Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ano ba ang tinutukoy ni Jesus na “mga ito” nang kaniyang itanong kay apostol Pedro: “Iniibig mo baga ako nang higit kaysa sa mga ito?”
Ang binuhay na muling si Jesus ay naroon sa Dagat ng Galilea. Ating mababasa: “Kaya’t nang makapagpapawing-gutom sila sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: ‘Simon anak ni Juan, iniibig mo baga ako nang higit kaysa sa mga ito?’ Sinabi niya sa kaniya: ‘Oo, Panginoon, nalalaman mong kita’y iniibig.’ Sinabi niya sa kaniya: ‘Pakanin mo ang aking mga kordero.’”—Juan 21:15.
Bagaman ang kasarian ng isang panghalip na Griego’y nagpapakita kung minsan ng kaniyang simuno, ang pangmaramihan na touʹton (“mga ito”) ay maaaring magkaroon ng isang panlalaki, pambabae, o pambalaki na simuno. Kaya naman, ang mga iskolar ay nagmungkahi ng tatlong posibleng kahulugan para sa tanong ni Jesus:
1. Iniibig mo baga ako nang higit kaysa sa pag-ibig mo sa mga iba pang alagad na ito?
2. Iniibig mo baga ako nang higit kaysa sa pag-ibig ng mga alagad na ito sa akin?
3. Iniibig mo baga ako nang higit kaysa sa mga bagay na ito, tulad baga ng isda?
Mangatuwiran tayo tungkol sa tatlong ito upang makita kung alin ang malamang na tama.
Numero 1. Prangkahan, kakaunting mga Kristiyano ang mag-iisip na itatanong ni Kristo, ‘Iniibig mo baga ako nang higit kaysa sa pag-ibig mo sa mga alagad?’ Kung sa bagay ay dapat nga! Wari ngang kataka-taka na tanungin si Pedro ng gayung katanungan. Kagagaling-galing lamang niya sa bangka kasama ang anim pang mga alagad, subalit nang kaniyang makilala si Jesus sa tabing dagat, ay iniwan ni Pedro ang mga alagad at lumangoy patungo sa gilid. Sa pagpapakita ng gayung matalik na kaugnayan, nang magtanong si Kristo kung gusto ng mga apostol na humayo at sumama sa mga natisod, sinabi ni Pedro na siya’y determinado na huwag humiwalay kay Jesus.—Juan 6:66-69; 21:7, 8.
Numero 2. Kumusta naman ang tungkol sa posibilidad na ibig tukuyin ni Jesus, ‘Pedro, iniibig mo baga ako nang higit kaysa sa pag-ibig sa akin ng ibang mga alagad?’ Maraming komentarista ang nagtataguyod ng ganitong pagkakilala, yamang bago pa noon ay ipinahayag ni Pedro na siya’y nakalalamang sa iba kung tungkol sa katapatan kay Jesus. (Mateo 26:33-35) Subalit, ang ganitong pagkaunawa sa Juan 21:15 ay humihiling na ipahiwatig ang isang di-binanggit na pandiwa, tulad halimbawa ng “iniibig mo baga ako nang higit kaysa [iniibig] ako ng mga ito?” Subalit ang gayung ekstrang pandiwa ay wala sa tanong ni Jesus, at nagpapasok iyan ng gramatikong suliranin. Isa pa, wari ngang wala sa lugar na tanungin ni Jesus si Pedro na ihambing ang laki ng kaniyang pag-ibig sa laki ng pag-ibig na taglay ng iba. Hindi baga itinuwid ni Jesus ang mga apostol nang sila’y mahulog sa pagtatalu-talo tungkol sa kung sino ang pinakadakila sa kanila?—Marcos 9:33-37; 10:35-44; Lucas 22:24-27.
Kung gayon, di-kaya ang Numero 3 ang itinatanong ni Jesus, ‘Iniibig mo baga ako nang higit kaysa sa mga bagay na ito, tulad baga ng isda?’ Ang ganitong posibilidad ay angkop sa paraan ng pagkaayos ng pananalita ng katanungan sa Griego, sapagkat si Pedro ay pinamimili sa dalawang bagay (sa pagitan ni Jesus at ng “mga ito”). Ang gayong tanong ay magiging angkop din sa liwanag ng nakalipas na karanasan ni Pedro. Siya’y isa sa mga unang alagad na sumunod kay Jesus. (Juan 1:35-42) Maliwanag, kung gayon, hindi nanatiling sumusunod si Pedro kay Jesus nang buong-panahon. Bagkus, siya’y bumalik sa kaniyang pamamalakaya. Sa gayon, makalipas ang mga ilang buwan ay tinawag ni Jesus si Pedro upang iwanan ang matubong negosyong iyon upang maging isang ‘mamamalakaya ng mga tao.’ (Mateo 4:18-20; Lucas 5:1-11) Gayumpaman, pagkamatay ni Jesus, si Pedro’y nagsimulang gumawa ng hakbang para sa pagbabalik sa karerang ito, anupa’t sinabi niya sa mga ibang alagad: “Ako’y mangingisda.”—Juan 21:2, 3.
Samakatuwid posible nga na ipinauunawa ni Jesus kay Pedro na kailangang gumawa siya ng isang tiyakang pagpili. Ano ba talaga ang kaniyang uunahin sa kaniyang buhay—ang pagiging isang tagasunod ni Jesus o nagtataguyod ng isang karera, gaya ng ipinakikita ng mga isdang nakabunton sa harap nila? Gaanong kahalaga ang dako sa puso ni Pedro na okupado ng mga isda, mga lambat, mga bangka, at ang pakikisama sa kaniyang kapuwa mga mangingisda? Talaga nga kayang iiwan ni Pedro ang nagdudulot-kasiyahang mga bagay na ito upang ang ilagay sa pangunahing dako ay ang pag-ibig kay Kristo at ang bunga nito na pagpapakain sa mga “mumunting tupa” ni Jesus?—Juan 21:17.
Maitatanong natin sa ating sarili ang katulad na katanungan tungkol sa ‘mga bagay na ito’ na maaaring umakit sa atin, tulad halimbawa ng ating kinawiwilihang trabaho o negosyo, ang ating kasiyahan sa sekular na edukasyon, ang ating tahanan, o ang ating paboritong uri ng libangan. Tahasang mabubulay-bulay natin ito: ‘Iniibig ko ba si Jesus nang higit kaysa alinman o nakahihigit sa lahat ng mga bagay na ito?’ Ipinakita ni Jesus na kung sigurado tayo na ang ating sagot ay oo, ipakikita natin iyon sa pamamagitan ng pagpapakain sa mga “mumunting tupa.”
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.