Ang Kagandahan ay Baka Pang-ibabaw Lamang
SI Eva, ang una at tanging babae na nilalang ng Diyos, ay malamang na siyang pinakamagandang babaing nabuhay kailanman. Ngunit siya at ang kaniyang asawa, si Adan, ay naghimagsik kay Jehova. Kaya’t naiwala ni Eva ang kaniyang matalik na kaugnayan sa Diyos at may bahagi sa pagdadala ng isang kakila-kilabot na kasawian sa lahi ng sangkatauhan. Pagkatapos, tiyak na maganda pa rin siya noon, subalit ang kaniyang kagandahan ay pang-ibabaw lamang.
Sa kabuuan, ang kagandahan ay isang kaloob ng Diyos at higit nito ang namana ng iba kaysa sa iba. Ang hangad ng iba’y sila’y maging lalong maganda—o guwapo—kaysa kasalukuyan, at marami ang gumugugol ng malaking panahon at salapi sa higit na pagpapasulong pa sa anumang kagandahang taglay nila. Subalit gaya ng ipinakikita ng nangyari kay Eva, ang kagandahan kung iyon lamang ay walang kabuluhan maliban sa kung iyon ay may kasama pang mga ibang katangian. Anong mga iba pang katangian? Isang karanasan noong mga kaarawan ni Haring Solomon ang tutulong sa atin na sagutin iyan.
Isang Bagay na Lalong Mahalaga Kaysa Kagandahan
Sa Bibliya ang aklat ng Awit ni Solomon ay naglalahad ng tungkol sa isang magandang dalagang probinsiyana, isang Sulamita, na umibig sa isang kababayan niyang binatang pastol. Ang kaniyang kagandahan ay nakaakit sa hari, at pinapangyari ng hari na siya’y madala sa Jerusalem sa pag-asang maging asawa niya. Anong laking pagkakataon para sa isang dalaga! Doon, mapakikinabangan niya ang kaniyang kagandahan upang siya’y mapalagay sa isang puwesto na magpapanhik ng kayamanan, kapangyarihan, at impluwensiya sa kaharian. Subalit ang dalaga ay buong tigas na tumanggi sa mga biyayang maidudulot ng hari. Kaniyang tinalikdan ang kislap at kayamanan ng Jerusalem at siya’y nanatiling tapat sa kaniyang kasintahang pastol. Sa kaniyang halimbawa, ang kagandahan ay hindi panlabas lamang. Yao’y hindi mababaw, mapagsamantala, o masakim. Bagkus, yao’y isang panloob na kagandahan na wala ang kaniyang ninunong si Eva.—Awit ni Solomon 1:15; 4:1; 8:4, 6, 10.
Ang mga Silo ng Pisikal na Kagandahan
Ang pisikal na kagandahan, bagaman kanaisnais, ay maaaring humantong sa mga suliranin na hindi itinutulot ng panloob na kagandahan. Halimbawa, mga 4,000 taon na ngayon ang nakalipas, ang patriarkang si Jacob ay may anak na dalagang Dina ang pangalan at tiyak na ito’y napakaganda. Nang siya’y may kamangmangang nakihalubilo sa “mga anak na babae ng lupain,” isang binatang nagngangalang Sichem ang lubhang naakit sa kaniya kung kaya’t siya’y pinagsamantalahan.—Genesis 34:1, 2.
Isa pa, ang panlabas na kagandahan, kung hindi lalakipan ng panloob na kagandahan, ay maaaring makahikayat sa may katawan na labis na pahalagahan ang kaniyang sarili. Si Haring David ay may anak na nagngangalang Absalom, at tungkol sa kaniya’y ating mababasa: “Sa buong Israel nga’y walang gaya ni Absalom na ipinagkakapuri dahil sa kagandahan.” (2 Samuel 14:25) Subalit sa kabila ng kagandahang-lalaki ni Absalom siya’y nakamaskara nang pangit na kalooban: Siya’y mapagmataas, ambisyoso, at malupit. May panlilinlang na ginamit ng lalaking ito ang kaniyang kagandahang lalaki upang magkaroon ng maraming tagahanga sa Israel at pagkatapos ay bumuo siya ng sabuwatan laban sa kaniyang amang naghahari noon. Sa katapus-tapusan ay namatay nga siya ngunit pagkatapos lamang na ang kaharian ay maibulusok ng napakagandang lalaking ito sa giyera sibil.
Ang Kagandahang Lalaki
Tulad sa kaso ni Absalom, sa Bibliya’y tinutukoy ang mga lalaki at gayundin ang mga babae bilang magaganda. Ang halimbawa ng isang lalaking hindi nasilo ng kaniyang kagandahang lalaki ay si Jose, ang nakababatang kapatid ni Dina sa ama. (Genesis 30:20-24) Nang nasa kabataan pa si Jose, ang kaniyang mga kapatid ay nainggit sa kaniya at siya’y ipinagbiling alipin na dinala sa Ehipto. Doon, siya’y binili ng isang opisyal ng hukbo na nagngangalang Potipar, at dahilan sa pagiging tapat at masipag, siya’y naging tagapangasiwa sa sambahayan ni Potipar. Samantala, “si Jose ay lumaking may magandang mukha at kahali-halina.”—Genesis 39:6.
Ang asawa ni Potipar ay tinubuan ng matinding silakbo ng pag-ibig kay Jose at hindi na nahiyang magtangkang hikayatin si Jose na sipingan siya. Subalit ipinakita ng binata na siya’y may panloob na kagandahan kalakip ng kaniyang kagandahang lalaki. Siya’y tumangging magkasala laban sa kaniyang panginoon, si Potipar, at patakbong tumalilis palayo sa babae. Ang naging bunga, siya ay ipinabilanggo. Bakit? Ang nabigong asawa ni Potipar ay nagsinungaling at binintangan siya ng pagtatangkang halayin siya! Gayumpaman, hindi dahil sa mapait na karanasang ito ay naging masungit si Jose, at ang kaniyang ulirang halimbawa sa ilalim ng sukdulang pagsubok ay nakapagpatibay-loob sapol noon sa mga taong nakahilig sa katuwiran.
Gaya ng ipinakikita ng mga halimbawang ito, ang panloob na kagandahan—isang kagandahan ng pagkatao lalo na kung ito’y nakasalig sa pananampalataya sa Diyos—ay higit na mahalaga kaysa pisikal na kagandahan. Ang mga kabataang nagbabalak mag-asawa ay kailangang maging palaisip nito. Ang mga may patrabaho na naghahanap ng mga manggagawa ay kailangang alalahanin ito. At huwag nating kalilimutang lahat na pinagkalooban man tayo ng pisikal na kagandahan o hindi, ating mapagyayaman itong lalong mahalagang panloob na kagandahan. Subalit ito’y binubuo ng ano? At paano natin mapagyayaman ito? Ating tatalakayin ito sa susunod na artikulo.