Babilonyang Dakila—Ang Pagpuksa sa Kaniya
“Sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, isang hiwaga: ‘Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga nakasusuklam na bagay sa lupa.’” “Darating sa kaniya sa isang araw ang mga salot, ang kamatayan at pagdadalamhati at gutom, at siya’y lubos na susunugin ng apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.”—Apocalipsis 17:5; 18:8.
TAYO’Y may karapatan na manggilalas tungkol sa mga salitang iyan na isinulat ni apostol Juan noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon. Sino nga ba ang ‘ina ng mga patutot’ na ito? Gaano kalaki ang kaniyang pagkakasala sa Diyos na anupa’t siya’y hahatulan nang ganiyang kabagsik? Walang alinlangan na ang mga hatol ng Diyos laban sa mahiwagang patutot na Babilonyang Dakila ay mapangwasak. At ito’y tiyak na nagbibigay sa atin ng dahilan upang alamin kung sino ang patutot na ito at kung paano tayo maaapektuhan ng kaniyang kahihinatnan.—Apocalipsis 18:21.
Sino ba ang Babilonyang Dakila at ano ang kaniyang isinasagisag? Ang Bibliya’y nagsasabi na ang mga pinuno ng daigdig ay nagkasala ng pakikiapid sa kaniya at mga mangangalakal ang nakipagkalakalan sa kaniya. (Apocalipsis 18:3) Samakatuwid, hindi siya maaaring kumatawan sa pulitika o malalaking negosyo. Subalit walang natitira ngayon kundi ang ikatlong malakas na elemento sa daigdig bilang ang tanging maaaring magkamit ng titulong ‘ina ng mga patutot.’ Siya’y walang iba kundi ang pandaigdig na imperyo ni Satanas ng huwad na relihiyon!a
Ngayon ay natitira ang mga tanong na ito: Bakit, paano, at kailan pupuksain ang Babilonyang Dakila? O sa literal: Bakit, paano, at kailan mapaparam sa lupang ito ang huwad na relihiyon?
Ang Di-Kristiyanong Kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan
Kung ating isasaalang-alang ang kasaysayan ng huwad na relihiyon, alalahanin natin ang sinaunang makahulang salita: “Sapagkat sila’y nagsasabog ng hangin, at sila’y nagsisiani ng ipuipo.” (Oseas 8:7) Ito’y kasuwato ng simulain na ipinahayag ng Kristiyanong apostol na si Pablo: “Huwag kayong padaya: Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anumang ihasik ng tao, ito rin ang aanihin niya.” (Galacia 6:7) Kung gayon, ano ba ang inihasik ng huwad na relihiyon sa buong daigdig? At ano ang aanihin nito?
Iniaral ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga tagasunod ay dapat magsiibig hindi lamang sa kanilang kapuwa kundi pati sa kanilang mga kaaway. (Mateo 5:43, 44) Si Pablo ay sumipi sa Kasulatang Hebreo, at kaniyang tinukoy kung paano dapat pakitunguhan ng mga Kristiyano ang kanilang mga kaaway. Sinabi niya: “‘Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakanin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo nito ay mga baga ng apoy ang ibinubunton mo sa kaniyang ulo.’ Huwag kayong padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ninyo ng mabuti ang masama.”—Roma 12:20, 21.
Gayunman, ang kasaysayan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay punô ng pagkakapootan at pagdanak ng dugo. Ang sinauna at modernong-panahong mga krusada na may kasamang pandarambong, panggagahasa, at pagpatay ay binasbasan at pinalampas. Halimbawa, ang panggagahasa sa Abyssinia ng Fascistang Italya (1935) at ang “krusada” ni Franco sa Giyera Sibil na Kastila (1936-39) ay binasbasan ng mga dignitaryo ng Iglesiya Katolika.
Ang mga di-pagkakaintindihan ng mga teologo ay nilutas sa pamamagitan ng pagsunog sa mga tao sa estaka. Ang tagapagsalin ng Bibliya na si William Tyndale ay namatay sa estaka at ang kaniyang bangkay ay sinunog noong 1536, pagkatapos na ilathala niya ang kaniyang salin ng “Bagong Tipan” sa Ingles. Maaga rito, sa pag-uutos ni Papa Martin V, ang mga maykapangyarihang relihiyoso, palibhasa’y inuudyukan ng espiritu ng paghihiganti, ang humukay sa mga buto ng tagapagsalin ng Bibliya na si Wycliffe makalipas ang 44 na taon pagkamatay niya upang magkatuwaan sa pagsunog doon. Noong panahon ng Katolikong Inquisisyon, libu-libong Judio at “mga erehes” ang sinamsaman ng mga ari-arian, pinahirapan, at sinunog sa estaka—diumano’y alang-alang sa pangalan ni Kristo! Ang teologong Kastila na si Michael Servetus, na pinag-usig ng mga Romanong Katoliko at pati ng mga Protestante, ay sinunog sa estaka sa pag-uutos ng Protestanteng si John Calvin. Sa dalawang digmaang pandaigdig ng siglong ito, ang mga hukbo ay binasbasan ng mga klerigong “Kristiyano,” at ang mga sundalo ay inudyukan ng makabayang mga kapilyan na magsipatay.
Anong laking kaibahan sa tunay na Kristiyanismo! Si apostol Pablo ay sumulat: “Gaya ng mga hinirang ng Diyos, na mga banal at minamahal, magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kahinahunan, at pagtitiis. Patuloy na magbata ng mga kahinaan sa isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman. Gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa inyo, ganiyan din ang gawin ninyo. Ngunit, bukod sa lahat ng bagay na ito, magbihis kayo ng pag-ibig, sapagkat ito’y isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.”—Colosas 3:12-14.
Sa mga Kristiyano sa Roma, si Pablo ay sumulat: “Huwag gumanti sa kaninuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa lahat ng tao. Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyang-daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’” (Roma 12:17-19) Kung gayon, sa liwanag ng mga simulaing Kristiyano, ang Sangkakristiyanuhan ay bigo. Siya’y naghasik ng pagkapoot at pagpapaimbabaw at ang aanihin niya’y pagkapuksa.
Mga Di-Kristiyanong Relihiyon—Ang Kanilang Kasaysayan
Subalit ang Babilonyang Dakila ay binubuo hindi lamang naman ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Lahat ng mga pangunahing relihiyon ng sanlibutang ito ay karamay sa pagbububo ng dugo ng walang-kasinsamáng patutot. Halimbawa, ang relihiyong Shinto ng Hapon ang isa sa masisisi dahil sa panatiko at sadistikong mentalidad na nasaksihan sa mga sundalong Hapones noong Digmaang Pandaigdig II. Ang historyador na si Paul Johnson ay naniniwala na “upang mapatibay ang kanilang sarili sa isang mabagsik, na may kompetensiyang daigdig” at dominado ng mga pamantayang-asal ng mga taga-Europa, kanilang minagaling na umimbento ng “isang relihiyong pang-estado at isang moralidad sa pamumuno, na tinawag na Shinto at bushido [ang “paraan ng mandirigma”]. . . . Nagtatag ng regular na pagsamba sa imperador, lalo na sa mga hukbong sandatahan, at mula noong mga taon ng 1920 patuloy, isang pambansang kodigo ng etika, kokumin dotoku, ang itinuro sa lahat ng paaralan.” Ano ba ang naging resulta? Nang sumapit ang 1941, nang bombahin ng Hapon ang Pearl Harbor at sa gayo’y nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II, ang “Shinto . . . ay nabago buhat sa isang primitibo, lipas na at minoridad na kulto tungo sa pagiging sinang-ayunang modernong totalitaryanong estado, kaya’t sa pamamagitan ng isang kakatuwang nakasusuklam na kabaligtaran, ang relihiyon, na dapat sanang nagsilbing panghadlang sa makasanlibutang kakilabutan ng panahong iyon, ay ginamit upang banalin ang mga ito.”
Tungkol sa paghahati sa India noong 1947, na ang isang dahilan ay ang pagkakahidwaan sa relihiyon, sinabi ng historyador na si Johnson: “Mga 5 hanggang 6 na milyong katao ang nagtakbuhan sa bawat direksiyon upang iligtas ang kanilang buhay. . . . Ang mga nasawi noong panahong iyon ay tinatayang mula sa 1 hanggang 2 milyon. Ang lalong modernong mga kalkulasyon ay nasa di-kukulangin sa 200,000 hanggang 600,000.” Magpahanggang sa araw na ito, ang mga patayan at mga pag-aglahi na relihiyon ang dahilan ay nagaganap sa lipunang Hindu. Kadalasan ang mga Harijan, o mga sukal ng lipunan na dating tinatawag na mga untouchables, (di-dapat hipuin), ay mga biktima ng pangkat-pangkat na pamamaslang na organisado ng mayayamang may-ari ng lupa.
Ang Hinduismo ang kaugnay ng mga gawaing espiritismo. (Apocalipsis 18:23) Tinutukoy ng manunulat ng India na si Sudhir Kakar ang “pagkabighani ng karaniwang Hindu at paggalang niya sa okulto at sa mga nagsasagawa nito” at isinusog pa: “Ang mga astrologo, manghuhula, clairvoyants at gayundin ang sadhus [ermitanyong mga “banal” na lalaki], fakirs [Mga pulubing gumagawa ng pambihirang pagmamadyik] at iba pang mga taong dinidiyos ang lubhang pinakukundanganan sapagkat inaakalang sila’y may malapit na pakikipagtalastasan sa nakatataas na katotohanan.”—India Today, Abril 30, 1988.
Karagdagan pa, mayroong laging mga hidwaan sa gitna ng mga Hindu, Sikhs, at iba pang mga relihiyong Silanganin. Sa mga hidwaang ito, bawat relihiyon ay may bahagi sa pagkakapootan, paglalaban-laban, at pagpapatayan. Ito’y isa pang mukha ng bunga ng Babilonyang Dakila.
Gayundin, ang modernong kasaysayan ng digmaan, patayan, at panlulupig ay kasiraan ng Judaismo. Ang karahasan na kung minsa’y makikita sa pakikitungo ng mga miyembro ng sektang Hasidic ng Judaismo sa mga tagasunod naman ng mga ibang sektang Judio at ng mga relihiyong di-Judio ay hindi isang kapurihan sa kanila sa paningin ng Diyos.
Pagka ating pinag-aaralan ang kasaysayan ng pambuong daigdig na imperyo ng relihiyon, dagling makikita natin kung bakit ang Kataastaasang Hukom ay may dahilan na puksain ang Babilonyang Dakila. “Oo, sa kaniya ay nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Ang pagkasangkot ng huwad na relihiyon sa mga digmaang pampook at pandaigdig ay nagbigay-kasalanan sa kaniya sa paningin ng Diyos ukol sa napabubong dugo ng “lahat niyaong mga pinatay sa lupa.”
Sang-ayon sa Bibliya, isinakdal ang Babilonyang Dakila at siya’y hinatulan na karapatdapat na puksain dahilan sa kaniyang kasaysayan na lipos ng espirituwal na pakikiapid sa mga pinuno ng daigdig, sa kaniyang pagbububo ng dugo sa mga digmaan, at sa kaniyang mga gawaing espiritismo. Kung gayon, ang Diyos na Jehova ay nagpasiya na ang pandaigdig na imperyo ni Satanas ng huwad na relihiyon ay kailangang wakasan na.—Apocalipsis 18:3, 23, 24.
Kung Paano Papanaw ang Huwad na Relihiyon
Sa lubhang makasagisag na pananalita, ang aklat ng Apocalipsis ay naglalarawan sa pagkapuksa ng Babilonyang Dakila. Sa Apocalipsis 17:16 ay mababasa natin: “Ang sampung sungay na nakita mo, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot at kanilang wawasakin at huhubaran siya, at kanilang kakanin ang kaniyang laman at lubusang susunugin ng apoy.” “Ang sampung sungay” ay sumasagisag sa lahat ng pulitikal na kapangyarihan ngayon na nasa tanawin ng daigdig at sumusuporta sa Nagkakaisang mga Bansa, ang “matingkad-pulang mabangis na hayop,” na mismong larawan ng makapulitikang sistema ng Diyablo na tigmak ng dugo.—Apocalipsis 16:2; 17:3.b
Sang-ayon sa hula ng Bibliya, ang makapulitikang mga kapangyarihan na may kaugnayan sa Nagkakaisang mga Bansa ay babaling laban sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon at wawasakin siya. Lahat ng huwad na mga relihiyon ay maaapektuhan. Ang ibang makapulitikang sistema ay nagpakita na ng kanilang kawalang-tiyaga ng pakikitungo sa huwad na relihiyon sa panghihimasok nito sa larangan ng pulitika at lipunan. Ang mga ibang bansang sosyalistiko ay naninindigan na sa panig ng ateyismo at ang relihiyon ay halos niwalang-saysay na nila, tulad baga sa Albania, o sa isang pumapayag na maging katu-katulong, tulad baga sa Rusya at Tsina. Sa mga ibang dako, ang mga pinunong pulitiko ay nagpapakita ng matinding pagtutol sa teolohiya ng kalayaan (liberation theology) na itinataguyod ng mga ilang paring Katoliko sa mga bansang maralita. Gayunman ang iba ay sumusugpo sa mga relihiyon na sumasangkot sa suliranin ng lahi. Kahit na sa umano’y mga bansang liberal, nagagalit ang mga ibang pulitiko sa panghihimasok ng klero sa pulitika at sa mga suliranin ng lipunan.
Titingnan pa kung anu-ano pang mga isyu ang mag-uudyok sa mga elementong pulitikal sa buong daigdig upang kumilos laban sa huwad na relihiyon. Subalit isang bagay ang tiyak—ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila nitong mga elementong ito ay magiging hindi lamang ang kanilang kalooban kundi gayundin siyang kalooban ng Diyos. Ang Apocalipsis 17:17 ay nagsasabi: “Inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na isagawa ang kaniyang kaisipan, samakatuwid nga’y isagawa ang kanilang iisang kaisipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang kaharian sa mabangis na hayop, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos.”—Ihambing ang Jeremias 51:12, 13.
Huwag magkakamali. Ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila ay hindi lamang ang kapahayagan ng kapootan ng mga pulitiko laban sa pagkaarogante at panghihimasok ng mga relihiyoso. Ang mga pinunong pulitiko ang gagamitin ng Diyos bilang di-nagkukusang mga kasangkapan sa pagpuksa sa huwad na pagsamba sa buong daigdig. Oo, “ang kaniyang katakut-takot na mga kasalanan ay abot hanggang langit, at naaalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawang katampalasanan.”—Apocalipsis 18:5.
Itinakda ni Jehova na ang palalong huwad na relihiyon ay kailangang maibaba. Ang hula ay nagsasabi: “Kasukat ng kaniyang pagluwalhati sa kaniyang sarili at pagkapamuhay sa walang patumanggang luho, ganiyan ding sukat ang ibigay ninyo sa kaniya na pahirap at pagdadalamhati. Sapagkat sa kaniyang puso ay patuloy na sinasabi niya, ‘Akoy nakaupong isang reyna, at ako’y hindi biyuda, at hindi ko makikita kailanman ang pagdadalamhati.’ Iyan ang dahilan kung bakit darating sa kaniya ang mga salot, ang kamatayan at pagdadalamhati at gutom, at siya’y lubos na susunugin ng apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.”—Apocalipsis 18:7, 8.
Pagpuksa Kailan?
Ang “isang araw” na iyan, o maikling panahon ng mabilis na pagpuksa, ay malapit na ngayon. Sa katunayan, ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila ay magsisilbing “ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” (Isaias 61:2) Pagkatapos, ang matuwid na digmaan ng Diyos, ang Armagedon, ay sasapit na. Lahat ng ebidensiya ng mga pangyayari sa daigdig sapol noong 1914 ay nagpapakita na paubos na ang panahon para sa sistema ng mga bagay ni Satanas. Kung gayon, ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos ay malapit na.—Lucas 21:32-36; Apocalipsis 16:14-16.
Paano maaapektuhan ng pagkapuksa ng Babilonyang Dakila ang mga tunay na mananamba? Ang sabi ng Apocalipsis: “Magalak ka tungkol sa kaniya, Oh langit, pati kayong mga banal at kayong mga apostol at kayong mga propeta, sapagkat siya’y hinatulan na at pinarusahan na ng Diyos alang-alang sa inyo!” (Apocalipsis 18:20) Magkakaroon ng pansansinukob na kasayahan samantalang nagaganap ang layunin ni Jehova at ang kaniyang pangalan ay pinababanal. Ang hula ay nagsasabi: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng isang malaking pulutong sa langit. Kanilang sinabi: ‘Purihin mo bayan si Jah! Ang pagliligtas at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos, sapagkat tunay at matuwid ang kaniyang mga hatol. Sapagkat kaniyang isinagawa ang hatol sa bantog na patutot na nagpasamâ sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang pakikiapid, at iginanti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin.’”—Apocalipsis 19:1, 2.
Ang pagkawasak ng Babilonyang Dakila, na sinusundan ng pagpuksa ng Diyos sa natitirang mga elemento ng sistema ni Satanas, ay magbibigay-daan sa walang-hanggang mga pagpapala para sa mga tunay na sumasamba sa Diyos, kasali na ang maraming mga tao na bubuhaying-muli rito sa lupa. Gaya ng ipinangako ni Jesus sa lahat ng gayong mga tao: “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo ay aking mga alagad, at inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:31, 32; Apocalipsis 19:11-21.
Ang mga tunay na mananamba ay nakalaya na buhat sa mga turo ng huwad na relihiyon na namumusong sa Diyos sa loob ng mahabang panahon. Sa ipinangako na bagong sanlibutan ng katuwiran, sila’y magiging malaya na mamuhay na walang takot sa kamatayan, sapagkat “ang Diyos mismo ay sasa-kanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Sa dating mga bagay na naparam na ay makakasali ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ni Satanas ng huwad na relihiyon.
[Mga talababa]
a Para sa lalong detalyadong patotoo na nagpapakilala kung sino ang Babilonyang Dakila, tingnan Ang Bantayan ng Abril 1, 1989.
b Para sa mga paliwanag tungkol dito at sa mga iba pang simbolo sa Apocalipsis, tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 5]
“Sa pamamagitan ng isang nakasusuklam na kabaligtaran ng pangyayari, ang relihiyon, na dapat sanang nagsilbing panghadlang sa makasanlibutang kakilabutan ng panahong iyon, ay ginamit upang pabanalin ang mga ito”
[Larawan sa pahina 4]
Si Wycliffe at si Tyndale ay pinag-usig dahil sa pagsasalin sa Bibliya
[Credit Line]
From an old engraving in the Bibliothèque Nationale