Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 9/1 p. 23-30
  • Ginawa Kong Karera ang Buong-Panahong Paglilingkod

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ginawa Kong Karera ang Buong-Panahong Paglilingkod
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paghubog sa Aking Buhay
  • Pagpapasiya Tungkol sa Aking Karera
  • Unang Atas Bilang Isang Payunir
  • Isang Pamilya ng mga Payunir
  • Ang Hangaring Mapalawak ang Paglilingkod
  • Paglilingkod sa Bethel
  • Sa Harap ng mga Pinuno ng Pamahalaan
  • Pinalawak na mga Pasilidad ng Pabrika
  • Pagkabili sa Isang Office Complex
  • Marami Pang mga Gusaling Tirahan ang Itinayo
  • Maligaya sa Paglilingkod sa Bethel
  • Buong-Panahong Paglilingkod​—Kung Saan Ako Inakay Nito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • ‘Aming Ginawa ang Dapat Naming Gawin’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Isang Mayamang Buhay sa Paglilingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 9/1 p. 23-30

Ginawa Kong Karera ang Buong-Panahong Paglilingkod

AYON SA PAGKALAHAD NI MAX LARSON

NOONG 1910 ang aking ina, na ang mga magulang ay kapuwa nangamatay na ay lumisan sa Denmark at sumakay sa isang barko patungong Estados Unidos. Siya’y 18 lamang, hindi nagsasalita ng Ingles, at wala siyang nakikilalang isa mang tao sa bansang iyon.

Nang dumating sa New York City, siya’y sumakay sa isang tren patungong South Dakota, isang biyaheng may layong 2,400 kilometro. Sa South Dakota, na kung saan may isang pamayanang Daneso, nakilala niya ang isang lalaking sa hinaharap ay magiging aking ama. Sila’y nagpakasal noong Setyembre 20, 1911.

Maaga noong 1913 si Itay ay nag-iisang sumakay sa isang may habong na bagon at nagbiyahe patungong Montana upang magsaka sa isang homestead. Doon ay nagtayo siya ng isang bahay na troso na may nag-iisang silid. Nang ito’y matapos noong tag-araw, ang aking ina ay dumating naman sakay ng tren upang makipisan sa kaniya, at kasama pati aking kapatid na lalaki, si Norman, na mga ilang buwan lamang ang edad.

Dalawang taon ang lumipas at ipinagbuntis ang ikalawang anak. Gaya ng sinabi ko nang may pagbibiro, ako’y “tumulong” kay Inay na mag-atip ng bubong, yamang iyon ang kaniyang ginagawa bukod sa bahay isang araw bago ako isinilang. Kinabukasan, Abril 29, 1915, nang umuwi na si Itay buhat sa bukid para sa pananghalian, sinabi ni Inay: “Sa palagay ko’y manganganak na ako.” Nang hapong iyon ako ay isinilang. Subalit kinagabihan, nang umuwi uli si Itay, si Inay ay masigla na naman at ipinaghanda siya ng hapunan!

Makalipas ang tatlong taon ang aking kapatid na babaing si Jean ay isinilang sa lugar ding iyon. Nang sumunod na taon ang aming pamilya ay lumipat sa silangang Montana, na kung saan umupa si Itay ng isang sakahan. Noong 1921 ang aking pangalawang kapatid na babae, si Laverna, ay isinilang at kaming apat na mga anak ay lumaki sa malawak na kapatagan ng Montana.

Ang Paghubog sa Aking Buhay

Ang aking mga magulang ay mga Luterano, at tuwing Linggo kaming anim ay nagsisimba. Subalit di-nagtagal isang kapitbahay, isang International Bible Student, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ang nagsimulang dumalaw kay Inay at nakipag-aral sa kaniya ng Bibliya. Pagkaraan ng mga dalawang taon, tinanggap ni Inay ang mga katotohanan sa Bibliya na kaniyang naliliwanagan, at noong 1925 siya ay binautismuhan sa isang labangan ng mga kabayo. Ang kaniyang bagong-katutuklas na pananampalataya ay hindi tinanggap ni Itay ni namin mang mga anak, subalit lahat kami ay natutuwa at huminto na ng pagsimba sa Simbahang Luterano. Laging sinasabi sa amin ni Inay: “Hindi ninyo ibig maglingkod kay Jehova pero huwag ninyong lalabagin ang kaniyang mga kautusan.” Ang payong ito ay tumulong upang kami’y mailayo sa basag-ulo.

Ang aming pamilya na binubuo ng anim katao ay nagsasaka ng 320 ektarya ng lupain sa tulong ng 14 na mga kabayo at isang traktora. Kami’y walang koryente o gripo man sa loob ng aming tahanan, at lahat ng aming tubig ay sinasalok sa isang balon na ang layo ay 4 na kilometro. Dahil sa tagtuyot noong nagsisimula ang mga taon ng 1930 at sa hindi namin pag-aani sa bukid nang may apat na taon, aming ipinasiya na lumipat sa Washington State. Bilang paghahanda sa paglipat, ang mga ibang gamit sa bukid at sa bahay ay kailangang ilipat namin sa Washington mula sa Montana. Kaya’t ang iniatas na gawain sa akin ay sumakay sa bagon at tingnan na ang aming mga kabayo ay napakakain at napaiinom samantalang nasa biyahe. Pagkalipas ng anim na araw, sa wakas ay sumapit din ako sa kanlurang baybayin ng Washington.

Doon ay tinulungan ko si Itay na magtayo at magpaandar ng isang bakahan na gatasan. Pagkaraan ng mga isang taon, sa edad na 20 anyos, ako’y nangahas na tumindig sa aking sariling mga paa, nagmaneho ako ng trak ng mga troso sa mga bundok at gumugol din ako ng anim na buwan sa Alaska bilang inhenyero sa barko. Noong 1938 ang aking kapatid na si Jean at ako ay nagkatrabaho sa Seattle at kami’y namumuhay sa isang houseboat sa Lake Union. Nang tag-araw na iyon, si Inay, na doon naninirahan sa may layong 80 kilometro, ay dumalo sa taunang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Seattle. Yamang ang pinagdarausan ng kombensiyon ay maaaring lakarin buhat sa aming houseboat, siya’y aming inanyayahan na makipisan sa amin. At ganoon nga ang nangyari, at kami’y pumayag na dumalo sa kombensiyon.

Pagpapasiya Tungkol sa Aking Karera

Sabado ng gabi, si Joseph F. Rutherford, pangulo noon ng Watch Tower Bible and Tract Society, ay nagpahayag sa paksang “Mga Mangingibig ng Katuwiran.” Ang kaniyang pahayag ay tungkol sa buong-panahong ministeryo o pagpapayunir. Pagkatapos si Bill Griffith, na nakaupong kasunod ko, ay nagsabi: “Max, iyan na nga. Tayo’y magpayunir!”

“Okay,” ang tugon ko. “Gawin natin iyan.”

“Nagbibiro ka yata, ano?” ang tanong ni Bill.

“Hindi,” ang tugon ko. “Pagkatapos marinig ang pahayag na iyon, ako’y kumbinsido na iyan ang matuwid na dapat gawin.”

“Pero ni hindi ka isang mamamahayag. Hindi ka pa bautismado.”

“Totoo, pero kasasabi lamang nila na magkakaroon ng pagbabautismo bukas. Ako’y magpapabautismo kung gayon.”

Kaya, lipos ng katuwaan, kami’y naparoon sa Field Service Department upang humingi ng aming mga aplikasyon sa pagpapayunir. Doon ay nakatagpo namin si Brother Van Amburgh, ang sekretaryo-tesurero ng Samahan. Nang sabihin namin sa kaniya ang aming gagawin, kami’y kaniyang tinawag at kinausap na anupa’t siya’y naging katulad ng isang ama sa anak. “Ngayon huwag ninyong gawin ito na para bagang ito’y susubukan lamang ninyo o isang adbentura,” ang sabi niya. “Tama ang ginagawa ninyo, pero harapin ninyo ito na parang isang panghabambuhay na karera ninyo.” At ang payong iyan ang sa tuwina’y tumulong sa akin nang malaki. Kaya’t kami’y kumuha ng aming mga aplikasyon, at kinabukasan, Hunyo 5, 1938, ako’y nagpabautismo.

Unang Atas Bilang Isang Payunir

Kinabukasan, Lunes, ipinabatid ko sa aking pinagtatrabahuhan na ako’y hihinto na sa aking trabaho upang maging isang ministro. Ang unang linggo ay ginugol ko sa maingat na pag-aaral ng pinakahuling aklat ng Samahan, na pinamagatang Enemies, at ako’y dumalo sa lahat ng pulong. Nang ikalawang linggo, pinag-aralan ko ang susunod na pinakabagong aklat, Riches. At nang ikatlong linggo, tinanggap ko ang teritoryong atas sa akin bilang payunir, na iyon ay sa Raymond, Washington.

Doon, isang grupo ng 27 katao ang natagpuan namin ni Bill na nagdaraos ng mga pulong sa tahanan ng isa sa mga Saksi. Ang tagubilin sa amin ay gampanan ang lahat ng mga pulong at tulungan ang mga mamamahayag at sanayin sila na magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya, na noon ay isang bagong gawain.

Sa unang Pulong sa Paglilingkod, noong Huwebes, hiniling ko sa lingkod ng kompanya, gaya ng tawag noon sa punong tagapangasiwa, na siya’y sumama sa akin sa gabi ng kinabukasan upang subukin namin ang pagsisimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Siya raw ay maraming gagawin. Kaya kami na lamang ni Bill ang naparoon. Nang kami’y pabalik na, kami’y pinahinto sa isang kanto upang payagan munang makalampas ang parada ng American Legion. Sa laki ng aming pagtataka, ang nangunguna sa parada ay ang lingkod ng kompanya.

Nang unang Linggong iyon, sinimulan ko ang aking idinaos na unang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa isang lalaki. Pagkatapos, ginampanan ko ang pangunguna sa aking unang Pag-aaral sa Bantayan sa kongregasyon. Siyanga pala, naroon sa labas ng Hunyo 1, 1938 ang artikulo na unang nagpaliwanag ng tungkol sa pamamanihalang teokratiko sa loob ng kongregasyon. Sa 27 kaugnay, 3 lamang ang tumanggap sa bagong kaayusang teokratiko.

Isang Pamilya ng mga Payunir

Hindi nagtagal pagkatapos na simulan ko ang pagpapayunir, ang aking mga kapatid na babae at ang aking kapatid na lalaki, si Norman, ay lumahok na rin sa buong-panahong ministeryo. Ipinagbili ng mag-asawang Norman ang kanilang bukid, at sila’y bumili ng isang 3.7 metrong trailer, at kasama ang kanilang tatlong-taóng-gulang na anak na babae, si Joan, sila’y lumabas at nangaral. Siyanga pala, nang sila’y gumawa sa Raymond noong 1941, isinulat sa akin ni Norman na ang 24 na tumutol sa kaayusang teokratiko ay nagsialis na at sumama sa isang grupong apostata. Subalit, ang aking unang inaralang iyon ng Bibliya ang noo’y siya nang lingkod ng kompanya!

Ang anak na babae ni Norman na si Joan at ang kaniyang asawang si Maurice O’Callaghan, ay nasa ika-24 na taon na ngayon ng kanilang pagdalaw sa mga kongregasyon sa gawaing pansirkito. Ang aking nakababatang kapatid na babae, si Laverna, ay kabilang sa ika-12 klase ng paaralang misyonero ng Gilead noong 1949 at naatasan na maglingkod sa Italya. Ang maagang tagumpay ng gawaing misyonero roon ay humantong sa kaniyang pagkadeporta sa Switzerland, na kung saan doon pa rin siya naninirahan kapiling ng kaniyang asawang lalaki.

Ang Hangaring Mapalawak ang Paglilingkod

Pagkatapos maglingkod bilang isang regular payunir nang may dalawang buwan, ako’y naatasan na maglingkod bilang special payunir. Sa aming dalawa ni Bill ay sumama pa rin si Warren Henschel, ang nakatatandang kapatid ni Milton Henschel. Si Milton ay isang miyembro ngayon ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.

Nang unang buwan na iyon ng aking pagiging special payunir huminto ako isang gabi upang dumalaw kay Albert Hoffman. Siya ang para sa rehiyon, o naglalakbay na tagapangasiwa at doon tumitigil sa isang trailer kasama ng kaniyang maybahay, si Zola, sa kabilang panig ng kalye na kinaroroonan ng Kingdom Hall. Sa mga taóng iyon ng Krisis, kadalasan ang mga babasahín ay ipinagpapalit namin ng pagkain. Nang araw na iyon ako’y nakipagpalitan at tumanggap ng isang malaking basket ng peras, kaya’t tinawag ko si Brother Hoffman at tinanong ko siya kung ibig niyang kumuha ng ilan. Siya’y tuwang-tuwa at inanyayahan niya ako na tumuloy.

Noon ay ikasiyam nang banggitin niya sa akin ang tungkol sa Bible House (ngayo’y tinatawag na Bethel), ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Sa wakas, itinanong ng kaniyang maybahay: “Alam mo ba kung anong oras na? Ngayon ay alas-4:30.” Magdamagan pala kaming nagkuwentuhan! Bago ako natulog sa atik ng Kingdom Hall, ako’y sumulat ng isang liham na humihingi ng isang aplikasyon para sa Bethel, at ako’y humayo agad upang ihulog sa koreo ang aking liham.

Sa araw-araw ang bagay na iyon ay iniharap ko kay Jehova sa panalangin, at makalipas ang tatlong buwan ay nagalak ako sa pagtanggap ng liham na nag-aanyaya sa akin sa Brooklyn Bethel. Sa paghahanda para sa pagbibiyahe, ang aking kotse ay ibinigay ko sa aking kapatid na babaing si Jean, na noon ay isa na ring special payunir. Sa loob ng anim na araw at anim na gabi, ang bus na aking sinasakyan ay sumagasa sa dalawang bagyo sa Montana at Dakota at sa wakas ay sumapit din ako sa New York City, noong Enero 14, 1939.

Paglilingkod sa Bethel

Ang pangalan ko’y inilista ng lingkod ng Bethel, si Grant Suiter, at pagkatapos ay pinapunta ako sa pabrika upang magreport kay Nathan Knorr, ang lingkod ng pabrika. Ang unang trabaho ko ay ang pagtatali sa mga kahon ng aklat sa Shipping Department. Nang ikalawang linggo, ako’y inatasang gumawa sa palapag na kinaroroonan ng rotary-printing-press. Sinabi ni Brother Knorr: “Kung matututo kang magpaandar ng palimbagang ito sa loob ng anim na buwan, ikaw ay puwedeng maging operator, yamang ang kasalukuyang operator ay ilalagay sa isang bagong palimbagan.” Natuto nga ako at talagang nasiyahan ako sa pagpapaandar ng palimbagan.

Pagkalipas ng isang taon at kalahati sa pressroom, si Brother Knorr ay dumating doon isang araw at ang sabi: “Max, gusto mo bang magtrabaho sa opisina?”

“Oh, Brother Knorr, iyan ang huling trabahong pipiliin ko. Pero kung iyan ang iaatas sa akin, iyan ang gagawin kong unang-unang pagbubuhusan ko ng interes.”

“Magreport ka sa akin sa opisina sa Lunes ng umaga,” ang tugon niya.

At ako’y dumoon na magmula noon. Una, ako’y nagtrabaho bilang katulong ni Brother Knorr, at nang mamatay si Brother Rutherford noong Enero 8, 1942, si Brother Knorr ay naging presidente, at ako’y inatasan na tagapangasiwa ng pabrika. Ako noon ay 26 anyos at mayroon lamang tatlong taóng karanasan sa Bethel. Kaya’t naramdaman ko ang mabigat na pananagutan.

Datapuwat, ang pinahirang tagapangasiwa ng iba’t ibang departamento sa pabrika ay tumulong sa akin nang buong pagmamahal. Ang kanilang mapagpakumbaba, matulunging kalooban ay lubhang nagpatindi ng aking pag-ibig at pagpapahalaga sa gayong mga kapatid. Ang pangunahing nakatulong at nagsanay sa akin ay si Brother Knorr. Sa loob ng mahigit na 35 taon, hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1977, ako’y nagkapribilehiyo na gumawang kasama niya sa pagpapaandar sa gawain ng paglalathala at ng konstruksiyon na isinasagawa ng Samahan. Kahanga-hanga ang kaniyang kakayahan na mamanihala, at malaki ang naitulong niya sa akin sa pagganap sa aking trabaho.

Sa Harap ng mga Pinuno ng Pamahalaan

Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, nagkaroon ng malaking kakapusan sa mga materyales na kailangan upang maipagpatuloy ang ating gawaing paglalathala. Kaya, sa isang taon ay kung ilan-ilang beses na ako’y nagpupunta sa Washington, D.C., upang makipagpulong sa War Production Boards at sa mga komite ng Senado. Ako’y dumulog sa kanila para magbigay sila ng papel at iba pang kagamitan, at lubhang pinagpala naman ni Jehova ang mga pagsisikap na ito.

Minsan ay isinagawa ko ang aking presentasyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng iba’t ibang pahina buhat sa tanyag na mga pahayagan na nag-aanunsiyo ng mga bagay-bagay na hindi naman kailangan. Itinuro ko ang isang buong-pahinang advertisement ng isang pangginaw na balahibo sa pangunahing pahayagan ng New York, at ang sabi ko: “Ang dami ng papel na ginagamit sa ad na ito sa isang pan-Linggong edisyon ay katumbas ng lahat-lahat nang ekstrang tonelada ng papel na hinihiling namin para sa buong santaon.”

“Magaling ang sinabi mo,” ang tugon ng isang senador. Dahil sa pinagpapala nga ni Jehova ang mga pagbibiyaheng ito, noong panahon ng digmaan ay hindi kailanman napahinto ang aming mga palimbagan nang dahil lamang sa kinakapos ng papel o iba pang mga gamit. Subalit, maliwanag, hindi namin kailangan ang napakaraming papel na gaya ng pangangailangan natin sa ngayon.

Pinalawak na mga Pasilidad ng Pabrika

Labindalawang taon bago pa ako tinawag sa Bethel, ang Samahan ay nagtayo ng kaniyang unang walong-palapag na pabrika sa 117 Adams Street, na sumasakop ng kalahati ng isang bloke ng siyudad. Subalit nang sumapit ang 1949 ay kinailangan na magtayo ng isang siyam-na-palapag na pabrika at gusali ng opisina sa natitirang kalahati ng blokeng iyon ng siyudad. Kaya’t ang buong bloke ay natayuan ng isang malaking pabrika na sumasakop ng humigit-kumulang 15,000 metro kuwadrado ang lapad ng sahig.

Nang panahong iyan inatasan ako na mangasiwa sa konstruksiyon para sa Samahan dito sa punong tanggapan. Sa Brooklyn kami’y mayroon lamang noon na isang gusali para sa kapuwa opisina at pabrika at isang tirahang gusali. Subalit ngayon, makalipas ang 40 taon, kami’y mayroong mahigit na 10 gusali na ginagamit sa pagpapaandar ng pabrika at ng opisina at mga 20 tirahang gusali dito lamang sa Brooklyn!

Nang maagang mga taon ng 1950, sinikap namin na bilhin ang ari-arian na nasa kabila lamang ng kalye sa gawing hilaga ng aming gusali sa 117 Adams Street, subalit tinanggihan ng may-ari ang aming alok. Sa katunayan, hindi siya nagbigay ng anumang pagkakataon, palibhasa’y kaniyang natatantiya na mababayaran ng Samahan gaano mang kataas ang ihalaga niya. Kaya’t ang aming pansin ay doon namin idinako sa bloke sa gawing kanluran ng aming pabrika sa Adams Street, sa kabila lamang ng Pearl Street. Ito’y isang lugar na binubuo ng walong hiwa-hiwalay na mga lote. Bawat may-ari ng lote ay kailangang kausapin nang bukod, subalit binuksan ni Jehova ang daan upang mabili namin ang lahat ng walong lote sa loob ng isang taon at sa katamtamang halaga na $97 lamang por metro kuwadrado.

Sa lugar na ito itinayo ng Samahan ang kaniyang 13-palapag na gusali ng pabrika sa 77 Sands Street noong 1955 at 1956. Ito ang aming ikalawang pabrika, at mahigit na doble ang inilaki ng aming sahig hanggang sa humigit-kumulang 33,000 metro kuwadrado. Gayunman, palibhasa’y mabilis na lumalago ang organisasyon, natanto na di rin magtatagal at kami’y mangangailangan ng higit na espasyo. Kaya’t noong 1958 binili namin ang kasalukuyang pabrika sa panulukan ng Prospect at Pearl at mula noo’y ginamit namin iyon na bodegahan.

Ngayon ang tanging natitirang lugar na kung saan maikukunekta namin iyon sa aming iba pang mga gusali sa pamamagitan ng mga tulay sa ibabaw ng mga kalye ay yaong isa sa gawing hilaga na noon pa’y sinusubukan naming bilhin. Natanto namin na malamang na pumayag pa rin ang may-ari niyaon na ipagbili iyon sa kaniyang presyong labis-labis ang taas kung sakaling susubukin ng Watchtower Society na bilhin iyon. Kaya’t hiniling namin sa isang nasa negosyong real-estate na subuking bilhin iyon. Siya’y nag-alok ng presyo na may kababaan kaysa aming inialok. Kalabisang sabihin, ang may-ari ay nagsiklab sa galit nang kaniyang mapag-alaman na ang titulo ay isinalin nang bandang huli sa Watchtower Society.

Noong 1966 at 1967, kami’y nagtayo sa ari-ariang ito ng isang sampung-palapag na pabrika na ang lawak ng sahig ay 21,000 metro kuwadrado. Ngayon apat na bloke sa siyudad ang sakop ng aming mga gusaling pabrika​—lahat ay kunektado ng mga tulay na nasa ibabaw ng kalye. Nang maglaon, noong 1983 at 1986, binili namin ang dalawang gusaling pabrika sa kabila ng mga kalye sa gawing timog, at doo’y nakapagtayo kami ng isang 49-metro-ang-habang tulay na nagkukunekta sa mga gusaling ito sa aming apat pang mga pabrika. Ang lawak ng sahig ng anim na kunektadong mga pabrikang ito ay 95,000 metro kuwadrado o mga 9 na ektarya. Noong 1983 ay amin ding binili ang pagkalawak-lawak na 93,000 metro kuwadradong gusali sa Furman Street na nasa daungan mga ilang bloke ang layo, na kung saan ang aming mga pasilidad sa pagkakarga ay naroroon ngayon.

Pagkabili sa Isang Office Complex

Ang isa pang interesanteng karanasan nang ako’y nasa trabahong pamimili ng mga ari-arian ay may kinalaman sa pagbili sa Squibb Pharmaceuticals complex na may sampung gusaling kunektado sa isa’t isa. Pagkatapos na aming mabili ito, apat sa mga ito ang iginiba, at isang bagong gusali ang inilakip sa isang nakatayo na upang bumuo ng 25 Columbia Heights, ang kasalukuyang pandaigdig na punong tanggapan ng Watch Tower Society. Ganito ang pagkabili sa ari-ariang ito.

Noong 1969 ay naghahanap kami ng paraan upang patuloy na mapalawak ang aming mga pasilidad sa paglalathala. Subalit ang ekonomiya sa pangangalakal ay mabuti naman, kaya, sa pakikipag-usap ko sa bawat may-ari ng ari-arian sa lugar na iyon, walang isa mang interesadong magbili ng ari-arian.

Sa panahon ding ito, ako’y nagbiyahe upang pumunta sa North Carolina, na kung saan naroroon ang pabrika ng papel na binibilhan namin ng papel para sa Bibliya. Doon ay nagkataong nabanggit ko sa isang manggagawa roon ang aming pangangailangan ng isang lugar sa Brooklyn. Nagkataon naman na ang kapatid ng lalaking ito ay isang personal na kaibigan ng isa sa mga may-ari ng Squibb complex ng mga gusali. Siya ang gumawa ng kinakailangang mga pakikipagtalastasan at pagkatapos ay sinabihan ako na pagbabalik ko sa Brooklyn, dapat kong tawagan ang taong ito.

Nang gawin ko iyon, kinumpirma nga ng lalaking ito na pinag-iisipan ng Squibb, sa takdang panahon, na ipagbili ang kaniyang mga ari-arian sa Brooklyn at lumabas sa siyudad. Sinabi niya na pagka sila’y handa na, kaniyang tatawagan kami, at maaari na kaming makipag-ayos tungkol sa pagbili niyaon. Pagkaraan ng kung ilang mga buwan ay tinawagan ako, at sinabi sa akin na sila’y handa nang ipagbili iyon at dapat daw kaming pumunta sa kanilang opisina kinabukasan.

Si Brother Knorr at ako ay naupo at pinag-isipan namin kung anong presyo ang dapat naming ibayad. Sa meeting kinabukasan, sinabi sa amin na ang presyo ay piho na. “Ang ibig namin ay tatlong milyong dolyar na cash,” sabi nila. Sinikap namin na huwag magtinging nagtataka, yamang iyon ay hamak na mababa kaysa presyong handa kaming ibayad. Kalabisan nang sabihin, agad naming binayaran ang halagang itinakda. Nang panahong iyon, katatapus-tapos lamang namin ng pagtatayo ng aming apat-na-milyong-dolyar na bagong pabrika, subalit nang mabalitaan ng bayan ng Panginoon ang aming pangangailangan pa ng salapi, ang pondong iyon ay agad ibinigay.

Marami Pang mga Gusaling Tirahan ang Itinayo

Noong mga taon ng 1950, kami’y bumili ng mga ari-arian sa kabila ng kalye na natatanaw sa 124 Columbia Heights at noong 1959 at 1960 ay nagtayo kami ng isang malaking bagong gusaling tirahan. Subalit sapol noong 1965 ay naging lalong mahirap na magtayo ng mga bagong tirahan. Nang taóng iyon itinakda ng gobyerno na ang lugar na kinaroroonan ng Bethel ay isang makasaysayang lugar na magsisilbing pinaka-tanda. Ang resulta ay ang napakaraming mga paghihigpit kung tungkol sa pagtatayo roon ng gusali at sa pagbabago ng yari ng isang dati nang gusali. Gayunman, sa tulong ni Jehova sa tuwina kami’y pinaglalaanan sa aming mga pangangailangan.

Noong 1967, halimbawa, kami’y nag-aplay para sa pagtatayo ng anim-na-palapag na gusaling tirahan sa 119 Columbia Heights. Dahilan sa patakaran tungkol sa mga lugar na nagsisilbing palatandaan, amin nang binawasan ang dating planong 12 palapag hanggang sa maging 6. Datapuwat, ang lokal na mga autoridad ay nagsisikap ngayon na pilitin kaming bawasan ng isa pang palapag ang itatayong gusali.

Noong Hunyo, ako’y nakipag-usap sa pangulo ng borough ng Brooklyn, na ang sabi’y kung aming maitatayo ang mga pundasyon bago ganapin ang meeting sa Setyembre ng Board of Estimate, ang pinakamataas na lupon ng pamahalaang-lunsod, kaniyang sisikaping mapanatili sa anim na palapag ang aming gusali. Ang aming mga manggagawa sa konstruksiyon ay puspusang nagtrabaho, at nagawa namin na maibuhos ang semento ng pundasyon pagsapit ng Setyembre.

Ako’y kinausap ng pangulo ng borough ng araw bago ang aming kaso’y itinakdang dinggin sa publiko. Kaniyang ipinakiusap na kami’y naroon na sana sa City Hall dalawang oras bago pa pasimulan ng Board of Estimate ang pangmadlang meeting at katagpuin siya nang lihim. Kaya si Brother Knorr at si Brother Suiter, ang aming sekretaryo-tesurero, at ako ay nagpunta sa City Hall maagang-maaga kinabukasan. Samantalang aming pinag-uusapan ang pinakamagaling na paraan ng paghaharap ng aming kaso sa Board of Estimate, isang teknikalidad ang nahayag na nagsangkot sa City Planning Commission. Iminungkahi na liwanagin ang bagay na iyon. Karakaraka, ang city planning commissioner ay nagsabi na siya’y pupunta upang siya mismo ang umareglo ng bagay na iyon. “Yamang magkakaroon buhat sa publiko ng napakaraming pagtutol sa inyong kaso,” aniya, “ako’y magbuboluntaryo na kumatawan sa Watchtower Society sa harap ng Board.”

Natural lamang na kami’y matuwa sa kaniyang alok. Bueno, ang pamamaraan sa harap ng Board of Estimate ay na kanilang ipagpaliban ang mga kaso na nakatakdang pakinggan sa araw na iyon, at kung sakaling may mga pagtutol na dapat marinig, ang kaso ay dinirinig hanggang sa hapon. Kung sakaling walang mga pagtutol, agad nilang pinagpapasiyahan ang kaso. Ang aming kaso ay isinampa maagang-maaga pa, at ang city planning commissioner ay tumindig at ang sabi sa mayor: “Ibig kong magsalita sa kapakanan ng Watchtower Society.”

“Alam po ninyo na hindi namin pinapayagan ang diskusyon pagka ang kaso ay unang isinampa [karaniwan nang ang diskusyon ay ipinagpapaliban para sa hapon],” ang tugon ng mayor. “Gayunman, alam ko na kayo ay napakamagawain, Commissioner, kaya’t ipupuwera ko na kayo at ibibigay ko ang inyong hinihiling.” Ang commissioner ay nagpatuloy ng paghaharap ng aming kaso, at ang Board of Estimate ay nagkakaisang bumoto ng pagsang-ayon sa aming kahilingan. Samantalang kami’y paalis sa silid na pinagdausan ng pagdinig, ang abogado para sa oposisyon ay dumating na tumatakbo sa bulwagan at humihiyaw: “Ako’y may isang oras na argumento laban sa kasong ito.” Subalit huling-huli na siya! Kami’y kararaan lamang, na pinasasalamatan si Jehova dahil sa tagumpay na iyon.

Masasabi ko na isang lubhang nakagagalak na pribilehiyo noong lumipas na mga taon ang maging kinatawan ng Samahan sa gawaing ito. At naging isang malaking kagalakan na masaksihan ang mabilis na paglago ng pambuong daigdig na gawaing pangangaral na siyang dahilan ng pagbili ng lahat ng mga gusaling ito. Ang malaking tulong sa pag-aasikaso ng mga bagay na ito ay ang pagkahirang sa akin na maging bise-presidente ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., noong Enero 1, 1977.

Maligaya sa Paglilingkod sa Bethel

Buhat nang unang dumating ako sa Bethel noong 1939, ang pamilyang Bethel ay mayroon lamang humigit-kumulang 185 miyembro ngunit lumago hanggang sa maging mahigit na 2,800 regular na mga miyembro sa Brooklyn at mahigit na 900 sa Watchtower Farms! Malimit na ako’y tinatanong: “Ano ba ang tumulong sa iyo upang makapanatili sa Bethel sa loob ng 50 taóng ito?” Sa tuwina’y isinasagot ko: “Wala na akong naisip pa kundi ang paglilingkod sa Bethel.”

Isa pa, ang aplikasyon para sa paglilingkod sa Bethel na sinulatan ko at nilagdaan ay may tanong na: “Ikaw ba ay sumasang-ayong manatili sa Bethel hanggang sa kunin ka ng Panginoon?” Hindi pa naman niya ako kinukuha, kaya ako’y naririto pa rin na naliligayahan sa paglilingkod kay Jehova. Mula ng araw ng aking pag-aalay, ako’y disididong ang buong panahong paglilingkod ay gawin kong aking habang-buhay na karera.

Nang mga unang taon ko sa Bethel, wala pang kaayusan tungkol sa pag-aasawa, kaya naman, tulad ng marami pang iba, nakuntento na ako sa pagkawalang asawa at sa paglilingkod sa Bethel. Subalit, nang magbago ang patakaran ng pamilyang Bethel na nagpapahintulot ng pag-aasawa, ako’y nagpakasal kay Helen Lapshanski noong Abril 7, 1956. Siya’y tinanggap sa Bethel noong 1951. Sa amin ay mistulang kayamanan ang aming pagsasama at pagtutulungan sa isa’t isa.

Maaga sa aming pagsasama, si Helen ay nagkasakit ng multiple sclerosis, at noong nakalipas na mga taon ay lumala ang sakít niya. Subalit sa tulong ng isang andador at isang kariton na pinaaandar ng isang batirya, siya’y nakagagalaw din sa palibot. Siya’y patuloy na nagpapakita ng isang kahanga-hanga, masayang kalooban at nakikibahagi sa gawain sa Bethel sa araw-araw, naglilingkod siya sa tanggapan ng Tahanang Bethel.

Sa panahon ng aming kamusmusan, nang kami’y lumalaki, ang aking kapatid na babaing si Jean at ako ay may napakatalik na pagsasamahan at magkasama kami ng paggawa ng mga bagay-bagay. Kaya naman, sa tuwina’y disidido siyang sundan ako, at noong 1943 siya’y inanyayahan sa Bethel. Noong 1952 sila ni Russell Mock ay ikinasal, at sila’y kapuwa naglilingkod dito kasama namin bilang mga miyembro ng pamilyang Bethel.

Ako’y matatag na naniniwalang ang Bethel ang pinakamagaling na dako sa lupa sa panig na ito ng dumarating na makalupang Paraiso. Kailanman ay hindi ko pinagsisihan kahit isang saglit ang bagay na ang buong-panahong paglilingkod ang ginawa kong aking habang-buhay na karera. Anong laking kagalakan na masaksihan ang malaking pagsulong ng makalupang organisasyon ni Jehova at makabahagi sa pagpapasulong na iyon! Ako’y disidido, sa tulong ni Jehova, na magpatuloy na ang Bethel ang gawing aking tahanan at gamitin ang aking sarili nang buong kaluluwa sa pagpapaunlad sa mga kapakanan ng Kaharian.

[Blurb sa pahina 30]

“Ako’y matatag na naniniwalang ang Bethel ang pinakamagaling na dako sa lupa sa panig na ito ng dumarating na makalupang Paraiso”

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Itaas: Ang ari-arian sa 360 Furman Street, binili noong 1983

Ibaba: Ang ari-arian sa Columbia Heights na aming binili sa Squibb Pharmaceuticals noong 1969

Kaliwa: Ang pangunahing pinagmulan ng tulong at pagsasanay ay si Brother Knorr

Ibaba: Nang sumapit ang 1986 kami ay may anim na gusali ng pabrika na kunektado ng mga tulay sa ibabaw ng kalye

[Larawan sa pahina 27]

Ang pabrika pagkatapos na ito’y palawakin noong 1949

[Larawan sa pahina 30]

Sa araw ng aming kasal

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share