Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 5/1 p. 16-17
  • Pagsulong Mula sa Tabor Hanggang sa Tagumpay!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsulong Mula sa Tabor Hanggang sa Tagumpay!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kaparehong Materyal
  • Tabor
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Sa Pananampalataya, Dinaig ni Barak ang Isang Malakas na Hukbo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • “Ako ay Bumangon Bilang Isang Ina sa Israel”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Barak
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 5/1 p. 16-17

Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako

Pagsulong Mula sa Tabor Hanggang sa Tagumpay!

GUNIGUNIHIN mo na ikaw ay nasa isang tore na nakapanunghay sa isang dako na kung saan nagsasalubong ang landas ng kasaysayan! Aktuwal na masasaksihan mo ang kasaysayan na nabubuo.

Sa Bibliya ang dako ng Megiddo ang marahil pinakamainam na umaangkop sa paglalarawang iyan, sapagkat ito’y nasa itaas at nakapanunghay sa mga ruta na pangkalakal at panghukbo. Gayunman, sa kabilang ibayo ng Libis ng Jezreel ay naroon ang Bundok Tabor, na nakapanunghay rin sa Via Maris, ang tanyag na ruta patungo sa mga lunsod ng Fertile Crescent.a

Kung iyong tutunghayan ang Tabor buhat sa halos anumang dako sa rehiyon, ikaw ay lubhang hahanga. (Ihambing ang Jeremias 46:18.) Ang Tabor ay maganda ang pagkabukod sa kaniyang mga kapaligaran, ang taglay nitong hugis-balisunsong ay natatanaw sa lahat ng direksiyon. Nakapanunghay ito sa kapatagan na abot hanggang sa gawing timog, ang mataba-lupang libis ng Jezreel, na nagdurugtong sa baybayin at sa Libis ng Jordan.

Buhat sa pabilog na taluktok ng Tabor, makatatanaw ka sa gawing timog paibaba sa siyudad ng Jezreel, na marahil magpapaalaala ng nagngangalit na pagsakay ni Jehu sa karo patungo sa palasyo ni Ahab at ng nakahihiyang naging wakas ni Jesebel. (1 Hari 21:1; 2 Hari 9:16-33) Nasa karatig ang Megiddo. Sa gawing kanluran ay matatanaw mo ang Bundok Carmelo, na kung saan ginanap ni Elias ang pagsubok sa pamamagitan ng apoy. (1 Hari, kabanata 18) Buhat sa Tabor ay matatanaw mo rin kung saan ang ilog Kishon ay umaagos patungo sa dagat, at mga walong kilometro sa gawing kanluran hilagang-kanluran sa mga burol ng Galilea sa dakong ibaba ay naroroon ang Nazaret.

Ngunit anong pangyayari sa Bibliya ang naaalaala mo pagka binanggit ang Tabor? Malamang na yaong pangyayari tungkol kay Debora at kay Barak. Sa panahon nila, ang Israel ay 20 taon na sinupil ng mga Cananeo sa ilalim ni Haring Jabin ng Hazor. Nang magkagayo’y pinukaw ni propetisa Debora si Barak upang kumilos. Ito naman ang pumukaw sa sampung libong mga Israelita, karamiha’y sa tribo nina Naftali at Zebulun sa Galilea, at sila’y tinipon sa Tabor. Hindi sila gaanong armado, sapagkat walang isa mang kalasag o sibat sa Israel.​—Hukom 5:7-17.

Isang kasindak-sindak na hukbong panlaban ang bumangon laban sa kanila. Ang heneral ni Jabin na si Sisera ang nanguna sa lubos na armadong mga mandirigmang Cananeo hanggang sa Libis ng Jezreel. Marahil ay nahahawig sila sa armadong mga lalaki na makikitang nakalarawan sa pader sa Ehipto na makikita sa susunod na pahina, sa gawing itaas sa kanan. Ang mga armas-pandigma ng Ehipto ang may impluwensiya sa mga armas na ginamit sa Canaan, kasali na ang lubhang kakila-kilabot na bahagi ng mga armas ni Sisera​—900 karong pandigma!

Ang mga karong Cananeong iyon ay mistulang tumatakbong mga platapormang lumulusob. Marahil ang mga renda ay ipinulupot ng driver sa kaniyang baywang upang maging libre ang kaniyang mga kamay sa paghawak ng mga armas. O dili kaya baka nakapako ang kaniyang isip sa kaniyang umaabanteng mga kabayo samantalang isa namang kasama niya ang gumamit ng armas. Ang mga karo ay may lingkaw na bakal na nakakabit sa palaikitan ng gulong. Sa mga kawal ni Barak na nakatanaw mula sa Tabor, ang pulutong ng mga karo ay marahil waring kasindak-sindak at hindi mapipigil, hindi maigugupo.

Subalit, ipinangako ni Jehova kay Barak: “Akin ngang isusulong sa iyo sa ilog Kishon si Sisera . . . pati ang kaniyang mga karo at ang kaniyang karamihan.” Sa tamang sandali, ang magigiting na mga Israelita ay nagdagsaan sa may tagiliran ng Tabor.​—Hukom 4:1-14.

Ang lalong mahalaga kaysa bentaha lamang ng biglaang pagsalakay ay ang tulong na ibinigay sa Israel ng kanilang makapangyarihang Diyos sa langit. Nang maglaon ay umawit si Debora: “Ang mga bituin ay nakipaglaban mula sa langit, sa kanilang paglakad sila’y nakipaglaban kay Sisera. Tinangay sila ng ilog Kishon . . . Oh kaluluwa ko, lumakad kang may lakas.” (Hukom 5:20, 21) Oo, bagaman ang may kakaunting armas ngunit matatapang na mga Israelita ang nagtaboy sa armadong mga Cananeo upang tumakas, ang Diyos ang talagang may kagagawan ng tagumpay. Kaniyang pinapangyari ang biglang pagdagsa ng tubig ng ilog sa tuyong lunas nito, anupa’t hindi nakatakbo ang nabiglang mga karo.

Sa ibaba ay makikita mo ang isang bahagi ng ilog Kishon. Kung tag-ulan, umaapaw ang pangpang nito at ang lugar na iyon ay nagiging isang latian. Gunigunihin mo ang mga karong pandigma ng mga Cananeo na nagpupumiglas upang makaahon sa gayong putikan. Ang nagngangalit na tubig ang tumangay sa tumatakas na mga kawal o mga karo, o kapuwa. Ang kaniyang karo ay naging abandonado ni Heneral Sisera, na tumakas nang lakád buhat sa larangan ng labanan bilang isang tagumpay pa rin ng Israel. Pagkatapos na siya (si Sisera) ay kumanlong sa tolda ng babaing si Jael, ito’y nag-antabay sa isang mainam na panahon at nang magkagayo’y pinatay niya ang kaaway na ito.​—Hukom 4:17-22.

Sa gayon, isang mahalaga at matagumpay na kabanata sa kasaysayan ng Israel ang nahayag sa harapan ni Debora at sa mga iba pa na marahil ay nagmamasid buhat sa taluktok ng Bundok Tabor.

[Talababa]

a Tingnan ang mapa at ang malaki, malinaw na larawan ng Tabor sa 1990 Calendar of Jehovah’s Witnesses.

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share