitaing ito sapagkat iyon ay hindi isang pangatlong persona ng isang Trinidad. Ang banal na espiritu, na aktibong puwersa ng Diyos, ay nanggagaling sa Diyos ngunit hindi ito isang hiwalay na nilalang. Kaya naman si Esteban ay dalawang persona lamang ang nakita, hindi tatlo.
21, 22 (a) Ano ang inaamin ng isang ensayklopedia sa relihiyon tungkol sa banal na espiritu? (b) Anong mga punto ang makakasali sa ating susunod na artikulo?
21 Tungkol sa banal na espiritu, inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “Malinaw na sa M[atandang] T[ipan] ay hindi nakikini-kinita ang espiritu ng Diyos bilang isang persona, maging sa istriktong pilosopikong diwa, ni sa diwang Semitiko man. Ang espiritu ng Diyos ay yaong lamang kapangyarihan ng Diyos. Kung sakaling ito kung minsan ay inilalarawan bilang hiwalay sa Diyos, ang dahilan ay sapagkat kumikilos sa panlabas ang hininga ni Yahweh.” Sinasabi rin nito: “Ang karamihan ng mga teksto sa B[agong] T[ipan] ay nagsisiwalat ng espiritu ng Diyos bilang isang bagay, hindi ang sinuman; ito’y lalung-lalo nang makikita sa paghahambing ng espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos.”
22 Sa liwanag ng lahat ng mga katibayang ito, ang “saligang” doktrinang ito ng Trinidad ng Sangkakristiyanuhan ay hindi maaaring maging totoo. Ang sariling Salita ng Diyos ang nagpapabulaan sa pag-aangking iyan. Ipinakikita nitong malinaw na ang Diyos na Jehova ang siyang mapagmahal na Ama at si Jesu-Kristo ang kaniyang sinisintang Anak, isang Anak na may gayon na lamang kalaking pag-ibig sa kaniyang Ama kung kaya’t siya’y nagmasunurin hanggang kamatayan. Gayumpaman, may mga nagsasabi na mayroong mga teksto na waring umaalalay sa Trinidad, kaya’t sa ating susunod na artikulo, ating susuriin ang ilan sa mga iyan. Isa pa, ating tatalakayin kung bakit ang doktrinang ito ay naging gayon na lamang kahalagang bahagi ng Sangkakristiyanuhan at kung saan ito nagmula.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos at tungkol kay Jesus?
◻ Paano ipinakikita ng Kasulatan ang relasyong Ama at Anak?
◻ Ano ang ilang mga teksto na nagpapakitang ang Diyos ay nakatataas kay Jesus?
◻ Bakit hindi maaaring ang banal na espiritu ay maging bahagi ng isang Trinidad?
[Larawan sa pahina 13]
Sinabi ni Jesus: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin”