Katiwasayan sa Buong-Lupa—Papaano?
GUNIGUNIHIN ang pamumuhay mo sa isang lupa na walang panganib at paghihikahos. Iyan ang ibig sabihin ng katiwasayan na pambuong-lupa. Iyan ba ay isang pangarap lamang?
Hindi. Isaalang-alang ang mga araw ng sinaunang Haring Solomon. Tungkol sa kaniyang matalinong pamamahala, ang Bibliya’y nagsasabi: “Ang Juda at ang Israel ay patuloy na nagsitahang tiwasay, na bawat tao sa ilalim ng kaniyang punò ng ubas at sa ilalim ng kaniyang punò ng igos . . . sa lahat ng kaarawan ni Solomon.”—1 Hari 4:25.
Isang Aral Buhat sa Paghahari ni Solomon
Ang pambihirang mga paglalahad ng Bibliya, tulad ng binanggit sa itaas, ay pinagkikibit-balikat ng mga walang pananampalataya bilang isang pagmamalabis. Kung gayon, marahil ay may magtatanong: ‘Papaano ko matitiyak na ang paghahari ni Solomon ay hindi isang alamat lamang?’ Di-tuwirang ebidensiya buhat sa mga arkeologo ang inihaharap kasunod ng artikulong ito. Mangyari pa, ang pinakamagaling na ebidensiya ng pagiging totoo ng paghahari ni Solomon ay ang bagay na ito’y nakasulat sa di-nagkakamaling Salita ng Diyos na buháy, si Jehova.—Juan 17:17; 1 Pedro 1:24, 25.
Ang lihim ng katiwasayan na tinamasa sa ilalim ng paghahari ni Solomon ay nasa pagkakapit ng matuwid na mga batas ni Jehova. Bago ang mga Israelita ay pumasok sa Lupang Pangako, sinabi ng Diyos: ‘Kung kayo’y patuloy na lalakad ayon sa aking mga palatuntunan at susunod sa aking mga utos, ang lupain ay magbibigay nga ng kaniyang bunga. At kayo’y tatahang tiwasay sa inyong lupain. At magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, na walang katatakutan.’—Levitico 26:3-6.
Nakalulungkot sabihin, pagkamatay ni Solomon ang mga Israelita ay huminto na ng pagsunod kay Jehova; sila’y bumaling sa pagsamba sa mga diyus-diyusan at sa karumal-dumal na pagsamba sa sekso. Kaya naman, nawala ang kanilang katiwasayan, at ang lupain ay nilusob ni Faraon Shishak ng Ehipto. (1 Hari 14:21-26) “Inyo akong pinabayaan, kaya’t iiwan ko naman kayo sa kamay ni Shishak,” ang paliwanag ni Jehova sa isang kapulungan ng mga pinunò sa Jerusalem.—2 Cronica 12:5.
May Isa na Lalong-dakila Kaysa kay Solomon
Pinatotohanan ni Jesu-Kristo ang isang makasaysayang katotohanan tungkol kay Solomon at sa “lahat ng kaniyang kaluwalhatian.” (Mateo 6:29) Ngunit kung tungkol sa kaniyang sarili, sinabi ni Jesus: “Narito! isang lalong dakila kaysa kay Solomon ang narito.” (Mateo 12:42) Ano ba ang ibig niyang sabihin? Ang katiwasayan na tinatamasa sa ilalim ng paghahari ni Solomon ay may hangganan. Ang haring tao na iyon ay walang kapangyarihang magpalaya sa kaniyang mga sakop buhat sa sakit, kasalanan, at kamatayan. Ngunit, itinuro ni Jesus sa makasalanang mga tao kung papaano sila makapagtatamo ng sakdal na buhay sa walang-hanggang katiwasayan.—Juan 10:10; 13:34, 35; 17:3.
Ang saligan ng pagtatamo ng gayong lubos na katiwasayan ay itinatag ng kamatayan at ng pagkabuhay-muli ni Jesus. (Juan 3:16; 1 Corinto 15:20) Buhat sa kanan ng Diyos sa langit, sa madaling panahon ay magdadala siya ng pambuong-lupang katiwasayan sa lahat ng paiilalim sa kaniyang paghahari. Ang sinaunang si Haring David ay kinasihan na sumulat tungkol dito sa malatulang ika-72 Awit 72. Ang mga salitang ito ay nagkaroon ng maliit na katuparan noong naghahari ang anak ni David, kaya ang pamagat nito ay “Tungkol kay Solomon.” Ngunit ang malaking katuparan ay tungkol sa pang-Kahariang pamamahala ng Lalong-dakilang Solomon, si Jesu-Kristo.
Sang-ayon sa Awit 72:7, 8, ang katiwasayan na tatamasahin sa ilalim ng paghahari ni Kristo ay pambuong-lupa at walang-hanggan. “Sa kaniyang kaarawan ang matuwid ay mamumukadkad, at ang saganang kapayapaan hanggang sa wala nang buwan. At siya’y magkakaroon ng mga sakop mula sa dagat hanggang sa dagat at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa.”—Ihambing ang Zacarias 9:9, 10.
Ang mga sakop ng paghahari ni Kristo ay magtatamasa rin ng kalayaan buhat sa kakapusan, sapagkat ang Awit 72:16 ay nagbibigay sa atin ng kasiguruhan: “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay magkakaroon ng sagana.” Natural, mawawala na rin ang pagtatangi-tangi, paniniil, at karahasan. “Sapagkat kaniyang ililigtas ang dukhang humihingi ng tulong, pati ang napipighati at sinuman na walang katulong. Ang kanilang kaluluwa ay tutubusin niya sa kapighatian at sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”—Awit 72:12, 14.
Tulad noong kaarawan ni Haring Solomon, ang saligan ng gayong katiwasayan sa buong lupa ay ang matalinong pagkakapit sa pansansinukob na mga batas ni Jehova. Ito’y magiging kasagutan sa makahulang kahilingan ni David: “Oh Diyos, ibigay mo sa hari ang iyong sariling mga ipinasiyang kahatulan . . . Hatulan niya ang mga napipighati sa bayan, iligtas niya ang mga anak ng dukha, at pagdurug-durugin niya ang mang-aapi.”—Awit 72:1, 4.
Kumusta Naman ang Ating Kasalukuyang Pangangailangan?
‘Lahat na iyan ay maganda,’ baka sabihin ninuman, ‘pero ang kailangan ko’y pisikal na katiwasayan ngayon.’ Totoo naman, ang mga Kristiyano ay sumasailalim pa rin ng walang katiwasayang mga kalagayan na sumasalot sa sangkatauhan—krimen, sakit, natural na mga kapahamakan, katandaan, at kamatayan. Gayunman, ang karanasan sa buong lupa ay nagpapakita na kung may kaalaman sila sa Bibliya, sila’y lalong nakahaharap nang matagumpay sa gayong mga kalagayan. (Kawikaan 15:1; 22:3) At, sila’y may kasiyahan ng pagkakaroon ng isang maaasahang pag-asa. Isang bagong nag-aaral ng Bibliya buhat sa palasak-ang-krimeng arabál ng Johannesburg, Timog Aprika, ang nagpaliwanag ng isang paraan na naitulong sa kaniya ng Kasulatan: “Ngayon alam ko nang ang krimen ay hindi mamamalagi; ito’y pansamantala lamang.”
Oo, may pag-asa kahit na yaong mga nangamatay na mga biktima ng karahasan ng mga kriminal. “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay,” ang pangako ni Jesus, at pagkatapos ay isinusog niya: “Ang sumasampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay.”—Juan 11:25.
Upang tamasahin ang gayong pagkadama ng katiwasayan, kailangan mo ang matibay na pananampalataya na nanggagaling sa pag-aaral ng Salita ni Jehova. Sa pamamagitan ng araw-araw na pagsasaayos ng panahon upang pag-aralan ang Bibliya, mararanasan mo ang katuparan ng kahanga-hangang pangakong ito: “Ngunit ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay at tatahimik na walang takot sa kasamaan.”—Kawikaan 1:33; 2:21, 22.
[Kahon sa pahina 6]
“Sa ilalim ni Solomon, ang materyal na kultura ng mga Israelita ay sumulong nang higit sa loob ng tatlumpong taon kaysa nagawang pagsulong nito noong naunang dalawang daang taon. Ating makikita sa nahukay na mga lugar noong panahon ni Solomon ang labí ng pagkalalaking mga konstruksiyon, mga dakilang lunsod na may pagkatitibay na mga pader, ang biglang paglitaw ng maraming bahay na tirahan na may mainam-ang-pagkatayong mga pulutong ng mga tahanan ng mga nakaririwasa, isang biglang paglundag sa kahusayan ng teknolohiya ng magpapalayok at ng kaniyang mga pamamaraan sa paggawa ng produkto. Masusumpungan din natin ang mga labí ng mga bagay na kumakatawan sa mga kalakal na gawa sa malalayong lugar, palatandaan ng maunlad na komersiyo at kalakalan na pandaigdig.”—The House Of David, ni Jerry M. Landay.
[Picture Credit Line sa pahina 5]
NASA photo