Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 12/15 p. 5-7
  • Kapayapaan—Ang Tunay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapayapaan—Ang Tunay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Mensahe ni Isaias
  • Kinasihang Pagtuturo
  • Tunay na Pagsamba
  • Panahon ng Pagpapasiya
  • Itinaas ang Bahay ni Jehova
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Kung Paano ang Daigdig ay Mapagkakaisa
    Gumising!—1993
  • Kapayapaang Pandaigdig—Paano at Kailan?
    Gumising!—1987
  • Kapayapaan sa Lupa—Paano?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 12/15 p. 5-7

Kapayapaan​—Ang Tunay

KAUNTI ang pipintas sa mga mithiing nasa likod ng pagsisikap ng Nagkakaisang mga Bansa na magtatag ng kapayapaan. “‘Pukpukin Natin ang mga Tabak Upang Maging mga Sudsod’ ang pahayag ng Nagkakaisang mga Bansa bilang tunguhin sa pandaigdig na kapayapaan,” ang sabi ng “The World Book Encyclopedia,” at isinusog pa, “Ang Nagkakaisang mga Bansa ay may dalawang pangunahing tunguhin: kapayapaan at ang karangalan ng tao.”

Ang nakasulat sa ilalim ng estatuwa na makikita rito ang nagbibigay-kahulugan sa mga salita ng hula ng Bibliya sa Isaias kabanata 2, talatang 4. Dito’y mababasa, ayon sa isang modernong pagkasalin:

“At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit.”

Ang maharlikang mga salitang ito ang tiyak na nagbigay ng inspirasyon sa mga estadong miyembro ng UN upang maghangad na magtayo ng namamalaging kapayapaan at disarmamento. Subalit, nakalulungkot sabihin, sapol ng matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig noong 1945, ang kabaligtaran ang nahahayag ayon sa kasaysayan ng UN. Bakit? Pinakamahalaga na dahilan ay sapagkat ang nabanggit na mga salitang sinipi sa Isaias ay hindi maaaring ikapit nang nakabukod, gaya ng ginagawa ng mga pamahalaan ng tao. Ang konteksto ng pananalita ay lubhang mahalaga. Isaalang-alang kung bakit.

Ang Mensahe ni Isaias

Si Isaias ay isang propeta. Kaniyang sinasalita ang tungkol sa isang maningning na pagkakasundu-sundo at kapayapaan para sa mga tao ng lahat ng lahi. Upang ang pangitaing ito ay maging isang katotohanan, ang mga tao ay kailangang gumawa ng isang bagay. Ano iyon? Isaalang-alang ang kahulugan ng Isa 2 talatang 2 at 3 ayon sa kaugnayan sa Isa 2 talatang 4.

“[2] At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at dadagsa roon ang lahat ng bansa. [3] At maraming bayan ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bayan ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Sion lalabas ang batas, at ang salita ni Jehova ay mula sa Jerusalem. [4] At tiyak na hahatol siya sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay tungkol sa maraming bayan. At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi na magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”

Una, kilalanin natin na ang ating Manlilikha, si Jehova, ay may karapatan na turuan tayo “sa kaniyang mga daan,” na, gaya ng isinulat ni Isaias noong bandang huli, ay ‘mas mataas kaysa sa ating mga daan.’ (Isaias 55:9) Maraming mga tao, lalo na yaong mga nagpapaimportante-sa-sariling mga pinuno ng daigdig, ang nahihirapang tumanggap sa bagay na ito. Tanging ang kanilang sariling mga daan ang matuwid sa kanilang sariling mga mata. Gayunman, ang bagay na ang kanilang mga daan ay hindi humantong sa pandaigdig na kapayapaan at disarmamento ay tunay na nagpapakitang walang kabuluhang magpatuloy sa ganiyang landasin.

Ikalawa, pansinin ang kinakailangang taimtim na pagnanasa ng mga indibiduwal na lumakad ayon sa mga kautusan ng Diyos: “Tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.” Sa ganiyan lamang maaaring ang mga tabak ay pandayin upang maging mga sudsod at ang mga sibat upang maging mga karit sa lawak na pambuong globo. Papaanong ang ganiyang hinahangad na tunguhin ay makakamtan?

Kinasihang Pagtuturo

Maraming tao ang may sipi ng Bibliya, ang aklat na naglalaman ng mga turo ng Diyos na Jehova, subalit higit pa ang kinakailangan kaysa pagkakaroon lamang nito. Sinasabi ni Isaias na ang kautusan at mga salita ni Jehova ay nanggagaling sa “Jerusalem.” Ano ba ang ibig sabihin nito? Noong kaarawan ni Isaias, ang literal na lunsod ang pinagmumulan ng makaharing autoridad na sinusunod ng lahat ng tapat na mga Israelita. Nang malaunan, noong panahon ng mga apostol ni Jesu-Kristo, ang Jerusalem ang pinakasentro pa rin para sa mga tagubilin na nanggagaling sa lupong tagapamahalang Kristiyano sa lunsod na iyon.​—Gawa 15:2; 16:4.

Kumusta naman sa ngayon? Pansinin na sa mensahe ni Isaias ay nangunguna ang pangungusap na: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw.” Ang mga ibang salin ay nagsasabi: “Sa mga huling araw.” (New International Version) Katibayan ang regular na tinatalakay sa mga pahina ng magasing ito upang patunayan na tayo’y nabubuhay sa mga huling araw ng kasalukuyang pamamalakad na ito ng sanlibutan sapol noong 1914. Kaya nga, ano ang dapat nating asahang makikita natin, sang-ayon sa talatang 3 at 4?

Isang lubhang karamihan ng mga tao ang hindi na nag-aaral ng tungkol sa digmaan at kanilang pinanday na ang “kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.” At kitang-kita na natin sila! Mahigit na 3.5 milyong mga lalaki, mga babae, at mga bata sa lahat ng lahi sa mahigit na 200 bansa ay nagkakasundu-sundo na, namumuhay nang may kapayapaan sa isa’t isa at nangangaral ng mensahe ng Bibliya ng kapayapaan sa kanilang kapuwa. Sila’y nakikilala sa buong daigdig bilang mga Saksi ni Jehova.

Sila’y may makabagong Lupong Tagapamahala na binubuo ng nakatatandang mga lalaking Kristiyano buhat sa iba’t ibang panig ng mundo na nangangasiwa sa pambuong daigdig na mga aktibidades ng bayan ng Diyos. Ang mga lalaking ito, tulad ng mga apostol at ng nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem noong unang siglo, ay pinahirang mga miyembro ng uring tapat at maingat na alipin na hinirang ni Jesus upang mangalaga sa lahat ng mga intereses ng kaniyang Kaharian dito sa lupa. Pinatunayan na ng kasaysayan na sila’y maaaring pagtiwalaan upang sumunod sa patnubay ng banal na espiritu at sila’y hindi umaasa sa karunungan ng tao sa pagtuturo sa kawan ng Diyos sa mga daan ng tunay na kapayapaan.​—Mateo 24:45-47; 1 Pedro 5:1-4.

Tunay na Pagsamba

Higit pa kaysa kaalaman lamang na isinilid sa ulo o kahit na ang paghahangad na mamuhay ayon sa kinasihang mga turo ang kasangkot sa pamumuhay sa kapayapaan. Ang debosyon ng puso at pagsamba sa ating Manlilikha, si Jehova, ay kailangan, gaya ng nililiwanag din ni Isaias.

Sinasabi ng propeta na “ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok” at “matataas sa itaas ng mga burol.” Noong sinaunang panahon, ang ibang mga bundok at mga burol ay nagsilbing dako para sa pagsamba sa mga diyus-diyusan at mga santuwaryo ng mga huwad na diyos. Nang ang banal na Kaban ay dalhin ni Haring David sa tolda na kaniyang itinindig sa Bundok Sion (Jerusalem), mga 760 metro ang taas sa dagat, maliwanag na siya’y kumikilos bilang pagsunod sa banal na kautusan. Nang maglaon, nang itayo sa Bundok Moria ang dakilang templo ni Jehova, sa terminong “Sion” ay kasali ang dakong kinatatayuan ng templo, kaya’t ang templo’y nakatayo sa mas mataas na lugar kaysa mga ilang nakapalibot na mga lugar ng paganong pagsamba. Ang Jerusalem mismo ay tinawag din na kaniyang “banal na bundok”; sa gayon, ang pagsamba kay Jehova ay nanatili sa isang mataas na kalagayan.​—Isaias 8:18; 66:20.

Ganiyan din naman sa ngayon, ang pagsamba sa Diyos na Jehova ay napataas na gaya ng isang makasagisag na bundok. Ito’y napatanyag upang makita ng lahat, yamang nakagawa ito ng isang bagay na hindi nagawa ng ano pa mang ibang relihiyon. Ano ba iyon? Pinagkaisa nito ang lahat ng mga sumasamba kay Jehova, na may kagalakang nagpanday ng kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at sila’y hindi na nag-aaral ng pakikidigma. Ang pambansa at panlahi na mga balakid ay hindi na nagsisilbing mga tagapagbaha-bahagi sa kanila. Sila’y namumuhay bilang isang nagkakaisang bayan, isang pagkakapatiran bagaman sila’y kalat-kalat sa lahat ng bansa ng sanlibutan.​—Awit 33:12.

Panahon ng Pagpapasiya

Papaano ka ba naaapektuhan ng lahat ng ito? Ang mga salita ng isa pang propetang Hebreo ay angkop na angkop: “Mga karamihan, mga karamihan ang nasa libis ng pasiya, sapagkat malapit na ang araw ni Jehova sa libis ng pasiya.” (Joel 3:14) Ito’y isang apurahang panahon ng pagpapasiya para sa lahat ng tao, alamin ang mga daan ng tunay na kapayapaan sa kamay ng Diyos o dili kaya ay patuloy na tangkilikin ang isang pamumuhay na ang mga armas ang itinataguyod na sa pinakamadaling panahon ay matatapos na rin.

Inihula ni Jesus na isang dakilang gawaing pangangaral ang magaganap sa ating kaarawan. Ang pangangaral na iyan ay tungkol sa “mabuting balita” na ang Kaharian ng Diyos ay magdadala ng kapayapaan sa lupang ito na sinalanta ng digmaan. (Mateo 24:14) Noong nakaraang taon mahigit na tatlong milyong palagiang pag-aaral sa Bibliya sa tahanan ang idinaos ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ang iba sa mga lingguhang pag-aaral na ito ay sa mga isahang tao, ngunit marami ang sa mga pami-pamilya. Milyun-milyong mga bata ang sa pamamagitan nito ay binigyan ng isang tiyak na pag-asa tungkol sa kanilang kinabukasan, at ang kanilang mga magulang ay nagkamit ng kasiguruhan na ang mga digmaan, tulad din ng mga digmaang kanilang nasaksihan at marahil nakibahagi pa man din sila, ay hindi na magiging bahagi ng bagong sanlibutan na gawa ng Diyos na Jehova.

Anong inam na sanlibutan na kung saan iiral ang pagtitiwala sa isa’t isa at ang kapayapaan! Hindi na kailangang mag-alala pa tungkol sa disarmamento, yamang ang mga armas ng digmaan ay magiging mga bagay na nakalipas. At salamat kay Jehova, “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan,” na buong pag-ibig na nagtuturo sa atin ngayon upang tayo’y maging handa na mamuhay sa kaganapan sa ilalim ng kaniyang Kaharian ng katuwiran.​—Roma 15:33.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share