“Maligaya ang mga Mapagpayapa”
NOONG 1901 ang Nobel Prize for Peace, na unang pagkakataon na ipinagkaloob, ay pinaghatian ni Jean-Henri Dunant, pundador ng Red Cross, at ng ekonomistang si Frédéric Passy. Magbuhat noon ito’y naipagkaloob na nang 69 na beses, 55 beses sa 71 iba’t ibang indibiduwal, isahan man o maramihan, at 14 na beses sa 16 na grupo o mga organisasyon. May mga grupong napanalunan ito nang mahigit na isang beses, tulad halimbawa ng International Red Cross Committee (1917, 1944, at 1963) at ng Office of the United Nations High Commissioner for Refugees (1954 at 1981). Maliwanag na dahil sa kakulangan ng karapatdapat tumanggap nito, ang komite para sa Nobel prize ay tumangging magkaloob nito nang 19 na beses.
Gaya ng maguguniguni, karamihan ng mga nanalo ng premyo ay mga estadista, diplomata, o mga taong sa anumang paraan ay may koneksiyon sa pulitika. Ngunit mga peryodista, hurado, sosyologo, ekonomista, at mga repormista ng lipunan ang tumanggap din nito. Maging mga siyentipiko, kabilang na sa kanila si Linus Pauling noong 1962 at si Andrei Sakharov noong 1975, ay tumanggap din ng karangalan tungkol dito, gayundin ang mga lider sa paggawa, lalo na ang napatanyag na si Lech Walesa noong 1983. At noong 1970 ang premyo ay ibinigay sa eksperto sa agrikulturang si Norman E. Borlaug.
Ang unang pinagkalooban ng premyo may kaugnayan sa relihiyon ay ang Swekong Lutheranong arsobispo Nathan Söderblom, hinirang noong 1930. Noong 1946 ang Methodistang lego at ebanghelistang si John R. Mott ay nagtamo ng gantimpala, sinundan noong 1952 ng teologo at pilosopong si Albert Schweitzer at noong 1958 ng Belgian na klerigong si Dominique Georges Pire. Noong 1964 ang napili ay ang lider ng civil rights at ministrong Baptist na si Martin Luther King, Jr.
Subalit sa kalilipas na mga taon, ang relihiyon ay gumaganap ng isang lalong prominenteng bahagi sa paghanap ng daigdig sa kapayapaan. Sa pagsunod sa ganitong kalakaran, tatlo sa huling siyam kataong pinagkalooban ng Nobel Prize for Peace ay mga taong kilala sa relihiyon: ang madreng Katoliko na si Mother Teresa ng Calcutta noong 1979, ang Anglicanong obispong si Desmond Tutu ng Timog Aprika noong 1984, at noong nakalipas na taon ang ipinatapon na Budista ng Tibet na “diyos-hari,” ang Dalai Lama.
Totoo naman na sinabi ni Jesu-Kristo: “Mapapalad ang mga mapagpayapa.” (Mateo 5:9, King James Version) Subalit ang pagsisikap ba ng mga relihiyoso—maging sila’y Katoliko, Protestante, Budista, o iba pa—na magsilbing mga tagapagpayapa sa sanlibutan ay magtatagumpay?
Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang kasalukuyang balakyot na sanlibutang ito na hiwalay sa Diyos ay hindi makararanas kailanman ng namamalaging kapayapaan, isang katotohanan na ang pagsangkot ng relihiyon sa mga gawain ng sanlibutan na may kaugnayan sa kawanggawa, lipunan, at pulitika ay hindi magdudulot ng pagbabago. Sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga kasalukuyang pamahalaan upang halinhan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo Jesus, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” di na magtatagal at pagpapalain ng Maylikha ang sumasampalatayang sangkatauhan upang magtamasa ng kapayapaan.—Isaias 9:6, 7; 57:21; Awit 46:9; Daniel 2:44.
Ang mapagpayapang mga tao na kumikilala sa katotohanang ito at nagbabago ng kanilang pamumuhay sa ikabubuti ay magiging maligaya nga. Gaya ng pagkasalin ng New World Translation sa mga salita ni Jesus: “Maligaya ang mga mapagpayapa.”