Ano ang Humahadlang sa Iyo sa Bautismo?
“Narito! May tubig; ano ba ang nakahahadlang sa akin upang ako’y bautismuhan?”—GAWA 8:36.
1. Ano ba ang nangyayari noon sa daan na nasa pagitan ng Jerusalem at ng Gaza?
ANG anghel ni Jehova ay nagsalita, at isang bagay na kapuna-puna ang nagaganap noon sa daan sa disyerto sa pagitan ng Jerusalem at Gaza. Nakaupo sa isang umaandar na karo ang isang Etiope na nagbabasa ng Kasulatan. Hindi nagluwat at isa namang lalaki ang tumatakbong kaalinsabay ng karo. “Talaga bang alam mo kung ano ang binabasa mo?” ang tanong niya. “Ang totoo,” ang tugon ng Etiope, “paanong magagawa ko iyan, maliban nang may pumatnubay sa akin na sinuman?” Ang pumatnubay na iyon ay si Felipe na ebanghelisador, na sinugo ng anghel. Nang makaakyat siya sa karo, si Felipe ay nagsimula sa isang hula na isinulat ni Isaias at kaniyang ipinahayag “ang mabuting balita tungkol kay Jesus.”
2, 3. (a) Paano tinugon ng Etiope ang mabuting balita? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon ng pangyayaring ito?
2 Pagdating sa isang lugar sa daan, ang Etiope ay bumulalas: “Narito! May tubig; ano ang nakahahadlang sa akin upang ako’y bautismuhan?” Sa puntong iyan kaniyang iniutos sa karo na huminto. Ang dalawang lalaki ay lumusong sa tubig at siya’y binautismuhan ni Felipe. Nang magkagayon, ang ebanghelisador ay inakay ng espiritu ni Jehova upang pumaroon sa ibang dako, at ang Etiope ay nagpatuloy sa kaniyang lakad na nagagalak.—Gawa 8:26-39.
3 Kung ikaw ay nakikiugnay sa mga Saksi ni Jehova subalit hindi pa nababautismuhan, ang mga pangyayaring ito ay maaaring mag-udyok sa iyo na magtanong: Bakit napakadaling binautismuhan ang Etiope? Papaano isinasagawa ang bautismo? Ito’y isang simbolo ng ano? At ano ang humahadlang sa akin upang ako’y bautismuhan?
Hindi Nabautismuhan sa Loob ng Napakadaling Panahon
4. Sino ba ang Etiopeng ito?
4 Yamang ang Etiope ay “naparoon sa Jerusalem upang sumamba,” siya noon ay isang tinuling Judiong proselita. Siya noon ay isang “bating” subalit hindi isang bating sa laman, dahil ang mga lalaking pinutol o sinaktan ang mga sangkap sa pagkalalaki ay hindi tinatanggap sa kapisanan ng mga Israelita. (Deuteronomio 23:1) Sa kaso niya, ang “bating” ay tumutukoy sa isang opisyal, sapagkat siya’y ‘isang lalaking nasa kapangyarihan sa ilalim ni Reyna Candace ng Etiopia at tagapamahala ng lahat ng kaniyang kayamanan.’—Gawa 8:27.
5. Bakit ang bating ay naaring nabautismuhan ng gayong kadali?
5 Ang Etiope ay isang tao ng mga bansa. Gayunman, yamang siya’y nakumberte sa relihiyong Judio, siya’y maaaring bautismuhan bilang isang alagad ni Kristo bago pa dinala ang balita ng Kaharian sa di-tuling mga Gentil na katulad ni Cornelio noong 36 C.E. Bilang isang Judiong proselita, ang Etiope ay may kaalaman na tungkol sa Diyos at sa Kaniyang Salita, bagaman siya’y nangangailangan ng espirituwal na tulong. Kaya’t si Felipe ay inakay upang mangaral sa taong ito at mabautismuhan niya bago dinala sa mga Gentil ang mabuting balita.
Ang Sinaunang Bautismong Kristiyano
6. Paano binautismuhan ang Etiope, at bakit gayon ang sagot mo?
6 Paano ba binautismuhan ang Etiope? Ang salitang “bautismuhan” ay galing sa terminong Griego na ba·ptiʹzo, na ang ibig sabihin ay “ilubog, itubog.” Isang anyo ng salita ring iyan ang ginagamit para sa “itubog” sa 2 Hari 5:14 sa Griegong Septuagint. At kapansin-pansin na hiniling ng Etiope na siya’y bautismuhan nang sila ni Felipe ay dumating sa isang lugar na ‘maraming tubig.’ Para sa pagbabautismo, sila’y “lumusong sa tubig,” at pagkatapos ay “umahon” doon. (Gawa 8:36-39) Samakatuwid, ang bating na Etiope ay binautismuhan sa pamamagitan ng paglulubog sa kaniya sa tubig.
7. Ano ang batayan ng bautismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig?
7 Si Jesus mismo ay nabautismuhan sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig. Sa gayon, pagkatapos ng kaniyang bautismo sa Ilog Jordan, sinasabi na siya’y “umahon sa tubig.” (Mateo 3:13, 16) Sa katunayan, bilang isang nababagay na lugar na pagdausan ng bautismo, isang lugar sa Libis ng Jordan malapit sa Salim ang pinili ni Juan Bautista. Bakit? “Sapagkat doon ay maraming tubig.” (Juan 3:23) Samakatuwid ang Kasulatan ay nagbibigay ng karapatan na magbautismo sa maraming tubig.
8. Tungkol sa bautismo, ano ang masasabi natin may kaugnayan sa mga kaugalian ng mga Fariseo at iba pang mga Judio?
8 May mga ilang katotohanan na masasabi tayo tungkol sa bautismo kung ating isasaalang-alang ang mga kaugalian ng mga Fariseo at iba pang mga Judio. Sinabi ng manunulat ng Ebanghelyo na si Marcos: “Pagka bumalik na buhat sa palengke, sila ay hindi kumakain maliban na maglinis sila ng kanilang sarili sa pamamagitan ng pagwiwisik [Griego, ran·tiʹzo]; at may marami pang mga ibang tradisyon na kanilang tinanggap upang mahigpit na panghawakan, ang mga pagbabautismo [ba·pti·smousʹ] ng mga tasa at mga pitsel at mga sisidlang tanso.” (Marcos 7:3, 4) Ang mga lalaking ito ay nagkunwaring banal sa pamamagitan ng pagwiwisik sa kanilang sarili bago kumain pagka sila’y nagbalik na buhat sa palengke. Subalit kanilang binautismuhan, o inilubog sa tubig, ang sari-saring mga bagay na kanilang ginamit sa panahon ng pagkain.
9. Ano ang sinabi ni Tertullian tungkol sa bautismo?
9 Kahit na pagkatapos makasingit ang apostasya, ang ama ng simbahan na si Tertullian (c. 160-230 C.E.) ay nagsabi tungkol sa bautismo: “Kusang walang anuman na nagpapasuwail sa isip ng mga tao kaysa mga banal na gawaing nakikita sa gawa, kung ihambing sa kaningningan na ipinangakong kakamtin sa epekto; kung kaya’t buhat sa mismong katuparan, na simpleng-simple, walang karangyaan, walang gaanong bagong pamamaraan sa paghahanda, sa wakas, walang gastos, ang isang tao ay inilulubog sa tubig, at habang binibigkas ang mga ilang salita, ay winiwisikan, at pagkatapos ay bumabangon uli, hindi gaano (o lubus-lubusan) ang kalinisan, ang resultang pagtatamo ng walang hanggan ay itinuturing na lalong di-kapani-paniwala.” Pansinin na sinabi ni Tertullian, “ang isang tao ay inilulubog sa tubig . . . at pagkatapos ay bumabangon muli.”
10. Ano ba ang sinasabi ng mga iskolar tungkol sa pinakamaagang paraan ng pagbabautismong Kristiyano?
10 Ipinakikita rin ng mga iskolar na ang mga Kristiyano sa simula ay nagbabautismo ng mga tao sa pamamagitan ng lubusang paglulubog sa tubig. Isang kilalang ensayklopediang Pranses ang nagsasabi: “Ang mga unang Kristiyano ay tumanggap ng bautismo sa pamamagitan ng paglulubog saanmang lugar na may tubig.” At ang The Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang pinakamatandang paraan na karaniwang ginagamit ay di mapag-aalinlanganang paglulubog.”—Tomo II, pahina 261 (edisyon ng 1907).
Pagtuturo at Pagbabautismo
11. Anong utos ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad?
11 Bago ang isang tao’y mabautismuhan, siya’y kailangang kumuha ng tumpak na kaalaman at kumilos nang ayon dito. Ito’y niliwanag nang sinabi ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo. At narito! ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 28:19, 20.
12. Ano ang kahulugan ng pagkabautismo “sa pangalan ng Ama”?
12 Ang kahulugan ng pagkabautismo “sa pangalan ng Ama” ay na kinikilala ng kandidato sa bautismo ang tungkulin at kapamahalaan ng Diyos. Si Jehova ay kinikilala bilang “ang Kataastaasan sa buong lupa,” ang Maylikha at Soberano ng Uniberso. (Awit 36:9; 83:18; 2 Hari 19:15) Kinikilala ng gayong tao si Jehova bilang kaniyang Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari.—Isaias 33:22; Awit 119:102; Apocalipsis 15:3, 4.
13. Ano ang kahulugan ng pagkabautismo ‘sa pangalan ng Anak’?
13 Ang kahulugan ng pagkabautismo sa ‘pangalan ng Anak’ ay ang kilalanin ang tungkulin at kapamahalaan ni Kristo at tanggapin siya bilang ang isa na inilaan ng Diyos na “isang kaukulang pantubos.” (1 Timoteo 2:5, 6) Pagkatapos ng kamatayan ni Jesus bilang isang tagapag-ingat ng katapatan, “siya’y itinaas ng Diyos sa isang higit na nakatataas na kalagayan,” at yaong mga nagnanais pabautismo ay kailangang kumilala kay Kristo bilang “Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Filipos 2:9-11) Kailangan ding tanggapin nila si Jesus bilang ang “Tapat na Saksi” ni Jehova at bilang “Hari ng mga hari.”—Apocalipsis 1:5; 19:16.
14. Sa bautismo ‘sa pangalan ng banal na espiritu’ ay kailangan ang ano?
14 Ang isang indibiduwal ay kailangan ding bautismuhan ‘sa pangalan ng banal na espiritu.’ Kailangang matalos niya na ang banal na espiritu ay hindi isang persona kundi ito ang aktibong puwersa ng Diyos, na ginamit sa paglalang, sa pagkasi sa mga manunulat ng Bibliya, at sa iba pa. (Genesis 1:2; 2 Samuel 23:1, 2; 2 Pedro 1:21) Ang espiritu ni Jehova ay kailangang kilalanin bilang mahalaga kung gusto nating maunawaan “ang malalalim na mga bagay ng Diyos” at maipamalas ang maka-Diyos na mga bunga ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” (1 Corinto 2:10; Galacia 5:22, 23) Kailangan ding kilalanin na ang espiritu ng Diyos ay kinakailangan upang maisagawa ang gawaing pangangaral ng Kaharian.—Joel 2:28, 29.
Ang Isinasagisag ng Bautismo
15. Bakit hindi naghuhugas ng mga kasalanan ang bautismong Kristiyano?
15 Sa tulong ng banal na espiritu nagbabautismo noon ng mga tao si Juan Bautista. (Gawa 13:24) Kaniyang binabautismuhan sila, hindi upang hugasan ang kanilang mga kasalanan, kundi bilang sagisag ng kanilang pagsisisi. (Gawa 19:4) Binautismuhan din ni Juan si Jesus, na “hindi nagkasala.” (1 Pedro 2:22) At si Saulo ng Tarso ay pinagsabihan ni Ananias: “Tumindig ka, pabautismo at hugasan ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtawag mo sa pangalan [ni Jesus].” (Gawa 22:12-16) Samakatuwid, ang Kristiyanong pagpapalubog sa tubig ay hindi naghuhugas ng mga kasalanan. Hindi ang bautismo kundi ang pagbubuhos ng dugo ni Jesus at “pagtawag sa kaniyang pangalan” ang nagpapangyaring ang isa’y tumanggap ng kapatawaran.—Hebreo 9:22; 1 Juan 1:7.
16. (a) Yamang ang bautismo ay hindi naghuhugas ng mga kasalanan, ano ang isinasagisag nito? (b) Sa makasagisag na paraan, ano ang nangyayari pagka ang isang tao’y binautismuhan?
16 Bagaman ang bautismong Kristiyano ay hindi naghuhugas sa mga kasalanan, ito ay isang sagisag na nagpapakilalang ang indibiduwal na inilulubog sa tubig ay gumawa ng isang walang-kondisyong pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Ihambing ang Mateo 16:24.) Ang ibig sabihin ng ialay ay “ipahayag, pagtibayin, italaga.” Ang pag-aalay sa Diyos ay tumutukoy sa pagkilos na kung saan ang isang tao ay walang pasubaling ibinubukod sa pamamagitan ng isang kasunduan na gawin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Sa makasagisag na paraan, pagka ang kandidato sa bautismo ay pansamantalang “ibinabaon” sa ilalim ng tubig at pagkatapos ay ibinabangon doon, siya’y namamatay sa kaniyang dating pamumuhay at ibinabangon tungo sa isang bagong paraan ng pamumuhay, upang gawin nang walang pasubali ang kalooban ng Diyos na Jehova.—Ihambing ang Roma 6:4-6.
17. Bakit mali na bautismuhan ang sanggol?
17 Maliwanag, ang bautismo ay isang seryosong hakbang. Ang pagbabautismo sa isang sanggol ay mali sapagkat ang isang sanggol ay hindi nakauunawa, nakapagpapasiya, at nagiging isang alagad. (Mateo 28:19, 20) Yaong mga nabautismuhan sa panahon ng ministeryo ni Felipe sa Samaria ay “mga lalaki at mga babae,” hindi hamak na mga sanggol. (Gawa 8:4-8, 12) Ang bautismo ay para doon sa mga taong may sapat na gulang na upang matuto, maniwala, at sumampalataya. (Juan 17:3; Gawa 5:14; 18:8; Hebreo 11:6) Sa bagay na ito, ang mananalaysay na si Augustus Neander ay sumulat: “Ang pananampalataya at bautismo ay laging magkaugnay; at sa gayu’y may pinakamalaking posibilidad . . . na ang kaugalian ng pagbabautismo sa sanggol ay di kilala [noong unang siglo C.E.]. . . . Na ito’y unang nakilala bilang isang apostolikong tradisyon noong ikatlong siglo, ay ebidensiya na laban imbis na sang-ayon sa pagtanggap na ito’y nagmula sa mga apostol.”—History of the Planting and Training of the Christian Church by the Apostles (New York, 1864), pahina 162.
18. (a) Ayon sa Kasulatan, ano ang kailangan upang maging isa ka sa mga Saksi ni Jehova? (b) Anong katunayan ng pananampalataya ang nagpapakita na ang isang tao’y maaaring bautismuhan? (c) Paanong ang pananampalataya sa pantubos ay idiniriin sa mga kandidato sa bautismo?
18 Paulit-ulit na binabanggit ng Kasulatan ang bautismo ng mga mananampalataya. (Gawa 4:4; 5:14; 8:13; 16:27-34; 18:8; 19:1-7) Upang maging isa ka sa mga Saksi ni Jehova, kung gayon, ang isang tao ay kailangang maging isang mananampalataya—isa na nagsasagawa ng pananampalataya at napabautismo. Kahit na bago pabautismo, ang gayong pananampalataya ay makikita sa maka-Diyos na asal, pagtitiwala kay Jehova, pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian, at pagtanggap sa inihain ni Jesus na pantubos. Ang pananampalataya sa pantubos ay idiniriin sa mga kandidato sa bautismo, sapagkat ang una sa dalawang katanungan na itinatanong sa kanila ng tagapagpahayag ay: “Salig sa hain ni Jesu-Kristo, ikaw ba ay nagsisi na sa iyong mga kasalanan at nag-alay ng iyong sarili sa Diyos na Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban?” Tangi lamang kung ang indibiduwal ay sumasagot ng oo at nakauunawa na ang kaniyang pag-aalay at bautismo ay nagpapakilala sa kaniya bilang isa sa mga Saksi ni Jehova kasama ng inaakay-ng-espiritung organisasyon ng Diyos maaari siyang tanggapin upang mailubog sa tubig.
Pag-aalay sa Panalangin
19. Bakit kailangang gumawa ng pag-aalay kay Jehova sa panalangin?
19 Yaong mga napababautismo ay kailangang may pananampalataya sa Diyos at kay Kristo. Subalit bakit sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na ang pag-aalay sa Diyos ay dapat gawin sa panalangin? Sapagkat angkop na ipahayag kay Jehova sa panalangin ang ating pasiya na bigyan siya ng bukod-tanging debosyon na karapatdapat sa kaniya. (Deuteronomio 5:8, 9; 1 Cronica 29:10-13) Maliwanag na sa panalangin ipinahayag ni Jesus ang kaniyang pagnanasa na gumawa ng banal na paglilingkod tangi lamang sa kaniyang makalangit na Ama. (Hebreo 10:7-9) Siyanga pala, si Jesus ay “nananalangin” kahit na noong siya’y binabautismuhan! (Lucas 3:21, 22) Kaya maliwanag na ang pag-aalay sa Diyos ay dapat na gawin sa panalangin.
20. Bakit marahil hinimok ng mga sinaunang Kristiyano ang mga bagong alagad na sila’y gumawa ng pag-aalay sa Diyos sa panalangin?
20 Marahil ang mga sinaunang Kristiyano ay nanghimok sa mga bagong alagad na gumawa ng pag-aalay kalakip ng panalangin, sapagkat kahit na noong bandang huli ay sinabi ni Tertullian: “Silang ilang saglit na lamang at magpapabautismo ay nararapat na manalangin ng paulit-ulit na panalangin, pag-aayuno, at paninikluhod.” Una pa rito, si Justin Martyr (c. 100-165 C.E.) ay sumulat: “Akin ding ilalahad ang paraan na ginamit nang kami’y nag-alay ng aming sarili sa Diyos na kami’y ginawang bago sa pamamagitan ni Kristo . . . Ang maraming nahihimok at napaniniwala na ang aming itinuturo at sinasalita ay totoo, at nagsisikap na mamuhay ayon sa nararapat, ay tinuturuan na manalangin at magsumamo sa Diyos kalakip ng pag-aayuno, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan noong nakaraan, anupa’t kami’y kasama nilang nananalangin at nag-aayuno.”
21. Ano ang malamang na nangyayari, kahit na kung ang pag-aalay sa panalangin ay hindi idiniin nang ikaw ay bautismuhan noong nakalipas na mga ilang taon?
21 Kung ang pag-aalay sa panalangin ay hindi idiniin nang ikaw ay bautismuhan noong nakalipas na mga ilang taon, hindi naman ibig sabihin niyan na walang bisa ang iyong bautismo. Kahit na noong mga araw na iyon, tiyak na marami ang katulad niyaong isang tao na buong linaw pang nakaaalaala nang siya’y nakaluhod at gumagawa ng kaniyang pag-aalay kay Jehova sa taimtim na panalangin bagaman siya’y isa lamang bata mahigit nang 40 taon ang lumipas. At noong mga panahong iyon, kahit na kung ang isang tao ay hindi gumawa ng pag-aalay sa isang pormal na panalangin nang una pa, kaniyang itinuring iyon na isang bagay na dapat lakipan ng panalangin gaya rin ng kung ang kandidato sa bautismo at ang mga iba ay nananalanging sama-sama pagka nagpapahayag sa bautismo sa araw ng kaniyang pagpapabautismo.
Kung Bakit ang Iba’y Ayaw Pang Magpabautismo
22. Bakit ang iba’y ayaw pang magpabautismo?
22 Yamang ang pagiging isang nag-alay na Saksi ni Jehova ay isang napakalaking pinagpalang pribilehiyo, bakit ang iba’y ayaw pang magpabautismo? Ang kakulangan ng tunay na pag-ibig ay isang dahilan kung bakit ang iba’y hindi tumatalima sa Salita ng Diyos, sumusunod sa pangunguna ni Jesus, at napababautismo. (1 Juan 5:3) Mangyari pa, ang mga taong di-bautismado ay karaniwan nang hindi magsasabi na sila’y hindi susunod sa halimbawa ni Jesus o tatalima sa Diyos. Bagkus, sila’y nananatiling lubhang kasangkot sa mga bagay ng sanlibutan kung kaya’t bahagya na lamang ang panahon nila para sa espirituwal na mga bagay. Kung ito ang iyong problema, hindi baga katalinuhan na baguhin ang pinaglalagakan mo ng mga hilig, intereses, at mga mithiin? Yaong mga talagang umiibig sa Diyos ay hindi rin naman maaaring umibig sa sanlibutang ito. (1 Juan 2:15-17) At huwag mong payagan ang iyong sarili na maniwalang ikaw ay may matatag na kasiguruhan sa pamumuhay dahil sa “mapandayang kapangyarihan ng kayamanan.” (Mateo 13:22) Ang tunay na kasiguruhan ay dito lamang masusumpungan sa isang naaalay na kaugnayan sa Diyos na Jehova.—Awit 4:8.
23. Bakit ang iba’y umuurong sa pag-aalay kay Jehova at sa pagpapabautismo sa tubig bilang sagisag niyaon?
23 Ang iba’y nagsasabing iniibig nila ang Diyos ngunit umuurong ng pag-aalay sapagkat inaakala nila na sa gayong pag-urong ay nakaiiwas sila sa pananagutan at sila’y hindi mananagot. Ibig nilang mamuhay sa Paraiso, ngunit bahagya lamang ang kanilang ginagawa o tuluyang wala silang ginagawa tungkol doon. (Kawikaan 13:4) Ang gayung mga tao ay hindi makaiiwas sa sagutin sapagkat ang pananagutan ay dumating sa kanila nang kanilang marinig ang salita ni Jehova. (Ezekiel 33:7-9) Kung sila’y gagawa ng pag-aalay, kanilang ipakikilala na kanilang nauunawaan ang kalooban ng Diyos at sabik na gawin iyon. Sa halip na maging pabigat iyon sa kanila, ang gayong pagsunod ay magdadala ng pagpapala ni Jehova at magbubunga ng kagalakan sapagkat sila’y mamumuhay ayon sa kanilang sinasabi na kanilang iniibig siya.
24. Ano pa ang dahilan kung bakit ang iba’y ayaw pang magpabautismo?
24 Ang pag-aakalang sila’y wala pang sapat na nalalaman upang makapagpaliwanag ng Kasulatan ang isa pang dahilan kung bakit ang iba’y umiiwas sa bautismo. Subalit ang bating na Etiope ay handa na sagisagan ang kaniyang pag-aalay sa Diyos pagkatapos ng pakikipagtalakayan kay Felipe nang sila’y magkasamang nakasakay sa isang karo. Tiyak, sa simula’y hindi nasagot ng Etiope ang lahat ng tanong ng mga taong kaniyang binalitaan ng katotohanan. Subalit ang kaniyang puso’y nag-umapaw sa pagpapasalamat ukol sa kaniyang narinig, at siya’y hindi umurong dahil sa takot. “Walang takot ang pag-ibig, kundi ang sakdal na pag-ibig ay nag-aalis ng takot.” (1 Juan 4:18) Hindi isang ulo na punô ng mga sagot kundi isang pusong punô ng pag-ibig ang nag-uudyok sa isang tao na mag-alay ng sarili sa Diyos at pabautismo.—Lucas 10:25-28.
25. Ano ba ang inaasahan ng Diyos na Jehova sa mga nagsasabing kanilang iniibig siya?
25 Kung ikaw ay hindi pa bautismado, tanungin mo ang iyong sarili: Ano ba ang inaasahan ng Diyos sa mga nagsasabing kanilang iniibig siya? Ang nais niya’y bukud-tanging debosyon at ang hinahanap niya’y yaong sasamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24; Exodo 20:4, 5; Lucas 4:8) Ang bating na Etiope ay nagsagawa ng gayung uri ng pagsamba, at siya’y hindi nagpaliban nang mapaharap ang pagkakataon na pabautismo. Hindi baga dapat na ang pag-aalay kay Jehova’y taimtim na ipakipag-usap mo sa kaniya sa panalangin sa mismong sandaling ito at tanungin mo ang iyong sarili: “Ano ba ang nakahahadlang sa akin upang ako’y bautismuhan?”
Mga Tanong sa Repaso
◻ Bakit ang bating na Etiope ay naaring bautismuhan sa pinakamadaling panahon?
◻ Ano ang paraan ng pagbabautismo ng mga sinaunang Kristiyano?
◻ Ano ang kahulugan ng pagkabautismo ‘sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu’?
◻ Ano ang isinasagisag ng bautismong Kristiyano?
◻ Bakit dapat mag-alay kay Jehova sa panalangin?
◻ Ano ang mga dahilan at ang mga iba’y ayaw pang mag-alay ng sarili at magpabautismo?