Kapayapaan—Mangyayari Kaya sa Pamamagitan ng Disarmamento?
“PINAKAMALAKING kamalian na ipagkamali ang disarmamento sa kapayapaan,” ang sabi ni Winston Churchill limang taon bago bumulusok ang mga bansa sa ikalawang digmaang pandaigdig. “Kung may kapayapaan ay maaalis na ang mga armas,” isinusog niya.
Anong laking kabalighuan! Sino naman ang papayag na magdisarma hangga’t hindi natitiyak ang kapayapaan? Subalit papaano maaaring magkaroon ng kapayapaan habang nagtatalaksan ng mga armas? Ito’y isang katayuan na kung saan ang mga pulitiko ay hindi nakasumpong ng lunas.
Ganiyan ang pangungusap ni Winston Churchill noong 1934, nang magtapos na ang Komperensiya sa Disarmamento na tinawag ng Liga ng mga Bansa dalawang taon lamang ang aga. Ang layunin ng komperensiyang ito na nangailangan ng 12 taon upang ihanda ay hadlangan ang muling pagsasakbat ng armas ng Europa. Sariwa pa sa alaala ng mga tao sa buong mundo ang kakila-kilabot na pagkapaslang ng mga siyam na milyong nagbaka-baka noong Digmaang Pandaigdig I, bukod pa sa milyun-milyong nangasugatan at ang napakaraming nangasawing sibilyan. Gayunman, hindi kailanman natupad ang disarmamento. Bakit?
Pagsisikap na Magdisarma
Ang isang patakaran ng disarmamento ay maaaring pilit na ipasunod ngunit pambihira na nagiging epektibo. Halimbawa, sa ilalim ng 1919 Kasunduan ng Versailles, ang Alemanya ay dinisarmahan na taglay ang “sapat na garantiyang ibinigay at pinagkasunduan na ang pambansang mga armamento ay pauuntiin sa kaliit-liitang punto na kasuwato ng lokal na kaligtasan.” Ito’y kasuwato ng isa sa mga mungkahi ng pangulo ng E.U. na si Woodrow Wilson, na nang bandang huli ay isinanib sa artikulo 8 ng kasunduan ng Liga ng mga Bansa. Subalit nang si Hitler ay mapasakapangyarihan, hindi nagtagal at kaniyang nilabag ang patakarang iyon.
Ang Nagkakaisang mga Bansa kaya ay higit na matagumpay sa pagtatatag ng matibay na pundasyon para sa disarmamento pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig? Hindi, ngunit ang hindi pagtatagumpay nito ay hindi dahil sa walang ginawang disididong pagsisikap. Ngayon na isang katunayan na ang mga nuklear na armas sa lansakang pagpuksa, ang disarmamento ay isang isyu na lubhang kailangang apurahang lutasin. “Ang dating paniniwala na ang mga paligsahan sa armamento ay hindi nararapat kung kabuhayan ang pag-uusapan at hindi maiiwasan na hahantong sa digmaan,” ang sabi ng The New Encyclopœdia Britannica, “ay hinalinhan ng pangangatuwiran na ang lansakang paggamit ng mga armas nuklear sa hinaharap ay isang malaking banta sa sibilisasyon mismo.”
Isang 12-bansang Komisyon sa Disarmamento ang binuo noong 1952 upang biguin ang umuunlad na Silangan/Kanlurang paligsahan sa armas. Ito’y hindi gaanong nakagawa ng pag-unlad, at sa wakas ang dalawang makapangyarihang mga bansa ay lalo pang nagkalayo bilang nagkakasalungatang mga panig. Sarisaring iba pang mga kasunduan at mga tratado ang binuo hanggang sa kasalukuyan. Gayunman, dahil sa hindi pagtitiwala sa isa’t isa hindi lubusang naalis ang lahat ng armas na pandigma. Iyan, ang sabi ng The New Encyclopœdia Britannica, ay isang bagay na “mga kaisipang utopian lamang ang nagtataguyod.”
Kuwentahin ang Gastos
Ang pagdidisarma o hindi pagdidisarma—ano bang gastos ang nasasangkot? Ang gastos ay hindi laging sa pera ibinabatay. Ang empleyo sa mga industriyang may kinalaman sa mga armas ay isa ring pangunahing dapat isaalang-alang. Sa maraming bansa ang salaping nanggagaling sa buwis ay ginagamit upang ibili ng mga armas, anupa’t ang paggawa ng mga armas ay nagpapasigla ng hanapbuhay. Kaya’t ang disarmamento ay maaaring humantong sa kawalan ng hanapbuhay. Kaya naman ang mga bansang may malalaking badyet para sa pagbili ng mga armas na pandepensa ay nangingilabot pagka naisip nila ang lubos na disarmamento. Ang ganiyang kaisipan ay mistulang masamang panaginip para sa kanila imbis na isang pangarap na Utopian.
Sa kabila nito, hindi natin maaaring maipagwalang-bahala ang napakaraming salaping ginagasta para mapaandar ang makina ng digmaan. Tinataya na 10 porsiyento ng kabuuang kita ng daigdig ang ginagasta sa mga armas. Magkano? Ang aktuwal na halaga ay nagkakaiba-iba dahil sa implasyon, subalit isip-isipin lamang ang paggasta ng £1 milyong ($1.54 milyon, U.S.) sa ganitong paraan bawat minuto ng maghapon! Ano ang uunahin mo kung mayroon kang ganiyang kalaking magagasta sa anumang ibig mo? Pagtulong sa mga nagugutom? Pangangalaga sa kalusugan? Sa ikabubuti ng mga bata? Pagsasauli ng ekolohikong mga kalagayan? Napakarami ang maaaring pagkagastahan!
Halimbawa, nariyan ang “mga tangke papalitan ng mga traktora” na programa at kamakailan lamang inianunsiyo sa U.S.S.R., na kung saan ang mga ibang pagawaan ng armas ay pinalitan ng mga pabrikang gumagawa ng 200 uri ng “modernong kagamitan para sa agro-industriyal na sektor.” Bakit ang ganiyang kagamitan sa agrikultura ay totoong kailangan? Sapagkat, sang-ayon sa Farming News ng Britanya, “isang katlo lamang ng mga bungang-kahoy at mga gulay na inaani sa mga sakahan ng estado ang nakararating sa mamimili, ang natitirang bahagi ay iniiwanan upang mabulok sa taniman o mawala sa mga lugar na pinaglalagakan at mga bodega.”
Bagaman kapuri-puri ang produksiyon ng mga traktora sa halip na mga tangke, ito’y mga paulong balita sapagkat lubhang pambihira. Higit pa sa riyan, ang epekto sa kabuuang produksiyon ng mga armas ay kayliit-liit. Di-mabilang na daan-daang milyong pounds, rubles, at dolyar ang patuloy na ginagasta sa mga armas sa isang daigdig na kung saan “nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa,” gaya ng inihula ni Jesu-Kristo. Papaano maaalis ang ganiyang takot? Ang lubos na disarmamento ba ay mananatiling isang panaginip lamang? Kung hindi, ano ang kailangan upang mangyari na nga ito?—Lucas 21:26.