Relihiyosong mga Imahen—Paano Mo Kinikilala ang mga Iyan?
NOONG 1888 ay nagkaroon ng malaganap na pagbaha sa Canton, Tsina. Ang patu-patuloy na pag-ulan ang sumira sa mga pananim. Sa kawalang pag-asa ang mga magsasaka ay nanalangin sa kanilang diyos na si Lung-wong upang pahintuin ang pagbuhos ng ulan, subalit nawalang kabuluhan. Nagalit dahil sa pagwawalang-bahala ng kanilang diyos, kanilang ibinilanggo ng may limang araw ang kaniyang imahen! Mga ilang taon bago nito, ang diyos ding iyan ang hindi nakinig sa kanilang mga panalangin na tapusin ang tagtuyot. Kanilang itinanikala ang kaniyang imahen sa labas sa matinding init ng araw.
Noong 1893 ay dumanas ang Sicily ng isang tagtuyot. Ang mga pagpuprusisyon, pagsisindi ng mga kandila sa mga simbahan, at ang mga pananalangin sa mga imahen ay pawang walang nagawa upang magpabagsak ng ulan. Palibhasa’y naubos na ang pasensiya, ang ginawa ng mga pananalangin sa mga imahen ay pawang walang nagawa upang magpabagsak ng ulan. Palibhasa’y naubos na ang pasensiya, ang ginawa ng mga magsasaka ay hinubaran nila ng damit ang iba sa mga imahen, ang mga mukha naman ng iba ay iniharap nila sa pader, at ang iba ay inilubog pa sa mga lungaw ng kabayo! Sa Licata, si “San” Angelo ay hinubaran, itinanikala, nilait, at pinagbantaan na ibibitin. Sa Palermo, Italya, si “San” Jose ay itinapon sa isang tigang na halamanan upang hintayin doon ang ulan.
Ang mga insidenteng ito, na inilahad ng aklat na The Golden Bough, ni Sir James George Frazer, ay may nakaliligalig na mga kahulugan. Ipinakikita nito na kapuwa ang nag-aangking mga Kristiyano at mga di-Kristiyano ay waring may nagkakaparehong pagkakilala tungkol sa relihiyosong mga imahen. Sa magkapuwa kasong iyan, ginamit ng mga mananamba ang kanilang mga imahen bilang isang paraan upang makausap ang isang “santo” o isang diyos. At kapuna-puna, kapuwa sila nagsikap na pukawin ang kanilang patay-patay na mga “santo” o mga diyos upang kumilos sa pamamagitan ng pagpapadanas sa kanila ng di-komportableng mga kalagayan na dinaranas ng kanilang mga mananamba!
Subalit, sa ngayon, marami na gumagamit ng mga imaheng relihiyoso ang mag-iisip na ang gayong mga kilos ay sobra na, marahil ay katawa-tawa pa nga. Kanilang ikakatuwiran na para sa kanila ang mga imahen ay mga bagay lamang na iginagalang—hindi sinasamba. Baka sabihin pa nila na ang mga istatuwa, mga krus, at relihiyosong mga ipinintang larawan ay matuwid na mga pantulong sa pagsamba sa Diyos. Baka ganiyan din ang iyong paniwala. Subalit ang tanong ay: Ano ba naman ang nadarama ng Diyos tungkol dito? Mangyayari kaya na ang sobrang paggalang sa isang imahen ay talagang nangangahulugan na sinasamba mo ito? Posible kaya na ang gayong mga gawain ay aktuwal na may kasamang nakukubling mga panganib?