Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Isang Madre Nang 25 Taon ang sa Wakas Nakaalam ng Katotohanan
INIHULA ng Bibliya na “isang malaking pulutong” buhat sa lahat ng bansa ang pupunta at sasamba sa espirituwal na templo ni Jehova. (Apocalipsis 7:9) Ito ay nangyayari sa ngayon, at tayo’y nagagalak na makitang marami, sa tulong ng katotohanan ng Diyos, ang umaalpas sa pagkagapos sa huwad na relihiyon. Ang sumusunod na mga karanasan ang nagsisilbing halimbawa nito.
◻ Isang babae sa Roma, Italya, ang naglalahad: “Mula sa aking pagkabata ang aking pinakadakilang pangarap ay maging isang madre, palibhasa’y hangad ko na maglingkod sa Diyos ng aking buong-puso. Nang sumapit ako sa edad na 32, noong Disyembre 8, 1960, natupad ang aking pangarap nang unang namanata ako ng pagtalima, pagiging dukha, at pananatiling may kalinisang-puri. Ang ibinigay na atas sa akin ay mag-asikaso araw at gabi ng tatlumpung dukha at abandonadong mga bata na mga ulila o mga anak ng mga preso. Ako’y nakasumpong ng kasiyahan sa iniatas na gawain sa akin.
“Ang aking pananampalataya ay gumiray makalipas ang sampung taon ng paglilingkod nang sa loob ng institusyon ay bumangon ang pag-aaway-away. Naisip ko, kung ang Diyos ang umaakay sa amin, bakit niya papayagan ang gayong mga pag-aaway-away at mga kaguluhan sa kaniyang sariling bahay.”
Ang madre ay may isang kapatid na babae na naninirahan sa Pransya at isa sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y nagpatotoo sa madre sa pamamagitan ng liham at pinadalhan siya ng New World Translation of the Holy Scriptures. Ganito ang bida ng madre: “Pagkaraan ng 23 taon, iyan ang aking unang pagbabasa ng Salita ng Diyos.” At noon siya pumayag na siya’y aralan ng Bibliya ng mga Saksi ni Jehova. Ang sabi niya: “Sa pagsulong ko sa pag-aaral, nakilala ko ang Diyos na Jehova at ang kaniyang mga kahilingan at gayundin ang kaniyang kahanga-hangang mga katangian. Ako’y totoong nanlumo nang aking malaman na siya’y hindi sang-ayon sa paggamit ng mga imahen, palibhasa ang institusyon ay punô ng lahat ng uring mga imahen na may iba’t ibang laki. Naintindihan ko na kung ibig kong makalugod kay Jehova, hindi ako dapat manatili sa lugar na iyon. Pagkaraan ng 25 taon ng debotong paglilingkod bilang isang madre, nasumpungan ko rin sa wakas ang katotohanan. Kaya noong Oktubre 1, 1985, nag-abiso ako na ako’y aalis na, na lubhang ikinalungkot ng aking mga superyor.
“Ang aking maibiging mga kapatid, lalaki at babae, ay tumulong sa akin kapuwa sa espirituwal at sa materyal. Nagpapasalamat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, ako’y nagpabautismo noong Agosto 30, 1986, at ako’y nagsimulang lumakad sa daan na patungo sa buhay na walang-hanggan.”
Pinagpala ni Jehova ang Hangarin ng Isang Tinedyer na Maglingkod sa Diyos
◻ Isang guro sa paaralan sa Brazil na isa sa mga Saksi ni Jehova ang nakapansin samantalang nagko-correct ng mga school papers na isa sa 14-taóng-gulang na estudyante ang sumulat tungkol sa kaniyang paghahangad na matuto nang higit pa tungkol sa Diyos. Siya’y nagsimula ng isang pakikipag-aral sa Bibliya sa estudyante, ngunit habang ang batang babae ay sumusulong sa pag-aaral, siya’y pinagbawalan ng kaniyang pamilyang Katoliko na mag-aral at winasak ang kaniyang literatura. Ang batang estudyante ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa panahon ng recess sa paaralan, ngunit siya’y nadiskubre. Kaya ang pag-aaral ay isinagawa sa pamamagitan ng pagliham sa kaniya. Subalit, hindi nagtagal at nasumpungan ng kaniyang pamilya ang mga liham sa kaniya at sinunog ang mga iyon. Sinimulan ng ama na puwersahin siya na makinig ng Misa. Siya’y sumunod naman pero nagdala siya ng isang sipi ng Ang Bantayan upang basahin sa panahon ng Misa, anupa’t itinago niya iyon sa pagitan ng mga pahina ng pulyeto ng simbahan. Ito’y nagpatuloy nang may anim na buwan, hanggang isang araw siya’y lihim na umalis ng tahanan upang pumaroon sa Kingdom Hall. Sa panahon ng pagpupulong nagpakita ang kaniyang ama sa may pintuan at sinabi sa mga kapatid na lalaki na sabihin sa kaniyang anak na kaniyang gugulpihin ito pagka ito’y nakauwi na ng bahay. Ang mga pagsisikap ng mga kapatid na mangatuwiran sa kaniya ay nawalang-kabuluhan.
Kinabukasan, masaya at nakangiti, siya’y naparoon upang makipagkita sa mga kapatid. Kaniyang ipinakita sa kanila ang maraming pasâ sa kaniyang katawan na bunga ng paggulpi ng kaniyang ama. Kung gayon, bakit siya masaya? Pagkatapos na lisanin ang Kingdom Hall, ang ama ay nagtanong sa maraming tao sa bayan, kasali na ang mayor, tungkol sa kabutihan at di-kabutihan ng pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova ng kaniyang anak na babae. Sinabi ng mayor na ang mga Saksi ay mabubuting tao, mapagkakatiwalaan. Isinusog pa niya na sila ay may ekselenteng moral at magiging napakabuti na magkaroon ng isang anak na sumusunod sa mga pamantayang ito, na higit na mataas kaysa mga pamantayan ng kabataan sa pangkalahatan.
Sa kabila nito, ang batang babae ay pinalo pa rin. Ngunit sinabi sa kaniya ng ama na siya’y pinalo dahil sa umalis siya ng bahay nang walang pahintulot. At sinabi ng ama na papaluin siyang muli nito kung siya’y hihinto ng pag-aaral ng Bibliya o ng pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova! Ang anak na babaing ito ay isa nang masigasig na mamamahayag ngayon, at ang iba sa kaniyang kasambahay ay nagpapakita ng interes sa katotohanan.
Tunay, pinagpapala ni Jehova ang mga kabataan na may taimtim na hangaring maglingkod sa kaniya, gaya ng ipinakikita ng karanasang ito.—Awit 148:12, 13.