“Sa Unahan ng Karangalan ay Nagpapauna ang Pagpapakumbaba”
ISANG binata ang nakakulong sa isang piitan sa Ehipto dahil sa isang paratang na walang katotohanan. Siya’y dumanas ng malaking pagkaaba, at waring walang pag-asang siya’y makalaya sa bilangguan. Pagkatapos ay ipinag-utos na siya’y humarap kay Faraon. Ang mga guwardiya sa piitan ang dagling naglabas sa kaniya. Siya’y nag-ahit, nagpalit ng kaniyang kasuotan, at saka humarap sa hari.
Isang sorpresa ang naghihintay kay Jose. Sa tulong ni Jehova ipinaliwanag ni Jose nang may kawastuan ang dalawa sa mga panaginip ni Faraon. Sinabi ni Faraon: “Tingnan mo, ikaw ay inilagay kong [tagapamahala] sa buong lupain ng Ehipto.” (Genesis 41:41) Isang di-kapani-paniwalang karanasan nga—buhat sa bilangguan hanggang sa palasyo sa loob lamang ng isang araw! Ang karanasan ni Jose ay halimbawa ng kinasihang isinulat si Haring Solomon nang bandang huli: “Sapagkat mula sa bilangguan ay lumabas siya upang maghari.” Angkop naman, si Solomon ay makalawang sumulat: “Sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba.”—Eclesiastes 4:14; Kawikaan 15:33; 18:12.
Kaya’t upang makinabang sa kinasihang katotohanang iyan, tanungin ang iyong sarili: Ano ba ang umalalay kay Jose sa panahon ng kaniyang abang karanasan? Paano nga hinarap ng tapat na lingkod na ito ni Jehova ang maling paratang na dahilan ng kaniyang pagkabilanggo? Anong karangalan ang sumaisip ni Jehova para kay Jose? Anong uri ng karangalan ang naghihintay sa mga taong sa lumipas na mga siglo ay may katapatan at lakas ng loob na nagtiis ng pag-uusig at pagkasiphayo? Higit sa lahat, ano ang tumutulong sa atin upang magkaroon ng timbang na saloobin pagka tayo’y dumaranas ng pagkaaba?
Tiyak na si Jose ay nagbulay-bulay na malimit tungkol sa dalawang naunang makahulang mga panaginip na nagpahiwatig na ang kaniyang mga kapatid at maging ang kaniyang mga magulang man ay “yuyuko” sa kaniya. Sa katunayan, ang kaniyang mga kapatid, nang marinig nila ang unang panaginip, ay nagsabi: “Maghahari ka ba sa amin?”—Genesis 37:8-10.
Si Jose ay halos patayin ng kaniyang naiinggit na mga kapatid! Subalit sa patnubay ni Jehova, ang 17-taóng gulang na binatilyo ay ipinagbili sa naglalakbay na mga mangangalakal, na siyang nagbili sa kaniya kay Potipar, punò ng mga bantay ni Faraon.
Sa wakas, si Jose ay naging katiwala sa sambahayan ni Potipar, na may asawang babae na nagtangkang hikayatin ang guwapong binata na siya’y sipingan. Subalit tapat si Jose kay Jehova at siya’y tumakas. Ang tusong babae’y nagsinungaling ng pagpaparatang kay Jose na ito diumano’y nagtangkang gahasain siya, at naniwala naman si Potipar, kaya’t ang pobreng si Jose ay ikinulong.
Gayunman, siya’y nanatiling tapat kay Jehova, na, gaya ng binanggit na, nagsaayos na siya’y dalhin kay Faraon upang maipaliwanag niya ang kahulugan ng mga panaginip. Pagkatapos ay binigyan ni Faraon si Jose ng karangalang maging tagapangasiwa ng panustos na pagkain ng Ehipto. Nang isang taggutom ang lumaganap hanggang sa Canaan, ang mga kapatid ni Jose ay tunay ngang yumuko sa kaniya upang sila’y makakuha ng pagkain para sa pamilya.
Ang mga Iba Pa na Nakaranas ng ‘Pagpapakumbaba na Nauuna sa Karangalan’
Ang isa pang tapat na lingkod ni Jehova na ang naging buhay ay nagpatunay sa kinasihang katotohanan na “sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba” ay si Moises. Palibhasa’y lumaki sa marangyang palasyo ni Faraon, si Moises ay mayroon sanang kahanga-hangang kinabukasan. Nang magkagayo’y waring naging masama ang lakad ng mga pangyayari. Si Moises ay kumilos udyok ng pananampalataya kay Jehova at bunga ng may pag-ibig na pagmamalasakit sa kaniyang bayan, kaya’t siya ay tumakas upang iligtas ang kaniyang buhay sa nagagalit na si Faraon. Siya’y nag-iisang naglakbay patungong Midian. Sa loob ng 40 taon kaniyang ipinamalas ang kaniyang pagpapakumbaba sa pamamagitan ng pamumuhay ng isang simpleng buhay ng isang pastol, na naglilingkod sa kaniyang biyanang-lalaki na si Jethro. Anong laking pampatibay-loob para kay Moises na sa loob ng kaniyang 40 taon ng paghubog sa personalidad niya ay pag-isipan ang paraan ni Jehova ng paghubog sa kaniya upang maging mapagpakumbaba at upang bulay-bulayin ang marahil ay naghihintay pa sa kaniya!
Nang magkagayo’y dumating ang karangalan. Inatasan ni Jehova si Moises upang maging Kaniyang sugo kay Faraon at upang ang Kaniyang bayan ay ilabas sa Ehipto. Anong ningning na mga pribilehiyo ang nakamtan ni Moises nang siya’y tuwirang napasangkot sa sampung salot at nanguna siya sa Israel sa pagtawid sa Pulang Dagat! Nang maglaon, ang Kautusan ay tinanggap ni Moises kay Jehova sa Bundok Sinai. Nang siya’y bumaba, ang mga tao “ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahilan sa kaningningan ng kaniyang mukha.”—2 Corinto 3:7.
Nariyan din si Job, ang pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan. Siya’y “isang taong walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at humihiwalay sa masama.” (Job 1:2, 3, 8) Pagkatapos, biglang-bigla, nasawi ang kaniyang sampung anak at napahamak ang kaniyang libu-libong mga tupa, kamelyo, baka at mga babaing asno.
Hindi pa iyan ang lahat. Si Job ay sinibulan ng masasamang bukol sa buong katawan, anupa’t siya’y nakapandidiri. Ang sarili niyang asawa ay kumutya sa kaniya: “Mamamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? Itakuwil mo ang Diyos at mamatay ka!” (Job 2:9) Si Job ay mahigpit na sinubok at napalagay sa kaabahan, subalit siya’y walang kamalay-malay tungkol sa nangyayari sa langit na komprontasyon ni Jehova at ng pusakal na rebelde, si Satanas. Ang situwasyon ay hindi naman nalunasan nang mahaba-haba rin namang pagtatalakayan sa tatlong “mga kaibigan” ni Job. Gayunman, si Job ay nanatili sa kaniyang katapatan. Siya’y mapakumbabang tumanggap pa nga ng matalinong payo buhat kay Elihu—isang mas nakababatang lalaki.—Job 32:4.
Si Job ba ay ginantimpalaan? Oo. Si Job ay pinagaling ni Jehova, dinoble ang dami ng kaniyang mga hayupan at siya’y binigyan ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae—ang pinakamagaganda sa buong lupain! Anong laking karangalan ang naging bunga ng pagpapakumbaba ni Job! Anong pagkatotoo nga—“sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba.”—Job 42:12-15.
Iba’t Ibang Uri ng Karangalan
Maliwanag na mayroong iba’t ibang uri ng karangalan—karangalan na nagbubuhat sa buhok ng isang babae tungo sa karangalan ng kaningningan ng mukha ni Moises nang siya’y bumababa sa Bundok Sinai. (1 Corinto 11:15; 2 Corinto 3:7) Ang pambihirang mga paglubog ng araw ay may kaakit-akit na kaningningan, at ang mga bituin naman ay may ibang kaningningan.—1 Corinto 15:41.
Ang iba’t ibang anyo ng salitang “karangalan” ay ginagamit ng daan-daang beses sa Bibliya. Kung susuriin ang mga reperensiyang ito at ang kanilang konteksto, malinaw na si Jehova ang pinagmumulan ng karangalan o kaningningan. At ang kaniyang mga obra maestra ng paglalang ay kababanaagan ng kaniyang kaningningan sa maraming paraan at sa iba’t ibang antas.
Sa ating ika-20 siglo, tayo’y maraming katunayan ng mga pagkaabang dinanas ng mga may maningning na pag-asa na magkamit ng buhay sa langit. Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, ang mga pangunahing kagawad ng Watch Tower Society sa Brooklyn, New York, ay hinatulan ng 20 taóng pagkabilanggo dahil sa mga maling paratang. Halos sa panahon ding iyon, sumiklab ang pag-uusig sa maraming lugar. Halimbawa, si J. B. Siebenlist ay ikinulong nang may tatlong araw bagaman walang mandamiento-de-aresto at siya’y hindi binigyan ng anumang pagkain maliban sa tatlong pirasong inamag nang tinapay na mais. Siya’y inilabas sa pagkakulong ng mga mang-uumog, hinubaran ng damit, binuhusan ng pinainit na alkitran, at binugbog ng latigo na may alambre sa dulo. Minsan sa paglilitis ang lumilitis na abogado ay nagsabi: “Diyan ka sa impiyerno kasama ang iyong Bibliya; dapat na nariyan ka sa impiyerno na balî ang iyong tadyang; dapat na bitayin ka.”
Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ang ilan sa tapat na mga lingkod ni Jehova ay nakaranas ng di-kapani-paniwalang kahirapan sa mga concentration camp ng Nazi. Ang isa roon ay si Martin Poetzinger, isang pinahirang Saksi na nakatawid din nang buháy upang maging isa sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang Dachau ay kaniyang tinaguriang isang “kulungan ng mga baliw na demonyo.” Sa kampo ng Mauthausen, ang “Gestapo ay sumubok na gamitin ang bawat paraan upang mahikayat kami na masira ang aming pananampalataya kay Jehova. Kami’y ginutom, pinaglalangan ng nagkunwaring mga kaibigan, nakaranas ng mga kalupitan, ng pagtayô sa araw-araw sa isang pinaka-balangkas, pagkabitin buhat sa sampung-piyeng poste samantalang nakagapos sa likod ang mga kamay, panggugulpi—lahat na ito at mga iba pa . . . ay pinagdaanan namin.”
Ano ang Umalalay sa mga Tapat na Kristiyanong Ito?
Sa ilalim ng ganiyang kaaba-aba at hamak na mga kalagayan, sila’y natulungan na magtiis dahil sa kanilang pananampalataya sa kalalabasan sa wakas ng mga bagay-bagay, kasali na ang pag-asa ng maningning na kinabukasan para sa mga mananatiling tapat. Para sa “munting kawan” ng pinahirang mga Saksi, ito ay isang mana sa kalangitan. (Lucas 12:32) Isang natatanging uri ng karangalan sa lupa ang nakalaan para sa mga ibang tapat na tao. Ang ilan sa kanila, gaya ni Jose at ni Moises, ay tinutukoy sa Hebreo kabanata 11. Pakisuyong basahin ang Heb 11 talatang 32-40 at bulay-bulayin ang mga kaabahan na tiniis ng ilan sa mga tapat na ito. Isa pa, “isang malaking pulutong” ang naglilingkod kay Jehova sa lupa ngayon. (Apocalipsis 7:9, 15) Ano ba ang kanilang kinabukasan?
Isang mayamang kinabukasan ang naghihintay sa kanila. Ang makalangit na pamahalaan sa ilalim ni Jesu-Kristo ay magkakaroon ng mga kinatawan sa lupa na magkakapit ng mga tagubiling nasusulat sa balumbon ng mga aklat na tinutukoy sa Apocalipsis 20:12. Ang gayong mga tao ay magkakaroon ng maluwalhating mga pribilehiyo hindi bilang mga hari, kundi “bilang mga prinsipe sa buong lupa,” at kasama nila, ang di-mabilang na mapagpakumbaba, tapat na mga tao, kasali na ang mga bubuhaying-muli, na magkakamit ng buhay na walang- hanggan sa isang maluwalhating lupang paraiso.—Awit 45:16.
Sa ngayon ay angaw-angaw ang nagpakita ng kanilang pagpapakumbaba sa pamamagitan ng paglabas sa huwad na relihiyon at masayang pakikibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay ng mga Saksi ni Jehova. Marami sa mga ito ang nilibak ng kanilang mga kasambahay at mga kaibigan, subalit sila’y nanatili sa tunay na pagsamba. Mapakumbabang tinanggap nila ang pagtutuwid at disiplina upang makapaglingkod sa tunay na Diyos, si Jehova. Ang kanilang pag-asa ay mabuhay sa isasauling Paraiso, pagka “ang lupa ay napuno na ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Habacuc 2:14.
Ito’y mga araw ng pagsubok sa bayan ni Jehova. Halos parang tayo’y mga tagaibang bayan sa isang banyagang lupain. Ang agwat sa pagitan ng tunay at ng huwad na pagsamba ay lumalalim at lumuluwang. Lahat tayo ay dumaranas ng pagkaaba sa anumang paraan. Subalit kung paanong si Jesus ay inaliw at pinalakas ng kagalakang nasa harapan niya, tayo man ay makapananaig sa mga pagsubok sa pamamagitan ng pagsasaalaala ng kahihinatnan sa wakas.
Ang Bibliya’y nagpapayo sa atin: “Magpakababa kayo sa paningin ni Jehova, at kaniyang itataas kayo.” (Santiago 4:10) Kailanma’t ikaw ay mapapalagay sa isang mahigpit na pagsubok, pag-isipan ang mga salitang ito: “Sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba.” Alalahanin din naman na si Jehova’y hindi maaaring mabigo!