Si Abraham—Propeta at Kaibigan ng Diyos
ANG pinagsamang mga hukbo ng apat na hari sa Silangan ay tumawid sa Ilog Eufrates. Ang kanilang pinagdaraanan ay ang King’s Highway sa gawing silangan ng libis ng Ilog Jordan. Sa kanilang pag-abante ay kanilang binihag ang mga Refaim, ang Zuzita, ang Emita, at ang mga Horeo. Pagkatapos, ang mga manlulusob ay pumihit at kanilang nagapi ang lahat ng mga naninirahan sa timugang Negeb.
Ano ba ang layunin ng kampaniyang militar na ito? Sa pagitan ng nilusob na mga rehiyon ng Transjordan at ng Negeb ay naroon ang gantimpala. Iyon ay isang pinagmimithiang libis na tinatawag na ang Kapatagan ng Jordan. (Genesis 13:10) Dito, ang mga naninirahan sa limang estadong-lungsod, sa Sodoma, Gomorra, Admah, Zeboiim, at Bela, ay namumuhay nang pawaldas at may kaginhawahan. (Ezekiel 16:49, 50) Noong una sila’y mga sakop ng wari ngang lider ng pinagsama-samang mga hukbo, si Chedorlaomer, hari ng Elam. Subalit sila’y nag-alsa laban sa kaniya. Ngayon, palibhasa’y walang pagtangkilik ng mga kalapit-bayan, sila’y nakaharap sa pagsusulit. Si Chedorlaomer at ang kaniyang mga kaalyada ang nagwagi sa resultang labanan at sila’y nagsimula na ng kanilang mahabang lakbayin dala ang maraming samsam.
Kabilang sa mga nabihag ay isang matuwid na tao, si Lot. Siya ay pamangkin ni Abraham, na naglatag ng tolda sa karatig na kabundukan ng Hebron. Nang mabalitaan ni Abraham ang nakalulungkot na balita, agad ipinatawag niya ang 318 ng kaniyang mga tauhan. Lakas-loob, sa pagtangkilik ng mga ilang kalapit-bayan, kanilang itinaboy ang apat na hari at sa gabi’y biglang sinalakay ang kanilang mga hukbo. Ang mga manlulusob ay nagsitakas. Si Lot at ang kaniyang sambahayan ay nabawi, pati na rin ang mga ibang bihag at ang mga ari-arian.
Anong dahilan mayroon tayo upang maniwala sa ulat na ito na nasa ika-14 na kabanata ng Genesis 14? Inimbento ba lamang ang istorya upang gawing pambansang bayani ang ninuno ng maraming bansa, kasali na ang mga Judio? Kumusta naman ang mga pangyayari sa buhay ni Abraham?
Ang Sinasabi ng mga Klerigo
Nang may pasimula ng ika-19 na siglo, ang sabi ng Lutheranong teologong si Peter von Bohlen ay isa raw alamat si Abraham at wala namang saligan sa kasaysayan ang hula tungkol sa panlulusob ni Chedorlaomer. Isa pa rin, si propesor Julius Wellhausen, ang nagsabi: “Tayo’y walang makukuhang kaalaman buhat sa kasaysayan tungkol sa mga patriarka.” Sinabi niya: “Si [Abraham] ay malamang na maituturing na isang gawa-gawaan lamang ng walang-malay na sining.”
Ang mga teologong Ingles ay sumunod sa pangunguna ng kanilang mga kasamahang Aleman. “Ang mga kuwento tungkol sa mga dakilang patriarka sa aklat ng Genesis ay bago pa nagkaroon ng kasaysayan, bilang kasaysayan ay kasintotoo lamang ng mga kuwento tungkol kay . . . Haring Arthur,” ayon sa isinulat ng klerigong si Stopford Brooke sa kaniyang aklat na The Old Testament and Modern Life. “Buhat sa . . . Genesis . . . ang ating makukuha ay isa lamang putul-putol at pangit na kaalaman tungkol sa buhay at ugali ng sinuman sa mga patriarka,” ayon sa isinulat ni John Colenso, obispo Anglicano ng dating Britanong kolonya ng Natal. “Imposible,” isinusog pa niya, “na maglagak ng buong pagtitiwala sa alinman sa mga kasaysayang ito.”
Ang ganiyang mga pamimintas ay kumakalat na mistulang gangrena. (2 Timoteo 2:17) Sa ngayon, angaw-angaw na mga nagsisimba ang hindi na gaanong naniniwala sa buhay ng mga patriarka. Subalit, sa ikinapapahiya ng mga teologo ng Sangkakristiyanuhan, ang mga ateyista ngayon ay nagsasabi na sumosobra na ang mga kritiko sa Bibliya. Halimbawa, sinasabi ng Bol’shaia Sovetskaia Entsiklopediia (Great Soviet Encyclopedia): “Noong nakalipas na mga taon, ang sunud-sunod na mga pag-aangkin ng mga kritiko ng Bibliya ay muling sinuri sa liwanag ng bagong pananaliksik, lalo na salig sa impormasyon ng diumano’y arkeolohiya ng Bibliya. Ang mga ilang tradisyong biblikal na dati’y itinuturing na alamat . . . ay waring may batayan sa kasaysayan.” Isaalang-alang kung papaanong ang arkeolohiya’y nagsabog ng liwanag sa ulat tungkol kay Abraham.
Ang Ur ng mga Caldeo
Sang-ayon sa Bibliya, si Abraham ay lumaki sa “Ur ng mga Caldeo.” (Genesis 11:27-31; 15:7) Sa loob ng daan-daang taon, ang lugar na kinaroroonan ng Ur ay isang hiwaga. Ang mga kritiko ay naniniwala na kung ito nga’y umiiral, ito ay isang lugar na di-mahalaga, atrasado. Nang magkagayon, sa kanilang ikinapahiya, mga kaguhuan na nasa pagitan ng Babilonya at Persian Gulf ay tiyakang nakilala na mga kaguhuan ng Ur. Libu-libong mga tapyas ng luwad na nahukay sa lugar na iyon ang nagsiwalat na ang Ur ay isang sentro ng kalakalan sa daigdig, at mayroon itong isang malaking populasyon na may sari-saring kabihasnan. Noong panahon ni Abraham, ang lungsod ay mayroon pang mga paaralan na kung saan ang mga batang lalaki’y tinuruang sumulat at gumamit ng arithmetic.
Gayundin, ang mga paghuhukay sa Ur ay nagsiwalat na ang kaniyang mga arkitekto’y gumamit ng kulumna, ng arko, ng nakaarkong bubungan, at ng simboryo. Ang mga dalubhasang manggagawa ng Ur ay nakagawa ng pagkagagandang alahas, ng maluho ang disenyong mga alpa, at mga punyal na ang mga talim ay taganas na ginto. Sa maraming tahanan, ang mga arkeologo’y nakahukay ng mga tubong pahuhuan ng dumi, na yari sa nilutong luwad, na konektado pababa sa mga malalaking hukay na pahuhuan ng dumi hanggang sa lalim na 12 metro.
Ang mga natuklasang ito ay nagbigay sa maraming iskolar ng panibagong pagkakilala kay Abraham. “Tayo’y nahirati nang magmasid kay Abraham bilang isang hamak lamang na naninirahan sa mga tolda, at masumpungan siyang isang posibleng naninirahan sa isang makabagong bahay na tisa sa isang lungsod,” ang isinulat ni Sir Leonard Wooley sa kaniyang aklat na Digging Up the Past. “Si Abraham,” ang pahayag ng arkeologong si Alan Millard sa kaniyang aklat na Treasures From Bible Times, “ay lumisan sa artipisyal na siyudad, at sa lahat ng seguridad at kaginhawahan na dulot nito, upang maging isa sa hamak na mga taong walang pirmihang tinatahanan!”
Paglusob ni Chedorlaomer
Kumusta naman ang tagumpay ni Abraham kay Chedorlaomer, hari ng Elam? Noong may pasimula ng ika-19 na siglo, bahagya lamang ang alam tungkol sa mga Elamita. Ang mga kritiko ng Bibliya ay tumanggi sa ideya na ang Elam ay nagkaroon kailanman ng anumang impluwensiya sa Babilonya, huwag nang sabihin pa ang Palestina. Ngayon, iba ang pagkakilala sa mga Elamita. Inihahayag ng arkeolohiya na sila’y isang makapangyarihang bansang mahilig makipagdigma. Sinasabi ng Funk & Wagnalls Standard Reference Encyclopedia: “Winasak ng mga Elamita ang siyudad ng Ur noong humigit-kumulang 1950 B.C. . . . Pagkatapos ay nagkaroon sila ng malaking impluwensiya sa mga tagapamahala ng Babilonya.”
Gayundin, ang mga pangalan ng mga haring Elamita ay natagpuan sa mga isinulat ng mga arkeologo. Ang iba riyan ay nagsisimula sa salitang “Kudur,” nahahawig sa “Chedor.” Ang isang mahalagang diyosang Elamita ay si Lagamar, nahahawig sa “laomer.” Sa gayon, si Chedarlaomer ay tinatanggap na ngayon ng mga ilang sekular na manunulat bilang isang hari noong lumipas na panahon, posible na ang kaniyang pangalan ay nangangahulugang “Utusan ni Lagamar.” Isang huwego ng mga sulat Babiloniko ang may mga pangalang nahahawig sa tatlo sa lumulusob na mga hari—Tudhula (Tidal), Eri-aku (Arioch), at Kudur-lahmil (Chedorlaomer). (Genesis 14:1) Sa aklat na Hidden Things of God’s Revelation, si Dr. A. Custance ay nagsabi pa: “Kakabit ng mga pangalang ito ang detalye na waring tumutukoy sa mga pangyayaring naganap sa Babilonya nang itatag ng mga Elamita ang kanilang pagkasoberano sa bansa. . . . Lubhang nagpapatunay sa Kasulatan ang mga tabletang ito kung kaya’t ginagamit ng Matataas na Kritiko at ginagawa nila ang lahat ng kaya nila upang kusang sugpuin ang kahalagahan ng mga iyan.”
Kumusta naman ang paglusob na ginawa ng apat na hari? Mayroon bang anumang ebidensiya ang mga arkeologo sa Transjordan at sa Negeb upang sumuporta rito? Oo. Sa kaniyang aklat na The Archaeology of the Land of Israel, si Propesor Yohanan Aharoni ay tumutukoy sa pagpanaw ng isang sibilisasyong nauna sa mga Israelita at nagkaroon ng “kahanga-hangang” mga pamayanan sa Transjordan at sa Negeb, “humigit-kumulang 2000 B.C.E.” Sinasabi ng mga ibang arkeologo na ito’y nangyari noong mga bandang 1900 B.C.E. “Ang paggawa ng palayok kapuwa sa Negeb at sa Transjordan nang panahong ito ay magkapareho at kapuwa makikitaan ng biglaan, kapaha-pahamak na pagkaparam ng sibilisasyon,” ang sabi ni Dr. Harold Stigers sa kaniyang Commentary on Genesis. Kahit na ang mga kritiko ng Bibliya, tulad baga ni John Van Seters, ay sumasang-ayon sa ebidensiya ukol dito. “Ang isang di-nalulutas na problema ay kung saan napapunta ang mga taong ito, kung sakali ngang nagkagayon, nang matapos ang panahong iyon,” ang sabi niya sa kaniyang aklat na Abraham in History and Tradition.
Ang Genesis kabanata 14 ay nagbibigay ng isang simpleng solusyon sa problema. Sang-ayon sa kronolohiya ng Bibliya, si Abraham ay dumating sa Canaan noong 1943 B.C.E. Ang marahas na paglusob ni Chedorlaomer ay tiyak na naganap di pa natatagalan pagkatapos niyan. Nang maglaon, sa siglo ring iyan, pinapangyari ng Diyos ang maapoy na pagkawasak ng imoral na mga siyudad ng Sodoma at Gomorra. Ito ang bumago magpakailanman sa ecology ng dating matabang lupain ng Libis ng Jordan sa gawing ibaba. (Genesis 13:10-13; 19:24, 25) Ito’y hindi na pinagmithian ng mga banyagang manlulusob na mapasa-kanila.
May marami pang mga ibang halimbawa ng kung papaanong ang arkeolohiya’y kaisa ng Kasulatan sa pagsasaboy ng liwanag sa mga pangyayari sa buhay ni Abraham. Subalit may mga hangganan ang arkeolohiya. Ang ebidensiyang ibinibigay nito ay kadalasan di-tuwiran at maaaring bigyan ng pakahulugan ng di-sakdal na mga tao.
Ang Pinakamapanghahawakang Patotoo
Ang pinakamatibay na patotoo na talagang nabuhay si Abraham ay ang patotoo ng Maylikha ng tao, si Jehovang Diyos. Sa Awit 105:9-15, ang Diyos ay nagsalita ng pagsang-ayon kay Abraham, Isaac, at Jacob bilang kaniyang “mga propeta.” Mahigit na isanlibong taon pagkamatay ni Abraham, si Abraham ay tinukoy ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bibig ng di-kukulanging tatlong propeta at tinawag pa siya na kaniyang “kaibigan.” (Isaias 41:8; 51:2; Jeremias 33:26; Ezekiel 33:24) Gayundin naman, si Abraham ay itinuring ni Jesu-Kristo na isang halimbawa. Sa panahon na ang Anak ng Diyos ay nasa langit bago siya naging tao, kaniyang tuwirang nasaksihan ang pakikitungo ng kaniyang ama sa patriarka. Kaya naman, kaniyang nasabi sa mga Judio:
“‘Kung kayo’y mga anak ni Abraham, gawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. Ngunit ngayon ay sinisikap ninyong patayin ako, na isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko sa Diyos. Hindi ginawa ito ni Abraham. Nagalak na mainam si Abraham na inyong ama dahil sa pag-asang makikita ang aking kaarawan, at kaniya ngang nakita at nagalak.’ Kaya naman sinabi sa kaniya ng mga Judio: ‘Wala ka pang limampung taóng gulang gayunma’y nakita mo na si Abraham?’ Sinabi ni Jesus sa kanila: ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, bago umiral si Abraham, ako’y umiiral na.’”—Juan 8:39, 40, 56-58.
Sa pamamagitan ng patotoo at pampatibay-loob na nanggagaling sa dalawang pinakadakilang Persona sa sansinukob, taglay natin ang pinakamagaling na mga dahilan upang tanggapin ang lahat ng sinasabi ng Bibliya tungkol kay Abraham. (Juan 17:5, 17) Bagaman inihaharap ng Bibliya si Abraham bilang isang halimbawa, walang dahilan na siya’y itaas bilang isang pambansang bayani. Ito’y makikita sa pamamagitan ng pagsusuri sa hula ng kaniyang pagtatagumpay sa apat na magkakakamping hari. Nang si Abraham ay bumalik galing sa pakikidigma, siya’y binati ni Melquisedek, hari ng Salem, na nagsabi: “Purihin ang Kataas-taasang Diyos, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay!” Si Jehova ang kaniyang pinuri dahil sa pagkaligtas na iyon.—Genesis 14:18-20.
Gayunman, isang lalong dakilang tagumpay ang malapit na! Di na magtatagal, ang maluwalhating Diyos ding ito ang maggugupo “sa mga hari sa buong tinatahanang lupa” sa pangglobong digmaan na tinatawag na Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Pagkatapos, ang pangako ng Diyos kay Abraham, na kaniyang propeta at kaibigan, ay magkakaroon ng lubos na katuparan: “Sa pamamagitan ng iyong binhi lahat ng bansa sa lupa ay tunay na magpapala sa kanilang sarili.” Angaw-angaw ang lumalasap na ng unang tikim ng ganiyang mga pagpapala. Ikaw ay maaaring makasali sa kanila, gaya ng ipakikita ng mga artikulong nasa pahina 18-28 ng magasing ito.—Genesis 22:18.
[Mga mapa/Mga larawan sa pahina 7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Great Sea
ANG NEGEB
Damascus
Haran
Ilog Euphrates
Ilog Tigris
Mediteraneo
Ur
ELAM
Persian Gulf
[Mapa]
Damascus
Dan
REFAIM
ZUZIM
Shechem
Bethel
Kapatagan ng Jordan
Salt Sea
Hebron
THE NEGEB
King’s Highway
EMIM
Gomorrah
Sodom
HOREO
[Mga larawan]
Si Abraham ay tumalima, umalis siya sa Ur, isang napakamaunlad na lungsod
Mga muwestrang bagay buhat sa Ur:
1. Gintong punyal at kaluban
2. Ang ‘Estandarte’ ng Ur
3. Ulo ng gintong baka buhat sa kaha ng alpa
4. Alahas
5. Hiyas na panggayak sa ulo
[Credit Line]
Mga Larawan: Sa kagandahang-loob ng British Museum