“Ano ang Kailangang Gawin Ko Upang Maligtas?”
“ANO ang kailangang gawin ko upang maligtas?” Ang tanong na ito ay itinanong na noong taóng 50 C.E. ng isang bantay-preso sa Filipos, Macedonia. Noon ay katatapus-tapos lamang ng isang malakas na lindol, at ang mga pinto ng bilangguan na nasa ilalim ng kaniyang kargo ay nangabuksang lahat. Sa pag-aakala niya na tumakas ang mga preso, halos magpapakamatay noon ang bantay-preso. Subalit isa sa mga preso, si apostol Pablo, ay humiyaw: “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat kaming lahat ay naririto!”—Gawa 16:25-30.
Si Pablo at ang kaniyang mga kapuwa preso, si Silas, ay nagpunta roon sa Filipos upang mangaral ng isang mensahe ng kaligtasan, at sila’y ibinilanggo dahilan sa walang katotohanang mga akusasyon laban sa kanila. Ang bantay-preso ay napasalamat dahil sa hindi naman pala nakatakas ang mga preso, kaya ibig niyang mapakinggan ang mensahe ni Pablo at ni Silas. Ano ba ang kailangang gawin niya upang tamasahin ang kaligtasan na ipinangangaral ng dalawang misyonerong Kristiyanong ito?
Ang mga tao sa ngayon ay nangangailangan din ng kaligtasan na noon ay ipinangangaral ni Pablo at ni Silas. Nakalulungkot nga lamang at marami ang may matinding paghihinala kung tungkol sa kaligtasan. Ganiyan ang kanilang saloobin dahilan sa pagkaarogante at kasakiman ng marami sa mga relihiyonista na nag-aangking tuturuan sila kung papaano maliligtas. Ang iba’y umuurong sa walang katuwirang silakbo ng damdamin na makikita sa maraming relihiyong ebangheliko na ang pinatitingkad ay kaligtasan. Ang peryodistang Ingles na si Philip Howard ay nagsabi na ang gayong tinatawag na mga ebanghelista ay “umaatake sa emosyon at sa mga kamay na pumipirma ng tseke imbis na sa mga kaisipan ng kanilang mga tagapakinig.”—Ihambing ang 2 Pedro 2:2.
Ang mga iba naman ay nabibigla dahil sa mga pagbabago na kung minsa’y nagaganap sa mga taong naniniwala na sila’y nakaranas ng “pagliligtas.” Sa kanilang aklat na Snapping, tinalakay nina Flo Conway at Jim Siegelman ang maraming karanasan na mga relihiyoso—kasali na ang “pagkaligtas”—na nauso noong nakalipas na mga ilang dekada. Ang kanilang isinulat ay tungkol sa “madilim na panig” ng gayong mga karanasan at sinabi nila na ang mga tao ay “sinakmal” ng biglaang mga pagbabago ng personalidad na hindi lumabas na siyang katuparan at kaliwanagan ayon sa ipinangako kundi lumikha ng maling guniguni, saradong mga pag-iisip, at kawalang-kaya na humarap sa katotohanan. Isinusog pa ng mga autor: “Masasabi namin na ang gayon ay isa sa pagsasarado ng kaisipan, ng hindi paggamit ng pag-iisip.”
Hindi ganiyan kung tungkol sa naranasang kaligtasan ng mga Kristiyano noong unang siglo. Ang bantay-preso sa Filipos ay hindi ‘nagsara ng kaniyang isip’ nang sagutin ni apostol Pablo ang kaniyang tanong na, “Ano ang kailangang gawin ko upang maligtas?” At sina Pablo at Silas ay hindi gumawa ng ‘pagsalakay sa kaniyang emosyon’ at makiusap na siya’y magbigay ng malaking halagang abuloy. Bagkus, “kanilang sinalita sa kaniya ang salita ni Jehova.” Sila’y nakipagkatuwiranan sa taong iyon, at kanilang tinulungan siya na magkaroon ng malinaw na unawa sa mga paglalaan ng Diyos ukol sa kaligtasan.—Gawa 16:32.
“Manampalataya Ka sa Panginoong Jesus”
Ang mga misyonerong Kristiyanong iyon ang nagbukas sa isip ng bantay-preso sa isang mahalagang katotohanan tungkol sa kaligtasan. Iyon din ang katotohanan na ipinaliwanag ni apostol Pedro nang unang itatag ang kongregasyong Kristiyano. Binanggit ni Pedro ang pangunahing bahagi na ginampanan ni Jesu-Kristo tungkol sa kaligtasan, na tinatawag siya na “ang Punong Ahente ng buhay.” Sinabi rin ng apostol na iyan: “Sa kaninumang iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa tao na sukat nating ikaligtas.” (Gawa 3:15; 4:12) Ang bantay-preso sa Filipos ay inakay nina Pablo at Silas sa Ahente ring ito sa kaligtasan nang kanilang sabihin: “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka.”—Gawa 16:31.
Subalit, ano ba ang ibig sabihin ng manampalataya sa Panginoong Jesus? Bakit walang ibang pangalan kundi yaong kay Jesus na sukat nating ikaligtas? Lahat ba ay magtatamo ng kaligtasan sa bandang huli? Ang mga apostol ba ay naniwala sa ideya na “minsang naligtas, laging ligtas”? Ito ay mahalagang mga tanong sapagkat, bagaman dahil sa mga salita at mga ginagawa ng maraming modernong mga relihiyonista ay nalalapastangan ang terminong iyan, gayunman ay kailangan pa rin natin ang kaligtasan. Lahat tayo ay nangangailangan ng kasiya-siya, makatuwirang sagot sa tanong na: “Ano ang kailangang gawin ko upang maligtas?”