Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit sinabi ng Kautusan ng Diyos na ang isang lalaking Israelita na nakipagtalik sa isang dalagang hindi pa naipakikipagtipan ay kailangang pakasal sa babaing iyon at hindi kailanman maaaring humiwalay?
Sa Exodo 22:16, 17 at Deuteronomio 22:28, 29, makikita natin ang kautusang ito, na ang sabi ng iba’y waring walang simpatiya sa mga babae. Sa aktuwal, ito’y nagpapakita ng isang mataas na pamantayan ng asal para sa kapuwa mga lalaki at mga babae.
Ang Deuteronomio kabanata 22 ay naghaharap ng sarisaring mga kautusan sa sambahayan. Halimbawa, ito’y tumutukoy sa kalagayan ng isang lalaki na wala nang pag-ibig sa kaniyang asawang babae at sinasabi niyang ito’y hindi na isang dalaga. Ito’y naghaharap din ng mga kautusan ng Diyos tungkol sa pangangalunya at panggagahasa. Pagkatapos ay ating mababasa:
“Kung masumpungan ng isang lalaki ang isang dalagang donselya na hindi pa naipakikipagtipan, at ihiga niya siya at sipingan niya siya, at sila’y masumpungan, ang lalaking sumiping sa kaniya ay magbibigay rin naman sa ama ng babae ng limampung siklong pilak, at ito’y magiging kaniyang asawa sapagkat kaniyang hinamak. Hindi siya papayagang hiwalayan ito lahat ng araw ng kaniyang buhay.”—Deuteronomio 22:28, 29.
Ito’y isang kaso ng ginipit na panghahalay at/o pakikiapid. Kung ang isang lalaking walang prinsipyo’y may paniwalang malaya siyang makipagtalik sa isang dalaga, ang dalagang ito ang higit sa lahat ay mawawalan. Bukod sa posibilidad na baka siya mag-anak sa pagkadalaga, ang kaniyang halaga bilang isang nobyang pakakasalan ay nababawasan, sapagkat maraming mga Israelita ang baka hindi gustong magpakasal sa kaniya minsang siya’y hindi na isang dalaga. Subalit, ano ang sisira ng loob ng isang lalaki ng pakikipagtalik sa isang dalaga? “Ang banal at matuwid at mabuting” Kautusan ng Diyos ang makagagawa ng gayon.—Roma 7:12.
Ang kodigong Mosaiko ay may paglalaan na nagpapahintulot sa isang lalaki na hiwalayan niya ang kaniyang asawa sa ilang mga kadahilanan. (Deuteronomio 22:13-19; 24:1; Mateo 19:7, 8) Subalit ang ating nababasa sa Exodo 22:16, 17 at Deuteronomio 22:28, 29 ay nagpapakita na ang opsiyón ng paghihiwalay ay nawawala pagkatapos ng pakikiapid bago makasal. Ito, kung gayon, ang maaaring mag-udyok sa isang lalaki (o sa isang dalaga) na iwasan ang tuksong gumawa ng pakikiapid. Hindi maaaring mag-isip ang isang lalaki, ‘Siya’y maganda at kaakit-akit, kaya’t siya’y gagawin kong palipasan ng oras bagaman siya’y hindi yaong uri ng babae na ibig kong pakasalan.’ Bagkus, ang kautusang ito ay hahadlang sa imoralidad sa pamamagitan ng pagpapangyari na ang nag-iisip gumawa ng di-nararapat ay gumawa muna ng pagtitimbang-timbang sa magiging bunga ng pakikiapid balang araw—ang pamumuhay na kapiling yaong kabilang panig sa buong buhay niya.
Binawasan din ng Kautusan ang suliranin ng pagiging bastardo. Iniutos ng Diyos: “Walang anak sa ligaw ang papasok sa kongregasyon ni Jehova.” (Deuteronomio 23:2) Kaya’t kung ang isang lalaking humalay sa isang dalaga ay pakakasal sa kaniya, ang kanilang ginawang pakikiapid ay hindi magbubunga ng isang anak sa ligaw sa gitna ng mga Israelita.
Ipagpalagay natin, ang mga Kristiyano’y namumuhay sa isang lipunan na naiiba sa lipunan ng mga sinaunang Israelita. Tayo’y wala na sa ilalim ng mga alituntunin ng Kautusang Mosaiko, kasali na ang batas na ito na humihiling na magpakasal ang dalawang tao na gumawa ng gayong pakikiapid. Gayunman, hindi natin masasabing ang pakikiapid bago pakasal ang dalawang gumawa ng pakikiapid ay isang bagay na magaan. Dapat matamang pag-isipan ng mga Kristiyano ang ibubunga balang araw, gaya ng pinakilos ng batas na ito ang mga Israelita na gawin.
Ang pakikiapid ng isang taong walang asawa ay sumisira sa karapatan ng taong iyon na pumasok sa isang marangal na pag-aasawang Kristiyano (maging lalaki man o babae). Ang pakikiapid bago mag-asawa ay may epekto rin sa mga karapatan ng sinumang tao na maaaring maging kabiyak ng indibiduwal, samakatuwid baga, ang karapatan ng indibiduwal na mag-asawa ng isang malinis na Kristiyano. Higit sa lahat, ang pakikiapid ay dapat na iwasan dahil sa ito’y sinasabi ng Diyos na masama; ito ay isang kasalanan. Angkop ang isinulat ng apostol: “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapakabanal ninyo, na kayo’y lumayo sa pakikiapid.”—1 Tesalonica 4:3-6; Hebreo 13:4.