Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 10/1 p. 15-20
  • Manatili sa Iyong Pananampalataya at Espirituwal na Kalusugan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Manatili sa Iyong Pananampalataya at Espirituwal na Kalusugan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Gaano Kalubha ang Sakit ng Sanlibutang Ito?
  • Espirituwal na mga Panganib sa May-sakit na Sanlibutang Ito
  • Pinanggagalingan sa Labas ng Espirituwal na Sakit
  • Pananatiling Malusog sa Pananampalataya
  • Ang Espirituwal na Kalusugan ay Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Pagsusuri ni Jehova—Bakit Kapaki-pakinabang?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1995
  • Panatilihin ang Maka-Kasulatang Pananaw sa Pangangalaga sa Kalusugan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Mabuting Kalusugan Para sa Lahat—Malapit Na!
    Gumising!—2001
  • Sakdal na Kalusugan Para sa Lahat
    Gumising!—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 10/1 p. 15-20

Manatili sa Iyong Pananampalataya at Espirituwal na Kalusugan

“Patuloy na ingatan mo ang uliran ng magagaling na salitang narinig mo sa akin na taglay ang pananampalataya at pag-ibig na may kaugnayan kay Kristo Jesus.”​—2 TIMOTEO 1:13.

1. Bakit ang mabuting pisikal na kalusugan ng katawan ay isang mahalagang pag-aari na kailangang panatilihin?

ANG mabuting pisikal na kalusugan ng katawan ay isang mahalagang pag-aari. Kung tayo’y malusog, tayo’y makagagawa ng maraming bagay at lalong higit na masisiyahan sa buhay. Subalit kung tayo’y palaging may-sakit o may-karamdaman, lalong mahirap ang mabuhay. Mangyari pa, kailangang panatilihin ang mabuting kalusugan. Marami ang nagpapabaya sa kanilang kalusugan o gumagawa ng mga bagay na sanhi ng pagkakasakit. Subalit, ang mga taong nag-iingat ng kanilang pangangatawan ay karaniwan nang may katamtamang kalusugan at lakas sa karamihan ng mga taon na ikinabubuhay nila.

2. (a) Bakit ang espirituwal na kalusugan ay lalong mahalaga kaysa pisikal na kalusugan? (b) Ano ang kailangan upang manatiling malusog sa pananampalataya?

2 Ang espirituwal na kalusugan ay lalong higit na mahalaga kaysa pisikal na kalusugan. Ang pinakamagaling na pisikal na kalusugan ay hindi makapagdudulot ng kaloob ng Diyos na buhay na walang-hanggan. Ang mabuting espirituwal na kalusugan ay resulta ng dalisay na pagsamba at pananampalataya na nakasalig sa tumpak na kaalaman. (Juan 17:3; Hebreo 11:6; Santiago 1:27) Sinabi ni apostol Pablo: “Hayaang ang matatanda nang lalaki ay maging makatuwiran sa pag-uugali, seryoso, matino ang pag-iisip, malusog sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagtitiis.” (Tito 2:2) Sinumang naghahangad na maging malusog sa pananampalataya ay kailangang puspusang magsikap at manatiling palaging nagbabantay. Ang mga pagbabanta sa espirituwal na kalusugan ay maaaring manggaling sa loob natin mismo o sa labas. Kailangang palaging nagbabantay tayo laban sa mga pagbabantang ito kung nais nating manatili sa pananampalataya at sa espirituwal na kalusugan sa may-sakit na sanlibutang ito.

Gaano Kalubha ang Sakit ng Sanlibutang Ito?

3, 4. Papaanong ang sakit sa moral ay makikita sa sanlibutang ito at sa mga kilos ng mga tao?

3 Walang alinlangan na ang sanlibutan ay totoong malubha ang sakit sa moral. Ating nakikita ang nakamamatay na sakit sa lahat ng “sangkap” ng sanlibutang ito​—sa mga relihiyon, sa mga pamamalakad pulitika, sa mga institusyon sa komersiyo, sa mga libangan nito. Kakaunti ang may paggalang sa Diyos at sa mga batas na kaniyang ibinigay sa ikabubuti ng tao. At gaya ng ipinakikita ng kasaysayan, ang pagkaagnas ng moral ay tiyakang humahantong sa pagdami ng pisikal na mga sakit at mga suliranin. Balintuna, ang karamihan ng tao’y umaayaw na gumawa ng anuman tungkol sa paglunas sa may-sakit sa moral na kalagayang ito dahil sa gusto nila ang mga bagay na sanhi nito.

4 Napakalubha na ang sakit ng sanlibutang ito! Sa paghahangad ng mga katuwaan o sa pagsisikap na makaiwas sa makatotohanang mga pangyayari, marami ang nagpariwara ng kanilang buhay sa pamamagitan ng alkohol at ng pag-aabuso sa droga o bawal na gamot. Karahasan ang nasa lahat ng dako, pagkamura-mura ng buhay, at ang mga bilangguan ay nagpuputok sa dami ng mga kriminal. Sa maraming bansa, kalahati ng lahat ng pag-aasawa ay natatapos sa diborsiyo. Ang mga anak na hindi wastong pinamamahalaan ng kanilang mga magulang ay lumalaki na mga delingkuwente. Dahilan sa laganap ang imoralidad sa sekso, ang AIDS at ang iba pang mga sakit na resulta ng seksuwal na pagtatalik ay mabilis na lumalaganap.

5. Papaano inilarawan ni Isaias ang mga kalagayan sa sinaunang Juda?

5 Masasabi nga ng Diyos tungkol sa may-sakit na sanlibutang ito ang kinasihang pahayag ni Isaias tungkol sa masuwaying Juda: “Sa aba ng makasalanang bansa, bayang nagpapasan ng mabigat na kasalanan, lahi ng mga manggagawa ng kasamaan, mga anak na pahamak! Iniwanan nila si Jehova, nilapastangan nila ang Banal ng Israel, sila’y nagsitalikod. Saan pa kayo hahampasin, gayong kayo’y naghihimagsik nang higit at higit? Ang buong ulo ay may sakit, at ang buong puso ay mahina. Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo ay walang bahaging matino.”​—Isaias 1:4-6.

6. Sa sinaunang Juda at sa ating kaarawan, ano ang tugon sa pananawagan ni Jehova na matutong gumawa nang mabuti?

6 Ang panawagan ni Jehova na magsisi at “matutong gumawa nang mabuti” ay hindi pinakinggan ng karamihan sa Juda. (Isaias 1:16-20) Sa wakas ay nagbunga ito ng pagkapuksa ng Jerusalem at ng pagkabihag sa Babilonya ng mga Judio. Kakaunti lamang na mga tapat ang tumanggap ng pagpapala ng Diyos at ng kaniyang pagliligtas sa gitna ng may-sakit na bansa. Ganiyan din sa ngayon, sa sanlibutang ito na may-sakit mula ulo hanggang talampakan, kakaunti lamang ang naghahangad na matutong gumawa ng mabuti. Ang tapat na mga lingkod na ito ni Jehova ay nagsusumikap na manatili sa pananampalataya at espirituwal na kalusugan ngayon, taglay ang pag-asang magtamo ng sakdal na pisikal na kalusugan at ng buhay na walang-hanggan sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.​—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.

Espirituwal na mga Panganib sa May-sakit na Sanlibutang Ito

7. (a) Ano ang mga panganib sa ating pananampalataya at espirituwal na kalusugan? (b) Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagtatagumpay sa tatlong pangunahing elemento na nagsasapanganib ng espirituwal na kalusugan?

7 Ang pananatili sa pananampalataya at espirituwal na kalusugan ay isang hamon sapagkat ang sakit sa moral ng sanlibutang ito ay napakadaling makahawa. Ang mga Kristiyano ay kailangan ding makipagbaka sa kanilang sariling minanang di-kasakdalan. (Roma 7:21-25) Isa pa, si Satanas, “ang tagapamahala sa sanlibutan,” ay nakababatid sa mga kahinaan ng laman at isang dalubhasa sa pag-uumang ng tukso. (Juan 14:30; 1 Juan 5:19) Ang tatlong pangunahing bagay na nagsasapanganib sa pananampalataya at espirituwal na kalusugan​—ang laman, ang sanlibutan, at ang Diyablo​—ay mahirap talunin. Subalit posible na maging “hindi bahagi ng sanlibutan,” bagaman tayo’y naninirahan dito. Tayo’y maaaring ‘patuloy na lumakad ayon sa espiritu ng Diyos at huwag magkasala ng makalamang pita.’ At taglay ang tulong ng Diyos tayo’y maaaring “makatayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” (Juan 17:15, 16; Galacia 5:16; Efeso 6:11; 2 Corinto 2:11) Subalit ngayon ay isaalang-alang natin kung papaano mapagtatagumpayan natin ang tatlong pangunahing elementong ito na nagsasapanganib ng ating pananampalataya at espirituwal na kalusugan.

8. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga puwersang nasa loob natin na gumagana laban sa espirituwal na kalusugan?

8 Sa loob ng ating di-sakdal na kalikasan bilang tao ay naroon ang mga puwersa na maaaring magbunga ng kasalanan at makapagbigay sa atin ng espirituwal na sakit. (Santiago 1:14, 15) Ito’y lalung-lalo nang totoo sa loob ng makasagisag na puso. Sinabi ni Jesus: “Mula sa loob, buhat sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip: pakikiapid, pagnanakaw, pagpatay sa kapuwa-tao, pangangalunya, kasakiman, mga gawang kabalakyutan, pandaraya, kalibugan, matang mapanaghiliin, pamumusong, kapalaluan, kawalang-katuwiran. Lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nanggagaling at nakahahawa sa tao.”​—Marcos 7:21-23.

9. (a) Anong mga pita ang nag-uugat sa makasagisag na puso? (b) Sang-ayon sa Kawikaan 4:20-23, papaano natin maiingatan ang puso?

9 Bagaman ang puso ang pinagmumulan ng masasamang pita, sa mga taong maka-Diyos ay ito rin ang pinaka-sentro ng pagpapakundangan kay Jehova at ng pag-ibig sa mabuti. (Mateo 22:37; Efeso 4:20-24) Maging mabuti man o masama ang mananaig sa atin ay depende sa ating ipinapasok sa ating mga puso. Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Anak ko, makinig ka sa aking mga salita. Ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi. Huwag nawang mangahiwalay sa iyong mga mata. Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso. Sapagkat buhay sa mga nangakakasumpong at kagalingan sa buo nilang katawan. Higit sa lahat na dapat ingatan, pakaingatan ang iyong puso, sapagkat dinadaluyan ng buhay.”​—Kawikaan 4:20-23.

10. Papaano ang mga kahinaan ng ating laman ay may epekto sa ating mga emosyon at mga pita?

10 Ang mga kahinaan ng ating laman ay may epekto sa ating mga emosyon at mga pita. Sino ba ang hindi manakanaka ay ginagambala ng pagkasira ng loob, kawalang-tiyaga, pagkagalit? Kung agad nating itutuwid ang mga hilig na ito ng laman, maaaring mapanatili ang espirituwal na kalusugan. Subalit ang pagmamataas o pride at ambisyon ay maaaring dagling mag-ugat sa puso. Ang kasakiman at ang paghahangad ng labis na kalayawan at sobrang pagkakatuwaan ang maaaring humalili. At ang pita sa sekso, bagaman natural lamang dahilan sa anyo ng pagkagawa ng Diyos sa atin, ay maaaring dahan-dahang umakay sa atin na maligaw na wala tayong malay. Upang maiwasan ang gayong espirituwal na sakit na huwag makaunlad sa loob natin, kailangang pagyamanin natin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos sa ating buhay sa araw-araw, sinasanay ang ating sarili na “mapoot sa masama” at “makisanib sa mabuti.”​—Roma 12:9; Galacia 5:22, 23.

Pinanggagalingan sa Labas ng Espirituwal na Sakit

11. (a) Anong makasanlibutang mga saloobin at mga kilos ang napakadaling makahawa? (b) Sang-ayon kay Jesus, sa papaano tayo mag-iingat ng ating mga puso?

11 Ang espirituwal na sakit ay maaaring manggaling sa labas. Tayo’y maaaring mahawa nito buhat sa mga taong patay sa espirituwal. (Efeso 2:1-3) Kung tayo’y totoong malapít sa kanila, baka tayo’y mahawa sa kanilang mga saloobin at mga istilo ng pamumuhay. Ang pag-asenso sa sanlibutan, pag-ibig sa salapi, pagtatamasa ng pinakamagagaling na bagay sa materyal na paraan, at ang pagpapasasa sa kalayawan o paggu-good time ang malalaking bagay sa buhay ng mga tao ng sanlibutang ito. Subalit ang paghahangad ng gayong mga bagay ay napakadaling makahawa, at kahit na ang bahagyang pagkahantad sa mga iyan ay maaaring makahila sa atin sa espirituwal na katamaran. Si Jesus ay nagbabala: “Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo. Sapagkat gayon darating sa lahat ng nananahan sa buong lupa.”​—Lucas 21:34, 35.

12. Papaano maaaring maging panganib sa ating espirituwal na kalusugan ang mga maling ideya at turo?

12 Ang mga maling ideya at turo ng sanlibutang ito ay maaari ring makahawa sa atin. Si Pablo ay nagbabala: “Darating ang panahon na hindi nila pakikinggan ang magaling na aral, kundi, ayon sa kanilang sariling kagustuhan, sila’y magbubunton para sa kanilang sarili ng mga tagapagturo upang kumiliti sa kanilang tainga; at ang mga ito ang siyang maglalayo ng kanilang tainga sa katotohanan, at ibabaling sa walang katotohanang mga katha.” (2 Timoteo 4:3, 4) Ang mga maling turo ay mistulang gangrena. (2 Timoteo 2:16, 17) Pagka dinapuan ka nito, ang isang bahagi ng iyong laman ay namamatay sapagkat naputulan ang bahaging iyon ng katawan ng dumadaloy na dugong nagbibigay-buhay.

13. Pagka dinapuan ka ng espirituwal na sakit na gaya ng gangrena, ano ang dapat na gawin?

13 Anong bilis lumaganap ang gangrena! Upang mahadlangan ang kamatayan, baka kailangang putulin ng doktor ang isang bahagi ng katawan. Kaya, kung ang mga pag-aalinlangan, reklamo, o apostasya ay nagbabanta na mahawahan ka sa iyong espirituwalidad, dagling putulin mo ang mga ito! (Ihambing ang Mateo 5:29, 30.) Patulong ka sa mga matatanda sa kongregasyon. Huwag mong tularan ang mga taong binanggit ni Pablo bilang “may-sakit sa isip sa mga pagtatanong at mga pagtatalo tungkol sa mga salita” dahil sa sila’y “hindi sumasang-ayon sa mga salitang magagaling.”​—1 Timoteo 6:3, 4.

14. Ano ang marahil kailangang gawin ng matatanda upang maingatan ang espirituwal na kalusugan ng kongregasyon?

14 Upang maingatan ang espirituwal na kalusugan ng kongregasyon, ang matatanda ay kailangang ‘makapagpayo sa pamamagitan ng magaling na aral at masaway nila ang mga sumasalungat.’ (Tito 1:9, 13, 16; 2:1) Baka ang gayong mga tao ay maipanumbalik sa malusog na kalagayan sa espirituwal. (2 Timoteo 2:23-26) Subalit ano kung sila’y hindi nagsisisi at patuloy na nagtataguyod ng mga maling turo? Kung magkagayon, sila’y kailangang ikuwarentenas. Sila’y itinitiwalag, at tayo’y lumalayo sa kanila upang huwag tayong mahawahan ng kanilang espirituwal na sakit.​—Roma 16: 17, 18; 1 Corinto 5:9-13; Tito 3:9-11.

15. Sa pagsisikap na sirain ang espirituwal na kalusugan ng bayan ng Diyos, anong dalawang pangunahing pamamaraan ang ginagamit ng Diyablo?

15 Ang ikatlong pinagmumulan ng panganib sa pananampalataya at espirituwal na kalusugan ay ang Diyablo. (Efeso 6:11, 12) Magpahanggang sa mismong kaarawan natin, kaniyang sinikap na pahinain ang pananampalataya ng bayan ni Jehova sa pamamagitan ng pag-uusig, kasali na ang pang-uumog, panggugulpi, pagbibilanggo, at pagbabanta ng kamatayan. (Apocalipsis 2:10) Yamang sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito ay bahagya na lamang magtagumpay si Satanas sa pagsira ng katapatan ng isa sa mga lingkod ng Diyos, ang kaniyang ginagamit ay ang mga pang-aakit ng sanlibutang ito, na siya ang diyos, sa pagsisikap na ang iba’y mahila sa pagkahulog.​—2 Corinto 4:4; 11:3, 14.

16. Ano ang ating mga pandepensa upang makatindig laban sa mga pag-atake ng Diyablo sa ating pananampalataya at espirituwal na kalusugan?

16 Papaano ba tayo makatitindig laban sa mga pag-atake ng Diyablo? Sa pamamagitan ng pagbibihis ng buong espirituwal na baluti buhat sa Diyos. Lalung-lalo na kailangan nating ‘taglayin ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang maipapatay natin sa lahat ng nagniningas na suligi’ na inihahagis sa atin ni Satanas. Tayo’y kailangan ding manalangin na kasuwato ng mga salita ni Jesus: “Huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa balakyot na isa.” (Efeso 6:11-18; Mateo 6:13) Kung tayo’y mananalangin sa ganiyang paraan at kikilos na kasuwato ng ating mga panalangin, maaasahan natin na tayo’y tutulungan ng ating Ama sa langit sa pagpatay sa lahat ng nagniningas na suligi ni Satanas.

Pananatiling Malusog sa Pananampalataya

17. Upang makapanatili sa espirituwal na kalusugan, gaano kahalaga ang “pagkain sa tamang panahon” at ang palagiang pakikibahagi sa mga aktibidades Kristiyano?

17 Ang pag-iwas sa sakit ay isang malaking bagay sa pananatili sa mabuting pisikal na kalusugan. Ang masustansiyang mga pagkain, wastong pag-eehersisyo, at pangkalahatang pangangalaga sa isip at katawan ay kailangan. Ang natural na mga pandepensa laban sa sakit ay lalong matitibay sa isang malusog na katawan. Sa katulad na paraan, upang makapanatili sa espirituwal na kalusugan, sundin ang diyeta na ipinasusunod ng Diyos at pahalagahan ang nagpapalusog na espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” na inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” Pagkatapos tanggihan ang espirituwal na mga sukal na pagkain ng sanlibutang ito, tayo’y mag-aral ng Bibliya at mga lathalaing Kristiyano at palagiang makipagtipon sa bayan ng Diyos. (Mateo 24:45-47; Hebreo 10: 24, 25) Kailangan din natin ang ehersisyo na resulta ng “laging pagkakaroon ng maraming gawain sa Panginoon” sa ministeryo at iba pang mga aktibidades Kristiyano.​—1 Corinto 15:58.

18. Ano ‘ang uliran ng magagaling na salita,’ at bakit kailangang ingatan natin iyon sa puso at isip?

18 Upang makapanatiling malusog sa pananampalataya, lubusang gamitin ang espirituwal na mga paglalaan ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Patuloy na ingatan mo ang uliran ng magagaling na salitang narinig mo sa akin na taglay ang pananampalataya at pag-ibig na may kaugnayan kay Kristo Jesus. Ang mainam na ipinagkatiwalang bagay na ito ay ingatan mo sa pamamagitan ng banal na espiritu na nananahan sa atin.” (2 Timoteo 1:13, 14) Ang isang wika ay may uliran o kaayusan ng mga salita. Sa katulad na paraan, ang “dalisay na wika” ng katotohanan ng Bibliya ay may isang uliran o pamarisan na nakasalig ang kalakhang bahagi sa tema ng pagbabangong-puri ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian. (Zefanias 3:9) Ang ulirang ito ng magagaling na salita ay kailangang ingatan natin sa puso at isip kung ibig natin na mapanatili ang ating pananampalataya at espirituwal na kalusugan. Sapagkat kung hindi, ang kahalagahan nito sa atin ay unti-unting papanaw. Maliwanag na ganito ang nangyari sa kongregasyon sa Corinto, na kung saan ang ilan ay “mahihina at masasakitin” sapagkat kulang sila ng espirituwal na pagkaunawa.​—1 Corinto 11:29-32.

19. (a) Kung sakaling tinablan ka ng espirituwal na sakit, ano ang dapat na gawin? (b) Ano ang maaaring gawin ng matatanda kung ang isang tao ay may espirituwal na sakit?

19 Ano ang dapat gawin kung sakaling tinablan ka na ng espirituwal na sakit? Ang maibiging pagtulong ang tiyak na kinakailangan at ibinibigay naman ito sa nangangailangan, sapagkat sinasabi ni Santiago: “Ang sinuman ba sa inyo’y may-sakit? Ipatawag niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, pahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova.” (Santiago 5:14) Oo, tawagin ang matatanda. Bilang espirituwal na mga manggagamot, sila’y makatutulong sa iyo upang matunton ang pinaka-ugat ng espirituwal na sakit. Kanilang dahan-dahan ngunit mabisa na maihahaplos nila sa iyo ang nagpapagaling na langis ng Salita ng Diyos. Kung sakaling ikaw ay nakagawa ng mga pagkakasala ngunit pinagsisisihan mo, matitiyak mo na talagang pinatatawad ka ni Jehova. (Awit 103:8-14) Samantalang ang matatanda ay nananalanging kasama mo at alang-alang sa iyo, ano ang maaaring asahan? Ang sagot ni Santiago: “Ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa maysakit, at ibabangon siya ni Jehova. At, kung nagkasala siya, ipatatawad iyon sa kaniya.”​—Santiago 5:15.

Ang Espirituwal na Kalusugan ay Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan

20. (a) Anong payo ang ibinigay ng unang-siglong lupong tagapamahala tungkol sa pananatili sa espirituwal na kalusugan? (b) Ano ang tutulong sa atin samantalang hinihintay natin ang mga pagpapala ng bagong sanlibutan?

20 “Maging malusog nawa kayo!” Sa mga salitang iyan, ang unang-siglong lupong tagapamahala ng bayan ni Jehova ay nagsara ng kanilang liham na bumabanggit ng ‘kailangang mga bagay’ na hinihiling sa mga Kristiyano. Sila’y kailangang ‘patuloy na lumayo sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga binigti at sa pakikiapid.’ (Gawa 15:28, 29) Ang resetang iyan para sa mabuting espirituwal na kalusugan ay kumakapit pa rin. At samantalang hinihintay natin ang mga pagpapala ng bagong sanlibutan, tayo’y makapananatili sa ating pananampalataya at espirituwal na kalusugan kung tayo ay masigasig na magpapatuloy ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at ng pagtataguyod sa pangalan ni Jehova sa may-sakit na sanlibutang ito. Ang pananatiling magawain sa ganitong paraan ay tutulong sa atin upang tayo’y huwag maging mainipin sa mga pagpapala ng bagong sanlibutan na pagkalapit-lapit na. Totoo nga, “ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso, ngunit ang bagay na ninanasa ay isang punungkahoy ng buhay pagka dumating na iyon.”​—Kawikaan 13:12.

21. Anong mga pagpapala ang nakalaan para sa mga magtatagumpay ng pananatili sa kanilang pananampalataya at espirituwal na kalusugan sa may-sakit na sanlibutang ito?

21 Makasali ka sana sa mga pinaglaanan ni Jehova ng dakilang mga pagpapala para sa mga umiibig sa kaniya. Lahat ng pagsisikap na labanan ang makasanlibutang mga impluwensiya, lahat ng pakikipaglaban sa mga kahinaan ng iyong laman, at lahat ng pagpapagal upang patayin ang nagniningas na suligi ng Diyablo ay hindi nga lumabas na walang kabuluhan. Sa bagong sanlibutan ni Jehova, makikita mo ng iyong sariling mga mata ang panahon na “walang mananahan ang magsasabi: ‘Ako’y may-sakit.’” (Isaias 33:24) Ito’y matutupad dahilan sa mga paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo, ang isa na “kumuha ng ating mga sakit at nagdala ng ating mga karamdaman.” (Mateo 8:17: Isaias 53:4) Ikaw ay makaiinom buhat sa simbolikong “ilog ng tubig ng buhay” at makakakain ka ng bunga ng “mga punungkahoy ng buhay” na may mga dahon “ukol sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:1, 2) Walang-hanggang buhay sa kasakdalan at kaligayahan ang igaganti sa iyo sa pananatili sa iyong pananampalataya at espirituwal na kalusugan sa may-sakit na sanlibutang ito.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Bakit ang pagiging malusog sa pananampalataya ay lalong mahalaga kaysa pagiging malusog sa pisikal?

◻ Ano ang tatlong pangunahing panganib sa pananampalataya at espirituwal na kalusugan?

◻ Ano ang kaugnayan ng mabuting espirituwal na kalusugan sa makasagisag na puso?

◻ Kung ang isa ay may-sakit sa espirituwal, ano ang dapat gawin?

[Mga larawan sa pahina 16]

Kahit sa may-sakit na sanlibutan, posible ang matibay na pananampalataya at mabuting espirituwal na kalusugan

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang mabuting espirituwal na kalusugan ay depende sa masigasig na aktibidad Kristiyano at palagiang pagkain ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share