“Araw ni San Nicholas”—Saan Nanggaling?
MAGLAKAD ka sa mga kalye ng Belgium sa may pasimula ng Disyembre, at makakakita ka ng isang nakabibighaning tanawin: maliliit na grupo ng mga batang nagbabahay-bahay, nag-aawitan ng maiikling mga awiting magkakatugma at tinatawag na “mga awit ni San Nicholas.” Ang mga maybahay ay tumutugon sa kaakit-akit na mga bata sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga prutas, kendi, o pera.
Ang okasyon? “Araw ni San Nicholas”! Sa Estados Unidos at sa mga ibang bansa, si “San Nicholas,” o “Santa Klaus,” ay may kinalaman sa araw ng Pasko. Subalit sa Belgium, ang may balbas na “santo” ay may sariling araw niya. Tunay, si “San Nicholas” (Sinterklaas, o Sint Nicolaas), na ang araw ng kapistahan ay pumapatak sa ikaanim ng Disyembre, ay isa sa pinakapopular na “mga santo” sa Belgium at sa Netherlands. Maraming simbahan, kapilya, kalye, o bahayan ang humiram ng kaniyang pangalan. Naging kaugalian nang kilalanin siya bilang “ang dakilang kaibigan ng mga bata” na saganang namamahagi sa kanila ng mga aginaldo sa araw ng kaniyang kapistahan.
Sa gabi bago sumapit ang kapistahang iyan, ang mga bata ay naglalagay ng kanilang mga sapatos o mga tsinelas malapit sa tsimnea habang sila’y umaawit ng kanilang mga awiting may maiikling pagkakatugma-tugma. Sa kanila’y ipinaalam na si “San” Nicholas at ang kaniyang utusang negro, (tinatawag na Black Peter) ay darating sa gabing iyon sakay ng barko na galing sa Espanya. Pagkatapos, ang “santo” ay sasakay sa kaniyang kabayong kulay-abo at tatawid sa mga bubong, sinusundan ni Black Peter, na may dalang isang tungkod at isang malaking bag na may laruan at mga kendi. Si Nicholas ay nagdadala rin ng mga mansanas, nuts, at iba pang mga produkto ng bukid. Kadalasan siya’y nag-iiwan ng isang uri ng kulay-tsokolate, malasang biskuit na tinatawag na speculaas, o biskuit ng obispo, na inihurno sa natatanging, mahusay ang pagkadisenyong korte.
Sino ang mga bibigyan? Mga bata na nagpakabait noong nakalipas na taon. Subalit, ang mga di-masunurin ay bibigyan ng pamalo; o lalong masama, baka sila’y ilagay sa bag ni Black Peter at dalhin kung saan! Maiintindihan, kung gayon, kung bakit ang mga bata ay handang suyuin ang mga bisitang ito kung gabi. Sa gayon, ang isang baso ng hinebra ang naghihintay para tunggain ng “santo,” at isang carrot o mga ilang tipak ng asukal ang nakahanda na para sa kaniyang kabayo.
Maraming magulang sa Belgium ang naniniwala na ang “Araw ni San Nicholas” ang pinakamasayang panahon sa santaon. Sila’y natutuwang pagmasdan ang nasasabik na mga mukha ng kanilang maliliit na anak na nag-aasam-asam ng iaaginaldo sa kanila ng “mabuting santo”! Kaya’t ang mga alamat ay ipinapasa nila pasalin-salin sa kanilang mga supling, anupa’t bahagya lamang ang alam nila kung saan nanggaling ang mga kaugaliang ito. Kung sakaling malaman nila, marahil sila’y magigitla.
Si “San” Nicholas at si Odin
Ganito ang paliwanag ng Oosthoeks Encyclopedia: “Ang selebrasyon [tungkol kay San Nicholas] sa sambahayan ay nanggaling sa kapistahan ng simbahan (kasali na ang mga sorpresa para sa mga anak) na ang mga ito’y nanggaling naman sa mga elemento bago pa nang panahong Kristiyano. Si San Nicholas, na doon makikita sa mga bubong, ay ang paganong Diyos na si Wodan [Odin]. . . . Si San Nicholas ang siya ring lider ng mainitang paghahabulan ng mga kaluluwa ng mga nangamatay sa kanilang pagdalaw sa lupa.”
Oo, ang mga Teuton ay naniniwala na si Odin, o Wodan, ang kanilang pangunahing diyos, ang nanguna sa kaluluwa ng mga patay sa isang mainitang paglalakbay sa kahabaan ng bansa sa panahon ng “labindalawang masasamang araw” sa pagitan ng Pasko at Kapistahan ng tatlong hari (Enero 6). Ang naganap na unos ang tumangay sa mga binhi ng mga naani sa bukid, na nagpasigla ng pag-aanak. Ang mga mansanas, nuts, at iba pang mga naaani kung taglagas ay ipinamimigay sa bandang kapanahunan ng “Araw ni San Nicholas”? Ito ay mga sagisag ng pagkapalaanakin. Ang sinaunang mga tao ay naniniwalang kanilang mapapayapa ang kanilang mga diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga regalo kung panahon na maginaw, madilim na mga araw ng taglamig. Ang resulta nito’y ang ibayong pagkamabunga ng tao, hayop, at lupa.
Kasama ni Odin ang kaniyang utusang si Eckhard, ang tagapaghanda ng daan ni Black Peter, na may dala ring pamalo. Sing-aga ng Edad Medya, ang palasak na paniwala ay na nagagawa ng mga ilang punungkahoy at mga halaman na gawing palaanakin ang mga tao at sa pamamagitan lamang ng pagpalo sa isang babae ng isang sanga ng gayong punungkahoy ay mabubuntis na siya.
Ang aklat ng Feest-en Vierdagen in kerk en volksgebruik (Mga Kapistahan at Pagdiriwang sa Simbahan at sa Popular na mga Kaugalian) ay bumabanggit ng ilang pagkakahawig ni Odin at ni “Santo” Nicholas: “Si Wodan, gayundin naman, ay may ginto na inilalagay sa mga bota at sa mga bakya na naroon sa malapit sa tsimnea. Para sa kabayo ni Wodan, naglalagay rin ng dayami at balanggot sa bakya. Ang huling tungkos sa bukid ay para rin sa kabayo.”
Ang aklat na Sint Nicolaas, isinulat ni B. S. P. van den Aardweg, ay bumabanggit ng ilang kapuna-punang mga pagkakahawig:
“San Nicholas: isang matangkad, matipunong lalaki na nakasakay sa isang maputing kabayo. Siya’y may mahabang puting balbas, may hawak na crosier, at may suot na mitra sa kaniyang ulo . . . at may isang maluwang, mahabang kasuotan ng isang obispo.
“Wodan: isang taong matangkad at may maputing balbas. Siya’y nakasumbrero ng malapad at natatakpan niyaon ang kaniyang mga mata. Sa kaniyang kamay ay may hawak siyang isang sibat ng mahiko. Siya’y nararamtan ng isang maluwang na kasuotan at nakasakay sa kaniyang abuhing kabayong si Sleipnir na maamor sa kaniya.
“May iba pang makikitang mga pagkakahawig: sumakay si Wodan sa kaniyang abuhing kabayo upang maglakbay sa himpapawid at ang nahihintakutang mga tao’y naghandog ng cake na may palaman bukod sa karne at mga ani ng bukid. Si San Nicholas ay makikitang naglalakbay sa mga bubong at ang mga bata’y naghahanda ng dayami, carrots, at tubig para sa kabayo. Ang mga gingersnaps (cookies) at ang pamalo ay mga simbulo ng pagkapalaanakin malaon pa bago nagsimula ang mga kapistahan ni San Nicholas.”
Modernong-Panahong mga Rituwal sa Pag-aanak
Ang marami pang mga ibang kaugalian may kaugnayan kay “San” Nicholas ay makikitaan din ng kanilang makapaganong pinagmulan. Halimbawa, sa bandang hilaga kung Disyembre 4, makakakita ka sa mga lansangan ng mga batang mula 12 hanggang 18 taóng gulang. Sila’y nakapanamit ng kakatuwang mga kasuotan na may adornong mga balahibo ng manok, kabibe, at iba pang mga produkto sa isang rehiyon, at ang nakamaskarang mga batang lalaki ay kumakatawan sa “mumunting mga San Nicholas,” o Sunne Klaezjen. Sa gabi ng sumunod na araw, ang mga lalaking 18 at mas matanda pa ang sumasapit sa kanilang turno. Sa kinahapunan, sila’y gumagala sa mga lansangan. Sila’y gumagamit ng mga walis, mga sungay ng kalabaw, at mga pambubong, kanilang itinataboy ang lahat ng babae, mga batang babae, at mumunting mga batang lalaki na nagkataong nasalubong nila. Ang mga batang babae ay pinasasayaw o pinalulundag sa isang patpat.
Ang layunin ng lahat ng ito? Muli na naman na iyon ay ang pag-aanak—ang palaging paulit-ulit na pinagkakaabalahan ng sinaunang mga kultura. Ang taglamig ay isang madilim at nakababahalang panahon at kadalasa’y itinuturing iyon bilang ang panahon na ang diyos sa pag-aanak ay natutulog o patay. Inaakala na sa pamamagitan ng sarisaring paraan, ang diyos na iyon ay mabibigyan ng panibagong buhay o ang diyos o diyosa ay mabibigyan ng tulong sa anumang paraan. Ang mga aginaldo, sayaw, ingay, mga hampas na likha ng isang panghampas sa pag-aanak—lahat ng mga ito ay itinuturing na mga paraan upang mapalayas ang masasamang espiritu at pag-ibayuhin ang pagkapalaanakin ng mga tao, mga hayop, at patabain ang lupa.
Kaya’t pagka lumundag sa patpat ang mga batang babae, kanilang ginagaya ang kanilang mga ninuno na naniniwalang ang taas na kanilang malulundagan ang siyang taas na ilalaki ng punong lino. Sa gayong pagtataboy sa mga babae at mga bata, inuulit ng mga kabataang lalaki ang pagsasaakto ng rituwal na pagpapalayas sa mga masasamang espiritu.
Isang Pagpapasiya Para sa mga Tunay na Mananamba
Bakit ba ang gayong mga rituwal ay naging bahagi ng umano’y Kristiyanismo? Sapagkat daan-daang taon na ang lumipas, hindi ipinilit ng mga misyonero ng simbahan na sundin ng kanilang mga nakumberte ang utos ng Kasulatan: “Magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo . . . at huwag nang humipo ng maruming bagay.” (2 Corinto 6:17) Sa halip na alisin ang paganong mga kaugalian, ang ginawa ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay aktuwal na ipinagpatuloy ang mga kaugaliang ito sa pamamagitan ng pagpapasok ng ilang pagbabago at pagkatapos ay paggamit ng mga ito. Ang ganiyang mga kaugalian ay lumaganap nga sa buong daigdig.
Ang mga nandayuhang Olandes na nagsipamayan sa Hilagang Amerika ay dala sa kanilang paninirahan doon ang selebrasyon ni “San” Nicholas. Sa paglakad ng panahon ang pangalan ay napauwi sa “Santa Klaus.” Ang matangkad na obispo ay nabago at naging isang mapupula-pisngi, na matabang lalaking nakabihis ng isang matingkad-pulang kasuotan. Ang kaniyang mitra ng isang obispo ay pinalitan ng sumbrero ng isang duwende at ang puting kabayo ay hinalinhan ng isang paragos na hinihila ng isang usa. Gayunman, si Santa Klaus ay nagpatuloy na isang tagapagdala ng aginaldo, bagaman ang kaniyang pagdalaw ay inilipat sa Noche Buena.
Sa mga lugar ng Protestante sa Alemanya, ang Katolikong “San” Nicholas ay pinalitan ng mas neutral na “Father Christmas.” Gayunman, ang mga sangkap na pagano ay maliwanag pa ring makikita hanggang sa araw na ito.
Sinabi ni Jesu-Kristo na “ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:23) Para sa taimtim na mga mananamba, ang mga kaugalian ni “San” Nicholas ay naghaharap ng isang tunay na hamon: Ang taimtim na mga mananambang ito kaya ay patuloy na susunod sa sinaunang mga kaugalian ng kultong Odin, o sila kaya’y aalpas sa mga nalalabi pang bahagi ng paganismo? Ito ay isang mabuting panahon ng santaon na pag-isipan ang mahalagang tanong na iyan.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Harper’s Weekly