Kung Bakit Dapat Kayong Dumalo sa “Maka-Diyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon
Isang kapaki-pakinabang na tatlong araw na pagkatuto sa Bibliya ang naghihintay sa inyo sa “Maka-Diyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na magpapasimula sa buwang ito. Sa pamamagitan ng nakapagtuturong mga pahayag at pakikipagpanayam at isang drama, mahalagang patnubay na nagmumula sa Bibliya ang ibibigay. Magsikap na kayo’y naroroon sa ganap na ika-10:20 ng Biyernes ng umaga sa pagpapasimula ng kombensiyon sa isang presentasyong musikal.
Sa Biyernes ng umaga ang programa ay tatampukan ng pahayag na “Pag-iwas sa mga Labing Nakapipinsala” at isang mahalagang diskurso sa pinagmulan ng doktrina ng Trinidad. Sa hapon, ang mga magulang ay papayuhan na tanggapin ang kanilang moral na pananagutang paglaanan ang kanilang mga anak ng espirituwal na mana. Pagkatapos, ang mga kabataan ay patitibaying-loob na ang gawing modelo ay si Kristo at dibdibin ang katotohanan. Ang programa sa araw na ito ay magtatapos sa pagtalakay sa dakilang paglalaan na ginagawa lalung-lalo na upang tumulong sa kabataan.
Ang Sabado ay isa pang maghapong araw ng pagtanggap ng turo at magtatampok ng bautismo sa umaga at sa hapon naman ay ng kapaki-pakinabang na mga pahayag tungkol sa Kristiyanong Lupong Tagapamahala at kung papaano tayo maaaring makipagtulungan dito sa ngayon. Ang mga sesyon sa hapon ay magtatapos sa mahalagang pahayag na “Ang Bibliya—Salita ba ng Diyos o ng Tao?”
Sa Linggo ng umaga, napapanahong turo ang nagbibigay-babala laban sa “taong tampalasan” at laban sa pagkakamali kung tungkol sa pagkain at pag-inom, pag-aayos, at paglilibang. (2 Tesalonica 2:3) Ito’y susundan ng isang modernong-panahong drama na nagdiriin sa kahalagahan ng pagpapasakop natin sa Diyos. At pagkatapos, hindi mo nanaisin na makaligtaan ang pahayag pangmadla na, “Ang Kaligtasan Ay Malapit Na Para sa mga Taong May Maka-Diyos na Debosyon!”
Sa Disyembre, 1989 at Enero, 1990, 34 na mga kombensiyon ang isinaayos sa buong Pilipinas lamang, kaya’t magkakaroon ng isa hindi kalayuan sa inyong tahanan. Makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar para malaman ang panahon at lugar ng isa na pinakamalapit sa inyo.
[Larawan sa pahina 32]
Pandistritong kombensiyon sa Verona, Italya