Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 9/15 p. 26-27
  • “Patuloy na Subukin Kung Kayo ay Nasa Pananampalataya”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Patuloy na Subukin Kung Kayo ay Nasa Pananampalataya”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maglingkod Ukol sa Diyos ng Kaaliwan
  • Pasakdalin ang Kabanalan at Maging Bukas-Palad
  • Si Pablo​—Isang Maalalahaning Apostol
  • Patuloy na Subukin!
  • Aklat ng Bibliya Bilang 47—2 Corinto
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Nilalaman ng 2 Corinto
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Corinto, Mga Liham sa Mga Taga-
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Nilalaman ng 2 Corinto
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 9/15 p. 26-27

“Patuloy na Subukin Kung Kayo ay Nasa Pananampalataya”

Mga Tampok Buhat sa Ikalawang Corinto

SI APOSTOL Pablo ay may pagkabahala tungkol sa mga Kristiyano sa Corinto. Papaano kaya nila mamalasin ang payo na ibinigay sa kanila sa kaniyang unang liham? Siya’y naroroon sa Macedonia nang dumating si Tito taglay ang magandang ulat na pinalungkot ng liham ang mga taga-Corinto hanggang sa sila’y magsisi. Anong laking kagalakan ang idinulot niyaon kay Pablo!​—2 Corinto 7:8-13.

Isinulat ni Pablo ang Ikalawang Corinto buhat sa Macedonia, marahil pagkatapos ng kalagitnaan ng taon noong 55 C.E. Sa liham na ito, kaniyang tinalakay ang mga hakbang upang mapanatiling malinis ang kongregasyon, pinukaw ang pagnanasang makapag-abuloy sa maralitang mga kapananampalataya sa Judea, at ipinagtanggol ang kaniyang pagkaapostol. Ang kalakhang bahagi ng sinabi ni Pablo ay makatutulong sa atin na ‘patuloy na subukin kung tayo ay nasa pananampalataya.’ (13:5) Kaya nga, ano ba ang mapupulot natin sa liham na ito?

Maglingkod Ukol sa Diyos ng Kaaliwan

Ipinakita ng apostol na kung papaanong inaaliw tayo ng Diyos sa lahat ng ating kapighatian, tayo naman ay dapat umaliw sa iba at manalangin ukol sa kanila. (1:1–​2:11) Bagaman si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan ay dumaranas ng sukdulang kagipitan, sila’y sinagip ng Diyos. Gayunman, ang mga taga-Corinto ay makatutulong sa pamamagitan ng mga panalangin ukol sa kanila, gaya kung papaano dapat nating ipanalangin ang iba na nasa tunay na pananampalataya. Ngunit kumusta naman ang lalaking imoral na binanggit sa 1 Corinto kabanata 5? Maliwanag na siya’y itiniwalag ngunit nagsisi. Kaipala’y naaliw siyang mabuti nang siya’y patawarin ng mga taga-Corinto at may pag-ibig na tinanggap siya muli upang makasama nila.

Ang mga salita ni Pablo ay makapagpapasulong pa ng ating pagpapahalaga sa ministeryong Kristiyano, na pinatitibay ang ating paninindigan ukol sa tunay na pananampalataya. (2:12–​6:10) Oo, ang mga ministro ng Bagong Tipan ay may pribilehiyo na mapasama sa “isang parada ng tagumpay” na doon ang Diyos ang nangunguna! Taglay ni Pablo at ng kaniyang mga kamanggagawa ang pinagyamang ministeryo dahilan sa awa na ipinakita sa kanila. Tulad nila, ang kasalukuyang mga pinahiran ay may ministeryo ng pakikipagkasundo. Gayunman, ang iba ay pinayayaman ng lahat ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng kanilang ministeryo.

Pasakdalin ang Kabanalan at Maging Bukas-Palad

Ipinakikita sa atin ni Pablo na kailangang pasakdalin ng mga ministrong Kristiyano ang kabanalan na may takot kay Jehova. (6:11–​7:16) Kung tayo’y maninindigang matibay sa pananampalataya, kailangang iwasan natin ang pakikipamatok nang kabilan sa mga di-kapananampalataya, at maglinis tayo sa karumihan sa laman at sa espiritu. Ang mga taga-Corinto ay gumawa ng mga paglilinis sa pamamagitan ng pagtitiwalag sa nagkasala ng imoralidad, at nagalak si Pablo dahil sa ang kaniyang unang liham ay nagdulot sa kanila ng kalungkutan hanggang sa sila’y magsisi para kamtin ang kaligtasan.

Natutuhan din natin na ang mga ministrong may takot sa Diyos ay ginagantimpalaan sa kanilang pagkabukas-palad. (8:1–​9:15) Tungkol sa mga abuloy para sa dukhang “mga banal,” binanggit ni Pablo ang mainam na halimbawa ng mga taga-Macedonia. Sila’y bukas-palad lampas pa sa kanilang kaya, at sila’y umaasang makikita ang gayunding pagkabukas-palad sa mga taga-Corinto. Ang kanilang pagbibigay​—at ang sa atin​—​ay dapat na galing sa puso, sapagkat “iniibig ng Diyos ang isang masayang nagbibigay” at pinayayaman niya ang kaniyang mga lingkod ukol sa bawat uri ng pagkabukas-palad.

Si Pablo​—Isang Maalalahaning Apostol

Pagka tayo’y may nagawa sa paglilingkuran kay Jehova bilang mga ministro, siya ang ating ipagmalaki, hindi ang ating sarili. (10:1–​12:13) Mangyari pa, tanging sa pamamagitan ng mga sandatang espirituwal na “pinaging makapangyarihan ng Diyos” maibubuwal natin ang maling mga pangangatuwiran. Ang rekord ng nangangalandakang “magagaling na apostol” ng mga taga-Corinto ay hindi maipapantay sa rekord ni Pablo ng pagtitiis bilang isang ministro ni Kristo. Gayunman, upang siya’y huwag labis na mapataas, hindi inalis sa kaniya ng Diyos ang kaniyang “tinik sa laman”​—marahil malabong paningin o yaon ngang mga bulaang apostol. Bagkus ang ipagmamalaki ni Pablo ay ang kaniyang mga kahinaan upang “ang kapangyarihan ng Kristo” ay manatiling lumulukob sa kaniya na gaya ng isang tolda. Bilang isang taong naninindigang matibay sa pananampalataya, siya’y hindi pahúhulí sa magagaling na apostol. Nasaksihan ng mga taga-Corinto ang katunayan ng mga nagawa sa gitna nila ng pagka-apostol ni Pablo “sa pamamagitan ng lahat ng pagtitiis, at ng mga tanda at mga babala at mga makapangyarihang gawa.”

Bilang isang ministro at bilang isang apostol, ang nakaukit sa puso ni Pablo ay ang espirituwal na mga kapakanan ng kapananampalataya, gaya rin ng taglay natin. (12:14–​13:14) Siya’y ‘buong-kagalakang lubusang nagpapakasakit alang-alang sa kanilang mga kaluluwa.’ Ngunit may pangamba si Pablo na pagdating niya sa Corinto, kaniyang daratnan doon ang ilan na hindi nagsisi sa mga gawa ng laman. Kaya naman, siya’y nagpayo sa lahat na patuloy na subukin kung sila’y nasa pananampalataya at nanalangin na sila ay “huwag gumawa ng masama.” Bilang pagtatapos, kaniyang hinimok sila na mangagalak, mapawasto at maaliw, mag-isip na may pagkakaisa, at mamuhay nang may katahimikan. Anong inam na payo para rin sa atin!

Patuloy na Subukin!

Ang ikalawang liham ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Corinto ay nagmumungkahi kung gayon ng iba’t ibang paraan ng patuloy na pagsubok kung tayo ay nasa pananampalataya. Ang kaniyang mga salita ay tunay na dapat pumukaw sa atin na aliwin ang iba, gaya ng Diyos na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian. Ang sinabi ng apostol tungkol sa ministeryong Kristiyano ay dapat pumukaw sa atin na ganapin ito nang buong katapatan samantalang ating pinasasakdal ang kabanalan nang may takot kay Jehova.

Ang pagkakapit ng payo ni Pablo ay maaaring tumulong sa atin na maging lalong bukas-palad at matulungin. Gayunman, ang kaniyang mga salita ay dapat mag-udyok sa atin na ipagmalaki si Jehova, hindi ang ating sarili. Ito’y dapat higit na magpalaki sa ating mapagmahal na pagkabahala tungkol sa ating mga kapananampalataya. At tiyak na ito at ang iba pang mga punto sa Ikalawang Corinto ay makatutulong sa atin na ‘patuloy na subukin kung tayo baga ay nasa pananampalataya.’

[Kahon/Larawan sa pahina 26]

PASIKATIN ANG KALUWALHATIAN NI JEHOVA: Nang bumaba si Moises sa Bundok Sinai dala ang mga tapyas na bato ng Patotoo, ang kaniyang mukha ay nagliliwanag dahil sa pakikipag-usap niya sa Diyos. (Exodo 34:29, 30) Ito’y binanggit ni Pablo at ang sabi: “Tayong lahat, na walang talukbong ang mukha na tumitinging gaya ng sa isang salamin sa kaluwalhatian ni Jehova, ay nababago tungo sa ganoon ding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian, kagayang-kagaya ng mula kay Jehova na Espiritu.” (2 Corinto 3:7-18) Ang sinaunang mga salamin na hinahawakan ay yari sa metal na gaya ng bronse o tanso at pinakikintab na mainam upang maging mabuting panalaminan. Katulad ng mga salamin, ang mga pinahiran ay nagpapasikat ng kaluwalhatian ng Diyos na kanilang pinasisikat buhat kay Jesu-Kristo, na pasulong na ‘bumabago sa kanila sa ganoon ding larawan’ na nagmumula sa pinagmumulan ng kaluwalhatian na Anak ni Jehova. (2 Corinto 4:6; Efeso 5:1) Sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng Kasulatan, sila’y nililikhaan ng Diyos ng “bagong personalidad,” isang kawangis ng kaniyang sariling mga katangian. (Efeso 4:24; Colosas 3:10) Makalangit man o makalupa ang ating pag-asa, ating ipamalas ang personalidad na iyan at pakamahalin ang pribilehiyo ng pagpapasikat ng kaluwalhatian ng Diyos sa ating ministeryo.

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

“MGA SANDATA NG KATUWIRAN”: Ang isang paraan na ginamit ni Pablo at ng kaniyang mga kasama upang irekomenda ang kanilang sarili bilang mga ministro ng Diyos ay “sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanan at sa kaliwa.” (2 Corinto 6:3-7) Ang kanang kamay ay ginamit upang maghawak ng tabak, at ang kaliwa naman ay upang maghawak ng kalasag. Bagaman sinasalakay sa lahat ng panig, si Pablo at ang kaniyang mga kamanggagawa ay armado upang magsagawa ng espirituwal na pakikipagbaka. Iyon ay ginagamit laban sa mga bulaang guro at “magagaling na apostol” upang ang kongregasyon sa Corinto ay huwag maihiwalay sa debosyon kay Kristo. Si Pablo ay hindi gumamit ng mga sandata ng makasalanang laman​—katusuhan, panlilinlang, o pandaraya. (2 Corinto 10:8-10; 11:3, 12-14; 12:11, 16) Bagkus, “ang mga sandata” na ginamit ay matuwid, o makatuwiran, na mga paraan para sa pagtataguyod ng kapakanan ng tunay na pagsamba laban sa lahat ng pananalakay. Ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay gumagamit ng gayong “mga sandata ng katuwiran” sa ganoon ding layunin.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share