Mga Pagpapala ang Dulot ng Pagkamapagpatuloy ng Malta
ANG Malta ang islang unang natanaw ni apostol Pablo nang lumubog ang kaniyang sinasakyang barko noong unang siglo C.E. Siya at ang kaniyang mga kasamang manlalakbay ay tinanggap ng mga tagaisla nang “may kagandahang-loob.” Sa katunayan, ang mga taga-Malta ay nagpakita sa mga manlalakbay ng “pambihirang makataong kabaitan.”—Gawa 28:1, 2.
Nang malaunan, ang pangulo sa islang iyon, si Publio, ay tumanggap kay Pablo at sa kaniyang mga kasamahan nang may kabaitan at ‘kinupkop sila nang may kabaitan sa loob ng tatlong araw.’ Nang kumalat ang balita na pinagaling ng apostol ang ama ni Publio sa kaniyang lagnat at disenterya, “ang iba naman ng mga tao sa isla na mga may sakit ay nagsiparoon din sa kaniya at napagaling.” (Gawa 28:7-9) Subalit higit pa riyan ang ginawa ni Pablo. Siya’y naghasik ng mga binhi ng katotohanan sa mga puso ng mga tao, at ang resulta’y maraming pagpapala para sa magandang-loob na mga tagaislang ito. Sa ngayon, ganiyan din ang nangyayari sa Malta. Halikayo at tingnan kung papaano.
Mabuting Balita ang Dala ng mga Bisita
Kung tatanawin buhat sa himpapawid, ang maaliwalas na Malta ay kumikislap na parang isang hiyas na nasa gitna ng bughaw na Mediterraneo. Habang papalapit sa Luga Airport, natatanaw ng isang bisita ang isang lupain na maaliwalas ang sikat ng araw at waring walang gaanong pananim. Paglapag niya sa lupa, kaniyang napag-aalaman na ang labing-isa por labing-anim na kilometrong islang ito ang tahanan ng tinatayang 347,000 mamamayan. Ang mga simboryo at pinaka-taluktok ng maraming mga simbahan at katedral sa Malta ay nagsisiwalat ng relihiyosong kasaysayan nito. Ngunit sa ika-20 siglong ito, papaano nga nakinabang ang mga taga-Malta sa mga pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova?
Isang naglalakbay na tagapangasiwang nagngangalang David ang dumalaw sa tahanan ni Juliana at nakasumpong ng isang masayang pagtanggap sa mensahe ng Kaharian. “Ako’y totoong napikon dahil sa pagsangkot ng simbahan sa pulitika,” ang sabi ni Juliana, “at samakatuwid pinagsumikapan kong masumpungan sa Bibliya ang katotohanan tungkol sa pamahalaan ng Diyos. Pero habang binabasa ko iyon, may mga bagay-bagay na hindi ko kaagad maintindihan. Akalain mo ba naman ang laki ng pagtataka ko nang ang dumalaw na ito sa aming pintuan ay nagtanong kung alam ko kung ano ang Kaharian ng Diyos! Agad-agad, hiniling ko sa kaniya na ipakita sa akin ang sagot sa aking Bibliyang Katoliko. Ganoon nga ang ginawa niya. Nang mismong araw na iyon batid kong nasumpungan ko na ang katotohanan.”
Isang lokal na Saksi ang nagsaayos na makipag-aral ng Bibliya kay Juliana. Nang bumalik si David sa Malta pagkalipas ng anim na buwan, anong gandang sorpresa na siya’y tinanggap ni Juliana sa Kingdom Hall! Hindi na magtatagal at handa na siyang maging isang mamamahayag ng mabuting balita ng Kaharian.
Ang asawa ni Juliana, si Francis, ay naguluhan din naman ang isip sa mga turo ng simbahan. Samantalang dumadalaw sa kaniya nang siya’y nasa ospital, kaniyang nasumpungan na ito’y nakikinig sa tape recording ng mga pahayag pangmadla sa Bibliya na ginaganap sa Kingdom Hall. Nang marinig niya ang isang pagtalakay ng paksa tungkol sa pamilya, napansin ni Francis kung gaano kahusay ang payo buhat sa Bibliya, at bilang resulta, siya’y nagpasiyang magsimulang dumalo sa mga pulong Kristiyano. Hindi nagtagal at nahalata niya ang isang problema na kailangang lutasin. Ano ba iyon?
Sa loob ng mga 20 taon, si Francis ay nagtatrabaho bilang isang croupier sa casino. Ngayon ay natatanto na niya na ang hanapbuhay na may kaugnayan sa pagsusugal ay hindi kasuwato ng mga simulaing Kristiyano na humahatol na masama ang kasakiman at pangangamkam. (Roma 13:9, 10; 1 Corinto 6:9, 10) “Bagaman sa simula ay kulang ako ng pananampalatayang kailangan upang magbago ng aking trabaho,” inamin ni Francis, “ako’y nanalangin upang humingi ng tulong kay Jehova. Sa wakas nakasumpong ako ng mga ibang trabaho na tumulong sa akin upang tustusan ang aking maybahay at anak, si Sandro.” Sa kasalukuyan, si Francis ay naglilingkod bilang isang matanda sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Kaaliwan Buhat sa Kasulatan
May anim na taon nang maligayang nagsasama bilang mag-asawa si Rose at si George nang siya (si George) ay masawi sa isang aksidente. Si Rose ay di-nakasumpong ng kaaliwan sa lahat ng paliwanag ng pari na kinuha ng Diyos si George dahil sa paninibugho sa pag-ibig ni Rose sa kaniyang asawa. Ganiyan na lang ang panlulumo ni Rose na anupa’t siya’y nagbalak na kitlin ang buhay ng kaniyang tatlong anak at pagkatapos ay siya mismo’y magpatiwakal.
Subalit anong laking pagbabago ang sumapit kay Rose nang isang kapitbahay na Saksi na nagngangalang Helen ay magsimulang aralan siya ng Bibliya! Hindi nagtagal at si Rose ay naaliw ng Kasulatan na nagtuturo ng pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Kasabay nito, nagbigay ng pampatibay-loob si Peter, isa pang dumadalaw na tagapangasiwa. Si Rose ay nakinabang nang malaki buhat sa kaniyang mga pahayag tungkol sa pagkabuhay-muli. Palibhasa’y pinasigla ng pag-asang ito, si Rose ay sumama kay Helen sa pagpapatotoo sa madla, at silang dalawa ngayon ay naglilingkod bilang mga regular payunir, o buong-panahong mga mángangarál ng Kaharian.
Pampatibay-Loob na Maging Masigasig
Si Joe ay buhat sa isang malaking pamilya, sapagkat siya’y may 12 kapatid. Palibhasa’y pinatibay-loob ng isang naglalakbay na tagapangasiwa, siya’y masigasig na nagpatotoo sa kaniyang maraming kamag-anak. “Sa pasimula,” aniya, “nabatid ng aking pamilya na ang aking ipinaliliwanag sa kanila buhat sa Bibliya ay makatuwiran. Subalit nang kanilang makita na nagiging interesado ako na maging isang Saksi, sila ay nagbago ng kanilang isip, at lahat sila’y naging laban sa akin—lalo na ang aking ama.” Ang kanila bang pagtratong iyan ay nakapigil sa sigasig ni Joe?
Hindi! Halimbawa, nang ang sanggol ng isa sa kaniyang kapatid na babae ay magkasakit at halos mamamatay na, si Joe ay nagpatotoo sa kaniya, na sinasabi sa kaniya ang tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli. Ngayon ang kaniyang kapatid na babaing ito ay isa nang bautismadong Saksi ni Jehova. Pagkatapos, isa sa nakatatandang kapatid na lalaki ni Joe at ang kaniyang pamilya ay nagpakita ng interes sa katotohanan. Pagkatapos ang kaniyang kuya pati ang pamilya nito ay nanindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos. Samantala, ang ama ni Joe ay patuloy na lalong nagagalit. Nang ang bunsong kapatid na babae ni Joe ay magsimula na rin na mag-aral ng Bibliya, si Joe ay pinalayas ng ama sa tahanan ng pamilya. Hindi napigil si Joe, nang gamitin niya ang lahat ng pagkakataon upang dalawin ang kaniyang mga kamag-anak at kausapin sila tungkol sa mensahe ng Bibliya. Gayunman, ang kaniyang ama ay nagalit din at ang sabi: “Bakit hindi ka makipag-usap sa pari? Siya ang may pinakamalaking kaalaman sa Bibliya!” Tumugon si Joe na nagagalak siyang gawin iyon kung siya’y sasamahan ng kaniyang ama sa pagpunta roon. Ano ba ang kinalabasan ng kanilang pagdalaw?
“Kami’y nagsaayos ng araw at oras,” ang sabi ni Joe, “pero ang ibig ng pari ay maalaman ang paksa na paghahandaan, ipinaliwanag na yamang may pitong taon nang wala siya sa seminaryo, ngayon ay kailangan siyang magsaliksik. . . . Ngunit pagkaraan ng isang linggo, isang buwan, at naging dalawang buwan pa, ang pari ay hindi tumupad sa usapan. Nang makita ito ng aking ama, siya’y nagbago ng kaniyang isip tungkol sa simbahan at unti-unting natalos niya na ang aking natutuhan buhat sa Bibliya ay totoo.” Ang ama ni Joe ay tumanggap din ng katotohanan sa wakas, anupa’t naging 29 ang bilang ng mga miyembro ng kaniyang pamilya na naglilingkod kay Jehova.
Ang Nakatutulong na Payo ay Nagdadala ng mga Pagpapala
Masiglang nagbibida tungkol sa isa pang dumadalaw na tagapangasiwa, isang payunir na ministrong may asawa na nagngangalang Ignatio ang may paliwanag: “Si Paul at ang kaniyang maybahay ay dumating upang makipisan sa amin. Kanilang tinutulungan kaming dalawa sa aming relasyon bilang mag-asawa at pati na rin sa ministeryo sa larangan. Sa tuwina’y kaniyang idiniriin ang kahalagahan ng pangangaral.”
Nagunita ni Ignatio kung ano ang nangyari nang si Paul ay sumama sa mga matatanda sa kongregasyon at sa mga ministeryal na lingkod noong huling dalaw niya. “Nang sabihin ko na ako’y hindi muna makikibahagi sa pangangaral sa umagang iyon upang maghanda ng aking bahagi sa programa sa isang pulong,” ang sabi ni Ignatio, “sinabi ni Paul na siya’y lalabas sa paglilingkod sa larangan gaya ng isinaayos kahit na hindi ko siya masamahan. Kaya naman, aking ipinasiya na sumama na rin. Anong laki ng pagpapala ni Jehova sa aking desisyon! Nang umagang iyon ako’y nakapagpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya, at buhat doon, ngayon ay may anim katao ang nasa katotohanan na.”—Ihambing ang 3 Juan 4.
Pagpapalitan ng Pampatibay-Loob
Tuwing isang naglalakbay na matanda ang dumadalaw sa mga kapuwa Saksi sa Malta, kanilang tinatanggap siya nang may kagandahang-loob at sila’y sabik na makinabang buhat sa kaniyang ibinibigay na pampatibay-loob at payo. (Ihambing ang 3 Juan 5-8.) Kaya naman, parami nang paraming mga taga-Malta ang gumagawa ng matatag na paninindigan sa panig ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Kaharian. Sa katapusan ng 1989 taon ng paglilingkod, 389 nitong magandang-loob na mga tagaisla ang gumawa na ng ganiyan. Ngayon na organisado na sa limang lumalagong kongregasyon (apat sa Malta at isa sa karatig-isla ng Gozo), kanilang lakas-loob na ipinangangaral ang mabuting balita.
Lahat ng naglalakbay na mga tagapangasiwang inatasang dumalaw sa Malta noong nakalipas na mga taon ay may damdamin na gaya ng kay apostol Pablo, na nagsabi sa mga Kristiyano sa Roma: “Nananabik akong makita ko kayo, upang ako’y makapamahagi sa inyo ng kaloob na ukol sa espiritu upang kayo’y tumibay.” Ang kanilang mga pagdalaw ay tunay na nagbunga ng nakagiginhawang “pagpapalitan ng pampatibay-loob.” (Roma 1:11, 12) Bukod dito, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova na pangangaral ng Kaharian ay nagdadala ng saganang espirituwal na mga pagpapala sa mapagpatuloy na mga tao ng Malta.
[Mapa/Mga Larawan sa pahina 24, 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
GOZO
COMINO
Valletta
MALTA
Dagat Mediterraneo
8 km
5 mi