Ang Ating Kayamanan, Isang Modernong-Panahong Ministeryo ng Kaluwalhatian
“Taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ang kapangyarihang higit kaysa karaniwan ay maging mula sa Diyos at hindi mula sa aming sarili.”—2 CORINTO 4:7.
1. (a) Anong maluwalhating kayamanan ang maaari nating taglayin, at bakit? (b) Papaano isinasaysay ng Bibliya ang pagkabigay sa Kautusang Mosaiko?
ANG ministeryo ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa panahon ng kawakasan ng sistema ng mga bagay ay tunay na isang kayamanan, isang pag-aaring pagkahala-halaga. Dahil sa si Jehova’y isang Diyos ng kaluwalhatian, ang paglilingkod sa Diyos ay isang ministeryo ng kaluwalhatian, samakatuwid nga ay isang kayamanan. (Mateo 24:14; 2 Corinto 3:18–4:1) Tungkol sa maluwalhating pagkabigay sa Kautusang Mosaiko, nasusulat sa Exodo 34:29, 30: “At nangyari nang bumaba si Moises sa Bundok ng Sinai na dalawang tapyas ng Patotoo ang nasa kamay ni Moises nang siya’y bumaba sa bundok, at hindi nalalaman ni Moises na ang balat ng kaniyang mukha ay nagliliwanag dahil sa pakikipag-usap niya kay [Jehova]. At nang makita ni Aaron at ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises, narito! ang balat ng kaniyang mukha ay nagliliwanag at sila’y natakot na lumapit sa kaniya.”
2. Ano ang inilarawan ng paglilingkod na iniutos ng Kautusang Mosaiko, at bakit itong huling ministeryo ay lalong maluwalhati?
2 Ang mga Exo 34 talatang 32 hanggang 34 ay nagsususog: “At pagkatapos, ang lahat ng mga anak ni Israel ay lumapit sa kaniya, at kaniyang ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng utos ang lahat ng salita ni Jehova na sinalita sa kaniya sa Bundok ng Sinai. At pagkapagsalita sa kanila ni Moises, siya’y naglagay ng isang lambong sa kaniyang mukha. Datapuwat pagka si Moises ay pumapasok sa harap ni Jehova upang makipag-usap sa kaniya, siya’y nag-aalis ng lambong hanggang siya’y makalabas.” Ang paglilingkod ng Kautusang Mosaiko ay lumarawan sa ministeryo ng bagong tipan na ginawa ng Tagapamagitan, si Jesu-Kristo. Samakatuwid, kung ang unang ministeryo ay maluwalhati, gaano pa kayang higit na maluwalhati itong huli, “ang pangangasiwa ng espiritu”! (2 Corinto 3:7-11) Ito’y lalong maluwalhati sapagkat mayroon itong kaluwalhatian na namamalagi, at ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay may bahagi rito.—Roma 12:11.
3. (a) Ano ang totoo tungkol sa ministeryo ng mga Saksi ni Jehova, ngunit bakit ito hindi nakikita ng maraming tao? (b) Ano ang nagpatunay na si Moises ay nanggaling sa maluwalhating presensiya ni Jehova?
3 Samakatuwid, masasabi na ang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova ay maluwalhati. Gayunman, ito ay hindi nakikita ng maraming tao na binulag ng huwad na relihiyon. Bagaman marami ang may Bibliya at marahil ay nagbabasa nito, sila’y walang ‘mga matang nakakakita.’ (2 Pedro 1:5-9) Upang ang lambong ay maalis sa harap ng kanilang mga mata, sila’y kailangang bumaling sa Diyos na Jehova sa pananampalataya, sapagkat nang si Moises ay pumaroon sa harap ng presensiya ni Jehova, kaniyang inalis ang lambong na nagtatakip ng kaniyang mukha buhat sa mga Judio. (2 Corinto 3:16) Ang mga Israelita ay nangangambang makita nila ang kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ng kanilang tagapamagitan at kanilang hiniling na iyon ay lambungan upang huwag makita ng kanilang mga mata. Kung papaanong ang isang sustansiyang phosphorescent na napahantad sa liwanag ay nagliliwanag sa kadiliman, gayon si Moises, ang kanilang tagapamagitan, na nagpapasikat din ng kaluwalhatian ni Jehova, nagpapatunay na siya’y nanggaling sa harap ni Jehova.
4. Papaanong ang di-sumasampalatayang mga tao ngayon ay tumutulad sa mga Judio noong una, ngunit ano ba ang hindi pinangangambahan ng mga tagasunod ng Lalong-dakilang Moises?
4 Si Moises ay anino ng dakilang Propeta ng Diyos, si Jesu-Kristo. Tulad ng kaniyang katipo, ang Lalong-dakilang Moises na ito ay hindi nangangamba na tuwirang magmasid sa kaluwalhatian ni Jehova. Subalit, hanggang sa araw na ito ang di-sumasampalatayang mga tao na binulag ng Diyablo at ng kaniyang maka-Babilonyang relihiyon ay tumutulad sa mga Judio noong una at tumatangging makita, o maintindihan, ang kaluwalhatian ng Lalong-dakilang Moises, si Jesu-Kristo. (2 Corinto 3:12-15) Gayunman, ang kaniyang mga tunay na tagasunod ay hindi nangangambang masdan ang sinag ng kaluwalhatian ni Jehova na sumisikat buhat sa mukha ni Jesu-Kristo. Palibhasa’y nakalaya buhat sa impluwensiyang maka-Babilonya, sila’y may tibay ng loob na itanghal ang kaluwahatian ng Diyos. “Kung gayon,” isinulat ni Pablo, “yamang taglay natin ang gayong pag-asa, tayo’y gumagamit ng malawak na kalayaang magsalita.”—2 Corinto 3:12.
Mga Tagapagpasikat ng Kaluwalhatian ng Diyos
5. Papaano natin pasisikatin ang kaluwalhatian ng Diyos at tayo’y matutulad kay Moises nang nasa taluktok ng bundok sa presensiya ni Jehova?
5 Inalis ni Jesu-Kristo ang lambong sa pamamagitan ng pagsisiwalat at pagpapakilala sa atin ng Diyos na Jehova. (Juan 1:14, 17, 18) Kaya’t tayo’y kailangang sumikat, at sa gayo’y sumikat ang kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng “maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos,” na kailangan nating ihayag. Ang kaningningan nito ay “ang maluwalhating kaalaman sa Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Kristo.” Kailangang pasikatin natin ang kaluwalhatiang ito sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa kaluwalhatian ni Jehova at sa kaluwalhatian ng kaniyang Kaharian sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (2 Corinto 4:4-6) Tulad ni Moises sa taluktok ng bundok sa presensiya ni Jehova, ang Kaniyang mga Saksi sa lupa ay hindi naglalambong sa kanilang mga puso buhat sa kaluwalhatian ni Jehova. Kanilang hinahangaan ang kaluwalhatian na nababanaag sa mukha ng Anak at Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo. Kaya naman, kailangang pasikatin nila sa iba ang liwanag tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos.
6. Papaano inilalarawan ni Pablo ang ating ministeryo ng kaluwalhatian sa 2 Corinto 3:18, at sa papaano tayo kung gayon “nababago”?
6 Sa lahat ng mga kapuwa saksi sa kaluwalhatian ni Jehova, iyon ay inilalarawan ni apostol Pablo sa mga salitang ito: “At tayong lahat, na walang lambong ang mukha na tumitinging gaya ng sa isang salamin sa kaluwalhatian ni Jehova, ay nababago tayo sa gayon ding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian, na gaya ng ginagawa ni Jehova na espiritu.” (2 Corinto 3:18) Mientras higit na kaningningan ng liwanag na ito ang ating tinatanggap, lalong malaking bahagi nito ang kailangang pasikatin natin, at sa ganoo’y lalo tayong nababago. Ang mga isip ay muling nagiging bago at naiaayos, bagaman maaaring sa katawan o sa mukha ay walang nahahalatang mga pagbabago. Ang liwanag ng maluwalhating mensahe na ating pinasisikat ang lumilikha ng pagbabago sa atin. Ang ating mga buhay ay nababago upang maging katulad ng kay Kristo, samantalang ginagampanan natin ang pribilehiyo ng paglilingkod sa pagpapalaganap sa iba ng maluwalhating liwanag na ito.—Hebreo 13:15.
7. Saan nanggagaling ang tunay na kaluwalhatian, at papaano natin maipahahayag ang gayong kaluwalhatian?
7 Lahat ng gayong pagbabago ay dahilan sa espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos. Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay hindi makikitaan ng kaluwalhatian ng Diyos na Jehova kundi sila’y kailangan pang magkunwari upang lumikha ng isang panoorin. Ang kaluwalhatian ay hindi para sa atin, at hindi naman kailangang gumayak pa tayo ng relihiyosong mararangyang kasuotang seda, may palamuting ginto, at kumikislap na mga alahas. Ang tunay na kaluwalhatian ay nanggagaling sa espiritu at ipinahahayag sa maluwalhating pagpapatotoo tungkol kay Jehova na Espiritu.
Lahat ay May Pribilehiyo ng Pagdadala-ng-Liwanag
8, 9. Anong pampatibay-loob ang ibinibigay ni Pablo sa atin sa 2 Corinto 4:1, 2, at anong matibay na pasiya ang kailangang gawin natin?
8 Sa 2 Corinto 4:1, 2, ay mababasa natin: “Kaya nga, yamang taglay namin ang ministeryong ito ayon sa awa na ipinakita sa amin, kami’y hindi sumusuko; kundi itinakuwil namin ang pailalim na mga bagay na dapat ikahiya, na hindi kami nagsisilakad sa katusuhan, ni hinahaluan man ng daya ang salita ng Diyos, kundi sa pagpapahayag ng katotohanan ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa harapan ng Diyos.” Tayo’y kinaaawaan ng Diyos kung kaya’t inatasan tayo ng ganitong ministeryo. Ito’y isang paalaala ng pampatibay-loob sa atin upang tayo’y patuloy na maglakas-loob, at ito’y gagawin natin! Yamang tayo’y pinagkalooban ng liwanag buhat sa Salita ng Diyos, tayo’y obligado na pasikatin ito upang maibahagi sa iba.—Ihambing ang Mateo 5:14-16.
9 Ang mga bagay na ikinahihiya ng mga tao, tulad baga ng pandaraya, ay kanilang ikinukubli sa pamamagitan ng katusuhan at panlilinlang. Ngunit tayo’y walang dahilan na dapat ikahiya sapagkat ang ating mensahe at gawain ay hindi pandaraya kundi matuwid at tunay. Kung gayon, maaari nating pasikatin ang buong kaningningan ng liwanag. Hindi natin ginagamitan ng daya ang paggamit ng Salita ng Diyos. Ang paggawa ng gayon ay mangangahulugan na ginagamit ito nang may pag-iimbot ukol sa sariling kapakinabangan, kaluwalhatian, bentaha, at makasanlibutang kapangyarihan at upang maiwasan ang pananalansang at pag-uusig buhat sa sanlibutan. Yaong mga hindi nangangambang lumapit kay Jehova nang di-nalalambungan ang mukha at masdan ang maningning na liwanag ng katotohanan ay hindi rin naman mangangambang harapin ang kanilang pananagutan. Kanilang hahayaang ang liwanag ay sumikat buhat sa kanila.
10. Bakit hindi kasalanan ng mga Saksi ni Jehova kung ang mabuting balita ng Kaharian ay nalalambungan pa sa paningin ng mga ibang tao?
10 Kung ang mabuting balita ng Kaharian ay nalalambungan pa sa paningin ninuman, hindi iyon kasalanan ng mga Saksi ni Jehova kundi kanilang sariling kasalanan. Ang mabuting balita ng Kaharian ay hindi itinatago. Ang pambuong daigdig na gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala. Kaya naman, kanilang masasabi ang gaya ng sinabi ni apostol Pablo: “Ang bagay na ito ay hindi ginawa sa isang sulok.” Oo, gaya ng kaniyang isinulat, ang mabuting balita ay “naipangaral na sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.”—Gawa 26:26; Colosas 1:23.
11. Bakit ang maluwalhating mabuting balita ay nalalambungan sa gitna ng napakaraming tao?
11 Ang mga taong sa kanila’y natatalukbungan pa ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay mga mananalansang, yaong mga binulag ng Diyablo. (Ihambing ang Mateo 12:30.) Maliban sa sila’y umalpas sa huwad na relihiyon at sa mga silo ng Diyablo, sila’y nakahanay na puksain. Sa ilalim ng impluwensiya ng mga demonyo, ang gayong mga tao ay naglalagay ng talukbong sa kanila mismong sariling mga mata, sapagkat si apostol Pablo ay nagsasabi sa 2 Corinto 4:3-5: “Kung ngayon, ang mabuting balitang aming inihahayag ay natatalukbungan pa, ito’y may talukbong sa mga napapahamak, na binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga isip ng mga di-sumasampalataya, upang sa kanila’y huwag sumikat ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos. Sapagkat aming ipinangangaral, hindi ang aming sarili, kundi si Kristo Jesus bilang Panginoon, at kami ay gaya ng inyong mga alipin alang-alang kay Jesus.”
12. Ibang-iba sa mga taong nabubulagan ang isip, papaano tumutugon ang mga lingkod ni Jehova sa mga salita sa 2 Corinto 4:6?
12 Ang mga taong nabubulagan ang isip ay ayaw na sumampalataya. Ang kanilang di-pagsampalataya ay nagbubukas ng kanilang isip sa pananalakay ng mga demonyo. (1 Timoteo 4:1) Hindi nila makita ang kaluwalhatian ni Jehova o ang kaningningan nito na nababanaag kay Jesus, ang Lalong-dakilang Moises. Ang maningning na liwanag na ito ay nasasagap ng bayan ni Jehova buhat sa Bibliya at kanilang pinasisikat naman ito sa iba. Samakatuwid lahat ng mga lingkod ng Diyos ay mga tagapagdala-ng-liwanag, at iniutos ng Diyos na sumikat ang liwanag. Ang liwanag ay kailangang sumikat buhat sa bayan ng Diyos at pinakikislap upang makarating sa iba na mga nasa kadiliman at nanganganib na mapuksa. Ganito mismo ang pagkasabi ng 2 Corinto 4:6: “Sapagkat ang Diyos ang nagsabi: ‘Magningning ang ilaw sa kadiliman,’ at siya’y sumikat sa ating mga puso upang magbigay ng liwanag ng maluwalhating pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Kristo.” Sa liwanag nito, sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang banal na utos at ang kanilang ilaw ay pinasisikat upang makarating sa iba, sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Maluwalhating Kayamanan sa Marurupok na Sisidlan
13. Ang pagkakaloob ng pinagpalang paglilingkuran na pagiging mga tagapagdala-ng-liwanag sa mga nilalang na tao ay nagbubunga ng ano?
13 Sa di-masayod na dakilang pribilehiyong ito ng paglilingkod, ang unang-unang mahalaga ay patunayan ng mga tagapagdala-ng-liwanag na sila’y karapatdapat magtaglay ng liwanag sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa Diyos. Upang gampanan ang kahanga-hangang pribilehiyong ito ng paglilingkod, ang ginamit ng Diyos ay hindi ang mga banal na anghel, na nagnanasang sila’y makaaninag ng mga bagay na ito, ngunit ang pinagpalang paglilingkurang ito ay kaniyang ipinagkaloob sa mga nilalang na tao. (1 Pedro 1:12) Ito’y kaniyang ginawa sa ikadadakila ng kaniyang sariling kapangyarihan sa gitna ng kahinaan ng tao. Gaya ng sinasabi ng 2 Corinto 4:7: “Gayunman, taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ang kapangyarihang higit kaysa karaniwan ay maging mula sa Diyos at hindi mula sa aming sarili.”
14. (a) Ano ba “ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa”? (b) Bakit si Moises at si Jesu-Kristo ay mga pantas na halimbawa para sa atin kung tungkol sa kayamanan?
14 Ang mga sisidlan noong sinaunang panahon ay kalimitang ginagamit na lalagyan ng mga mahahalagang bagay. Ano ba itong maluwalhating kayamanan na taglay ng mga Saksi ni Jehova sa marurupok, na mga sisidlang-lupa—sila sa kanilang sarili, tulad ng mahihinang nilikha na galing sa alabok ng lupa? Ang kayamanang ito ay hindi lamang ang liwanag na sumikat sa kanilang mga puso. Ito ang ministeryo ng liwanag na iyan, ang ministeryo, o paglilingkod na kailangang gampanan sa kanilang mga katawang-lupa. Ang ministeryo ay ang pagsusugo ng liwanag na pinasikat ng Diyos sa kanilang mga puso. Ang ministeryong ito ay isang mabuting kayamanan yamang ito ay isang mahalagang pribilehiyo ng paglilingkod na ginagampanan sa ngayon hindi lamang ng pinahirang nalabi ng “munting kawan” kundi pati na rin ng “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. (Lucas 12:32; Juan 10:14-16; Apocalipsis 7:9) Si Moises at ang kaniyang kinakatawan (antitipo), si Jesu-Kristo, ay mga pantas na halimbawa para sa atin, upang maipako ang ating mga puso sa kayamanang ito ng banal na paglilingkod, “sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.”—Mateo 6:19-21; Hebreo 11:26.
15, 16. (a) Papaano ipinakikitang ang kapangyarihang higit kaysa karaniwan ay mula sa Diyos at hindi mula sa ating sarili? (b) Bakit lahat ng pananalansang ng sanlibutan ay mabibigo sa pagsisikap na basagin ang mga sisidlang-lupa ng Diyos?
15 Kung gayon, papaanong ang kapangyarihang higit kaysa karaniwan ay ipinakikitang mula sa Diyos at hindi mula sa ating sarili? Sa ganitong paraan: Ang gayong marurupok, mga sisidlang-lupa na tulad na nga natin na gumaganap ng mayamang paglilingkod at pagkasugong ito ay di-karapat-dapat at kung sa ganang sarili natin ay hindi natin kailanman maaaring taglayin ang gayong karangalan. Isa pa, tayong mga Saksi ni Jehova ay sumasailalim ng lahat ng uri ng panggigipit ng kaaway na sumusubok na tayo’y basagin at pasabugin upang tayo’y huwag nang maging karapat-dapat magtaglay ng atas buhat sa Diyos. Sa gayon, tiyak na ang kapangyarihan ng Dakilang Tagapagsugo ang tumutulong sa atin na matiis ang malaking panggigipit na ginagawa ng sanlibutang ito at humawak nang mahigpit sa pagkasugo sa atin at magpatunay na karapat-dapat sa pagpapatuloy ng paglilingkod sa kaniya. Kung gayon, lahat ng pananalansang ng sanlibutan ay mabibigo sa pagsisikap na basagin ang mga sisidlang-lupa ng Diyos at nakawan sila ng mahalagang kayamanan nila, sapagkat nasusulat sa 2 Corinto 4:8-12:
16 “Sa magkabi-kabila ay nagigipit kami, ngunit nakakakilos pa rin kami; kami’y natitilihan, ngunit may paraan pa rin upang makalabas dito; kami’y pinag-uusig, ngunit hindi pinababayaan pagka nasa kagipitan; kami’y inilulugmok, ngunit hindi naman napapahamak. Lagi naming napagtitiisan saanman sa aming katawan ang nakamamatay na tratong ipinaranas kay Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag din naman sa aming katawan. Sapagkat kaming nabubuhay ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay naman ni Jesus ay mahayag sa amin namang may kamatayan. Kaya nga ang kamatayan ay gumagana sa amin, datapuwat ang buhay ay sa inyo [sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian].”
Lubhang Pinahahalagahan ng Malaking Pulutong ang “Kayamanang Ito”
17. Papaano pinahahalagahan ng malaking pulutong ang “kayamanang ito” ng ministeryo ng kaluwalhatian?
17 “Kaya nga ang kamatayan ay gumagana sa amin datapuwat ang buhay ay sa inyo.” Ang pangungusap na ito ay kumakapit sa pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano. Gayunman, marahil ay pag-iisipin tayo nito tungkol sa relasyon ng pinahirang nalabi at ng malaking pulutong ng mga ibang tupa. Batid ng pinahiran na sa wakas ay tatapusin nila sa kamatayan ang kanilang makalupang takbuhin gaya ng naranasan ni Jesus, ngunit sila’y may mga kasamahan na may bahaging kasama nila sa maluwalhating kayamanan ng paglilingkod, upang tumulong sa kanila sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kalakhang bahagi ng gawain ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Tulad ng pinahirang nalabi, ang malaking pulutong ng mga ibang tupa sa ngayon ay nagpapahalaga sa bagay na ang tanging kayamanan na makaliligtas sa maapoy na labanan ng Armagedon at magpapatuloy na di-nasasalanta at di-nasusunog hanggang sa bagong sanlibutan ay itong kayamanang ito ng pinagpalang ministeryo, ang paglilingkod kay Jehovang Diyos at sa kaniyang maluwalhating Hari, si Jesu-Kristo. Ang malaking pulutong ay manghahawakan dito nang buong higpit, “naglilingkod [sa Diyos] na may kabanalan araw at gabi sa kaniyang templo.”—Apocalipsis 7:15.
18. (a) Ano ang malapit nang mangyari sa di-tunay na kaluwalhatian ng sanlibutang ito? (b) Anong “kaluwalhatian” ang tinanggihan ni Jesus, at sa pamamagitan ng paggawa ng ano nakamit niya ang isang lalong mataas na kaluwalhatian?
18 Di na magtatagal, wawakasan ng Diyos ang di-tunay na kaluwalhatian ng kasalukuyang masamang sistemang ito ng mga bagay—isang “kaluwalhatian” na nagpatuloy sapol nang dalhin ni Satanas na Diyablo si Jesus sa mataas na bundok at ipakita sa kaniya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at “ang kaluwalhatian nila.” (Lucas 4:5, 6) Tinanggihan ni Jesus ang iniaalok na kaluwalhatian buhat sa gayong pagmumulan at siya’y nagpatuloy sa pagtataguyod ng landasin ng pagkilos sa lupa na may pagsang-ayon ng Diyos. Sa paggawa ng gayon, siya’y puputungan ng kaluwalhatian na nakahihigit maging sa kaluwalhatian na, bilang ang bugtong na Anak ng Diyos, kaniyang tinatamasa noon sa langit bago niya ginampanan ang pagkaatas sa kaniya sa lupa ayon sa pinanukala ni Jehova.—Juan 5:36; 17:5; Filipos 2:9-11.
19. Anong marangal na pribilehiyo ng paglilingkod ang malapit nang lubusang matupad, at ano ang ating matibay na pasiya sa bagay na ito?
19 Ang inihulang wakas ng maka-Diyablong sistemang ito ng mga bagay ay hindi magaganap hangga’t hindi natatapos ang pagpapatotoo sa Kaharian sa buong lupa bilang isang dakilang tugatog ng gawain ng mga tagasunod ni Jesu-Kristo, ang mga Saksi ni Jehova. (Mateo 24:14) Ang pagpapatotoo sa Kaharian ay nagawa na ngayon nang may pitumpu’t limang taon, at gaya ng ipinakikita ng mga pangyayari sa daigdig sa panahon natin, ang inihulang wakas na iyon ay tiyak na malapit na. Kaya naman, ang marangal na pribilehiyong pakikibahagi sa ministeryo ng maharlika, banal na pamahalaan ay malapit na sa ganap na katuparan. (Mateo, kabanata 24, 25; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21) Ang ating pribilehiyo na makibahagi sa pagbibigay ng pambuong-lupang pagpapatotoo tungkol sa tatag na Kaharian ay tunay na isang maluwalhating kayamanan na lubhang pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova, bilang mga tagasunod ng kaniyang nakaluklok na Anak, si Jesu-Kristo. Sila’y taimtim na naghahangad na makapanghawakan sila rito hanggang sa matapos ang pagpapatotoo sa Kaharian at ang pansansinukob na kalagayan ay pinuputungan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ng kaniyang sariling personal na patotoo sa kaniyang pansansinukob na soberanya.—Zefanias 3:8.
Ano ba ang Iyong mga Sagot?
◻ Bakit ang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova ay isang maluwalhating ministeryo?
◻ Bakit ang mabuting balita ay nalalambungan para sa mga napakarami sa ngayon?
◻ Ano “ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa”?
◻ Bakit ang ginamit ng Diyos ay marurupok, na mga sisidlang-lupa para sa mahalagang paglilingkod sa kaniya?
◻ Papaano pinahahalagahan ng mga lingkod ni Jehova “ang kayamanang ito,” at bakit?
[Larawan sa pahina 17]
Ang kaluwalhatian ng Diyos ay nasisinag sa mukha ni Jesu-Kristo, ang Lalong-dakilang Moises. Ang mga Saksi ni Jehova ay may pribilehiyo na makasagap sa Bibliya ng maluwalhating liwanag ng Diyos at pasikatin iyon sa iba