Karagdagang mga Dahilan Upang Magpasalamat
Ang mga tao sa sinaunang Israel ay mayroong higit na mga dahilan kaysa iba na magpasalamat sa Maylikha. Bakit natin masasabi ito?
Bueno, tulad ng lahat ng iba pang mga tao, ang mga Israelita ay may dahilan na pasalamat alang-alang sa lahat ng magaganda at kagila-gilalas na mga bagay na nilikha ng Diyos. Subalit may karagdagang dahilan pa sila na magpasalamat dahilan sa sila’y pinili ng Makapangyarihan-sa-lahat upang maging kaniyang natatanging bayan at tumanggap ng natatanging pangangalaga buhat sa kaniya. (Amos 3:1, 2) Isaalang-alang ang ilan sa kanilang mga pangunahing dahilan para magpasalamat.
Dalawang Pagkaligtas sa Kamatayan
Anong laki ng pasasalamat ng lahat ng mga magulang na Israelita noong gabi ng Nisan 14, 1513 B.C.E.! Noong mahalagang gabing iyon, ang “bawat panganay sa lupain ng Ehipto, tao man o hayop,” ay pinaslang ng anghel ng Diyos. Subalit kaniyang nilaktawan ang mga bahay ng mga Israelita na kung saan ang dalawang haligi ng pinto at ang itaas ng pinto ay winisikan ng dugo ng mga hayop ng Paskua. Ang katahimikan ay binasag ng “malakas na hiyawan ng mga taga-Ehipto, sapagkat walang bahay na di mayroong isang patay.” Subalit, sa bawat sambahayang Israelita ay naroon pa rin at buháy at hindi naaano ang mahal na panganay.—Exodo 12:12, 21-24, 30.
Hindi nagtagal pagkatapos nito, tiyak na bumalong sa puso ng mga Israelita ang damdamin ng pagpapasalamat habang nasasaksihan nila ang kahima-himalang ginawa ni Jehova nang waring nasusukol sila sa dalampasigan ng Pulang Dagat, samantalang mabilis na hinahabol sila ng hukbo ni Faraon ng Ehipto. Una, kanilang nakita ang haliging ulap na umaakay sa kanila na lumagay sa may likuran nila, at napababagal naman ang mga nagsisitugis sa kanila. Pagkatapos ay nakita ng mga Israelita na iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat, at sila’y nagmasid nang may panggigilalas samantalang pinapangyayari ng Diyos na umihip sa magdamag ang isang malakas na amihan, na humati sa tubig at ang sahig ng dagat ay naging tuyong lupa. Ang mga Israelita ay nangailangan ng kaunting panghihimok upang sila’y magmadali ng pagdaan sa inilaan ng Diyos na kaayusang ito ng pagtakas.
Bueno, ngayon, mayroong isang bagong dahilan para mabahala! Ang mga Ehipsiyo ay nagsisitugis na, at nagtitiwala na maabutan nila ang mga Israelita. Subalit narito! Nang lahat ng mga Ehipsiyo ay naroon na sa magkabi-kabila’y tubig na daanan, ang mga gulong ng kanilang mga karo’y isa-isang natanggal, at ilang saglit laman at hindi magkamayaw ang kanilang pagkakagulo dahil sa pagkalito. Nang magkagayon, nang lahat ng mga Israelita ay naroon na sa kabilang pampang at ligtas na, muli na namang sinabihan ni Jehova si Moises na iunat ang kaniyang kamay, “at ang dagat ay sumauli sa dating kalagayan nang mag-uumaga na.” Ang resulta? Walang isa man sa hambog na pinakukundanganang kawal ni Faraon ang nakaligtas sa pagkalunod, maging ang kanila mang hambog na hari. (Exodo 14:19-28; Awit 136:15) Maguguniguni mo ba ang laki ng pasasalamat kay Jehova ng naligtas na mga Israelita?
Ang Kahindik-hindik na mga Paraan ng Pakikipagbaka ng Diyos
Bagama’t nagpasalamat dahil sa kanilang pagkaligtas sa Ehipto at sa kanilang di-malilimot na pagtawid sa Pulang Dagat, ang mga Israelita ay napaharap sa maraming mahihirap na karanasan bago sila sumapit sa Lupang Pangako. Subalit bawat karanasan sa kanilang 40-taóng paglalakbay sa iláng ay dapat sanang nagsilbing karagdagang dahilan sa kanilang pantanging pasasalamat kay Jehova.
Sa wakas, ang mga Israelita ay tumawid sa Ilog Jordan at naroon na sila sa lupain na ibinigay sa kanila ng Diyos. Hindi nagtagal at nasaksihan nila ang isang halimbawa ng kahindik-hindik na mga paraan ng pakikipagbaka ni Jehova alang-alang sa kanila. Sa paano nga? Aba, sa pamamagitan ng kagila-gilalas na pagsakop at pagwawasak sa unang lunsod na mga Cananeo na dinatnan nila—ang Jericho! (Josue, kabanata 6) Pambihira nga ang estratehiya na pinangunahan ng Diyos na pagmamartsa sa palibot ng Jericho habang dala-dala ang kaban ng tipan! Sa loob ng anim na sunud-sunod na araw, sila’y nagmartsa sa palibot ng pader bawat araw. Noong ikapitong araw, sila’y nagmartsa nang pitong beses sa paligid ng pader. Nang patunugin ng mga saserdote ang kanilang mga pakakak, sinabayan iyon ng mga Israelita ng “isang malakas na sigaw na pandigma,” at “ang pader ay gumuho”! (Jos 6 Talatang 20) Tanging ang bahay ni Rahab at ang bahagi ng pader na nasa ilalim niyaon ang nanatiling nakatayo. Ang pader ng waring di-maigugupong siyudad na ito ay gumuho na hindi na kailangan na si Josue at ang kaniyang hukbo ay magpahilagpos ng kahit isang pana! Tiyak, ang karanasang iyan sa Jericho ay isang mahalagang karagdagang dahilan na magpasalamat sa Diyos.
Sa isa pang pagkakataon, nagkaroon ng natatanging pagtatanghal ng kagila-gilalas na mga paraan ni Jehova ng pakikipagbaka. Nang ang mga Gibeonita ay makipagkasundo ng pakikipagpayapaan sa mga Israelita, limang mga haring Amoreo ang dumeklara ng pakikipagdigma sa mga Gibeonita. Sila’y tinulungan ni Josue, at ang kahima-himalang kamay ni Jehova ay paulit-ulit na nadama sa kasunod na paglalabanan. Nilito ng Diyos ang mga Amoreo at “habang sila’y tumatakas sa harap ng Israel at bumababa sa Beth-horon, binagsakan sila ni Jehova sa Azekah ng malalaking bato na mula sa langit, at sila’y namatay.” Lalong marami ang namatay dahil sa mga granisong iyon kaysa mga napatay ng mga Israelita sa pamamagitan ng tabak.—Josue 10:1-11.
“Sa harap ng nagmamasid na mga Israelita,” si Josue ay nakipag-usap na ngayon kay Jehova at nagsabi: “Araw, tumigil ka sa Gibeon, at ikaw, buwan, sa libis ng Aijalon.” Ang resulta? “At,” ang sabi ng ulat, “ang araw ay tumigil, at ang buwan ay huminto, hanggang sa ang bansa ay makapaghiganti sa kaniyang mga kaaway.”—Josue 10:12, 13.
Anong nakapagtatakang mga pangyayari! At higit pang mahalagang mga dahilan para pasalamat ang bayan ni Jehova!
Pansandalian ang Pasasalamat
Pagkatapos ng bawat katunayan ng pamamagitan ni Jehova, ang mga Israelita ay napuspos ng damdamin ng pasasalamat. Malamang, ang bawat isa sa mga Israelita ay nagsabi sa kaniyang puso na hindi na niya kalilimutan kailanman ang mga bagay na kaniyang nasaksihan. Subalit, di kapani-paniwala na pansandalian lamang ang gayong pagpapasalamat. Ulit at ulit, ang mga Israelita ay kinakitaan ng kawalang utang na loob. Kaya naman, ang ginawa ng Diyos ay “paulit-ulit na ibinigay sila sa kamay ng mga bansa, anupa’t yaong mga napopoot sa kanila ay nangagpuno sa kanila.”—Awit 106:41.
Subalit, ipinakita ni Jehova ang kaniyang magandang-loob na espiritu ng pagpapatawad nang mapalagay sa kagipitan ang mga Israelita, nang pagsisihan nila ang kanilang kamalian at kawalang utang na loob, at nanalangin sa kaniya na tulungan sila. “Kaniyang nakita ang kanilang kadalamhatian nang kaniyang dinggin ang kanilang daing. At kaniyang inalaala sa kanila ang kaniyang tipan, at siya’y nalungkot ayon sa kasaganaan ng kaniyang dakilang kagandahang-loob.” (Awit 106:44, 45) Paulit-ulit, sila’y tinutulungan ng kanilang mapagpatawad na Diyos upang makalaya buhat sa mga maniniil at sila’y ibinabalik uli sa kaniyang lingap.
Sa kabila ng mahabang pagtitiis ng Diyos at sa kaniyang paulit-ulit na pagsusugo ng mga propeta upang ituwid ang kanilang mga kaisipan, ang mga Israelita ay hindi naituwid. Sa wakas, naubos ang pasensiya ni Jehova, at pinahintulutan niyang ang bansa ng Israel ay nabihag ng mga taga-Babilonya noong 607 B.C.E. Yaong mga hindi nangapatay ng hukbo ni Haring Nabukodonosor ay dinalang bihag sa Babilonya.
Anong kapaha-pahamak na wakas dahil sa paulit-ulit na kawalang utang na loob at di-katapatan sa Diyos! At ito’y nangyari sa kabila ng maraming dahilan upang magpasalamat.
Paano maiiwasan sa ngayon ng mga Kristiyano ang ganiyan ding pagkakamali na hindi pagpapasalamat sa lahat ng ginawa ni Jehovang Diyos para sa kanila, dahil sa kaniyang ginawang kabutihan sa sangkatauhan sa pangkalahatan? Ito’y hahayaan nating talakayin sa susunod na artikulo.