Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sa Job 33:24 ay may binabanggit na “isang pantubos” na nasumpungan para kay Job, anupa’t maiiwasan niya ang pagkamatay. Sino ba ang magiging pantubos na iyon para kay Job?
Walang taong naging haing pantubos na inihandog para kay Job noong lumipas na panahong iyon, subalit tinakpan, o pinatawad ng Diyos ang kasalanan ni Job.
Si Job ay dinulutan ni Satanas ng maraming pagkabagabag, kasali na ang “isang nakamamatay na bukol buhat sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo.” Napakalubha ang naging kalagayan ni Job kung kaya’t siya’y hinimok ng kaniyang asawa na “sumpain ang Diyos at siya’y mamatay.” Ginuguniguni pa ni Job kung baga mas magaling pa ang kamatayan kaysa gayong paghihirap.—Job 2:7-9; 3:11.
Nang waring mamamatay noon si Job, pinag-isipan ni Elihu ang alanganing katayuan ni Job at inilatag ang batayan ng pag-asa, na nagsasabi: “Ang kaniyang laman ay natutunaw, na hindi makita . . . At ang kaniyang kaluluwa ay nalalapit sa hukay, at ang kaniyang buhay sa mga nagsisipatay. Kung sakaling may nabubuhay para sa kaniya na isang sugo, isang tagapagsalita, isa sa isang libo, na magsasabi sa taong iyon ng kaniyang pagkamatuwid, kung magkagayo’y kaniyang binibiyayaan siya at nagsasabi, ‘Iligtas mo siya sa pagbaba sa hukay! Ako’y nakasumpong ng isang pantubos! Hayaang ang kaniyang laman ay maging sariwa kaysa laman ng isang kabataan.’ ”—Job 33:21-25.
Batid natin na ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang isang katumbas na hain para sa di-sakdal na mga tao. Ang kaniyang hain ay katimbang ng iniwala ni Adan, na nagsisilbing kinakailangang pambayad upang mangyari ang paglaya buhat sa kasalanan. (Roma 5:12-19; 1 Timoteo 2:5, 6) Gayunman, hindi lamang ito ang tanging gamit ng “pantubos” sa Bibliya. Ang salitang Hebreo na matatagpuan sa Job 33:24 ay may saligang kahulugan na “takip.” (Exodo 25:17) Nang nakikitungo ang Diyos sa sinaunang Israel, siya’y nagkaroon ng kaayusan na takpan, o tubusin, ang mga kasalanan—mga hain na nagtatakip ng kasalanan, nagtutuwid ng mga bagay-bagay sa pagitan ng mga tao at ng Diyos.—Exodo 29:36; Levitico 16:11, 15, 16; 17:11.
Datapuwat, maaga pa rito, ang Diyos ay handa nang tumanggap ng mga hain bilang kapahayagan ng pasasalamat o ng mga kahilingan ng kapatawaran at pagsang-ayon. (Genesis 4:3, 4; 8:20, 21; 12:7; 31:54) Naunawaan ni Job ang halaga ng gayong mga hain. Ating mababasa: “Siya’y bumangong maaga at naghandog ng mga haing sinusunog ayon sa bilang ng lahat ng [kaniyang mga anak]; sapagkat, sabi ni Job, ‘baka nga ang aking mga anak ay nagkasala at isinumpa ang Diyos sa kanilang puso.’ Ganiyan ang laging ginagawa ni Job.” (Job 1:5) Yamang sinikap niya na palugdan ang Diyos at maliwanag na siya’y may espiritu ng pagsisisi, ang kaniyang mga hain ay nagkaroon ng halaga sa paningin ng Diyos.—Awit 32:1, 2; 51:17.
Subalit noong bandang huli si Job ay dumanas ng sakit na waring nagbabanta sa kaniyang buhay. Siya ay mayroon din ng isang maling pagkakilala sa kaniyang pagkamatuwid, kaya kinailangan niya ang pagtutuwid, na ang gumawa naman ay si Elihu. (Job 32:6; 33:8-12; 35:2-4) Sinabi ni Elihu na hindi naman kailangan ni Job na magpatuloy sa kaniyang malungkot na kalagayan hanggang sa humantong iyon sa kamatayan at sa hukay (Sheol, o ang karaniwang libingan). Kung si Job ay magsisisi, “isang pantubos” ang masusumpungan.—Job 33:24-28.
Hindi natin dapat isipin na ang ibig sabihin ni Elihu sa “pantubos” ay isang tao na noong sinaunang panahon ay kailangang mamatay alang-alang kay Job. Dahilan sa mga hain na nakaugalian nang ihandog ng mga tunay na mananamba, ang uri ng pantubos na tinutukoy ni Elihu sa pangyayari kay Job ay maaaring isang haing hayop. Kapuna-puna, noong maglaon ay sinabi ng Diyos sa tatlong mamimintas na mga kasama ni Job: “Kayong mga tao ay kailangang maghandog ng isang haing sinusunog ukol sa inyo; at si Job na aking lingkod ay mananalangin para sa inyo.” (Job 42:8) Anuman ang anyo ng pantubos, ang pangunahing punto ni Elihu ay na maaaring matakpan ang pagkakasala ni Job at siya’y makararanas ng mga kapakinabangan.
Ganoon nga ang nangyari. Si Job ay ‘nagsisi sa alabok at sa mga abo.’ Pagkatapos ay ano? “Si Jehova ang nag-alis ng pagkabihag ni Job . . . Sa gayo’y pinagpala ni Jehova ang huling wakas ni Job na higit kaysa kaniyang pasimula . . . At pagkatapos nito’y nabuhay si Job na isang daan at apatnapung taon at nakita niya ang kaniyang mga anak at ang kaniyang mga apo—apat na salinlahi.” Ipagpalagay, na ang pantubos na iyon ay hindi nagpalaya kay Job buhat sa kasalanan, kaya nang sumapit ang panahon ay namatay siya. Gayunman, ang paghaba ng kaniyang buhay ay nagpapatunay na, sa mabisang paraan, ‘ang kaniyang laman ay naging sariwa kaysa noong nasa kabataan, at siya’y bumalik sa mga araw ng kaniyang kasiglahan noong kabataan.’—Job 33:25; 42:6, 10-17.
Ang mga pagpapalang dumating buhat sa pagkakapit ng isang limitadong pantubos kay Job ay nagsisilbing isang pangitain tungkol sa saganang pagpapala na darating sa nananampalatayang sangkatauhan sa bagong sanlibutan. Pagkatapos, ang buong kapakinabangan buhat sa haing pantubos na inihandog ni Jesus ay makakamtan na, aalisin magpakailanman ang nagpapahamak na mga epekto ng kasalanan at di-kasakdalan. Anong laking dahilan mayroon tayo para “humiyaw sa kagalakan,” gaya ng binanggit ni Elihu!—Job 33:26.