Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 10/15 p. 21-23
  • Kikilos Pa Kaya ang Diyos Laban sa Kawalang-Katarungan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kikilos Pa Kaya ang Diyos Laban sa Kawalang-Katarungan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kawalang-Katarungan​—Bakit Pinahihintulutan?
  • Kailan Matatapos ang Kawalang-Katarungan?
  • “Masasabi Bang ang Diyos ay Di-Makatarungan?”
  • Makakamit Pa Ba Natin ang Katarungan?
    Iba Pang Paksa
  • Si Jehova ay Maibigin sa Katarungan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Ang Dapat Nating Gawin Kapag May Kawalang-katarungan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • “Makatarungan ang Diyos”
    Maging Malapít kay Jehova
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 10/15 p. 21-23

Kikilos Pa Kaya ang Diyos Laban sa Kawalang-Katarungan?

“TALAGANG hindi makatarungan.” Ang kabataang estudyante ay mahahalatang nagagalit, nagsisiklab ng galit pagkatapos na siya mismo ang makaranas ng malinaw na pagyurak sa katarungan. “Kung talagang may Diyos,” ang patuloy pa niya, “papaano niya mapapayagan ang ganiyang kawalang-katarungan?” Ikaw kaya ay makikisimpatiya sa dalagang ito? Marahil ay gayon nga. Subalit sasagutin mo rin kaya ang kaniyang pagtutol?

Nang ikaw ay isang bata, marahil ay may mga pagkakataong inaakala mong pinayagan ng iyong mga magulang na ikaw ay gawan ng isang bagay na di-makatarungan. Subalit ang lumilitaw na kawalang-katarungang iyon ay hindi masasabing nagpapatunay na sila’y hindi umiiral, di ba? Sa katulad na paraan, ang pagpapahintulot ng Diyos na umiral ang kawalang-katarungan ay hindi nagpapatunay sa ano pa mang paraan na siya’y hindi umiiral.

Gayunman, ang dalagang estudyante ay tumugon na ito raw ay naiiba. Kaniyang binanggit na ang di-sakdal na tao na isang ama ay baka maging medyo walang-katarungan. O dahilan sa hindi niya alam ang lahat ng mga kasangkot na pangyayari, baka hindi niya makilala na iyon ay kawalang-katarungan pagka kaniyang nakita iyon. Isa pa, dahilan sa limitadong kakayahan ng tao, baka siya ay walang lakas na kumilos laban sa kawalang-katarungan na kaniyang nakikita. Wala rito, aniya bilang pangangatuwiran, ang kakapit sa isang makatarungang Diyos na sakdal-dunong at makapangyarihan-sa-lahat.

Baka ikaw ay naniniwala rin na ang pagpapahintulot na umiral ang kawalang-katarungan ay tunay na hindi kasuwato ng mga katangian ng Diyos. Subalit, hindi kaya dahilan sa kaniyang lubos na karunungan, ang Diyos ay may kapani-paniwalang dahilan ng pagpapahintulot na umiral ang kawalang-katarungan sa loob ng isang panahon?

Itinuturing ng mga manunulat ng Bibliya na ang Diyos ay “isang mangingibig sa katuwiran at katarungan.” “Lahat ng kaniyang daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat at makatarungan,” ang isinulat ni Moises.​—Awit 33:5; Deuteronomio 32:4; Job 37:23.

Bukod sa pagkakilala kay Jehova bilang isang makatarungang Diyos na hindi nalulugod sa kawalang-katarungan, ang mga manunulat ng Bibliya ay sumasang-ayon na balang araw kaniyang aalisin iyan. Halimbawa, si Isaias ay humula tungkol sa ganitong kalagayan: “Narito! Isang hari ay maghahari ayon sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, sila’y magpupunò bilang mga prinsipe ayon sa katarungan. At sa ilang ay tatahan nga ang katarungan, at sa mabungang bukid ay titira ang katuwiran.” (Isaias 32:1, 16) Subalit kailan? At kung hinahangad ng Diyos na alisin sa sanlibutan ang kawalang-katarungan, unang-una’y bakit niya pinayagang ito’y umiral?

Kawalang-Katarungan​—Bakit Pinahihintulutan?

May panahon noon na umiiral ang katarungan sa buong sansinukob. Noon lamang pagkatapos maghimagsik si Adan at si Eva nang tuksuhin ni Satanas na Diyablo nakilala ng tao ang kawalang-katarungan. Si Satanas ay hindi karakarakang pinuksa noong panahon ng paghihimagsik. Alang-alang sa kaniyang mabuting layunin, pinahintulutan ng Diyos na umiral ang isang yugto ng panahon na kung kailan gagawa ang tao ng mga gawang walang katarungan, at ito’y sa layuning subukin yaong tapat sa Kaniya, kung baga patutunayan nila ang kanilang katapatan sa Kaniya. Ang kanilang pananatili sa katapatan ay pagtatatuwa sa sinabi ni Satanas na kaniyang maitatalikod ang lahat ng tao sa Diyos. Pagkatapos na maipagbangong-puri ang pagkasoberano ng Diyos, ang mga gawa ni Satanas ay lilipulin, at aalisin ang lahat ng kawalang-katarungan.

Samantala, kung sapilitang hahadlangan ng Diyos ang mga tao sa di-makatarungang pakikitungo sa isa’t isa, kaniyang aalisan sila ng kalayaang pumili. Isa pa, sa pagpayag na madama ng mga tao ang di-makatarungang ibinunga ng maling gawain ng iba, ipinakita ng Diyos kung gaano kalaking pinsala ang ginawa ni Adan at Eva na walang-katarungang paghihimagsik laban sa mga kautusan ng Diyos, at paghahalili rito ng kanilang sariling di-sakdal na mga pamantayan. Sa pagpapahintulot sa sangkatauhan na umani ng kaniyang inihasik, tinutulungan ng Diyos ang tapat-pusong mga tao na makilala ang kahigitan ng paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa kaniyang paraan.​—Jeremias 10:23; Galacia 6:7.

Isa pa, ang mga gawain ng katarungan o ng di-katarungan na ginagawa ng mga tao ay nagbibigay ng nagsisiwalat na katibayan. Ang mga gawaing ito’y nagbibigay sa Diyos ng isang wastong batayan upang hatulan kung sino ang karapat-dapat mabuhay sa lupa sa isang bagong sanlibutan pagka naisauli na rito ang lubos na katarungan. Upang ipahiwatig iyan, ating mababasa: “Ngayon kung ang isang napakasama ay hihiwalay sa lahat ng kaniyang mga kasalanan na kaniyang nagawa at kaniyang aktuwal na iingatan ang lahat ng aking mga palatuntunan at susunod sa katarungan at katuwiran, siya’y walang pagsalang patuloy na mabubuhay.”​—Ezekiel 18:21.

Kailan Matatapos ang Kawalang-Katarungan?

Ang mga pakikitungo ng Diyos na Jehova sa sangkatauhan ay sa tuwina makatarungan at lipos ng kagandahang-loob. Upang ipaghalimbawa iyan, nang hindi maunawaan ng tapat na lingkod ng Diyos na si Abraham kung bakit nangyayari ang isang bagay, sinabi niya tungkol sa Diyos: “Mahirap isipin na ang taong matuwid ay iyong papatayin na kasama ng balakyot anupa’t ang matuwid ay napapatulad sa balakyot! Mahirap isipin na gagawin mo iyan. Hindi ba gagawa nang matuwid ang Hukom ng buong lupa?” (Genesis 18:25) Sa pagparito ni Kristo, ang mga katangian ng Diyos na katarungan at kagandahang-loob ay lalong napatingkad. Ang kaayusan ng haing pantubos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ay nagbukas ng daan para sa lahat, sa kapuwa Judio at di-Judio, upang magkamit ng buhay na walang-hanggan. Kaya naman sinabi ni apostol Pedro: “Tunay ngang talastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35.

Ang mga Saksi ni Jehova ay masigasig sa pagbabalita na ang Mesiyanikong Hari ng Diyos ay nagpasimula na ng kaniyang pamamahala at malapit na ang panahon na ang katarungan ay isasauli nang lubusan sa lupang ito natin.a Ito’y magaganap pagka pinuksa na ng Hari ang kasalukuyang di-makatarungang sanlibutan at sinira na ang kapangyarihan ng di-nakikitang diyos nito, si Satanas na Diyablo. Ipinakikita ng Bibliya na ito’y magaganap malapit na sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” na sa pangkalahatan ay tinatawag na Armagedon.​—Apocalipsis 16:14, 16.

“Makatarungan ang Diyos sa kaniyang pagbubuhos ng galit,” kaya ang Armagedon ay magiging isang makatarungang digmaan. (Roma 3:5) Pagkatapos, si Kristo Jesus at ang kaniyang mga kasamang maghahari, tulad baga ng mga apostol, ay magpupuno buhat sa langit sa loob ng sanlibong taon. (Apocalipsis 20:4) Angaw-angaw na mga taong naghirap dahilan sa kawalang-katarungan noong nakalipas ay bubuhaying-muli sa isang matuwid na sistema sa lupa, ang unang-unang tahanan ng sangkatauhan, upang malasap nila ang sakdal na katarungan sa unang pagkakataon sa kanilang buhay.

“Masasabi Bang ang Diyos ay Di-Makatarungan?”

Ganiyan ang tanong ni apostol Pablo tungkol sa isa sa mga pakikitungo ng Diyos. Ang sagot? “Siyempre hindi,” ang isinulat ni Pablo. Kaniyang inihalintulad sa putik ang mga tao na hinubog ng isang magpapalayok upang maging mga sisidlang karapat-dapat sa poot o awa, si Pablo’y nagpaliwanag: “Bagaman ang Diyos ay handang ipakita ang kaniyang galit at itanghal ang kaniyang kapangyarihan, gayunman ay matiising pinagbibigyan niya ang mga taong nagpapagalit sa kaniya, bagaman sila’y karapat-dapat nang puksain. Kaniyang pinagbibigyan sila alang-alang sa mga ibang tao, na ibig niyang kaawaan, na ibig niyang pagpakitaan ng kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian.”​—Roma 9:14, 20-24, The Jerusalem Bible.

Katulad ng dalagang estudyanteng binanggit sa bandang unahan, baka kung minsan ay nahihirapan kang unawain kung bakit pinapayagan ng Diyos na umiral ang kawalang-katarungan sa pangkalahatan o ang ilang tiyakang kamalian. Ngunit sino ba tayo​—ang mga taong hinubog ng kaniyang kamay​—na mag-aalinlanganan sa kaniyang pagtitiis at karunungan sa paggawa ng gayon? Sinabi ng Diyos na Jehova kay Job: “Oo, iyo bang wawaling-kabuluhan ang aking katarungan? Iyo bang hahatulan ako na masama upang ikaw ay maging matuwid?”​—Job 40:8.

Hindi natin ibig na tayo’y magkasala sa paggawa niyan. Bagkus, ibig pa rin nating magalak sa pagkaalam na bagaman ang kawalang-katarungan ay naririto pa sa gitna natin, hindi na magtatagal at ang Diyos ng katarungan ay kikilos upang alisin ito sa buong lupa.

[Talababa]

a Para sa katibayan na sinimulan na ng Kaharian ng Diyos ang di-nakikitang paghahari niyaon sa lupa noong 1914, tingnan ang mga pahina 134-41 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Taglay din ng aklat na ito ang isang kabanata sa paksang “Bakit Kaya Pinayagan ng Diyos ang Masama?”

[Larawan sa pahina 23]

Ang pagpapahintulot na umiral ang kawalang-katarungan ay hindi magagamit sa anumang paraan upang patunayan na ang Diyos ay hindi umiiral

Ang Diyos ba ang masisisi pagka ang isang lasing na tsuper ay tumangging gamitin ang mga katangiang sintido komon, pagpipigil-sa-sarili, at konsiderasyon?

Malapit na ang panahon na ang lubos na katarungan ay isasauli sa lupa nating ito

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share