Bilang Isang Biyuda, Ako’y Nakasumpong ng Tunay na Kaaliwan
Inilahad ni Lily Arthur
Isang kabataang lalaking ministro ng mga Saksi ni Jehova ang nagbabahay-bahay sa isang panig ng Ootacamund, India. Kaugalian ng mga babae na hindi nagbubukas ng pinto sa gayong isang di-kilala. Makalipas ang mga isang oras, pagod at medyo nasisiraan ng loob, siya’y bumalik na upang umuwi. Subalit siya’y huminto, nakaramdam na medyo nahihikayat na lumapit sa sumunod na bahay. Isaalang-alang ang nangyari, ayon sa paglalahad ng babaing nagbukas sa kaniya ng pinto.
KALONG ko ang aking dalawang-buwang sanggol na babae at ang aking 22-buwang anak na lalaki naman ay nasa tabi ko, nang agad na binuksan ko ang pinto at nakita ko ang isang di-kilalang tao na nakatayo roon. Noon lamang nakalipas na gabi ay lungkot na lungkot ako. Sa paghahanap ko ng kaaliwan, ako’y nanalangin: “Amang nasa langit, aliwin po ninyo ako sa pamamagitan ng inyong Salita.” Bueno, sa aking ikinamangha, ganito ang paliwanag ng estranghero: “Dinadalhan ko kayo ng isang balita ng kaaliwan at pag-asa buhat sa Salita ng Diyos.” Nadama ko na tiyak na siya’y isang propeta na sinugo ng Diyos. Subalit ano bang kalagayan ang dahilan at ako’y nananalangin noon sa Diyos para tulungan ako?
Pagkatuto ng mga Katotohanan ng Bibliya
Ako’y isinilang noong 1922 sa nayon ng Gudalur sa magandang Nilgiri Hills ng timog India. Ang aking ina ay namatay noong ako’y tatlong taóng gulang. Nang malaunan, si Itay, na isang klerigong Prostestante, ay muling nag-asawa. Sa sandaling kami’y matutong magsalita, tinuturuan ni Itay ang aking mga kapatid at ako na manalangin. Sa edad na apat, samantalang sa araw-araw ay nakaupo si Itay sa kaniyang mesa at nagbabasa ng Bibliya, ako naman ay nakalupasay sa sahig at binabasa ko ang aking sariling Bibliya.
Nang ako’y lumaki, ako’y naging isang guro. Pagkatapos, nang ako’y 21 taóng gulang na, isinaayos ng aking ama ang aking pag-aasawa. Kaming mag-asawa ay pinagpala sa pagkakaroon ng isang anak na lalaki, si Sunder, at nang bandang huli ng isang anak na babae, si Rathna. Subalit, halos kasabay ng pagsisilang kay Rathna nagkasakit nang malubha ang aking asawa, at hindi nagtagal ay namatay. Sa edad na 24, ako’y biglang naging isang biyuda na may pananagutan sa dalawang batang anak ko.
Pagkatapos niyan ay isinamo ko sa Diyos na aliwin ako buhat sa kaniyang Salita, at kinabukasan nga ang ministro ng mga Saksi ni Jehova ay dumalaw. Siya’y aking inanyayahan na pumasok at tinanggap ko ang aklat na “Let God Be True.” Nang gabing iyon samantalang binabasa ko ito, patuloy na nakikita ko ang pangalang Jehova, na sa akin ay isang bagay na totoong nakapagtataka. Nang malaunan ang ministro ay bumalik at ipinakita sa akin sa Bibliya na ito ang pangalan ng Diyos.
Hindi nagtagal at napag-alaman ko rin na ang gayong mga turo gaya ng Trinidad at apoy ng impiyerno ay hindi nakasalig sa Bibliya. Kaaliwan at pag-asa ang dumating sa akin nang mapag-alaman ko na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ang lupa ay magiging isang paraiso at ang ating namatay na mga minamahal ay magsisibalik pagsapit ng pagkabuhay-muli. Pinakamahalaga, nagsimula na akong makakilala at umibig sa tunay na Diyos, si Jehova, na duminig ng aking panalangin at tumulong sa akin.
Pamamahagi ng Bagong-Katutuklas na Kaalaman
Nagsimula na akong magtaka kung papaanong hindi ko nabasa ang mga talata sa Bibliya na naroon ang pangalan ng Diyos. At bakit hindi ko nakita sa aking pagbabasa ng Bibliya ang malinaw na pag-asa ng buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso? Ako noon ay nagtuturo sa isang paaralan na ang nangangasiwa ay mga misyonerong Protestante, kaya ipinakita ko sa tagapamanihala ng paaralan ang mga talata sa Bibliya. (Exodo 6:3; Awit 37:29; 83:18; Isaias 11:6-9; Apocalipsis 21:3, 4) Binanggit ko na marahil aming nakaligtaan ang mga iyan. Subalit sa aking pagtataka siya ay waring hindi natutuwa.
Pagkatapos ay sumulat ako sa prinsipal na nasa ibang bayan, na sinisipi ang mga talatang ito sa Bibliya. Ako’y humingi ng pagkakataon na makipag-usap sa kaniya. Siya’y tumugon na ang kaniyang ama, isang kilalang-kilalang klerigo buhat sa Inglatera, ang makikipagtalakayan sa akin ng bagay na iyon. Ang kapatid na lalaki ng prinsipal ay isang prominenteng obispo.
Inihanda ko ang lahat ng mga punto at mga teksto at ang aking aklat na “Let God Be True” at ang aking mga anak ay dinala ko sa sumunod na bayan. Masiglang ipinaliwanag ko kung sino si Jehova, at na walang Trinidad, at ang iba pang mga bagay na aking natutuhan. Sila’y nakinig sandali ngunit hindi nagsalita gaputok man. Pagkatapos ay sinabi ng klerigong taga-Inglatera: “Ipagdarasal kita.” Pagkatapos siya ay nagdasal alang-alang sa akin at pinaalis na ako.
Pagpapatotoo sa Lansangan
Isang araw ang ministro ng mga Saksi ni Jehova ay nag-anyaya sa akin na makibahagi sa pagpapatotoo sa lansangan sa pamamagitan ng nga magasing Bantayan at Gumising! Sinabi ko sa kaniya na iyon ang talagang hindi ko magagawa kailanman. Alam ninyo, sa India iisipin ng mga tao ang pinakamasama tungkol sa isang babae na tatayo sa kalye o magbabahay-bahay. Iyon ay magdadala ng kasiraang-puri sa malinis na pangalan ng isang babae at pati na sa kaniyang pamilya. Yamang lubhang iniibig ko at iginagalang ang aking ama, hindi ko ibig na dulutan siya ng kasiraang-puri.
Subalit ipinakita sa akin ng ministro ang isang talata sa Bibliya na nagsasabi: “Anak ko, magpakadunong ka, at pasayahin mo ang aking puso, upang aking masagot siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11, King James Version) Sinabi niya: “Pasasayahin mo ang puso ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapakita sa madla na ikaw ay nasa panig niya at ng kaniyang Kaharian.” Sa pagnanasa ko na higit sa ano pa man ay pasayahin ang puso ni Jehova, kinuha ko ang bag ng magasin at sumama sa kaniya sa gawaing pagpapatotoo sa lansangan. Kahit na ngayon ay hindi ko maguniguni kung papaano ko nagawa iyon. Iyan ay noong 1946, mga apat na buwan pagkatapos na ako’y matagpuan.
Pinalakas-loob Upang Madaig ang Takot
Noong 1947, tinanggap ko ang isang puwesto sa pagtuturo sa dakong labas ng Madras, sa Silangang baybayin ng India, at ako’y lumipat doon kasama ang aking mga anak. Isang maliit na grupo ng mga walong Saksi ni Jehova ang nagtitipon nang palagian sa bayan. Upang makadalo sa mga pulong na iyon, kami ay kailangang maglakbay ng 16 na milya. Sa India ang mga babae ay karaniwan nang hindi naglalakbay nang mag-isa. Sila’y umasa na isasama sila ng mga lalaki. Hindi ko alam kung papaano sasakay sa bus, kung papaano hihingi ng tiket, kung papaano bababa sa bus, at iba pa. Nadama kong nararapat na akong maglingkod kay Jehova, pero papaano? Kaya’t ako’y nanalangin: “Diyos na Jehova, hindi ako puwedeng mabuhay nang hindi naglilingkod sa iyo. Subalit talagang imposible para sa akin bilang isang babaing Indian na magbahay-bahay.”
Inaasahan kong hahayaan ako ni Jehovang mamatay upang makaalis sa ganitong suliranin. Gayunman, ipinasiya ko na bumasa ng anuman sa Bibliya. Sa hindi sinasadya, nabuklat ko ang aklat ng Jeremias, na kung saan nabasa ko roon: “Huwag mong sabihin, ‘Ako’y isang bata lamang.’ Ngunit sa lahat ng pagsusuguan ko sa iyo, doon ka pupunta; at lahat ng iutos ko sa iyo, iyon ang iyong sasalitain. Huwag kang matakot dahilan sa kanilang mga mukha, sapagkat ‘ako’y sumasaiyo upang iligtas ka.’ ”—Jeremias 1:7, 8.
Nadama ko na talagang kinakausap ako ni Jehova. Kaya’t lumakas ang aking loob at kaagad naparoon ako sa aking makinang panahi at tinahi ko ang isang bag na gagamitin para sa dala kong mga magasin. Pagkatapos ng taimtim na pananalangin, humayo akong mag-isa sa pagbabahay-bahay, naipasakamay ko ang lahat ng aking literatura, at nakapagpasimula pa ako ng isang pag-aaral sa Bibliya nang araw na iyon. Ako’y desididong unahin si Jehova sa aking buhay, at inilagak ko ang aking lubos na pagtitiwala at kompiyansa sa kaniya. Ang pangmadlang pangangaral ay naging isang regular na bahagi ng aking buhay sa kabila ng tinatanggap kong berbalang pangungutya. Sa kabila ng pagsalansang, ang aking ginagawa ay nagkaroon ng matinding impresyon sa iba.
Ito’y napatunayan nang kami ng aking anak na babae ay magbahay-bahay sa Madras maraming mga taon ang nakalipas. Isang maginoong Hindu, isang hukom ng Mataas na Hukuman, na pinagkamalan ang aking edad, ang nagsabi: “Kilala ko na ang mga magasing ito mula’t sapol bago ka pa isinilang! Tatlumpung taon na ang nakalipas isang babae ang palaging nakatayo sa Mount Road at nag-aalok ng mga iyan.” Ang gusto niya ay isang suskripsiyon.
Sa isa namang bahay isang Hindu Brahman, isang retiradong opisyal, ang nag-anyaya sa amin na pumasok at ang sabi: “Maraming, maraming mga taon na ngayon ang lumipas, isang babae ang palaging nag-aalok ng Ang Bantayan sa Mount Road. Kukunin ko ang iniaalok mo sa akin alang-alang sa kaniya.” Ako’y napangiti sapagkat batid ko na ako ang babaing tinutukoy nila.
Pinalakas at Pinagpala
Noon ay Oktubre 1947 nang sagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Noon ay ako lamang ang tanging babaing Saksi na Tamil ang wika sa buong estado, subalit ngayon daan-daang babaing Tamil ang tapat, aktibong mga Saksi ni Jehova.
Pagkatapos na ako’y bautismuhan, ang pananalansang ay nanggaling sa lahat ng panig. Ang aking kapatid na lalaki ay sumulat: “Niyurakan mo na ang lahat ng kagandahang-asal at pagkadisente.” Ako’y tumanggap din ng pananalansang sa paaralan na aking pinagtuturuan at sa komunidad. Subalit lalo akong nangunyapit kay Jehova sa pamamagitan ng patuluyan, taimtim na pananalangin. Kung ako’y nagigising sa hatinggabi, agad kong sisindihan ang ilawang de-gas at mag-aaral ako.
Samantalang ako’y lumalakas, ako’y nasa mas mainam na katayuan na mang-aliw at tumulong sa iba. Isang may edad nang babaing Hindu na aking inaralan ang gumawa ng matatag na paninindigan sa pagsamba kay Jehova. Nang siya’y mamatay, isa pang babae sa sambahayan ang nagsabi: “Ang totoong nagpaligaya sa akin ay ang kaniyang katapatan sa Diyos na kaniyang piniling sambahin hanggang sa kahuli-hulihang sandali.”
Ang isa pang babae na aking inaralan ay hindi ngumiti kailanman. Sa kaniyang mukha ay laging mababakas ang pagkabalisa at kalungkutan. Subalit pagkatapos na turuan ko siya tungkol kay Jehova, aking hinimok siya na manalangin sa kaniya, yamang siya ang nakababatid ng ating mga suliranin at may malasakit siya sa atin. Nang sumunod na linggo ay maaliwalas na ang kaniyang mukha. Iyon ang kauna-unahang pagkakita ko na siya’y nakangiti. “Ako’y nananalangin na kay Jehova,” ang sabi niya, “at ako’y may kapayapaan ng isip at puso.” Siya’y nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova at nananatiling tapat sa kabila ng maraming mga kahirapan.
Pananatiling Timbang sa mga Pananagutan
Sa pagkakaroon ko ng dalawang munting anak na inaasikaso, naisip ko na malamang na hindi ko makamit ang katuparan ng aking hangaring maglingkod kay Jehova nang buong panahon bilang isang payunir. Subalit isang bagong paraan ng paglilingkod ang nabuksan nang mangailangan ng isang magsasalin ng literatura sa Bibliya sa wikang Tamil. Sa tulong ni Jehova nagawa kong gampanan ang atas na iyan at, kasabay niyaon, ako’y nagtatrabaho pa rin bilang isang guro, nag-aasikaso ng mga anak, gumagawa ng trabahong-bahay, dumadalo sa lahat ng pulong, at nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Sa wakas, nang ang aking mga anak ay magkaedad-edad na, ako’y naging isang espesyal payunir, isang pribilehiyo na tinatamasa ko sa nakalipas na 33 taon.
Kahit na sa murang edad ni Sunder at ni Rathna, sinikap kong ituro sa kanila ang pag-ibig kay Jehova at ang pagnanasang laging unahin ang kaniyang mga kapakanan sa lahat ng pitak ng kanilang buhay. Batid nila na ang unang dapat nilang kausapin pagkagising nila ay si Jehova at na Siya ang huling dapat nilang kausapin bago matulog. At batid nila na ang paghahanda para sa mga pulong Kristiyano at paglilingkod sa larangan ay hindi dapat kaligtaan ng dahil sa pampaaralang takdang-aralin sa bahay. Bagaman akin silang hinihimok na gawin ang pinakamagaling na magagawa nila sa kanilang pag-aaral, hindi ko iginigiit na sila’y makakuha ng isang mataas na marka, sapagkat baka iyon ang gawin nilang pinakamahalagang bagay sa kanilang buhay.
Pagkatapos na sila’y mabautismuhan, kanilang ginamit ang mga bakasyon sa paaralan upang magpayunir. Hinimok ko si Rathna na lakasan ang kaniyang loob, huwag maging torpe at mahiyain na gaya ko noon. Pagkatapos niya ng high school at ng komersyal na pagsasanay, siya’y nagsimulang magpayunir, at nang malaunan siya ay naging isang espesyal payunir. Dumating ang panahon, siya’y nakapag-asawa ng isang naglalakbay na tagapangasiwa, si Richard Gabriel, na ngayon ay naglilingkod bilang Branch Committee coordinator para sa Watch Tower Society sa India. Sila at ang kanilang anak na babae, si Abigail, ay nagtatrabaho nang buong-panahon sa sangay sa India, at ang kanilang munting anak na lalaki, si Andrew, ay isang mamamahayag ng mabuting balita.
Subalit sa edad na 18 taóng gulang, winasak ni Sunder ang aking puso nang siya’y huminto ng pakikisama sa mga Saksi ni Jehova. Ang sumunod na mga taon ay nagdulot sa akin ng matinding dalamhati. Ako’y patuluyang nagmakaawa kay Jehova na patawarin ang anumang pagkukulang ko kung sakali sa ginawa kong pagpapalaki sa kaniya at ang pagtulong kay Sunder na siya’y matauhan upang siya’y muling magbalik. Subalit, sa paglakad ng panahon, nawalan ako ng lahat ng pag-asa. Pagkatapos isang araw 13 taon ang nakalipas siya’y dumating at ang sabi sa aki’y: “Mummy, huwag kang mag-alala, ako’y mapapabalik na muli.”
Hindi nagtagal pagkatapos niyan, si Sunder ay gumawa ng natatanging pagsisikap na gumulang sa espirituwal. Siya’y sumulong hanggang sa puntong pinagkatiwalaan siya ng pangangasiwa sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nang malaunan kaniyang iniwan ang kaniyang trabahong mahusay ang kita upang maging isang payunir. Ngayon siya at ang kaniyang maybahay, si Esther, ay naglilingkod na magkasama sa gawaing ito sa Bangalore sa timugang bahagi ng India.
Habang-Buhay na Kaaliwan
Malimit na pinasasalamatan ko si Jehova sa pagpapahintulot na dumaan ako sa mga pagdurusa at mga kahirapan sa lumipas na mga taon. Kung wala ang gayong mga karanasan hindi sana ako nagkaroon ng mahalagang pribilehiyong matikman ang malaking kabutihan ni Jehova, ang kaniyang awa, at ang kaniyang mga malumanay na pangangalaga at pagmamahal. (Santiago 5:11) Nakagagalak-puso na mabasa sa Bibliya ang tungkol sa pangangalaga at pagtingin ni Jehova “sa batang ulila at sa biyuda.” (Deuteronomio 24:19-21) Subalit walang maihahambing sa kaaliwan at sa kaluguran ng aktuwal na pagkaranas ng kaniyang pangangalaga at pagtingin.
Ako’y natutong maglagak ng buong tiwala at kompiyansa kay Jehova, hindi nakasandig sa aking sariling kaunawaan, kundi sa lahat ng aking lakad ay sumasangguni ako sa kaniya. (Awit 43:5; Kawikaan 3:5, 6) Bilang isang kabataang biyuda, ako’y nananalangin sa Diyos na bigyan ako ng kaaliwan buhat sa kaniyang Salita. Ngayon, sa edad na 68, tunay na masasabi kong sa pag-unawa sa Bibliya at sa pagkakapit ng payo nito, ako’y nakasumpong ng walang-hanggang kaaliwan.
[Larawan sa pahina 26]
Si Lily Arthur kasama ang mga miyembro ng kaniyang pamilya