Kasuklam-suklam na mga Kaugalian sa Sekso—Sa Una at Ngayon
GAANO ba karima-rimarim ang pagsamba kay Molech, isa sa mga diyos ng mga Moabita? Si Paolo Mantegazza ay sumulat sa kaniyang aklat na The Sexual Relations of Mankind na ang mga Moabita noong panahong tinutukoy sa Bibliya ay gumaganap ng pagkahalay-halay na mga gawain ng sekso “samantalang nagsisiawit, pagka sila’y sumasayaw sa palibot ng pagkaliwa-liwanag na estatuwa ni Moloch, pagkatapos na ang pitong tansong bibig ng diyos na iyon ay lumamon sa mga handog ng mga mananamba, mga handog na harina, kalapati, mga batang kordero, tupang lalaki, baka, toro, at mga batang paslit.” Kaniyang isinusog: “Natatandaan pa ng sinumang nakabasa na ng Bibliya ang kakila-kilabot na mga sumpang sinalita ni Moises sa mga Hebreong iyon na nakiapid kay Moloch. Si Baal-Phegor, rin naman, o Belphegor [Baal ng Peor], na siyang paboritong diyos ng mga M[i]dianita, ay tinanggap na taglay ang panatikong sigasig ng mga Judio, at ang kaniyang kulto ay kasinghalay din ng mga rituwal ni Moloch.”—Levitico 18:21, New World Translation Reference Bible, talababa; Lev 20:2-5; Bilang 25:1-5; Jeremias 32:35.
Ang “panatikong sigasig” ng mga Judiong iyon ay may kahalintulad ngayon sa “bagong moralidad” na nauso, lalung-lalo na sa Estados Unidos at sa mga ibang lupain ng Sangkakristiyanuhan, noong mga taon ng 1960.
Sa pagbibigay ng kuru-kuro tungkol sa pangmatagalang mga epekto ng seksuwal na pagbabagong iyan, sina Dr. Alexandra at Vernon H. Mark, na magkasamang autor ng aklat na The Pied Pipers of Sex, ay nagharap ng kanilang mga kuru-kuro sa “Speaking Out” na seksiyon ng Medical World News, Houston, Texas, E.U.A. Noong 1985 ay sumulat sila:
“Noong nakalipas na 25 taon, ang lipunan ay nakasaksi ng dramatikong pagbabago sa mga kaugalian sa sekso. . . . Ang pagkabaligtad na ito ng tradisyonal na moralidad ay tinatawag na isang sexual revolution.” Pagkatapos na banggitin ang pangalan ng mga doktor na may pananagutan sa pagbabagong ito ng mga saloobin sa sekso, ang mga manunulat ay nagpahayag: “Alangan sa kanilang naiabuloy bilang isahan, [ang mga medikong ito] ay nagkaroon ng nakapagtatakang epekto sa lipunan at sa lahat ng institusyon nito. Imbis na magpasalamat sa mga tagapaghubog na ito ng seksuwalidad, kailangang bawasan natin ang kanilang impluwensiya sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang matino at balanseng posisyon kung tungkol sa seksuwal na paggawi at pag-iingat sa pangmadlang kalusugan.
“Ang pagpapakawala sa buong silakbo ng seksuwal na rebolusyon ay hindi pa nagbubunga ng anumang masusukat na kapakinabangan sa buong bansa—maliban sa tayo’y mag-isip ng tungkol sa salaping kapakinabangan. Subalit sa pagdiriin sa sekso bilang isang libangan at isang laro na mapapanood, ang rebolusyon ay lumikha ng napakaraming problema na nagbabanta sa atin ng panganib sa lipunan—ang sakít benereo unang-una. Ang VD ay hindi isang bagong salot, subalit ngayon ay naging isang salot na nga, at nagbigay-daan sa pagbangon ng mga bagong uri ng napapaibang baktirya at mga ahenteng tulad-virus. Ang genital herpes, na hindi nagagamot sa mga adulto, ang sanhi ng pagkamatay ng mga sanggol buhat sa meningoencephalitis. Ang AIDS . . . ay lumaganap na rin sa ating lipunan at napahalo na sa agos ng dugo ng walang malay na mga biktima sa pamamagitan ng kontaminadong dugo na nanggaling sa mga donor.”
Ang mga manunulat na ito ay sumapit sa konklusyon: “Ang dumaraming ebidensiya na nagbibigay-dahilan upang isakdal ang mga lider ng sexual revolution ay kapani-paniwala. Sila’y nangako ng kagalakan, kalayaan, at mabuting kalusugan. Ang kanilang naihatid ay kaabahan, sakít at kamatayan pa nga.” Nilinaw ng Bibliya kung saan nakatayo ang gayong mga lider. Halimbawa, sa 1 Corinto 6:9, 10 ay sinasabi: “Ano! Hindi baga ninyo alam na ang mga taong liko ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Tingnan din ang Judas 7.