Ako’y Inalalayan ni Jehova Bilang Isang Kaibigan
Ayon sa pagkasalaysay ni Maria Hombach
NANG ako’y isang batang babaing seis anyos, natutuhan ko sa paaralan ang magandang katutubong awit ng mga Aleman: “Alam mo ba kung ilan ang mga bituin sa bughaw na kalangitan? . . . Ang Diyos, na Panginoon, ang bumilang ng lahat na iyan, walang isa man na kulang . . . Ikaw ay nakikilala rin niya at pinakamamahal ka.” (Isinalin buhat sa wikang Aleman.) Ganiyan ang kinakanta ko isang araw nang sabihin ni nanay: “Nakikilala at minamahal ka rin niya.” Buhat na sa sandaling ito, ang Diyos ay naging mistulang kaibigan ko. Ipinasiya ko na siya’y mahalin din naman. Ito’y bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I nang kami’y doon naninirahan sa Bad Ems sa ilog Lahn.
Labimpitong taon ang lumipas, samantalang nagbabakasyon ako noong 1924, nakilala ko ang isang babaing kaedad ko. Siya’y isa sa mga Estudyante ng Bibliya, sa ngayon ay kilala sa tawag na mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng apat na linggo, kami’y nagkaroon ng mainitang talakayan tungkol sa relihiyon. Nang magkagayo’y bumangon ang paksang “impiyerno.” “Hindi ka magduduldol ng isang buháy na pusa sa isang nagbabagang hurno, di ba?” ang tanong niya. Noo’y parang tinamaan ako ng kulog, at natanto ko na ako pala’y nadaya. Ngayon ay maaari ko nang matutuhan ang lahat tungkol sa Diyos—at kung ano nga ba ang katulad niya, sa katunayan, lahat ng ibig kong maalaman tungkol sa kaniya sapol nang ako’y isang bata!
Para sa akin iyon ay para bagang pagkatuklas ng “isang kayamanang natatago sa bukid.” (Mateo 13:44) Nang ako’y makauwi na sa amin, dali-dali akong naparoon sa aming mga kalapit-bahay, nagpupumiglas ang puso ko na maibalita sa kanila ang mga bagong bagay na natutuhan ko. Hindi nagtagal pagkatapos, ako’y lumipat sa timugang bayang Aleman ng Sindelfingen, na kung saan isang grupo ng mga 20 Estudyante ng Bibliya ang naninirahan. Masugid na nakisama ako sa kanila sa bagong gawaing pag-eebanghelyong ito sa bahay-bahay.
Ang unang pagkabalita ko tungkol sa pagpapayunir ay noong 1929 sa isang pahayag ng isang naglalakbay na ministrong kapatid. Siya’y nagtanong kung sino ang gustong magpayunir. Kusang itinaas ko ang aking mga kamay. Wala nang mga pasubali pa. “Narito ako! Suguin mo ako,” ang sabi ng aking puso.—Isaias 6:8.
Nagbitiw ako mula sa aking trabahong pang-opisina at noong Oktubre 1, 1929, nagsimula ako ng paglilingkurang espesyal payunir, gaya ng tawag rito sa ngayon, sa timog-kanlurang Alemanya. Sa Limburg, sa Bonn, sa internasyonal na mga lantsang pangkargada na dumadaong sa daungan ng Cologne, at sa mga iba pang lugar, kami’y daglian at saganang naghasik ng binhi ng katotohanan na nasa nilimbag na mga lathalain.—Eclesiastes 11:1.
Naranasan Ko ang Pakikipagkaibigan sa Diyos
Nang itatag ni Adolf Hitler ang kaniyang diktadura sa Alemanya noong 1933, ako’y huminto ng pagpapayunir at bumalik sa Bad Ems. Madaling natuklasan naman ng mga maykapangyarihan na ako’y hindi bumoto sa halalan. Dalawang araw ang nakalipas, dalawang pulis ang dumating upang halughugin ang aking kuwarto. Nakatayong nag-iisa sa isang sulok ang basurahan na kung saan, isang minuto lamang ang nakalipas, pinagtapunan ko ng lahat ng iniingatan kong direksiyon ng tirahan ng aking mga kapuwa Saksi. Wala nang panahon upang itapon iyon! Hinalughog ng mga pulis ang lahat ng bagay—maliban sa basket na ito.
Anong laki ng katuwaan ko nang samantala, ang aking kapatid na babaing si Anna ay isa na rin palang kaibigan ng tunay na Diyos! Noong 1934, kami’y magkasamang lumipat sa bayan ng Freudenstadt at doo’y maingat na sinimulan namin ang pamamahagi ng literatura sa Bibliya. Minsan, sa panahon ng pagbabakasyon, mistulang kidlat na sumakay kami sa tren at dumalaw sa aming bayan ng Bad Ems, dali-daling namahagi kami ng isang buong kahon ng 240 brosyur at saka nawala na lamang na parang bula. Dahil sa panliligalig na ginagawa ng Gestapo sa Freudenstadt kami’y nagpasiyang lumipat sa ibang siyudad, at noong 1936 kami’y naparoon sa Stuttgart. Doon, sinikap kong makipagtalastasan sa aming patagu-tagong administrasyon—at kaagad-agad namang binigyan ako ng “trabaho.” Ako’y regular na tumatanggap ng mga postcard na mayroong nakasulat na mga pagbati. Ang totoo, ang mga ito’y lihim na mga mensahe. Ang trabaho ko ay dalhin ang mga ito sa isang lihim na lugar sa siyudad. Upang huwag maisapanganib ang gawaing ito, ako’y sinabihan na huwag mamudmod ng mga literatura. Lahat ay maayos ang takbo hanggang noong Agosto 1938.
Isang araw, ako’y tumanggap ng isang card na nagsasabing ako’y tumayo sa harap ng isang kilalang simbahan sa gabi ng isang ganoo’t ganitong petsa. Doon ay bibigyan daw ako ng higit pang impormasyon. Naparoon naman ako sa lugar na pagtatagpuan namin. Noon ay pagkadilim-dilim ng gabi. Isang lalaki ang nagpakilalang siya’y si Julius Riffel. Ito, sa pagkaalam ko, ay pangalan ng isang tapat na brother na gumagawang palihim. Dali-daling sinabihan niya ako na magbiyahe at pumaroon sa Bad Ems sa isang tinukoy na petsa upang makipagkita sa isang tao roon. Siya’y dali-daling nawala.
Gayunman, sa plataporma sa Bad Ems, ang Gestapo pala ang naghihintay sa akin. Ano kaya’t nagkaganito? Ang lalaking kumausap sa akin sa harap ng simbahan—sa katunaya’y isang dating kapatid na taga-Dresden, si Hans Müller, na may lubusang kabatiran tungkol sa patagong gawain sa Alemanya at isang collaborator sa Gestapo—ay nag-umang ng patibong na sisilo sa akin. Subalit hindi iyon gumana. Bago pa noon pinatalastasan ako ng nanay ko na siya’y dumanas ng isang bahagyang atake at tumugon naman ako at nangakong dadalawin siya sa Bad Ems sa ganoo’t-ganitong petsa. Mabuti naman at ito’y nakasabay ng “misyon,” at ang aming mga liham ay nagsilbing isang dahilan na nakatulong sa paglilitis sa akin noong bandang huli. Sa laki ng aking pagtataka, ako’y naabsuwelto. Oo, noong Pebrero 1939, pagkaraan ng lima at kalahating buwan ng pagkakulong, ako’y malaya na naman!
Pagtugon Bilang Kaniyang Kaibigan
Mangyari pa, hindi ko binalak na manatiling inaktibo, lalo na yamang karamihan ng mga kapatid ay nagdurusa sa mga concentration camp o dili kaya’y inaresto saanman.
Pagkatapos na maaresto na ang responsableng mga kapatid na Aleman sa pamamagitan ng pakikipagsabuwatan ni Müller, si Ludwig Cyranek ang nangasiwa sa pamamahagi ng espirituwal na pagkain. Ang kapatid na ito, na dating isang manggagawa sa Bethel sa Magdeburg, ay kalalaya lamang buhat sa pagkapiit, at kaniyang dinalaw ako sa Bad Ems. “Sige, Maria! Patuloy na gumawa tayo,” aniya. Kaniyang ibinalik ako sa Stuttgart, na kung saan ako’y nagkatrabaho ng sekular. Subalit, ang talagang trabaho ko, pasimula noong Marso 1939, ay ang pamamahagi ng mga maletang punô ng mga kopya ng magasing Watchtower sa Stuttgart at sa kapaligiran nito. Ang ibang mga Saksi ay lakas-loob na nakibahagi sa gawaing ito.
Samantala, nagawa ni Brother Cyranek ang buong kalaparan ng bansa maliban sa gawing hilagang-kanluran nito. Palibhasa’y minamatyagan ang mga tirahan ng mga Saksi, kami’y nagpakaingat ng pagkilos at kung minsan kami’y nangatutulog sa gubat. Mga tren na may deretsong biyahe ang paminsan-minsan ay sinasakyan niya patungong Stuttgart, na kung saan siya’y nagdikta sa akin ng mga natatanging ulat tungkol sa ating kalagayan sa Alemanya. Ako’y sumulat ng ordinaryong mga liham, at ang mga mensaheng ito ay isiningit ko sa mga liham sa pamamagitan ng tintang di-kita at saka ko ipinadala ang mga liham na ito, sa Netherlands Bethel, sa lihim na direksiyon nito.
Nakalulungkot sabihin, may ikalawang kapatid na nagtraidor sa pag-asang siya’y hindi makukulong. Makalipas ang isang taon, kaniyang ipinagkanulo sa Gestapo ang grupu-grupo na mga kapatid sa Stuttgart at sa iba pang dako. Noong Pebrero 6, 1940, kami ay inaresto. Si Ludwig Cyranek ay naparoon sa apartment ni Müller sa Dresden—sa pag-aakalang si Müller ay isa pa ring kapuwa Saksi—at siya’y hinuli roon. Nang malaunan, si Brother Cyranek ay hinatulan ng kamatayan at pinugutan ng ulo noong Hulyo 3, 1941.a
Ang aming mga kaaway ngayon ay naniwala na sa kanilang ginawa’y napahinto nila ang ating buong kilusan sa Alemanya. Subalit gumawa na ng mga kaayusan upang tiyakin na ang tubig ng katotohanan ay patuloy na umaagos kahit na patak-patak lamang. Halimbawa, ang grupo sa Holzgerlingen ay nakapagpatuloy na aktibo hanggang sa katapusan ng digmaan noon 1945.
Hindi Niya Kailanman Pinababayaan ang Kaniyang mga Kaibigan
Kami ni Anna, kasama ang iba pang tapat na mga sister ay ipiniit sa piitan sa Stuttgart. Malimit na may naririnig akong mga presong ginugulpi. Ang nagsosolong pagkakulong na wala kang ginagawa ay isang kakila-kilabot na karanasan. Subalit yamang hindi namin nakaligtaan ang kahit isang pulong Kristiyano at kami noon ay bata pa naman, aming natatandaan pa ang halos lahat ng mga artikulo sa Watchtower. Kaya naman, ang aming pananampalataya ay nanatiling matibay, at kami’y nakapagtiis.
Isang araw, dalawang sundalong Gestapo ang nanggaling sa Dresden upang kaunin kami ng aking kapuwa presong si Gertrud Pfisterer (ngayo’y Wulle na) para sa pagkakakilanlan. Karaniwan, ang mga preso ay pinapayagang magbiyahe tanging sa mababagal na tren, na mga araw ang binibilang sa pagbibiyahe. Subalit para sa amin isang buong kuwarto ang inireserba sa isang tren na may deretsong biyahe, bagaman siksikan ang mga pasahero. “Kayo’y napakahalaga sa amin. Ayaw naming kayo’y maiwala,” ang sabi ng mga opisyal.
Sa Dresden, binanggit sa akin ng Gestapo ang ikatlong traidor at isang dating kasamahan. Nahalata kong mayroong suliranin, kaya’t ako’y tumahimik, at hindi ko man lamang binati siya. Nang magkagayo’y napaharap ako sa isang matangkad, na matipunong lalaking nakauniporme ng sundalo: ang traidor na si Müller, na aking nákatagpô sa harap ng simbahan. Umalis ako sa kuwartong iyon nang hindi nagsasalita gaputok man. Walang napala sa akin ang Gestapo.
Ang mga traidor na ito ay pawang napasamâ sa wakas. Gaya ng sabi ng mga Nazi, gusto nila ang pagkakanulo ngunit hindi ang tagapagkanulo. Silang tatlo ay pawang idinestino sa silangang larangan ng labanan at hindi na nangakabalik. Anong laki ng pagkakaiba nito para sa mga hindi tumatalikod sa kanilang pakikipagkaibigan sa Diyos at sa kaniyang bayan! Marami sa mga tapat, kabilang na sa kanila si Erich Frost at Konrad Franke, na nagdusa nang malaki alang-alang sa Panginoon at nang bandang huli’y naging mga tagapangasiwa ng sangay sa Alemanya, ay nangagbalik nang buháy buhat sa maapoy na hurno ng pag-uusig.b
Ang Gestapo sa Stuttgart—na totoong ipinagmamalaki ang kanilang “huli”—ay humiling sa kanilang mga kasamahan sa Dresden noong Mayo 1940 na pabalikin na kami. Ang aming mga kaso ay lilitisin sa timugang Alemanya. Subalit ang Gestapo sa hilaga at sa timog ay sa malas hindi nagkakasundo, kaya’t tumanggi ang tanggapan sa Dresden, at kapagdaka yaong mga nasa Stuttgart ay dumating at sila ang personal na nag-uwi sa amin. Ano naman ngayon? Ang biyahe patungong istasyon ay naging isang kalugud-lugod na paglalakbay sa baybayin ng ilog Elbe; sa aming mga selda ay pagkatagal-tagal nang wala kaming nasisilayang mga luntiang punungkahoy at bughaw na kalangitan. Gaya noong una, isang buong kuwarto sa tren ang inireserba para sa amin lamang at kami’y pinayagan pang umawit ng mga awiting pang-Kaharian. Nang kami’y magpalit ng tren, kami’y doon pa pinakain sa restauran sa istasyon. Akalain mo, ang inaalmusal namin noon ay isa lamang kapirasong tinapay na walang anumang palaman, at ngayon ay ito!
Ang kaso ko ay iniharap sa hukuman sa Stuttgart noong Setyembre 17, 1940. Sa pamamagitan ng sulat at ng paghahatid sa mga liham ni Ludwig Cyranek, naipaalam ko sa mga taong nasa mga ibang bansa ang tungkol sa ating patagong gawain at sa pag-uusig sa atin. Iyon ay malubhang pagtataksil sa bayan, na ang parusa’y kamatayan. Kaya naman waring isang himala na ako, ang pangunahing nasasakdal sa Stuttgart, ay hinatulan ng nagsosolong pagkabilanggong tatlo at kalahating taon lamang! Marahil, isang opisyal ng Gestapo na nagngangalang Schlipf, na medyo kampi sa atin at ayaw patahimikin ng kaniyang budhi, ang gumamit ng kaniyang impluwensiya. Minsan ay binanggit niya na hindi na siya makatulog dahilan sa amin na “mga babae.” Sa Dresden ay hindi ganoong kadali ang naranasan ko.
Pakikinabang Buhat sa Walang-Hanggang Pakikipagkaibigan
Bagaman ang pagkain sa bilangguan ay hindi kasimpangit noong nasa mga concentration camp, malaki ang aking ipinangayayat at sa wakas ay butu’t balat na lamang ako. Ang mga taon ng 1940 hanggang 1942 ay lumipas, at malimit na naiisip ko: ‘Pagkatapos ng iyong sintensiya, kanilang ikukulong ka sa isang concentration camp na kung saan mákakasama mo ang mga sister at hindi ka na mag-iisa.’ Bahagya ma’y wala akong alam sa mangyayari.
Ganiyan na lamang ang pagtataka ng mga guwardiya nang ipagkaloob ang isang aplikasyon para sa aking paglaya, na hiniling ng aking mga magulang na Katoliko. (Ulit at ulit na tumanggi akong gumawa ng gayong personal na kahilingan.) Samantalang ang mga kapananampalataya ko ay ikinukulong sa mga concentration camp,—sentensiyado sa paratang na malubhang pagtataksil sa bayan at hindi nakipagkompromiso—ako naman ay napakadaling makalalaya! Kaya ako’y muling pinalaya noong 1943 at sa gayo’y nasa isang katayuan, bagaman kailangang magpakaingat, na kumuha ng teokratikong materyal buhat sa Holzgerlingen. Pagkatapos na kopyahin ko iyon, itinatago ko sa pagitan ng mga panabi ng isang thermos na punô ng kape at dinadala ko iyon sa mga kapatid na nakatira sa baybayin ng Ilog Rhine at sa panig ng Westerwald sa Alemanya. Mula nang panahong iyon hanggang sa katapusan ng digmaan, ako’y nakagawa nang walang pagkagambala. Nang bandang huli ay napag-alaman ko na ang notisya na nagsusuplong sa amin sa Gestapo ay hindi ipinadala sa kanila ng kaibigan naming mga opisyales ng pulisya.
At pagkatapos ng 1945? Nais ko sanang magpayunir muli sa pinakamadaling panahon na maaari. Sa di ko inaasahan ay tumanggap ako ng pinakamagandang paanyaya na natanggap ko kailanman. Kahit na sa panaginip ay hindi ko naisip na ako’y aanyayahang magtrabaho sa Bethel sa Weisbaden!
At sapol noong Marso 1, 1946, nariyan ako, sa Bethel (ngayo’y nasa Selters/Taunus). Sa loob ng maraming taon ay nagkaroon ako ng kalugurang magtrabaho sa isang tanggapan na pinamamanihalaan ng dating tagapangasiwa ng sangay na si Konrad Franke. Ako’y nakapagtrabaho rin nang may kagalakan sa mga ibang departamento, halimbawa, sa laundry. Kahit na ngayon, sa edad na 87, ako’y nagtatrabaho pa rin doon nang kung mga ilang oras sa isang linggo sa pagtitiklop ng mga tuwalya. Kung sakaling ikaw ay nakapasyal na sa aming Bethel, marahil ay nagkita na tayo.
Sa paglakad ng panahon, ako’y nagkapribilehiyo na tulungan ang maraming tao na tumanggap ng katotohanan, kasali na ang aking ina at ang isa pang kapatid na babae sa laman. Ang mga salita ni Inay, na “Nakikilala at minamahal ka rin niya,” ay napatunayan kong totoo, gaya rin ng mga salita ng salmista, “Siya mismo ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Anong laking kagalakan ang umibig kay Jehova samantalang inaalalayan ka niya bilang isang kaibigan!
[Mga talababa]
a Tingnan ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 179-80.
b Tingnan ang The Watchtower, Abril 15, 1961, pahina 244-9, at Marso 15, 1963, pahina 180-3.