Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 4/1 p. 31
  • Pinagkakaisa ng Pag-ibig ang mga Pamilya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinagkakaisa ng Pag-ibig ang mga Pamilya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hong Kong
  • Britanya
  • Timog Pasipiko
  • “Ang Diyos ay Hindi Nagtatangi”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Makinabang sa Patnubay ni Jehova Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Asawang Babae
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Puwedeng Maging Masaya ang Pamilya Mo
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 4/1 p. 31

Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian

Pinagkakaisa ng Pag-ibig ang mga Pamilya

ANG pagkakaisa ng pamilya ay makakamit tangi lamang kung ang pag-aasawa’y nakasalig sa pag-ibig na pinapatnubayan ng kawalang-pag-iimbot. Ang gayong pag-ibig ay nanggagaling kay Jehova, ang Diyos ng pag-ibig, kung kaya’t iyon ay isang bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23; 1 Juan 4:8) Ang sumusunod na mga karanasan ay nagpapakita ng halimbawa kung paano ang pag-ibig na nakasalig sa kaalaman sa Bibliya ay naging tagapagkaisa ng mga pamilya.

Hong Kong

◻ Sa Hong Kong isang payunir ang nagsimula ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa isang maybahay at sa kaniyang dalawang anak na babae. Ang asawang lalaki ay nabahala na baka ang kaniyang asawang babae ay napapasangkot na sa isang radikal na grupong relihiyoso. Iminungkahi ng payunir sa asawang babae na kaniyang imbitahan ang kaniyang asawa upang makiupo sa pag-aaral na iyon at magpasiya para sa kaniyang sarili, na ginawa naman ng lalaking ito. Samantala, ang asawang babae ay nagsimulang dumalo sa mga pulong, subalit mayroon siyang problema sa pagsasanay sa kaniyang mga anak. Kaniyang laging kinagagalitan ang nakatatandang anak at pinababayaan sa gusto ang nakababatang anak. Nang magkagayo’y napabalita na silang mag-asawa’y may mga suliranin. Ang kanilang mga pag-aaway ay kalimitang nauuwi sa karahasan, at malimit na kinakaon ang pulisya. Ginamit ng payunir ang mabisang Salita ng Diyos upang turuan sila kung paano sa kanilang pagsasamang mag-asawa’y magpapakita sila ng maka-Diyos na pag-ibig. Hindi nagtagal at ang mga dating paraan at mga ugali ay unti-unting nagbago. Kapuwa sila naging palagiang dumadalo sa mga pulong, at isang lalong maligayang kapaligiran ang umiral sa tahanan. Ang lalaki’y huminto na ng paninigarilyo at ngayo’y nakatala na sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ang babae ngayon ay isang bautismadong mamamahayag na.

Ang pagkakaisa ng pamilya ay nakamtan sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig, isang bunga ng espiritu ng Diyos.

Britanya

◻ Isang karanasan buhat sa Britanya ang nagpapakita kung paanong pinagpapala ni Jehova ang isang lalaking nagpapakita ng pag-ibig, pagtitiyaga, at pagtitiis sa pakikitungo sa kaniyang asawa. Nang ang lalaki’y mapasa-katotohanan 12 taon na ang nakalipas ngayon, ang mahigpit na pananalansang ng kaniyang asawang babae ang umakay dito na kumuha ng isang legal na diborsiyo. Gayunman, ang asawang lalaki ay nagpatuloy ng pagpapakita sa kaniya ng kabaitan, at siniguro nito na ang babae’y natutustusan nang husto, kaniyang palagiang tinutulungan ito sa pang-araw-araw na gawain. Nakalipas ang apat na taon at sa kabila ng dating pagsalansang ng babae minabuti niya na banggitin minsan pa sa babae ang katotohanan. Nang kaniyang imungkahi na isang sister ang makipag-aral ng Bibliya sa asawang babae, siya’y pumayag, sa laki ng ipinagtaka ng lalaki. Sa wakas ay nanindigan siya sa katotohanan at nabautismuhan. Ang asawang lalaki naman ay hindi kailanman kinupasan ng pag-ibig sa babaing ito, at nang mapatunayang talagang lumalakad siya sa katotohanan, hiniling ng lalaki na sila’y magpakasal uli. Ganiyan na lang ang kagalakan ng babae, anupa’t hindi niya inaasahang gagawin ito ng lalaki dahilan sa dating masamang pakikitungo niya rito. Sila’y muling ikinasal at nagsasama ngayon nang halos walong taon na, at kapuwa sila sumusulong ng pag-unlad sa katotohanan.

Timog Pasipiko

◻ Mahigit na 20 taon na ngayon, isang kabataang lalaki sa isang isla sa Tuvalu sa Timog Pasipiko ang sumulat sa Watch Tower Society na humihingi ng literatura. Walang mga Saksi sa islang iyon noon. Gayumpaman, kaniyang binasa ang literatura at nakilala niyang iyon ang katotohanan. Subalit, ang kaniyang maybahay ay mahigpit na sumalungat sa kaniyang bagong pananampalataya, kaya’t iniwanan niya iyon.

Kamakailan, nang magkaroon ng literatura sa wikang Tuvaluan, ang asawang babae’y nakakuha ng mga lathalain at binasa niya iyon. Kaniya ngayong nakilala ang katotohanan at ang reklamo niya sa kaniyang asawang lalaki’y: “Sa mga taóng nakalipas na ito ay nasa iyo pala ang ilaw, subalit hindi mo itinaas. Bakit nga hindi mo ipinaliwanag man lamang sa akin kung bakit ikaw ay naniniwalang tama ang mga Saksi?” Ngayo’y nagkakaisa na sa katotohanan ng Bibliya, kaya ang mag-asawang ito ay nagsimulang makisama sa mga Saksi.

Nang ang kanilang dalawang anak na babae, na nag-aaral sa Fiji, ay magbalik sa kanilang tahanan, ipinaalam sa kanila ng mga magulang ang disisyon na sila’y maging mga Saksi ni Jehova. Kanilang hinimok ang mga batang babae na sumali sa kanilang pag-aaral ng Bibliya, subalit sa kanilang ipinagtaka, kanilang nalaman na ang mga ito’y dumadalo na pala sa mga pulong sa Fiji. Ang pamilya’y nalulugod na sama-samang tumanggap sa katotohanan, at ang ama, ang ina, at ang isa sa mga anak na babae ay naging mga mamamahayag ng Kaharian.

Anong laking kagalakan na makita kung paanong ang katotohanan ng Bibliya at ang pag-iibigan ay bumubuklod sa mga pamilya sa buong daigdig.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share