Ano ang Pag-asa Para sa mga Patay?
ISANG pamilyang nasa kabataan pa ang naglalakbay sa Timog Aprika sa baybaying silangan para magbakasyon. Ang mga magulang ng asawang babae ay nasa ibang kotse na nauuna. Biglang-bigla, isang goma ng kotse ang pumutok. Samantalang sila’y naghahanda na palitan iyon sa gawing tabi ng kalye, isang lasing na tsuper ang sumagasa sa dalawang kotse. Ang matandang lalaki at ang kaniyang maybahay ay nangamatay. Ang nakababatang lalaki ay namatay makalipas ang mga ilang araw. Ang kaniyang asawa ay nabalian ng tadyang at nagkaroon ng mga iba pang kapinsalaan. Ang kaniyang sanggol ay napinsala ang utak at naging paralitiko.
Anong laking kasawian para sa kapuspalad na pamilyang ito! Nang ang aksidenteng iyon ay mabalitaan ni Carolann, ang kapatid na babae ng napinsalang asawang babae, siya’y natulala. Ang ganitong mga kasawian ay nangyayari sa lahat ng bansa. Ang namimighating mga kamag-anak at mga kaibigan ay kalimitang nagtatanong, ‘Talaga kayang patay ang mga nangamatay,’ o . . .
‘Buháy Kaya ang mga Patay?’
Halos lahat ng relihiyon ay nagtuturo na ang kaluluwa’y walang kamatayan. Kaya naman, ang kanilang mga tagasunod ay naniniwala na yaong mga namamatay ay hindi talagang patay kundi buháy pa rin sa langit, purgatoryo, o impiyerno. Gaya ng itinuturo sa maraming relihiyon, yaong mga nasa huling nabanggit na dako ay dumaranas ng kakila-kilabot na walang-hanggang parusa. Subalit ang isa kayang Diyos ng pag-ibig ay talagang magpaparusa nang gayon sa kaniyang mga nilalang?—1 Juan 4:8.
Waring hindi niya magagawa iyon, pero papaano ba natin matitiyak? Maingat na pag-isipan ang sumusunod na patotoo sa Bibliya. “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Ang kinasihang pangungusap bang ito ay nagsasabi na ang unang tao, si Adan, ay binigyan ng kaluluwa? Hindi, siya’y naging isang kaluluwa, isang taong buháy. Ito’y pinatutunayan ni apostol Pablo na sumulat: “Ang unang tao, si Adan, gaya ng sinasabi ng kasulatan, ay naging isang kaluluwang buháy.” Si Pablo ay sumisipi buhat sa Genesis.—1 Corinto 15:45, The Jerusalem Bible.
Ang kaluluwang tao ba ay namamatay? Ang propetang si Ezekiel ay sumulat: “Lahat ng kaluluwa—sila’y sa akin. Kung papaanong ang kaluluwa ng ama gayundin ang kaluluwa ng anak—sila’y sa akin. Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4, 20; Eclesiastes 9:5, 10) Maliwanag, kung patay ang kaluluwa, wala nang nalalaman ang tao, samakatuwid hindi maaaring dumaranas ng hirap. Sa kaniyang unang pangmadlang pahayag pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., si apostol Pedro ay nagsabi: “Oo, sinumang kaluluwa na hindi makikinig sa Propetang iyon [si Jesus] ay pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan.” Samakatuwid ang kaluluwa ay may kamatayan.—Gawa 3:23.
Mabubuhay ba Uli ang mga Patay?
Lahat ng mga taong naniniwala na totoo ang Bibliya ay nakababatid na si Jesus ay namatay at binuhay-muli noong ikatlong araw. (Gawa 10:39, 40) Papaano nga nangyari ito? Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos.
Ang pagkabuhay-muli ba ni Jesus ay isang kataliwasan? Hindi. Gaya ng isinulat ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto: “Si Kristo nga’y muling binuhay sa mga patay, na siyang naging pangunahing bunga ng mga natutulog sa kamatayan. Sapagkat yamang ang kamatayan ay dumating sa pamamagitan ng isang tao ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay dumating sa pamamagitan din ng isang tao . . . si Kristo.” (1 Corinto 15:20-22) Samakatuwid, marami ang bubuhayin sa mga patay. Sinabi rin ni Jesus: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagkat dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay.” (Juan 5:28, 29) Ito ang garantiya na bubuhaying-muli ang angaw-angaw.
Kung ang paliwanag na ito ay nakapukaw ng inyong interes sa pagkabuhay-muli, baka itanong ninyo, ‘Para kanino ba ang pagkabuhay-muli, at kailan?’ Talakayin natin ang mahalagang mga katanungang iyan.