Lagi Bang Masama ang Pagkatakot?
ITO’Y maaaring sumira ng kaligayahan at pumawi ng pag-asa. Ito’y tinutukoy na isang lason ng isip, ang sumisira sa katuwiran, at ito’y sinasabing lalong higit na nagpapahamak kaysa pinakamalubhang sakit ng katawan. Oo, ang takot ay isang makapangyarihang damdamin. Gayunman, ito ba’y laging masama?
Gunigunihin mo na ikaw ay nagmamaneho sa isang lansangang di mo kabisado. Ang daang iyon ay paakyat sa kabundukan at nagsisimulang magpaliku-liko at magpakurba-kurba. Kumakagat ang dilim, at iyon ay may kasabay pang mahinang pag-ulan ng niyebe. Ang kotse mo ay medyo dumudulas na patabi, at natanto mo na ikaw pala’y nakarating na sa itaas na kung saan ang daan ay nagiging mayelo.
Ngayon ay kailangang maging listo ka. Samantalang maingat na kumukurba ka sa bawat mayelong kurba naguguniguni mo kung gaano kadali na ikaw ay mawalan ng preno sa lugar na madulas at tuluy-tuloy ka nang mahuhulog sa libis sa ibaba. Isa pa, hindi pumapasok sa isip mo ang iba pang mga panganib na nakakubli sa kadiliman. Habang pumapasok sa iyong isip ang ganitong mga kaisipan, ang iyong bibig ay nanunuyo at lalong mabilis ang pintig ng iyong puso. Ikaw ay gising na gising. Anuman ang iyong iniisip bago pa noon, ngayon ay lubusang okupado ka ng kalagayan na nakaharap sa iyo: ang panatilihing umaandar ang kotse sa daang iyon at sa ganoo’y maiwasan ang isang aksidente.
Sa wakas, ang daan ay nakita mong pababa. Mayroong mga ilaw sa kalye, at wala nang yelo. Unti-unti, napapawi ang igting ng iyong katawan. Ikaw ay relaks at nakahihinga nang maluwag. Lahat ng pagkatakot na iyon ay wala namang anuman!
Subalit iyon ba ay walang anuman? Hindi naman. Ang makatuwirang pagkanerbiyos sa gayong mga kalagayan ay normal. Tayo’y pinagiging listo, maingat. Ang mabuting pagkatakot ay makapipigil sa atin sa pagiging padalus-dalos, na pumipinsala sa ating sarili. Oo, ang takot ay hindi laging isang maninira ng katuwiran o isang lason ng pag-iisip. Sa ilalim ng ilang mga kalagayan, maaari pa nga itong makabuti.
Ang Bibliya ay may sinasabi tungkol sa takot at dalawang uri ng pagkatakot ang itinatawag-pansin sa atin. Ang isang uri ng pagkatakot ay tunay na isang lason ng pag-iisip. Subalit iyong isa naman ay hindi lamang normal at mabuti kundi kailangan natin para sa ating kaligtasan. Ano ba ang dalawang uri ng takot? At papaano tayo matututong magpaunlad ng isa samantalang iniiwasan naman iyong isa? Ito’y tatalakayin sa mga sumusunod na artikulo.