Ang Ginintuang Tuntunin—Ano Ba Ito?
“TINGNAN mo! Hindi ko naman ginagambala ang aking mga kapitbahay. Kung para sa akin, gawin nila ang gusto nila. Pero, siyempre naman, kung sila’y nasa kahirapan, gagawin ko ang kaya ko upang tumulong.” Ganiyan ba rin ang iyong pangmalas? Pagka dumating ang kapahamakan, ang kabaitan at kagandahang-loob ay sagana, malimit pinagtatakhan ng marami. Subalit ito ba ay sapat na?
Kung ikaw ay isang magulang, tiyak na pinagsabihan mo ang iyong mga anak na iwasan ang pakikipagkagalit sa kanilang mga kalaro. Marami sa atin ang may mga taglay pang mga pilat mula ng ating mga kabataan upang ipakita na ang hindi pagsunod sa alituntuning iyan ay paghihiganti ang katapat. Oo, natutuhan natin ang kapantasan ng kasabihang binuo ng pilosopo ng Silangan na si Confucio: “Ang hindi mo gustong gawin sa iyo, huwag mo namang gawin sa iba.” Gayunman, natatalos mo ba na ito’y isa lamang mababang-uring, negatibong bersiyon ng tinatawag na Ginintuang Tuntunin?
Isang Positibong Tuntunin
Sang-ayon sa Webster’s New Collegiate Dictionary, ang katuturan ng “ginintuang tuntunin” ay na ito’y isang tuntunin ng asal-etiko na tumutukoy sa [Mateo] 7:12 at [Lucas] 6:31 at nagsasabing dapat gawin ng isa sa iba ang ibig niyang gawin sa kaniya ng iba.” Tunghayan ang kahon sa may ibaba ng pahina at isaalang-alang kung papaanong ang iba’t ibang bersiyon ng Bibliya ng Mateo kabanatang 7, talatang 12 ay nagtutulot na sumikat nang buong kaningningan ang simulaing ito na isang giya.
Pakisuyong pansinin na bagaman ang mga salita’y nagkakaiba sa iba’t ibang bersiyon, ang tuntunin ay positibo. Sa kabuuan, gaya ng ipinangatuwiran ni Jesus sa may bandang unahan ng Sermon sa Bundok: “Patuloy na humingi at kayo’y bibigyan; patuloy na humanap at kayo’y makasusumpong; patuloy na tumuktok, at sa inyo’y bubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang bawat humahanap ay nakasusumpong, at ang bawat tumutuktok ay binubuksan.” (Mateo 7:7, 8) Ang paghingi, paghanap, pagtuktok, ay pawang positibong mga kilos. “Lahat ng bagay, kung gayon,” ang patuloy pa ni Jesus, “na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.”—Mateo 7:12.
Ipinakikita ng Bibliya na ang mga alagad ni Jesus ay nagpayo rin na kailangang mamuhay ayon sa tuntunin ding ito. (Roma 15:2; 1 Pedro 3:11; 3 Juan 11) Nakalulungkot sabihin, ang kasalukuyang lagay ng mga relasyon ng tao ay nagpapatotoo na, sa pangkalahatan, ang mga tao, sila ma’y naturingang Kristiyano o hindi, ay hindi sumusunod dito. Ang ibig bang sabihin ay na ang tuntuning ito ng asal-etiko ay hindi na mabisa? Ito kaya ay lipas na?
[Kahon sa pahina 3]
“Gawin mo sa mga ibang tao ang lahat ng ibig mong gawin nila sa iyo.”—The Holy Bible, isinalin ni R. A. Knox.
“Tratuhin mo ang mga ibang tao na kagayang-kagaya ng ibig mong itrato nila sa iyo.”—The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips.
“Anuman ang ibig mong gawin sa iyo at para sa iyo ng iba, ganoon din ang gawin mo sa at para sa kanila.”—The Amplified New Testament.
“Gawin mo para sa iba ang lahat ng bagay na ibig mong gawin nila para sa iyo.”—The New Testament in the Language of Today, ni W. F. Beck.
“Sa lahat ng paraan kung gayon, tratuhin mo ang iyong mga kapuwa-tao gaya ng ibig mong itrato nila sa iyo.”—The Four Gospels, isinalin ni E. V. Rieu.
“Ugaliin mo ang pakikitungo sa iba gaya ng ibig mong pakikitungo nila sa iyo.”—The New Testament, ni C. B. Williams.