Umalinsabay sa Makalangit na Karo ni Jehova
“Iyong sasalitain sa kanila ang aking mga salita, sa dinggin man nila o sa itakuwil man nila.”—EZEKIEL 2:7.
1, 2. Anong maharlikang karo ang nakita ni Ezekiel, at ano ang sinabi sa kaniya?
ANG makalangit na karo ni Jehova ay nakatayo na ngayon sa harap ng kaniyang mga lingkod. Taglay ang mga mata ng pananampalataya, kanilang nakikita ang maharlikang sasakyan ng kanilang Soberanong Panginoon. Ito ay maningning, kasindak-sindak, maringal.
2 Ito ring makaharing karong ito ang lumagay sa harap ng propeta ng Diyos na si Ezekiel sa kaniyang pangitain mga 2,600 taon na ngayon ang lumipas. Buhat dito sa karong ito na kinasasakyan ng trono—ang makalangit na organisasyon ng espiritung mga nilalang ng Diyos—ibinigay ni Jehova kay Ezekiel ang ganitong madulang utos: “Ang mga anak ay may mga mukhang walang galang at matitigas na puso—sinusugo kita sa kanila, at iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.’ At sila, sa dinggin man nila o hindi—sapagkat sila’y mapaghimagsik na sambahayan—kanilang tiyak na makikilala rin na isang propeta mismo ang naparoon sa gitna nila.”—Ezekiel 2:4, 5.
3. Ano ang katulad ni Ezekiel sa modernong panahon?
3 Mahigpit na ginanap ni Ezekiel ang utos na iyan, nagsilbing isang kaisa-isang instrumento sa kamay ng Diyos. Sa katulad na paraan, ang Diyos ngayon ay may kaisa-isang instrumento na organisasyong nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan. Ang uring Ezekiel, ang pinahirang nalabi, ang nasa unahan ng gawaing pagbibigay ng isang pangkatapusang patotoo, at “isang malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ang umaalalay bilang pagtangkilik. (Apocalipsis 7:9, 10; Juan 10:16) Sila’y magkasamang bumubuo ng “isang kawan,” at ang Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo ang umaakay sa kanila sa ilalim ng soberanya ng dakilang Sakay ng Karo, ang Diyos na Jehova.
4, 5. Papaano umiral ang nakikitang organisasyon ng Diyos, at ano ang naranasan nito na naaayon sa Isaias 60:22?
4 Sa ilalim ng patnubay ni Jehova, ang pambuong-daigdig na organisasyong ito ay lumaki buhat sa maliliit na mga pasimula upang maging isang makapangyarihang ahensiya para sa paghahayag ng utos na “matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya, sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom.” (Apocalipsis 14:7) Gaya ni Ezekiel na hindi nagbangon o humirang sa kaniyang sarili bilang isang propeta, ganoon din na ang nakikitang organisasyon ng Diyos ay hindi lumikha o humirang sa kaniyang sarili. Ito’y hindi umiral dahil sa kalooban o pagsisikap ng tao. Pinapangyari ng banal na Sakay ng Karo na umiral ang organisasyong ito. Yamang ang espiritu ng Diyos ang nagbigay-kapangyarihan dito at inaalalayan ng banal na mga anghel, naranasan ng bayan ni Jehova ang gayong madulang paglawak na anupa’t ‘ang maliit ay naging isang makapangyarihang bansa.’—Isaias 60:22.
5 Mahigit na 4,000,000 mga Saksi ni Jehova ang naghahayag ng balita ng Kaharian sa 212 mga lupain. Sila’y natitipon sa mahigit na 63,000 mga kongregasyon na organisado sa mga sirkito at mga distrito. Malalawak na tanggapang sangay at pasilidad sa paglilimbag ang umaandar sa ilalim ng pamamanihala ng Lupong Tagapamahala bilang sentro ng organisasyon sa punong-tanggapan. Para bang iisang tao, silang lahat ay kumikilos nang pasulong, nangangaral ng mabuting balita, nagtuturo sa mga tumutugon, nagtatayo ng mga dakong pinagtitipunan. Oo, ang nakikitang organisasyon ni Jehova ay umaalinsabay sa makalangit na karo at sa Sakay nito.
6. Ano ang kasangkot sa pag-alinsabay sa nakikitang organisasyon ni Jehova?
6 Kung ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova, ikaw ba ay umaalinsabay sa nakikitang organisasyon ng Diyos? Ang paggawa ng gayon ay hindi lamang ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano at paggugol ng panahon sa ministeryo. Unang-una, ang pag-alinsabay ay may kinalaman sa pagsulong at espirituwal na paglaki. Kasangkot dito ang pagkakaroon ng isang positibong pangmalas, ang wastong pagtatakda ng mga bagay na dapat unahin, at ang pagiging kaalinsabay ng panahon. Kung tayo’y umaalinsabay sa makalangit na karo ni Jehova, ang ating mga pamumuhay ay iaayon natin sa mensaheng ating ibinabalita.
7. Bakit kailangang pag-isipan ang pamumuhay ni Ezekiel bilang propeta ng Diyos?
7 Tungkol dito sa pag-alinsabay, ang modernong-panahong mga lingkod ni Jehova ay may malaking matututuhan sa halimbawa ni Ezekiel. Bagaman pantanging hinirang ni Jehova bilang isang propeta, si Ezekiel ay mayroon ding damdamin, pananagutan, at pangangailangan. Halimbawa, bilang isang nasa kabataan pang lalaking may-asawa, kaniyang naranasan ang dalamhati ng isang namatayan ng kabiyak. Gayunman, kailanman ay hindi niya kinaligtaan ang utos sa kaniya bilang propeta ni Jehova. Kung ating pag-iisipan ang mga iba pang pitak ng pamumuhay ni Ezekiel, ating mapalalakas ang ating sarili upang umalinsabay sa nakikitang organisasyon ng Diyos. Dahil dito tayo ay makaaalinsabay sa kaniyang di-nakikitang organisasyon.
Tinanggap ang Atas at Tinupad
8. Tungkol sa atas sa kaniya, anong halimbawa ang ipinakita ni Ezekiel?
8 Si Ezekiel ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa sa pamamagitan ng pagtanggap sa atas sa kaniya at pagtupad niyaon. Gayunman, kailangan ang pagsunod at lakas ng loob upang magampanan iyon, sapagkat ating mababasa: “Oh anak ng tao, huwag mo silang katakutan; at huwag mong katakutan ang kanilang mga salita, sapagkat may mga matigas ang ulo at mga tinik at tumatahan ka sa gitna ng mga alakdan. Huwag kang matakot sa kanilang mga salita, at sa kanilang mga mukha ay huwag kang mangilabot, sapagkat sila ay isang mapaghimagsik na sambahayan. At iyong sasalitain sa kanila ang aking mga salita, sa dinggin man nila o sa itakuwil man nila, sapagkat sila’y totoong mapaghimagsik. At ikaw, Oh anak ng tao, pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang mapaghimagsik na gaya ng mapaghimagsik na sambahayan.”—Ezekiel 2:6-8.
9. Sa pamamagitan lamang ng paggawa ng ano malilibre si Ezekiel sa salang pagbububo ng dugo?
9 Si Ezekiel ay hindi dapat magwalang-bahala o matakot, na kailangan pang palaging itulak na gawin ang iniutos sa kaniya. Siya’y malilibre sa salang pagbububo ng dugo tanging kung kusa at lakas-loob na sasalitain niya ang mga salita ni Jehova. Sinabi kay Ezekiel: “Kung iyong binabalaan ang isang balakyot at hindi humiwalay sa kaniyang kabalakyutan, siya’y mamamatay sa kaniyang pagkakasala; gayunman, iniligtas mo ang iyong sariling kaluluwa.”—Ezekiel 3:19.
10. Papaano pinatunayan ng uring Ezekiel na sila’y gaya ng propeta?
10 Tulad sa kaso ni Ezekiel, tinanggap ng pinahirang uring Ezekiel ang kanilang bigay-Diyos na atas at kanilang ginaganap ito. Kung tayo’y mga Saksi ni Jehova, tandaan natin na ang ating buhay at ang buhay ng mga iba ay depende sa ating pagsunod. (1 Timoteo 4:15, 16) Bawat Saksi ay kailangang patuloy na umalinsabay sa organisasyon ni Jehova. Tayo’y hindi itatali ng Diyos sa kaniyang karo at hihilahin. Ang pagwawalang-bahala at ang pusong nag-uurong-sulong ay isang gawang paghamak sa Sakay ng Karo. Kaya ang nakikitang organisasyon ni Jehova ay nagpapayo sa atin na gawing pinakasentro ng ating buhay ang mga kapakanan ng Diyos. Ang isang katugmang pagtugon sa ganiyang payo ay naglalagay sa atin na kaalinsabay ng organisasyon ng Diyos at ang ating banal na ministeryo ay nagiging higit pa sa isang rutina, na kinagawian lamang. Tunay, ang bayan ni Jehova sa kabuuan ay nagpapamalas ng kapuna-punang debosyon. Ang ating bahagi bilang mga indibiduwal ay ang manatiling umaalinsabay.
Isinapuso ang mga Salita ng Diyos
11. Anong halimbawa ang ipinakita ni Ezekiel kung tungkol sa mga salita ng Diyos?
11 Si Ezekiel ay nagpakita rin ng isang mainam na halimbawa sa pamamagitan ng pagsasapuso ng mga salita ng Diyos. Nang ipag-utos sa kaniya, siya’y kumain ng isang rolyo, o balumbon na ibinigay ng Diyos. “Sa aking bibig ay naging parang pulot iyon dahil sa katamisan,” ang sabi ni Ezekiel. Bagaman ang rolyo ay punô ng “mga panaghoy at panangis at mga daing,” iyon ay matamis kay Ezekiel sapagkat kaniyang pinahalagahan ang karangalan ng pagiging kinatawan ni Jehova. Isang matamis na karanasan sa propeta na tupdin ang kaniyang atas na bigay ng Diyos. Sinabi sa kaniya ng Diyos: “Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasalitain sa iyo, tanggapin mo sa iyong puso at dinggin mo sa iyong mga pakinig.” (Ezekiel 2:9–3:3, 10) Dahil sa mga pangitaing iyon, si Ezekiel ay naging totoong palaisip sa mga bagay na pinahintulutan ng Diyos na magkaroon siya ng bahagi at nagpatibay ng kaniyang kaugnayan kay Jehova.
12. Ano ang ginawa ni Ezekiel sa loob ng mahigit na dalawang dekada ng paglilingkod bilang propeta?
12 Si Ezekiel ay binigyan ng mga pangitain at mga mensahe ukol sa sarisaring layunin at mga tagapakinig. Kinailangan na siya’y makinig nang maingat at saka magsalita at kumilos ayon sa iniutos. Bagong impormasyon at paraan ang isiniwalat sa kaniya nang baytang-baytang sa loob ng mga 22 taon ng paglilingkod bilang propeta. Kung minsan, ang sinasalita ni Ezekiel ay isang mensaheng may natatanging pananalita. Sa mga ibang pagkakataon naman, ang kaniyang ginamit ay naghahalimbawang mga senyas, tulad baga ng paghiga sa harap ng isang ladrilyo na sumasagisag sa Jerusalem. (Ezekiel 4:1-8) Ang kaniyang halimbawa sa personal na mga bagay-bagay, tulad baga ng epekto sa kaniya ng pagkamatay ng kaniyang kabiyak, ay may dala ring isang mensahe. (Ezekiel 24:15-19) Siya’y kinailangan na maging kaalinsabay ng panahon, laging inihaharap ang tamang mensahe at gumagawa ng tamang pagkilos sa tamang panahon. Si Ezekiel ay nasa isang napakalapit, progresibong gumaganang kaugnayan kay Jehova.
13. Papaano tayo makapagtatatag ng malapit na kaugnayan kay Jehova?
13 Sa katulad na paraan, upang makapanatili sa malapit na kaugnayan kay Jehova bilang kaniyang mga kamanggagawa, ang Salita ng Diyos ay kailangang isapuso natin. (1 Corinto 3:9) Upang makaalinsabay sa nakikitang organisasyon ng Diyos sa ganitong paraan, kailangang tayo’y umalinsabay sa agos ng espirituwal na pagkain samantalang ibinibigay iyon sa tamang panahon. (Mateo 24:45-47) Ang “dalisay na wika” ay patuluyang lumalawak. (Zefanias 3:9) Tangi lamang kung tayo’y kaalinsabay ng panahon tunay na masunuring makatutugon tayo sa patnubay ng Sakay ng Karo.
14, 15. Anong rutina ang kailangan upang makaalinsabay sa pagsulong na itinakda ng organisasyon ng Diyos?
14 Upang magampanan iyan, kailangan natin ang isang mabuting rutina ng personal na pananalangin, sarilinang pag-aaral, at pakikibahagi sa banal na ministeryo ng mabuting balita. (Roma 15:16) Alalahanin ang halimbawa ni Ezekiel ng pagkain ng rolyong kinalalagyan ng mensahe ng Diyos. Kinain ni Ezekiel ang buong rolyo, hindi isang bahagi lamang niyaon. Hindi niya pinili at kinuha lamang yaong mga bahaging nagugustuhan ng kaniyang panlasa. Sa katulad na paraan, ang ating sariling pag-aaral ng Bibliya at mga publikasyong Kristiyano ay kailangang ilagay sa ayos upang makaalinsabay sa agos ng espirituwal na pagkain, at dapat na makibahagi tayo sa lahat ng inilalagay sa espirituwal na mesa, kasali na ang higit na malalalim na katotohanan.
15 Tayo ba ay nagsisikap kasabay ng panalangin na masakyan natin ang kahulugan ng matitigas na pagkain? Ang pag-alinsabay ay nangangailangan na ang ating kaalaman at kaunawaan ay sumulong sa kabila pa roon ng mga saligang turo, sapagkat ating mababasa: “Ang bawat tumatanggap ng gatas ay walang kasanayan sa salita ng katuwiran, sapagkat siya’y isang sanggol. Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa mga taong maygulang na, sa kanila na sa pamamagitan ng kagagamit ay nasanay ang kanilang mga pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.” (Hebreo 5:13, 14) Oo, ang espirituwal na pagsulong ay isang mahalagang bahagi ng pag-alinsabay sa sumusulong na organisasyon ng Diyos.
Hindi Napigil ng Pagwawalang-Bahala
16, 17. Papaano nakitungo si Ezekiel sa pagwawalang-bahala, paglibak, at kawalan ng pagtugon?
16 Si Ezekiel ay nagpakita rin ng isang mainam na halimbawa sa pagiging masunurin at hindi niya pinayagang ang sarili niya’y mapigil ng pagwawalang-bahala o paglibak. Sa katulad na paraan, sa pamamagitan ng pag-alinsabay sa pag-unlad ng dalisay na wika, ating nasusubaybayan ang direksiyon na pinatutunguhan ng makaharing Sakay ng Karo. Kaya naman tayo’y nasasangkapan na tumugon sa kaniyang mga utos, pinalalakas upang huwag mapigil ng pagwawalang-bahala o ng paglibak ng mga taong hinahatdan ng mensaheng kahatulan ni Jehova. Gaya sa kaso ni Ezekiel, patiunang ipinaalam na ng Diyos sa atin na ang ibang mga tao ay matinding sasalungat, palibhasa’y matitigas ang ulo at ang puso. Ang iba naman ay hindi makikinig sapagkat hindi nila gustong makinig kay Jehova. (Ezekiel 3:7-9) At ang iba naman ay mga mapagpaimbabaw, gaya ng sinasabi ng Ezekiel 33:31, 32: “Sila’y darating sa iyo, at magsisiupo sa harap mo na gaya ng aking bayan; at sila’y tunay na makikinig sa iyong mga salita subalit ang mga ito ay hindi nila gagawin, sapagkat sa kanilang bibig sila’y nagsasalita ng mahahalay na pita at ang kanilang puso ay nasa sakim na pakinabang. At, narito! sa kanila’y tulad ka ng isang awit ng malalaswang pag-ibig, tulad ng isa na may magandang tinig at tumutugtog nang may kahusayan ng isang instrumentong de-kuwerdas. At tunay na kanilang naririnig ang iyong mga salita, ngunit hindi nila ginagawa.”
17 At ano ang kahihinatnan? Isinususog ng Eze 33 talatang 33: “At pagka ito’y nangyari—narito! kailangang ito’y mangyari—kanila ngang malalaman na isang propeta ang naparito sa gitna nila.” Ang mga salitang iyan ay nagsisiwalat na hindi umurong si Ezekiel dahilan sa kawalan ng pagtugon. Hindi dahil sa kawalan ng pagtugon ng iba ay nanlamig siya. Sa makinig man o hindi ang mga tao, siya’y sumunod sa Diyos at tinupad ang iniutos sa kaniya.
18. Anong mga tanong ang maitatanong mo sa iyong sarili?
18 Ngayon ay pinatitindi ng nakikitang organisasyon ni Jehova ang paghahayag ng balita na lahat ay dapat matakot sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya. Ikaw ba ay matiyagang nagpapatuloy kahit pintasan dahil sa matapang na paninindigan sa pagpapatotoo sa Kaharian, dahil sa pagsunod mo sa malinis na pamantayan ng pamumuhay? Ikaw ba ay naninindigang matatag pagka ikaw ay ginigipit dahilan sa hindi mo pagpapasalin ng dugo, hindi mo pagsamba sa mga pambansang sagisag, hindi mo pagsali sa mga selebrasyon ng makasanlibutang mga kapistahan?—Mateo 5:11, 12; 1 Pedro 4:4, 5.
19. Tungkol sa utos, ano ang ating gagawin kung tayo’y umaalinsabay sa makalangit na karo ni Jehova?
19 Ang ganitong hakbangin ay hindi madali, subalit yaong mga magtitiis hanggang wakas ay maliligtas. (Mateo 24:13) Sa tulong ni Jehova, hindi natin papayagang itulak tayo ng mga tao ng sanlibutan na maging kagaya nila at sa gayo’y hindi na tayo makaalinsabay sa makalangit na karo ni Jehova. (Ezekiel 2:8; Roma 12:21) Kung tayo’y umaalinsabay sa tulad-karong organisasyon ng mga anghel, tayo’y agad susunod sa utos at mga tagubilin na tinanggap sa pamamagitan ng nakikitang organisasyon ng Diyos. Si Jehova ay naglalaan ng ating kinakailangan upang madaig natin ang mga pag-atake sa ating pananampalataya, upang tayo’y makapanatiling mahigpit na nakakapit sa Salita ng buhay, at upang makapanatiling ang ating mga mata’y nakapako sa espirituwal na mga katuparan na nakasentro sa Maharlikang Sakay ng makalangit na karo.
Hinikayat na Umalinsabay
20. Ano ang ilang mga bagay na isinulat ni Ezekiel na dapat humikayat sa atin na umalinsabay?
20 Ang mga pangitain ni Ezekiel ay dapat humikayat sa atin na umalinsabay. Siya’y hindi lamang naghayag ng mga kahatulan ng Diyos sa Israel kundi rin naman siya’y sumulat ng mga hula tungkol sa pagsasauli sa dati. Inihula ni Ezekiel ang Isa na may legal na karapatang maghari sa trono ni Jehova sa itinakdang panahon. (Ezekiel 21:27) Ang Maharlikang Lingkod na iyan, si “David,” ang muling magtitipon sa mga nasa bayan ng Diyos at magpapastol sa kanila. (Ezekiel 34:23, 24) Bagaman sila’y salakayin ni Gog ng Magog, sila’y ililigtas ng Diyos, at mapipilitan ang Kaniyang mga kaaway na ‘makilala si Jehova’ samantalang sila’y pinupuksa. (Ezekiel 38:8-12; 39:4, 7) At pagkatapos ang mga lingkod ng Diyos ay magtatamasa ng walang-hanggang buhay sa isang sistema ng dalisay na pagsamba na nakasentro sa isang espirituwal na templo. Ang tubig ng buhay na umaagos buhat sa santuwaryo ay magdudulot ng pagkain at pampagaling, at isang lupain na pamana ang paghahati-hatiin para sa kanilang ikapagpapala.—Ezekiel 40:2; 47:9, 12, 21.
21. Bakit ang bahaging ginaganap ng mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon ay lalong dakila kaysa ginanap ni Ezekiel?
21 Anong laki ng kagalakan ni Ezekiel nang isinusulat niya ang mga hulang iyan! Gayunman, ang bahaging ginaganap ng mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon ay lalong dakila. Tayo’y nabubuhay sa panahon na ang iba sa mga hulang iyan ay natutupad. Sa katunayan, tayo ay aktibong mga nakikibahagi sa mga ilang katuparan. Sa pamamagitan ng paraan ng ating pamumuhay, atin bang ipinakikita bilang mga indibiduwal ang ating matibay na paniniwalang si Jesus ngayon ay naghahari na bilang ang Isang may legal na karapatan? Tayo ba ay personal na kumbinsido na hindi na magtatagal at pakakabanalin ni Jehova ang kaniyang sarili at ililigtas tungo sa kaniyang bagong sanlibutan yaong mga umaalinsabay sa kaniyang organisasyon? (2 Pedro 3:13) Ang gayong matibay na paniniwala, na may kalakip na mga gawa ng pananampalataya, ay nagpapakilala na tayo nga ay umaalinsabay sa makalangit na karo ni Jehova.
Patuloy na Umalinsabay
22. Ano ang magagawa upang maiwasan ang mga pang-abala upang makapanatiling tayo’y may malinaw na espirituwal na pangmalas?
22 Pagkatapos na tayo’y ‘humawak sa araro,’ huwag na tayong lilingon pa upang panghinayangan ang anuman na iniaalok ng sanlibutan. (Lucas 9:62; 17:32; Tito 2:11-13) Kaya ating sugpuin ang anumang hilig na mag-imbak ng mga kayamanan sa lupa, at panatilihin nating simple ang ating mata, nakatutok sa Kaharian. (Mateo 6:19-22, 33) Kung simple ang ating buhay, inaalis ang makasanlibutang mga pabigat kailanma’t maaari, ito’y tutulong sa atin na umalinsabay sa organisasyon ni Jehova. (Hebreo 12:1-3) Ang mga pang-abala ay maaaring makapagpalabo ng ating pangitain tungkol sa makalangit na karo at sa Sakay nito. Subalit sa tulong niya, tayo’y makapananatiling may malinaw na espirituwal na pangmalas, gaya ni Ezekiel.
23. Ano ang kailangang gawin ng tapat na mga Saksi para sa mga baguhan?
23 Bahagi ng ating pananagutan bilang mga Saksi ni Jehova ay ang tulungan ang maraming baguhan na umalinsabay sa makalangit na karo ng Diyos. Noong 1990 halos 10,000,000 ang dumalo sa Pag-aalaala (Memoryal) ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Bagaman marami sa mga indibiduwal na ito ang marahil dumadalo sa mga ilang pulong Kristiyano, kailangang makita nila ang kahalagahan ng pagsulong kasama ng nakikitang organisasyon ni Jehova. Bilang tapat na mga Saksi, sila’y ating matutulungan sa pamamagitan ng espiritung ating ipinakikita at ng pampatibay-loob na ating ibinibigay.
24. Ano ang dapat nating gawin sa mga panahong ito ng kasukdulan?
24 Ito ay mga panahon ng kasukdulan. Sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, nakita natin ang makalangit na karo na tumatakbo na. Ang makaharing Sakay ng Karo ay nagbigay sa kaniyang nakikitang organisasyon ng isang utos na mangaral sa mga bansa upang, sa katapus-tapusan, kanilang makilala kung sino si Jehova. (Ezekiel 39:7) Lubusang samantalahin ang dakilang pagkakataong ito na makibahagi sa pagbabangong-puri ng soberanya ng Diyos at sa pagbanal sa kaniyang sagradong pangalan sa pamamagitan ng pag-alinsabay sa makalangit na karo ni Jehova.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong halimbawa ang ipinakita ni Ezekiel kung tungkol sa iniutos sa kaniya?
◻ Ano ba ang ibig sabihin ng pag-alinsabay sa organisasyon ng Diyos?
◻ Papaano minalas ni Ezekiel ang mga salita ni Jehova?
◻ Papaano natin matutularan ang halimbawa ni Ezekiel sa pakikitungo sa pagwawalang-bahala?
◻ Ano ang dapat humikayat sa mga lingkod ni Jehova na umalinsabay sa kaniyang makalangit na karo?
[Mga larawan sa pahina 15]
Ano ang kailangan upang makaalinsabay sa makalangit na karo ni Jehova?
[Larawan sa pahina 16]
Pinahalagahan ni Ezekiel ang kaniyang bigay-Diyos na mga pribilehiyo. Ikaw ba?