Nagdadala ba ng Kaligayahan ang Puspusang Paggawa?
“SA KABILA ng lahat, ang gawain ang siyang lahat na para sa isang tao, di ba?” ang tanong ni Bunpei Otsuki, isang pangunahing mayamang mangangalakal sa daigdigan ng pangangalakal ng Hapon. Kaniyang ipinaliliwanag noon kung bakit hindi niya ibig na magbakasyon sa tag-init. Ang kaniyang pananalita ay karaniwan sa mga Hapones na muling nagbangon sa kanilang bansa buhat sa pinsalang dulot dito ng nakaraang digmaan. Ang mga Hapones ay itinuturing na isang bayang masipag magmula na nang si Commodore Perry ng Estados Unidos ay makarating sa Hapon at tapusin ang mahabang panahon ng pagbubukod nito. At kanilang ipinagmamalaki ang kanilang pagiging mga manggagawang puspusan kung magtrabaho.
Subalit, ang Hapon ay pinipintasan ngayon dahil sa pagtatrabaho nang labis-labis, palibhasa’y siya ang mayroong pinakamahahabang oras sa pagtatrabaho taun-taon sa tinatawag na mga bansang industriyalisado. Sinisikap ng pamahalaang Hapones na pawiin ang impresyon sa kanila bilang mga taong subsob na sa trabaho. “Ang Ministri ng Paggawa ay Nagsasabing ‘Tumigil sa Napakasigasig na Paggawa,’” ang paulong-balita ng isang pahayagan. Sa kampanyang sawikain para sa 1987 bakasyong pantag-araw, ang ministri ay humantong hanggang sa pagsasabing, “Ang pagbabakasyon ay patotoo ng inyong kahusayan.” Sa ibang pananalita, ang pamahalaan ay nagtatanong sa bansa, “Bakit nga ba magtatrabaho pa nang todu-todo?”
Mangyari pa, hindi lahat ng tao sa Hapon ay nakatalagang masisigasig na manggagawa. Kamakailan ang ginawa ng Japan Productivity Center na pagsusurbey ng mahigit na 7,000 mga bagong manggagawa ay nagsiwalat na mayroon lamang 7 porsiyento sa kanila ang mas inuuna ang trabaho kaysa pribadong buhay. Ang ganitong kahiligan ay makikita rin naman sa mga ibang bansa. Sa Alemanya ay napag-alaman ng Allensbacher Institut für Demoskopie na 19 na porsiyento lamang ng mga Aleman sa edad na 18 hanggang 29 ang nagtapat na kanilang ibinibigay ang pinakamagaling na magagawa nila sa trabaho anuman ang kapalit na bayad nito.
Kung ihahambing sa mga kabataang mapagwalang-bahala, ang mga dayuhang manggagawa sa Hapon ay lalong higit na masisipag. Isang nagpapatrabahong amo sa Tokyo ang nangungusap nang may papuri sa kaniyang empleyadong taga-Algeria na gumagawa ng mabigat na trabaho. Ang sabi niya: “Ang mga Hapones ay hindi magpiprisinta para sa ganitong uri ng trabaho, at kung sakaling sila’y magprisinta, sila’y agad hihinto.” Hindi, hindi kahit na ang masisipag na mga Hapones ang likas na masisigasig magtrabaho. Pagka ang mga tao’y puspusang nagtrabaho, tiyak na mayroong matinding pangganyak sa kanila.
Mga Dahilan sa Puspusang Paggawa
“Ang kayamanan, katatagan, ari-arian, at ang pag-asenso sa daigdig”—ito ang mga bagay na sinisikap makamit ng mga Aleman, ayon sa pag-uulat ng lingguhang pahayagang Aleman na Der Spiegel. Oo, marami ang puspusang nagtatrabaho upang magkamit ng materyal na kayamanan upang sila’y magkaroon ng medyo katatagan sa buhay. Ang iba ay nangangatawan ng pagtatrabaho upang ‘umasenso sa sanlibutan’ o sila’y naghahangad ng pag-asenso sa kanilang kompanya. Marami na totoong nagaganyak ng mapagkompitensiyang sistema ng edukasyon upang magtaguyod ng gayong mga tunguhin ay humahantong sa kakakayod sa lipunan ng industriya—hinahapo ang sarili at hindi nakararating saanman.
Gayunman, ang salapi at kalagayan sa buhay ay hindi siyang mga tanging dahilan kung bakit masigasig na gumagawa ang mga tao. Ang iba ay nagtatrabaho para makapagtrabaho lamang. Sa kanila, ang trabaho ang lahat-lahat na. Ang iba’y naliligayahan sa kanilang trabaho. “Ako’y nasisiyahan sa ginagawa ko sa aking laboratoryo,” inamin ni Haruo, “para bang sinakal ako at nawala ang aking espirituwalidad.”
At nariyan naman yaong mga nakaalay ang buhay sa paglilingkod at kabutihan ng iba. Sila’y puspusang gumagawa upang magligtas ng mga buhay. Halimbawa, ang isang bumbero ay masigasig ng pagtatrabaho araw-araw upang mapanatiling nasa ayos ang kaniyang kagamitan.
Subalit ang mga ito ba ay mabubuting dahilan para sa puspusang pagtatrabaho? Ito ba’y hahantong sa kaligayahan? Ano bang gawain ang talagang makapagpapaligaya sa iyo?