Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pagtatamasa ng Matalik na Kaugnayan
KASUNOD ng alaalang hapunan, si Jesus ay nagpapatibay-loob sa kaniyang mga apostol sa isang impormal na puso-sa-pusong usapan. Maaaring noon ay lampas na ang hatinggabi. Kaya sinabi ni Jesus: “Magsitindig kayo, at magsialis tayo rito.” Gayunman, bago sila umalis, si Jesus, dahil sa kaniyang pag-ibig sa kanila, ay nagpatuloy nang pagsasalita, nagbigay ng isang nagpapasiglang ilustrasyon.
“Ako ang tunay na punò ng ubas, at ang aking Ama ang magsasaka,” ang pagpapasimula niya. Ang Dakilang Magsasaka, si Jehovang Diyos, ang nagtanim ng simbolikong punong-ubas na ito nang kaniyang pahiran si Jesus ng banal na espiritu sa kaniyang bautismo noong taglagas ng 29 C.E. Ngunit nagpatuloy si Jesus sa pagpapakita na ang punò ng ubas ay hindi lamang sa kaniya sumasagisag, na nagsasabi:
“Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya, at bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga. . . . Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa punò, gayundin naman na hindi kayo makapamumunga, kung hindi kayo mananatili sa akin. Ako ang punong-ubas, kayo ang mga sanga.”
Noong Pentecostes, makalipas ang 51 araw, ang mga apostol at ang mga iba pa ay naging mga sanga ng punong-ubas nang ibuhos sa kanila ang banal na espiritu. Sa wakas, 144,000 ang magiging sanga ng makasagisag na punong-ubas. Kasama ng pinaka-punò, si Jesu-Kristo, ang mga ito ay bumubuo ng makasagisag na punong-ubas na nagsisibol ng mga bunga ng Kaharian ng Diyos.
Ipinaliliwanag ni Jesus ang pinaka-susi sa pamumunga: “Ang nananatili sa akin, at ako sa kaniya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.” Subalit, kung ang isang tao’y hindi namumunga, ani Jesus, “siya’y itinatapon sa labas gaya ng sanga at matutuyo; at ang gayong mga sanga ay tinitipon ng mga tao at inihahagis sa apoy at nasusunog.” Sa kabilang panig, ipinangangako ni Jesus: “Kung kayo’y magsipanatili sa akin at ang mga salita ko’y magsipanatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong ibigin at gagawin sa inyo.”
Ipinagpatuloy ni Jesus na ipakita sa kaniyang mga apostol kung ano ang lumuluwalhati sa Ama, samakatuwid nga, “na kayo’y patuloy na magbunga nang marami at patunayang kayo’y mga alagad ko.” Ang bungang ninanais ng Diyos buhat sa mga sanga ay ang kanilang pagpapakita ng tulad-Kristong katangian, lalo na ang pag-ibig. Isa pa, yamang si Kristo’y isang tagapagbalita ng Kaharian ng Diyos, kasali rin sa ninanasang bunga ang kanilang gawaing paggawa ng mga alagad gaya ng ginawa niya.
“Magsipanatili kayo sa aking pag-ibig,” ngayo’y payo ni Jesus. Gayunman, papaano nga magagawa iyan ng kaniyang mga apostol? “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos,” aniya, “kayo’y magsisipanatili sa aking pag-ibig.” Sa pagpapatuloy, ipinaliwanag ni Jesus, “Ito ang aking utos, na kayo’y mangag-ibigan sa isa’t isa gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.”
Sa mga ilang oras na lamang, ipakikita ni Jesus ang nakahihigit na pag-ibig na ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga apostol, at gayundin sa lahat ng mga iba pa na magsasagawa ng pananampalataya sa kaniya. Ang kaniyang halimbawa ay dapat mag-udyok sa kaniyang mga tagasunod na magkaroon ng katulad na mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig sa isa’t isa. Ang pag-ibig na ito ang pagkakakilanlan sa kanila, gaya ng sinabi ni Jesus una pa rito: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”
Sa pagpapakilala kung sino ang kaniyang mga kaibigan, sinabi ni Jesus: “Kayo’y aking mga kaibigan kung gagawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo. Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin, sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng mga bagay na naririnig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.”
Anong mahalagang kaugnayan na taglayin—ang maging matalik na mga kaibigan ni Jesus! Ngunit upang patuloy na tamasahin ang kaugnayang ito, ang kaniyang mga tagasunod ay kailangang “patuloy na magbunga.” Kung gagawin nila iyon, sinabi ni Jesus, “ano man ang inyong hilingin sa Ama sa aking pangalan kaniyang [ibibigay] iyon sa inyo.” Tunay, ito ay isang dakilang gantimpala sa pagsisibol ng bunga ng Kaharian!
Pagkatapos na muling payuhan ang kaniyang mga apostol na “mag-ibigan sa isa’t isa,” ipinaliwanag ni Jesus na sila’y kapopootan ng sanlibutan. Gayunman, kaniyang inaliw sila: “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, inyong talastas na ako muna ang kinapopootan bago kayo.” Pagkatapos ay isiniwalat ni Jesus kung bakit napopoot ang sanlibutan sa kaniyang mga tagasunod, na nagsasabi: “Sapagkat kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.”
Sa pagpapatuloy pa ng dahilan kung bakit napopoot ang sanlibutan, si Jesus ay nagpatuloy pa: “Ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang sa akin ay nagsugo [si Jehovang Diyos].” Ang kahima-himalang mga gawa ni Jesus, sa katunayan, ang humatol sa mga napopoot sa kaniya, gaya ng kaniyang sinabi: “Kung ako sana’y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinumang iba, sila’y hindi sana magkakaroon ng kasalanan; datapuwat ngayon ay kanilang nakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama.” Sa gayon, gaya ng sinabi ni Jesus, ang kasulatan ay natupad: “Ako’y kinapootan nila nang walang kadahilanan.”
Gaya ng ginawa niya mas maaga rito, muli na namang inaliw sila ni Jesus sa pangakong siya’y magsusugo ng katulong, ang banal na espiritu, na siyang mabisang aktibong puwersa ng Diyos. “Ang isang iyan ang magpapatotoo tungkol sa akin; at kayo naman ay magpapatotoo.” Juan 14:31–15:27; 13:3, 35; Galacia 6:16; Awit 35:19; 69:4.
▪ Kailan itinanim ni Jehova ang simbolikong punong-ubas, at kailan at papaano nagiging bahagi ng punong-ubas ang mga iba pa?
▪ Sa wakas, ilan ang nagiging mga sanga ng simbolikong punong-ubas?
▪ Anong bunga ang ibig ng Diyos buhat sa mga sanga?
▪ Papaano tayo magiging mga kaibigan ni Jesus?
▪ Bakit kinapopootan ng sanlibutan ang mga tagasunod ni Jesus?