Ang Tanda—Hindi Lamang Nakalipas na Kasaysayan
SA Jerusalem, sa Gitnang Silangan, mayroong isang nakabibighaning makasaysayang lugar na humihingi ng atensiyon ng palaisip na mga tao sa ngayon. Ito ay yaong mataas na lugar na kung saan mayroong nakatayong “isang templo na may taglay na malaking kayamanan,” sa pananalita ng Romanong historyador na si Tacitus noong unang siglo. Wala na ngayong bakas ang mga gusali ng templo, subalit mayroong mga bakas na natitira ang plataporma. Ito’y nagpapatotoo sa pagiging totoo ng isang makahulang tanda na may epekto sa iyo.
Ang mga arkeologo ay nakatuklas ng maraming mga bagay sa gawing timog ng plataporma ng templo. “Isa sa kawili-wiling natuklasan,” ang sabi ni J.A. Thompson sa The Bible and Archaeology, “ay ang ilang malalaking mga bloke ng kabatuhan noong panahon ni Herodes na maliwanag na minolde galing sa taluktok ng pader ng Templo noong panahon na puksain ang Jerusalem noong A.D. 70.”
Ang pagkapuksa ng Jerusalem at ng templo nito ay inihula 37 mga taon bago nangyari iyon. Hindi kukulangin sa tatlong historyador ang sumulat ng mga salita ni Jesu-Kristo na “walang bato sa ibabaw ng bato ang matitira rito at hindi mababagsak.” (Lucas 21:6; Mateo 24:1, 2; Marcos 13:1, 2) Isang pag-uusap ang kasunod na may epekto sa bawat isa ngayon, kasali ka na.
“Guro,” ang tanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad, “ano ang magiging tanda pagka ang mga bagay na ito ay nakatakdang mangyari?” Ayon kay Jesus, ang yugto ng panahon na hahantong sa pagkawasak ng templo ay magkakaroon ng palatandaang pagkakakilanlan na mga digmaan, lindol, kakapusan sa pagkain, at mga salot. “Ang salinlahing ito,” sinabi pa niya, “ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.”—Lucas 21:7, 10, 11, 32.
Naranasan ba ng salinlahing iyon ang katuparan ng “tanda”? Oo. Sa Bibliya ay may tinutukoy na “isang malaking taggutom” at gayundin ng tatlong mga lindol, dalawa rito ang ‘malalakas na lindol.’ (Gawa 11:28; 16:26; Mateo 27:51; 28:1, 2) Sang-ayon sa kasaysayan ng daigdig, mayroong mga ibang lindol at mga kakapusan ng pagkain na naganap sa loob ng panahong iyon. Isang panahon din iyon ng mga digmaan, na dalawa ay ipinaglaban ng mga hukbong Romano laban sa mga taga Jerusalem. Ang ikalawang pagkubkob sa Jerusalem ay nagbunga ng kakila-kilabot na taggutom at salot, anupa’t humantong sa pagkapuksa ng siyudad at ng templo roon noong taóng 70 C.E. Ang lugar sa Jerusalem na tinatayuan ng templo ay isang piping saksi sa kakila-kilabot na mga pangyayaring iyon noong unang siglo.
‘Kawili-wili,’ baka sabihin ng sinuman, ‘pero papaano nga ito may epekto sa akin?’ Ito’y sa bagay na ang tanda ay hindi lamang nakalipas na kasaysayan. Ito ay bahagyang natupad noong unang siglo. Halimbawa, si Jesus ay nanghula rin tungkol sa isang panahon na ang sangkatauhan ay mapapalagay sa malaking pagkatakot dahilan sa “mga tanda sa araw at buwan at mga bituin” at “sa ugong ng dagat.” Ang bahaging ito ng tanda ay pagkakakilanlan ng pagiging malapit na ng “kaharian ng Diyos”—isang pamahalaan na magdadala ng permanenteng katubusan buhat sa kahirapan ng sanlibutan.—Lucas 21:25-31.
Ang gayong mga bagay ay hindi naman nangyari noong unang siglo. Sa ngayon, 1,900 taon na ang nakalipas mula noon, hinihintay pa rin ng sangkatauhan ang katubusan buhat sa mga digmaan, lindol, kakapusan sa pagkain, at mga salot. Samakatuwid, ang tanda ay kailangang magkaroon ng ikalawang hustong katuparan. Bilang patotoo nito, ang aklat ng Apocalipsis ay mayroong makahulang mga larawan na katumbas ng tanda, ngunit gayunman ay isinulat pagkatapos ng pagpuksa ng Jerusalem. (Apocalipsis 6:1-8) Kaya, ang mahalagang tanong na bumabangon ay: Ang tanda ba ay nakikita na sa ating kaarawan?