Mga Aral Buhat sa Kasulatan: Oseas 1:1–14:9
Si Jehova na Ating Diyos ay Maawain
SI Jehova ay “isang Diyos na madaling magpatawad, mapagbiyaya at puspos ng kaawaan, mabagal sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.” (Nehemias 9:17) Siya’y sumusunod sa kaniyang matuwid na pamantayan ngunit kaniyang inaanyayahan ang mga gumagawa ng masama na magsisi at magtamasa ng mabuting kaugnayan sa kaniya. Buong husay na ipinaghalimbawa ito sa pamamagitan ng sinabi ng Diyos sa masuwaying mga Israelita sa pamamagitan ni propeta Oseas!
Ang aklat ng Bibliya na mayroong pangalan ni Oseas ay natapos ng propeta sa distrito ng Samaria pagkatapos ng kaniyang mahabang paglilingkod ng mga 59 na taon (mula noong humigit-kumulang 804 B.C.E. hanggang pagkatapos ng 745 B.C.E.). Si Oseas ay humula sa sampung-tribong kaharian ng Israel noong kaarawan ni Haring Jeroboam II at ng mga hari ng Juda na sina Uzzias, Jotham, Ahaz, at Ezekias. (Oseas 1:1) Dahilan sa hindi nakinig ang Israel sa pananawagan na magsisi, ang bansa ay sinakop ng mga taga-Asirya, at ang kabiserang lunsod nito, ang Samaria, ay pinuksa noong 740 B.C.E. Bagaman ang hula ni Oseas ay pahatid sa mga tao noong nakalipas na mga siglo, ito’y may mga aral para sa atin tungkol sa kaawaan ng ating Diyos, si Jehova.
Ang Pagkamasuwayin ng Israel
Si Jehova ay nagkakaloob ng awa salig sa taus-pusong pagsisisi ng isang makasalanan. (Awit 51:17; Kawikaan 28:13) Ang pagkukusa ng Diyos na magpakita ng awa sa Israel ay ipinaghalimbawa sa pakikitungo ni Oseas sa kaniyang asawa, si Gomer. Gaya ng iniutos, siya’y kumuha ng “isang asawa sa pakikiapid.” Pagkatapos magkaanak ng isa kay Oseas, maliwanag na si Gomer ay nagkaanak ng dalawa sa pakikiapid. Gayunman, maawaing tinanggap muli ng propeta ang kaniyang asawa. Sa katulad na paraan, ang Israel ay gaya ng isang taksil na asawa kay Jehova, anupa’t siya ay may maling paniniwala na sa diyus-diyusang si Baal nanggagaling ang mga pagpapala. Subalit si Jehova ay handa namang magpakita sa kanila ng awa kung sila’y magsisisi sa kanilang espirituwal na pangangalunya.—1:1–3:5.
Ang mga makasalanang naghahangad na sila’y magkamit ng pagpapatawad ng Diyos ay kailangang humiwalay sa kanilang gawang pagkakasala at sumunod sa kaalaman sa Diyos. (Awit 119:59, 66, 67) Si Jehova ay nagkaroon ng usapin laban sa mga tao sa Israel sapagkat ang katotohanan, kagandahang-loob, at ang kaalaman sa Diyos ay wala sa kanilang lupain. Yamang kanilang itinakwil ang kaalaman, sila’y itatakwil din ni Jehova. Magkakaroon ng pagsusulit para sa idolatrosong Israel at Juda. Subalit inihula na kanilang hahanapin ang Diyos pagka sila’y napalagay “sa pagdadalamhati.”—4:1–5:15.
Pag-aani ng Ipuipo!
Mga gawang karapatdapat sa pagsisisi ang kailangan kung ibig ng mga nagkakasala na makaranas ng kaloob ng Diyos na awa. (Gawa 26:20) “Tayo’y manumbalik kay Jehova,” ang pagmamakaawa ni Oseas. Subalit ang kagandahang-loob ng Israel (tinatawag na Efraim ayon sa pangunahing tribo nito) at ng Juda ay “mistulang hamog na madaling pumanaw.” Ang mga tao ay lumabag sa tipan ng Diyos at hindi nagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi. “Tulad ng isang mangmang na kalapati na walang unawa,” sila’y humingi ng tulong sa Ehipto at Asirya. Subalit ang makapulitikang hakbanging ito ay walang magagawang kabutihan sa kanila na tulad ng “isang maluwag na búsog” na hindi makapagpatama ng bala sa isang inaasintang target.—6:1–7:16.
Upang umani nang mabuti, yaong mga naghahanap ng awa ni Jehova ay kailangang maghasik nang mabuti. (Galacia 6:7, 8) Dahilan sa itinakwil ng mga Israelita ang mabuti, sila’y umani nang masama. ‘Sila’y patuloy na naghasik ng hangin at umaani ng ipuipo.’ Ang Diyos ay “magbibigay ng pansin sa “kanilang mga pagkakasala,” at kanilang aanihin hindi ang kaniyang awa kundi ang kaniyang galit. Sila’y magiging “mga gala sa gitna ng mga bansa,” malamang na ang isang dahilan nito ay yaong pagsakop sa kanila ng mga taga-Asirya.—8:1–9:17; Deuteronomio 28:64, 65; 2 Hari 15:29; 17:1-6, 22, 23; 18:9-12; 1 Cronica 5:26.
Tayo’y patuloy na makikinabang sa kaawaan ng Diyos tangi lamang kung tayo’y patuloy na magpapahalaga sa mga bagay na banal. (Hebreo 12:14-16) Ang mga Israelita ay nagkulang ng gayung pagpapahalaga. Imbis na maghasik ng binhi sa katuwiran at umani nang naaayon sa kagandahang-loob, sila’y nag-araro ng kabalakyutan at umani ng kalikuan. Ang Israel ay tinawag ng Diyos na lumabas sa Ehipto bilang isang anak, subalit ang Kaniyang pag-ibig ay ginanti ng pagdaraya. “Sa inyong Diyos manunumbalik kayo, na nag-iingat ng kagandahang-loob at katarungan,” ang payo ni Jehova. Subalit ang Efraim ay nahulog sa malubhang pagkakasala at karapatdapat na sawayin sa halip na pagpakitaan ng awa.—10:1–12:14.
Manumbalik kay Jehova
Kahit na yaong nagkakasala nang malubha ay makapanunumbalik kay Jehova at sila’y pagpapakitaan ng awa. (Awit 145:8, 9) Muli na namang binanggit ni Oseas ang malumanay na kaawaan ng Diyos sa mga Israelita. Bagaman ang bansa’y naghimagsik kay Jehova, siya’y nangako na sila’y muling ibabalik, na ang sabi: ‘Buhat sa Sheol ay tutubusin ko sila; aking tutubusin sila mula sa kamatayan.’ Ang Samaria (Israel) ay kailangang magbayad sa kaniyang paghihimagsik. Subalit ang mga Israelita ay hinimok na manumbalik sa Diyos sa pamamagitan ng kaaya-ayang mga salita, ‘ang mga batang toro ng mga labi.’ Ang hula’y nagtapos sa pamamagitan ng nakaaaliw na kaisipang ang pantas at matuwid na lumalakad sa matuwid na mga daan ni Jehova ay magkakamit ng kaniyang awa at pag-ibig.—13:1–14:9.
Mga aral na dapat tandaan: Si Jehova ay nagkakaloob ng awa salig sa taus-pusong pagsisisi ng isang nagkasala. Subalit ang mga makasalanan na naghahangad ng kaniyang awa ay kailangang umayon sa kaalaman sa Diyos at magbunga ng mga gawang karapatdapat sa pagsisisi. Sila’y kailangang maghasik nang mabuti at patuloy na magpahalaga sa mga banal na bagay. At maaaring kamtin ang kaaliwan buhat sa pagkaalam na kahit yaong mga nagkakasala nang malubha ay makaaasang makapanunumbalik sa Kataas-taasan, sapagkat si Jehova na ating Diyos ay maawain.
[Kahon sa pahina 14]
SINURI ANG MGA TEKSTO SA BIBLIYA
○ 2:21-23—Ang ibig sabihin ng Jezreel ay “Maghahasik ng Binhi ang Diyos.” Si Jehova ay magtitipon ng isang tapat na nalabi at sila’y ihahasik na gaya ng binhi sa Juda, na kung saan magkakaroon ng trigo, matamis na alak, at langis. Alang-alang sa mga nangangailangang nalabi, hihilingin ng mabubuting bagay na ito na ang lupa’y magbigay ng mga mineral sa mga uhay ng trigo, sa mga punung-ubas, at sa mga punung-olibo. Ang lupa naman ay hihiling sa langit na magpaulan, at sila’y hihiling naman sa Diyos na magpadala ng ulap na magbibigay ng kinakailangang ulan.
○ 5:1—Ang apostatang saserdote at mga hari ng Israel ay naging isang patibong at isang lambat para sa mga mamamayan sa pang-aakit sa kanila na sumunod sa huwad na pagsamba. Malamang, ang Bundok Tabor (nasa kanluran ng Jordan) at ang Mizpah (isang siyudad sa silangan ng ilog na iyan) ay mga sentro ng huwad na pagsamba. Sa buong Israel, ang mga mamamayan ay nagkakasala ng idolatriya dahilan sa masamang halimbawang ipinakikita ng kanilang mga pinuno, na daranas ng kabagsikan ng hatol ng Diyos.
○ 7:4-8—Ang mangangalunyang mga Israelita ay inihambing sa isang hurno ng magtitinapay, o apuyan, maliwanag na dahil sa masasamang hangarin na nagsisiklab sa kanilang kalooban. Sa pakikihalubilo sa mga bansa sa paglakad sa kanilang mga daan at sa paghahangad na pumasok ng pakikipagkaisa sa kanila, ang Efraim (Israel) ay isa ring mistulang bilog na tinapay na niluto nang kabilan.
○ 9:10—Ang mga Israelita ay ‘nagtalaga ng kanilang sarili sa kahiya-hiyang bagay’ nang sila’y makiugnay sa Baal ng Peor sa kapatagan ng Moab. (Bilang 25:1-5) Si Oseas ay gumamit ng isang pandiwang Hebreo na ang ibig sabihin ay “ihiwalay ang kanilang sarili; ibukod ang kanilang sarili.” Ang mga Israelita ay nag-alay ng sarili sa Diyos ngunit inihiwalay ang kanilang sarili para italaga kay Baal ng Peor. Ang pangyayaring iyan ay marahil binanggit dahilan sa ang pagsamba kay Baal ay isang pangunahing kasalanan ng sampung-tribong kaharian. (Oseas 2:8, 13) Harinawang pakinggan natin ang babalang ito at kailanman ay huwag nating sirain ang ating pag-aalay kay Jehova.—1 Corinto 10:8, 11.
○ 10:5—Ang Beth-aven (na ang ibig sabihin “Bahay ng Kapinsalaan”) ay ginagamit sa isang nakasisirang diwa para sa Bethel, na ang ibig sabihin ay “Bahay ng Diyos.” Ang Bethel ay naging isang bahay ng Diyos ngunit napauwi sa isang bahay ng kapinsalaan dahilan sa ginaganap doon na pagsamba sa baka. (1 Hari 12:28-30) Nang ang idolong guya ay dala-dalang mga bihag, ang mga mamamayan ay nangatatakot. Ang walang-buhay na idolo ay hindi makapagligtas ng kaniyang sarili, at lalo na niyaong mga sumasamba sa kaniya.—Awit 115:4-8.
○ 13:14—Ang masuwaying mga Israelita ay hindi ililigtas ni Jehova sa panahong iyon buhat sa kapangyarihan ng Sheol ni tutubusin man sila sa kamatayan. Siya’y hindi magpapakita ng habag, sapagkat sila’y hindi karapatdapat na kaawaan. Subalit ipinakita ni apostol Pablo na sa wakas ay sasakmalin ng Diyos magpakailanman ang kamatayan at mawawalang-kabuluhan ang tagumpay nito. Ipinakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang gawin iyon sa pamamagitan ng pagbuhay kay Jesu-Kristo buhat sa kamatayan at sa Sheol, sa gayo’y nagbibigay ng katiyakan na ang mga taong nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying-muli ng kaniyang Anak sa ilalim ng paghahari ng Kaharian.—Juan 5:28, 29.