Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Natapos ba ang tipang Kautusan nang si Jesus ay mamatay sa tulos, at kailan ito hinalinhan ng bagong tipan?
Marami ang nagtanong na ng mga katanungang ito, yamang isinasaisip nila ang tatlong mga pangyayari: ang pagkamatay ni Jesus sa pahirapang tulos noong hapon ng Nisan 14, 33 C.E., ang paghahandog niya sa langit ng halaga ng kaniyang itinigis na dugo, at ang pagbubuhos niya ng banal na espiritu noong araw ng Pentecostes 33 C.E. Ayon sa Kasulatan, natapos na ang tipang Kautusan at hinalinhan ng bagong tipan noong Pentecostes. Tingnan natin kung bakit nga gayon.
Humula si Jehova na, pagdating ng panahon, ang tipang Kautusan ay kaniyang hahalinhan ng “isang bagong tipan” na magtutulot na lubusang mapatawad ang kasalanan, na hindi maaari sa ilalim ng Kautusan. (Jeremias 31:31-34) Kailan magaganap ang paghahaliling iyan?
Ang mas matandang tipan, ang tipang Kautusan, ay kailangan munang alisin sapagkat naganap na ang layunin niyaon. (Galacia 3:19, 24, 25) Si apostol Pablo ay sumulat: “May kabaitang pinatawad tayo [ng Diyos] sa lahat ng ating mga kasalanan at pinawi ang sulat-kamay na kasulatan laban sa atin, na binubuo ng mga utos at na salungat sa atin; at Kaniyang inalis iyon sa pamamagitan ng pagpapako sa pahirapang tulos.” (Colosas 2:13, 14) Ang ibig bang sabihin niyan ay na sa sandaling namatay si Jesus, ang tipang Kautusan ay hinalinhan ng bagong tipan?
Hindi, sapagkat ang bagong tipan ay kailangang pasinayaan sa pamamagitan ng dugo ng nararapat na hain at gawin ang tipan sa isang bagong bansa, ang espirituwal na Isarel. (Hebreo 8:5, 6; 9:15-22) Si Jesus ay binuhay-muli noong Nisan 16, at makalipas ang 40 araw siya’y umakyat sa langit. (Gawa 1:3-9) Sampung araw pagkatapos na siya’y makaakyat na, o noong araw ng Pentecostes, ibinuhos ni Jesus sa kaniyang mga alagad “ang ipinangakong banal na espiritu” na kaniyang tinanggap sa kaniyang Ama, at umiral ang espirituwal na Israel. (Gawa 2:33) Sa pamamagitan ng Tagapamagitan, si Jesu-Kristo, ginagawa ng Diyos ang bagong pakikipagtipang ito sa espirituwal na Israel.
Sa liwanag ng ugnay-ugnay na mga bagay na ito, anong panahon hinalinhan ng bagong tipan ang tipang Kautusan?
Hindi masasabi ng isa na ang Kautusan ay natapos nang mamatay si Jesus. Sa loob niyaong 40 araw pagkatapos buhaying-muli si Jesus tungo sa buhay sa espiritu ngunit nanatili muna rito sa lupa, ang kaniyang mga alagad ay sumusunod pa rin sa Kautusan. Isa pa, ang isang mahalagang bahagi ng Kautusan ay ang pagpasok minsan sa taun-taon ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalan. Iyan ay lumarawan sa pagkabuhay-muli ni Jesus sa langit. Doon, sa presensiya ng Diyos, bilang Tagapamagitan ng bagong tipan, kaniyang maihahandog ang halaga ng kaniyang haing pantubos. (Hebreo 9:23, 24) Ito’y nagbukas ng daan upang ang isang bagong tipan ay mapasinayaan bilang katuparan ng Jeremias 31:31-34.
Ang bagong tipan ay nagkabisa nang kumilos si Jehova upang tanggapin niya ang haing pantubos. Kaniyang ibinuhos ang kaniyang banal na espiritu sa tapat na mga alagad ni Jesus upang umiral ang isang bagong bansa, ang espirituwal na Israel, na binubuo niyaong kasali sa tipan sa Kaharian. (Lucas 22:29; Gawa 2:1-4) Ipinakikita nito na pinawi na ng Diyos ang tipang Kautusan, sa makasagisag na pananalita’y ipinako iyon sa tulos na kinamatayan ni Jesus. Kaya’t ang tipang Kautusan ay natapos nang ang pag-andar, o inagurasyon, ng bagong tipan ay maganap nang isilang ang bagong bansa, ang espirituwal na Israel, noong Pentecostes 33 C.E.—Hebreo 7:12; 8:1, 2.
Maliban sa pangunahing kasagutang iyan sa tanong, mapapansin natin na hindi naman lubusang tinalikdan ng Diyos ang likas na Israel nang matapos ang tipang Kautusan at mahayag ang pagsisimula ng bagong tipan noong Pentecostes 33 C.E. Halimbawa, kasuwato ng tipan kay Abraham, si Jehova ay nagpakita ng natatanging paglingap sa mga Judio, sa mga proselita, at sa mga Samaritano sa loob ng ika-70 “sanlinggo” na natapos noong 36 C.E. (Genesis 12:1-3; 15:18; 22:18; Daniel 9:27; Gawa 10:9-28, 44-48) Kinailangan ang panahon upang kahit na ang ibang pinahirang mga Judiong Kristiyano’y makibagay sa katotohanang pagkatapos ng 33 C.E. ay hindi na kailangang sumunod sa Kautusan; makikita natin ito buhat sa suliraning iniharap sa lupong tagapamahala noong 49 C.E. (Gawa 15:1, 2) Ang lubos na pagkatapos ng Kautusan ay napatunayang lubusan noong 70 C.E., nang ang templo at mga rekord ng talaangkanan na may kaugnayan sa Kautusan ay naparam na, pagkatapos na wasakin ng mga Romano.—Mateo 23:38.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.