Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 3/1 p. 10-13
  • Si Jehova ang Aking Naging Kanlungan at Aking Katibayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova ang Aking Naging Kanlungan at Aking Katibayan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Paghahanap na Ginanti
  • Ang Munting Babae at ang Obispo
  • Ang Pananakop ng mga Nazi
  • Isang Pambihirang Engkuwentro
  • Isang Paanyaya sa Gilead
  • Magawaing Pagreretiro
  • Tinuruan ni Jehova Mula sa Aking Pagkabata
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Isang Pribilehiyong Makibahagi sa Pagpapalawak ng Gawain Pagkatapos ng Digmaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ang Aking Paglalakbay Tungo sa Bagong Sanlibutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • ‘Ako’y Pumailanlang na May mga Pakpak na Parang mga Agila’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 3/1 p. 10-13

Si Jehova ang Aking Naging Kanlungan at Aking Katibayan

Inilahad ni Margaret West

GUNIGUNIHIN mong nakatira ka sa isang kastilyo na kung saan si Reyna Anna Sophie ng Denmark ay pinutungan ng korona noong taóng 1721. Ang residensiyang ito kung tag-araw ng maharlikang pamilyang Danes, na nasa gitna ng magagandang parke, ang naging tahanan ko sa aking kabataan. Ang mararangyang mga kuwarto, ang magagarang mga hagdanan, ang mga kisameng pinintahan ng mga antigong pintor Pranses, ay waring nang panahong iyon ay mangyayari lamang sa pangarap.

Mga ilang hakbang lamang ang layo sa kastilyo ay isa pang gusali, na di-gaanong marangya, subalit ang aking 30 taon na paninirahan dito ay nagpayaman ng aking buhay nang higit pa. Ito ay ang Danes Bethel, tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Denmark.

Subalit una ay ibibida ko sa inyo kung papaanong ako’y nangyaring nakapanirahan sa Frederiksberg Castle sa Copenhagen. Ang aking ama, isang koronel sa hukbong Danes, ang direktor ng akademya militar na naroon sa kastilyong yaon ang pangulong tanggapan. Dahil sa hawak niyang puwestong ito ay karapatan niya at ng kaniyang pamilya na manirahan sa mapagbiyayang mga kapaligirang ito. Para sa isang munting bata, ito’y isang buhay engkantada, ligtas sa panganib sa loob ng bakuran ng magandang palasyong ito. Naisip ko na ang maligaya, nakasasabik na mga araw na ito ng aking kamusmusan ay hindi matatapos. Subalit ang pangarap na ito ay nasira isang di-malilimot na araw noong 1921.

Kaming mga anak ay tinawag upang pumaroon sa silid ng aking ama. Nakikita kong siya’y nakahiga roon, puting-puti ang tingin ko, at ang dalawang kamay ay nasa ibabaw ng kumot. Kami’y niyakap ng aking ina. Ang aming manggagamot, na naroon din sa tabi ng kama, ay malungkot na malungkot ang ayos. Sa mahinang tinig ay sinabi ni Inay: “Ang Itay mo ay patay na.” Ang unang sumiksik sa aking isip ay: ‘Hindi iyan mangyayari! Halos wala naman siyang sakit.’ Iyon ay isang mahirap na tiising karanasan para sa isang batang sampung taóng gulang. Noon ay hindi ko akalain na ang malungkot na kamatayang ito ang aakay sa akin sa pagkaunawa ng layunin ng buhay.

Ang kamatayan ni Itay ay nagdulot ng napakalaking pagbabago sa aming buhay. Ang kastilyo ay tirahan ng isang opisyal, kaya si Inay ay humanap ng ibang dako para matirhan namin. Isang mahirap na panahon iyon, at upang tulungan kami na makaahon sa kasawiang yaon, siya’y gumawa ng isang bagay na nakagulat sa aming pamilya at mga kaibigan. Kaming lahat ay pinahinto niya sa pag-aaral, at kami ay nagliwaliw sa Europa nang may isang buong taon.

Isang Paghahanap na Ginanti

Gayunman, nang kami’y makabalik at makauwi na sa Denmark, ang kamatayan ni Itay ay hindi pa rin namin malimut-limot, at patuloy na tinatanong ni Inay ang kaniyang sarili, paulit-ulit, Bakit? Bakit? Bakit? Upang masumpungan ang kasagutan, siya’y nagsimulang magsuri sa mga pilosopyang Silanganin, subalit ito’y hindi nakapagdulot ng kasiyahan sa kaniyang makatuwirang kaisipan. Nang magkagayo’y ipinasiya niya na bumaling sa Bibliya, sa pag-aakala niyang baka mayroon itong ilang kasagutan. Sa kaniyang pagkuha ng Bibliya na nasa aparador ng mga aklat, nasulyapan niya ang isang pulang aklat na katabi niyaon, isang aklat na noon lamang niya nakita. Iyon ay may pamagat na The Divine Plan of the Ages. Ito’y kabibili-bili lamang ng kapatid ko sa isang Bible Student na dumalaw sa amin.

Sinimulan ni Inay na basahin ang aklat at madali namang nakumbinsi na kaniyang natuklasan ang mga sagot sa kaniyang mga tanong. Noon, ako’y nag-aaral sa Pransiya, subalit nang umuwi ako nang isang araw ng kapistahan mga ilang buwan ang nakalipas, sabik na ibinalita sa akin ni Inay ang tungkol sa kaniyang bagong katutuklas na kayamanan. Kaniyang ibinalita sa akin ang tungkol sa Kaharian ng Diyos​—isang Kaharian na maghahari sa buong lupa at aalisin nito ang lahat ng digmaan, isang Kaharian na magdudulot ng di-kawasang mga pagpapala sa sangkatauhan, kasali na ang pagbuhay sa mga patay. Iyon ay kagila-gilalas. Sa wakas ay natuklasan namin ang isang kanlungan buhat sa pag-aalinlangan at kawalang kasiguruhan.

Nang gabing iyon nang ako’y mahiga na upang matulog, noon unang-unang nanalangin ako sa tanáng buhay ko. Kami kailanman ay hindi pamilyang relihiyoso, subalit sa paaralan kami’y tinuruan ng Panalangin ng Panginoon. Kaya’t may pag-aatubiling binigkas ko ang panalanging ito. Nang dumating ako sa mga salitang, “Dumating nawa ang Kaharian mo . . .,” Ang aking puso ay halos pumutok sa kagalakan. Sa wakas ay naintindihan ko ang aking hinihingi! Animnapung taon ang lumipas, subalit natatandaan ko pa rin nang buong linaw ang di-mailarawang kagalakan na nadama ko nang gabing yaon.

Pagkatapos ng aking pag-aaral sa Pransiya, ako’y naparoon sa Inglatiera nang may isang taon upang sanayin ang aking Ingles. Iginiit ni Inay: “Ang isang batang babae ay dapat matuto ng mga wika, ang isang batang lalaki naman ay ng matematika.” Sa wakas, ako’y natuto ng limang wika, na pawang di-matutumbasan ang kahalagahan, at nang lumipas ang mga taon kalimitan nang pinasasalamatan ko si Inay sa pagbibigay sa akin ng ganitong pagkakataon.

Nang ako’y dumating sa Inglatiera, natuklasan ko na ang aklat na The Harp of God ay inilagay ni Inay sa aking maleta. Aking pinag-aralan iyon nang maingat at ako’y nagsimulang magpatotoo tungkol sa aking natutuhan sa pamilyang Ingles na aking tinutuluyan. Isang kamag-anak ng pamilyang ito ang dumalaw sa tahanan noong minsan, kaya’t ako’y nagpatotoo sa kaniya. (Ako noon ay medyo nasanay na ng ‘pagtugtog sa sampung kuwerdas’ ng “alpang” ito.) Yamang ibig ng babaing ito na magkaroon siya ng aklat na sarili, ako’y sumulat sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa London, at ako’y pinatalastasan nila na makipag-ugnayan sa lokal na mga kapatid.

Sa gayo’y nagsimula akong makisama sa munting grupong ito sa Wickford, Essex, na nagtitipon sa bahay ng isa sa mga Bible Students. Sa isang pagtitipon, ipinahayag na sa susunod na araw ng Linggo ay magkakaroon ng “excursion,” at ako’y inanyayahan din. Inasam-asam ko noon ang isang kawili-wiling pagliliwaliw sa may bandang kabukiran, subalit nang ako’y dumating, natapos ang panalangin, at ako’y binigyan ng ilang literatura at pinasama sa isang may edad nang sister upang mangaral!

Pagbalik ko sa Denmark, ako’y patuloy na nakisama sa mga Bible Students, at noong 1929 ako ay nabautismuhan. Isang di-malilimot na karanasan ang asamblea sa Copenhagen noong 1931. Sa asambleang ito tinanggap namin ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Upang ito’y maipabatid sa mga pinuno, ang pahayag ni Brother Rutherford at ang kasunod na resolusyon na pinagtibay sa asamblea ay inilathala sa pulyetong The Kingdom, the Hope of the World. Kami’y inatasan na personal naming dalhin iyon sa lahat ng prominenteng tao sa pamayanan, kasali na ang mga hukom, mga kagawad ng pamahalaan, kilalang mga mangangalakal, at pati lahat ng mga klerigo.

Ang Munting Babae at ang Obispo

Tinanggap ng hari ng Denmark ang kaniyang kopya nang kaniyang tanggapin ang tagapangasiwa ng sangay. Ako’y binigyan ng ipamamahaging mga pulyeto, kasama na ang mga sobre na may mga pangalan at mga direksiyon ng mga taong dadalawin ko sa kampanyang ito. Ang unang pangalan sa listahan ay talagang nakagulantang sa akin. Iyon ay isang prominenteng obispong Luterano na tanyag na tanyag noon dahil sa kaniyang pananalansang sa mga Saksi ni Jehova.

Ang obispo ay doon nakatira sa isang bukud-tanging bahagi ng Copenhagen, at nang ako’y tumimbre, aaminin ko na ako’y lalo pang lumiit sa aking kaliitan na isa at kalahating metro. Isang katulong na babae ang nagbukas ng pinto, pinagmasdan ako mula ulo hanggang paa nang may paghihinala, at nagtanong: “Ano po ang ibig nila?” “Salamat po, ibig ko pong makipag-usap sa obispo,” ang tugon ko nang may katatagan. Ako’y pinahiram ni Inay ng isang magarang amerikanang astrakhan para sa okasyong yaon, at marahil ito’y nakakumbinsi sa katulong na dapat akong pagbigyan, sapagkat pagkatapos ng isang mahabang pagsasawalang-kibo na animo’y walang-hanggan, sinabi niya: “Sandali po lamang.” Hindi nagtagal at siya’y bumalik at sinamahan ako ng pagdaraan sa isang mahabang pasilyo, kaniyang binuksan ang pinto, at doon sa likod ng isang malaking desk ay nakaupo ang obispo. Siya’y isang lalaking matangkad at matipuno ang katawan. Siya’y tumingala at nginitian ako nang magiliw.

Ipinagunita ko sa aking sarili na ang Isang nasa likuran ko ay lalong dakila kaysa sa isang nasa harapan ko, aking ipinaliwanag sa kaniya ang layunin ng aking pagdalaw, at iniabot sa kaniya ang sobre. Kaniyang inabot iyon at pagkatapos ay inihagis sa ibabaw ng desk na para bang iyon ay nagliliyab sa apoy. Siya’y lumundag, hinawakan ang aking kamay at hinila akong paatras sa pagkahaba-habang pasilyong iyon hanggang sa makarating sa pintuan sa harap. Biglang isinara ang pinto, subalit nakangiti ako sa aking sarili. Naroon na sa ibabaw ng kaniyang desk ang pulyeto; tapos na ang aking trabaho.

Noong 1933 ay nagsimula akong magpayunir, yamang naisip ko na yaon ay isang mainam na paraan ng paglilingkod kay Jehova nang lalong puspusan. Makalipas ang isang taon ay napakasal ako kay Brother Albert West, isang kapatid na Ingles na doon napadestino sa Denmark mga dalawang taon na ang nakalipas. Magkasama kaming naglingkod sa Danes Bethel ng may 30 taon.

Ang Pananakop ng mga Nazi

Ang Abril 9, 1940, ay isang araw na hindi ko kailanman malilimot. Ako’y ginising ng alas seis ng panay na panay na hugong ng eroplanong animo’y lumilipad sa mismong itaas ng aking ulo. Ano ba ang nangyayari? Ang Denmark ay isang bansang neutral. Sa labas, ang mga tao ay nagtitipon sa mga kalye, matitindi ang balita, maigting ang buong palibot. Nang magkagayo’y nagbalita ang radyo: “Ang Denmark ay sinakop na ng mga hukbong Aleman.”

Ang isang tuwirang suliranin ay kung ano ang kailangang gawin sa lahat ng mga literatura na aming itinago sa gusali. Ang mga kapatid sa Copenhagen ay nagpakita ng kamangha-manghang pangitain sa hinaharap at karunungan. Hindi nagtagal at ang mga aklat ay ipinamahagi sa lokal na mga kapatid, at ang mga rekord sa sangay ay ligtas na naipaligpit sa isang listong sister na may edad na, at ito’y itinago niya sa ilalim ng kaniyang kama sa buong panahon ng pagdidigmaan.

Ang isa pang problema ay kung ano ang dapat gawin sa 350,000 pulyeto na kararating lamang. Ipinasiya na ipamahagi ang mga ito kaagad-agad. Dati’y hindi ako maniniwala na ikaw ay makakaakyat sa napakaraming hagdanan sa loob lamang ng dalawang araw. Lahat ng ito’y ginawa nang hindi pinupukaw ang hinala ng mga sundalong Aleman na nagpapatrolya sa mga kalye. Pagka sila’y dumaraan, sinisikap naming bigyan sila ng impresyon na kami’y nagtitingin-tingin ng mabibili sa mga eskaparate ng mga tindahan. Lahat ng mga kapatid, kapuwa bata at matanda, ay nagkaroon ng bahagi sa mabilisang pamamahagi nito at pagkaraan ng isang 48-oras na blitz, lahat ng pulyeto ay nasa kamay na ng publiko.

Sa panahong iyon ng pananakop, naputol na lahat ang pakikipag-ugnayan sa punung-tanggapan sa Brooklyn, subalit ang panustos na espirituwal na pagkain ay hindi naubos. Mayroong isa o dalawang kapatid na doon nagtatrabaho sa serbisyong diplomatiko, at ang kanilang maleta ay hindi naman sinasaliksik. Yamang sila’y palagiang nagbibiyahe sa Sweden, kami’y nadalhan nila ng Ang Bantayan sa Swedish. Ako’y may kaunting alam sa Swedish, kaya’t ako’y inatasan ng gawaing pagsasalin sa Danes ng bawat labas. Isang nakasisirang-loob na hamon, subalit ako’y puspusang nag-aral upang matuto hangga’t maaari. Sa ganitong paraan, kami’y palagiang tumatanggap ng Ang Bantayan sa buong panahon ng digmaan.

Sa katunayan, kami’y nakapagpadala pa nga ng mga ilang siping Danes sa mga kapatid sa Norway. Mga kartong kahon ng itlog na para sa mga opisyales na Nazi ang regular na ipinadadala sa Norway galing sa Denmark. Ang mga itlog ay nagawa naming balutin sa mga pahina ng magasing Bantayan sa Danes, na maingat na inalisan naman ng balot ng mga kapatid na Norwego bago ipadala ang itlog sa mga Aleman.

Isang Pambihirang Engkuwentro

Sa panahon ng digmaan, si Brother Eneroth, na siyang lingkod ng sangay sa Sweden, ay pinahintulutang dumalaw sa Denmark, at si Albert ay naparoon sa ferry upang salubungin siya. Nang si Brother Eneroth ay pababa sa daanan, dalawang opisyal na Aleman ang lumitaw at hiniling na sumama sa kanila si Albert at si Brother Eneroth.

Sila’y dinala sa otel Cosmopolite, isa sa headquarters ng militar ng hukbong Aleman, at sila’y sinamahan sa isang opisina sa ikalawang palapag, na kung saan sila’y sinalubong ng isang Aleman na nakadamit paysano. Sila’y kinausap nito sa matatas na Ingles, at sinabi niya: “Gaya ng alam na alam ninyo, may nagaganap na digmaan. Ako’y isang mangangalakal na taga-Hamburg, at ako’y naatasang magtrabaho rito bilang isang tagasenso. Aking sinesenso ang lahat ng koreo ng Watchtower Bible Society [sa pagitan ng Denmark at Sweden]. Ito’y isang bagay na labag sa aking kagustuhan, subalit wala akong magagawa. Payagan ninyong purihin ko kayo dahilan sa inyong mga liham, na walang kasinungalingan at nakatutuwang basahin. Hindi ninyo maguguniguni ang kasinungalingang natutuklasan ko sa liham ng mga ibang kompanya.”

Siya’y nagharap ng tanong sa mga kapatid. “Ano ba ang isang pagdalaw-muli?” Si Albert ay nagbigay ng isang maikling pagtatanghal ng isang pagdalaw-muli, o return visit, anupa’t ginamit niya si Brother Eneroth bilang kaniyang maybahay. Pagkatapos ay winakasan ng opisyal ang pakikipagpanayam, na ganito ang sabi: “Salamat sa inyo, mga ginoo, iyan ang nais ko lamang malaman.” Marahil ito ang paraan ng pagbibigay-babala niya sa mga kapatid upang mag-ingat tungkol sa kanilang inilalagay sa kanilang mga liham.

Isang Paanyaya sa Gilead

Nang katapusan ng 1945, aming tinanggap nang buong sigla ang dumadalaw na sina Brother Knorr at Henschel. Sa panahon ng pagdalaw na ito, kami ni Albert ay inanyayahan na mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead, at kami’y nakabilang sa ika-11 klase ng paaralang misyonerong ito noong 1948. Pagkatapos ng aming pagsasanay sa Gilead, ako’y naglingkod kasama ng aking asawa na naatasan sa gawaing pansirkito ng may anim na buwan sa Maryland, Virginia, at Washington, D.C., bago bumalik sa Denmark.

Mga ilang taon ang nakalipas, si Albert ay nagkasakit at ang sakit na iyon ay nakilala sa wakas na cancer pala. Sampung taon na inalagaan ko siya habang ginagawa ko ang magagawa ko bilang isang tagapagsalin, hanggang sa siya ay mamatay noong 1963. Nang sumunod na taon, ako’y napaharap sa isa pang pananagutan na pag-iisipan. Ang aking ina ngayon ay 88 anyos na at kailangang may tumingin sa kaniya. Sa gayon, bagaman ikinalulungkot ko, kinailangang huminto ako sa buong-panahong paglilingkod. Si Inay ay nabuhay hanggang sa edad na 101 at siya’y nagpatuloy na tapat hanggang sa wakas.

Magawaing Pagreretiro

Nang mga huling taon ng buhay ng aking ina, ang mga buwan ng taglamig ay ginugol namin sa Espanya. Kaya’t nang siya’y mamatay, ipinasiya ko na manatili roon. Natuto ako ng Kastila at naisip ko na sa ganitong paraan ako’y maglilingkod sa isang lupaing banyaga. Bagaman ang magagawa ko’y hindi kasindami ng ibig ko, dahilan sa aking edad at iba pang pananagutan, nagagawa ko pa ring regular na maging auxiliary pioneer.

Mahigit na 20 taon ng aking buhay ang ginugol ko sa pag-aalaga ng isang maysakit na asawa at ng isang inang matanda na. Gayumpaman, kailanman ay hindi ko itinuring ito na isang pabigat. Sa tuwina’y iniisip ko na kapuwa sila karapatdapat sa gayong pag-aasikaso at konsiderasyon, at itinuturing ko na iyon ay bahagi ng aking paglilingkod kay Jehova, na laging tumutulong sa akin na pagtagumpayan ang kalungkutan at mga pagsubok na kailangang tiisin sa ilalim ng gayung mga kalagayan.

Ngayon ako’y nakatira sa isang munting apartment, na ibang-iba sa magarang kastilyo na sinilangan ko. Subalit ang mga gusali ay hindi kailanman makapagbibigay ng kapanatagan, gaya ng natuklasan ko maaga sa aking buhay. Sa kabilang panig, natuklasan ko ang isang lalong dakilang kanlungan at katibayan, na kailanma’y hindi nagbigay sa akin ng kabiguan. Tunay na masasabi ko, gaya ng salmista: “Ikaw ang aking kanlungan at ang aking katibayan, ang aking Diyos na aking pagtitiwalaan.”​—Awit 91:2.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share